Chapter 42

(Ayesha)

“‘Tangina naman,” gigil na bulong ni Zion kaya napunta sa kaniya ang tingin ko. Sa isang iglap naisuksok niya ang cellphone sa bulsa, nakalapit sa akin at hinawakan ang braso ko. Hinila niya ako patayo kasabay ng paghablot niya sa bag na katabi ko. Dumausdos ang kamay niya mula sa braso ko hanggang sa matatag niya akong hinawakan sa palapulsuhan ko. Damang-dama ko ang tensiyon sa buong katawan niya. “Aalis na tayo dito.” Saka niya ako hinatak palayo sa pwesto namin sa talon.

Kulang na lang tumakbo ako para lang makasunod sa malalaki at nagmamadali niyang mga hakbang. Sa itaas palakas ng palakas ang ugong. Lumingon ako at tumingala. Sa kalangitan na puno ng mga bituin nakita ko ang anino ng helicopter na papalapit sa amin. Biglang may parang spotlight na bumukas. Naningkit ang mga mata ko at muntik matisod dahil nasilaw ako sa liwanag. Nagmura na naman si Zion, humigpit pang lalo ang hawak sa akin at ang malalaking hakbang niya naging takbo. Wala akong nagawa kung hindi tumakbo rin dahil kung hindi mawawalan ako ng balanse.

Narealize ko na kami ang pakay ng helicopter. May matinis na ingay ang pumailanlang sa paligid na sinundan ng isang malakas na boses na parang naka-megaphone. “Stop and release your captive! Sumuko ka na kung ayaw mong dumanak pa ang dugo mo.”

Hindi tumigil sa pagtakbo si Zion, marahas nang nagmumura. Sumikdo ang puso ko. Hindi ko alam kung ang nararamdaman ko ay relief ba na may dumating para iligtas ako o kaba para sa kaligtasan ni Zion.

Hindi ako nagkaroon ng pagkakataong analisahin ang nararamdaman ko dahil namangha na naman ako nang muli kong lingunin ang helicopter. May mga bumababa sa helicopter sa pamamagitan ng parang taling ibinaba at nakalawit sa ere!

“Ayesha.”

Napahinto ako sa pagtakbo nang marinig ko ang boses ni Cain mula sa parang megaphone na nanggagaling sa helicopter.

“Just wait. We are going to save you.” Boses naman ‘yon ni sir Angus.

Uminit ang mga mata ko at nabagbag ang damdamin ko na naroon sila para sa akin.

Hinila ni Zion ang kamay kong hawak niya kaya napunta sa kaniya ang tingin ko. Mukha na siyang galit at ang mga mata niya itim na itim na naman. Nakahandang gamitan ng kapangyarihan ang kahit na sinong lalapit sa amin.

Ayokong gamitin niya ulit ‘yon sa kahit na sino. Ayokong matulad noong nakipaglaban siya sa mga bandido na naging duguan siya. Ayokong makita ulit ang nasilip kong emosyon sa mga mata niya sa tuwing bumabalik ‘yon sa normal pagkatapos niyang gamitin ang kapangyarihan niya. I saw emptiness and deep pain. At noong makita ko ‘yon, parang tumagos din sa puso ko ang mga emosyon na ‘yon.

Pinilit kong kumalas mula sa pagkakahawak niya pero humigpit lang lalo ang hawak niya sa akin. “Kakaladkarin kita kung hindi ka kikilos,” banta niya. Pero kahit dalawang araw pa lang ang lumipas na nagkasama kaming dalawa alam kong hanggang salita lang siya magaspang. He never treated me harshly. Katunayan maraming beses siyang naging mabait sa akin kahit na nakatago ‘yon sa marahas niyang kilos at salita.

“Pakawalan mo na ako,” determinado pero may pakiusap na sabi ko. “Marami sila at isa ka lang. Hindi ko pa rin alam kung ano ang mga plano na sinasabi mo pero worth it ba na isugal mo ang buhay mo?”

Tumiim ang bagang ni Zion. “Bata pa lang ako isinusugal ko na ang buhay ko. Kinailangan ko ‘yon gawin para manatiling buhay. Sumusugal ako at palagi akong nananalo.”

“Paano kung dumating ang sandali na matalo ka sa sugal na ginagawa mo?” giit ko pa rin.

Mapanuya siyang ngumiti. Pero may palagay ako na para ‘yon sa sarili niya. “‘E ‘di patay,” sagot niya. Hinila niya ako ulit, tumalikod na sa akin at naka-isang hakbang na nang umalingawngaw ang putok ng baril. Umingit si Zion at nabitawan ako. Namilog ang mga mata ko nang makitang sumirit ang dugo sa braso niya. Tinamaan siya!

“Zion!” Humakbang pa lang ako palapit sa kaniya may nagpaputok na naman. Hindi siya natamaan pero nakita ko nang may dumaang mabilis na bagay ilang pulgada ang layo sa binti niya. Kung sino man ang bumabaril magaling umasinta kasi kahit magkalapit lang kami ni Zion siya lang ang nahahagip ng bala.

