(Zion)
TUMUTUNOG ANG