“Huwag kayo magpaputok!” sigaw ko at nagpalinga-linga. Madilim man at wala akong makita nararamdaman ko naman ang presensiya ng ibang tao sa paligid. Na para bang napapalibutan kami.

Isang putok ulit at napatili ako nang mapaluhod sa lupa si Zion. Mariing nakatikom ang mga labi niya na para bang nagpipigil mapahiyaw. Namamasa ang isang bahagi ng binti niya na sigurado akong dugo.

Parang nilamutak ang sikmura ko at nanlamig ako. Bago pa rumehistro sa isip ko na dapat akong tumakbo palayo at papunta sa mga taong naroon para sa akin nakakilos na ako. Lumuhod ako sa tabi ni Zion para tulungan siya.

“Hindi pa nga tuluyang magaling ang balikat mo. Umalis ka na. Hayaan mo na ako. Kapag nasa kanila na ako, ako na ang bahala para hindi ka nila habulin,” tarantang bulong ko.

Tiningnan niya ako. Kahit na itim na itim pa rin ang mga mata niya lakas loob ko ‘yong sinalubong ng tingin. “Matatalo ka rito. Kung mamamatay ka, katuparan ba ‘yon ng mga plano niyo?” Nang hindi pa rin siya sumagot at naririnig ko na ang mga papalapit na yabag nainis na akong tumayo at pinilit siyang hatakin para ganoon din ang gawin niya. “Kung may atraso sa inyo ang pamilya Alpuerto, lumaban kayo ng harapan at hindi ganito. Don’t die here.”

“Ayesha!” umalingawngaw ang boses ni Cain, papalapit.

Napalingon ako sa direksiyong madilim. “Cain! sir Angus! Pigilan niyo silang magpaputok.”

Naramdaman kong nanigas ang katawan ni Zion. Siguro dahil alam niyang wala na siyang pagpipilian pa kung hindi ang tumakas. Alam ko na hindi rasyonal na patakasin ang lalaking kumidnap sa akin. Hindi ko rin alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Kung bakit ganoon na lang ang concern ko para sa kaligtasan niya.

Muli ko siyang hinarap. “Zion, please.” Naging garalgal ang boses ko at narealize ko na namamasa ang mga mata ko sa tensiyon, takot at iba pang emosyon na hindi ko maipaliwanag. Nakatitig siya sa direksiyon kung saan ko narinig ang boses ni Cain at may dumaang emosyon sa kanyang mukha na lumamutak sa puso ko. He looks so bitter and angry and… lonely?

“Zion?”

Kumurap siya at niyuko ako. Nagtagpo ang aming mga paningin. Tumiim ang bagang niya. “Huwag mo ako ipagtanggol sa kanila. Hindi ako karapat-dapat sa kabaitan mo. Kalaban ako. Tatandaan mo ‘yan.” Saka siya humakbang paatras sa akin at kahit parang hirap siyang tumayo mag-isa lumayo siya sa hawak ko. Tumalikod siya at tumakbo palayo. Napasunod ako ng tingin sa likuran niya at bumalik sa isip ko ang napanaginipan ko.

Ang lalaking sinunog ang mansiyon ng mga Alpuerto na nang lumingon ay nakita kong kamukha ni Cain.

“… Ganti para sa lahat ng ginawa nila…” Iyon ang sinabi ng lalaki sa panaginip ko. Ang lalaki na sigurado na akong hindi si Cain.

Si Zion ang lalaki sa aking mga panaginip. Parang nilamutak ang sikmura ko sa reyalisasyon na ‘yon. Napahakbang ako dahil binalot ako ng matinding udyok na habulin siya.

Umalingawngaw ulit ang mga putok pero nawala na sa kadiliman ng gubat si Zion.

“Ayesha!”

Kumurap ako at napalingon sa boses ni Cain. Noon ko napansin na may ilang mga armadong lalaki na nakasuot na purong itim at mukhang mga sundalo ang nasa paligid. Kasunod ‘non nakita ko si Cain at sir Angus na tumatakbo palapit sa akin. Bakas ang pag-aalala sa mukha nila.

Si Cain ang unang nakalapit sa akin. Napasinghap ako nang bigla niya akong yakapin ng mahigpit na mahigpit. “Thank the Gods you are okay,” bulong niya sa buhok ko.

Lampas sa balikat ni Cain nakita kong huminto si sir Angus ilang dipa sa harapan ko. Huminga siya ng malalim at bakas ang relief sa mukha nang ngumiti. Pero nakikita kong nanginginig ang mga labi niya na para bang kinokontrol ang emosyon. “Hinihintay ka na ng mama mo.”

Uminit ang mga mata ko nang banggitin niya si mama. May bumara sa lalamunan ko. Hanggang sa hindi ko na napigilan. Sa dami ng mga nangyari sa nakaraang mga araw bumigay na ako. Napaiyak na ako. Umangat ang mga braso ko at napayakap na rin kay Cain.

Salamat sa mga Diyos at ligtas ako.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.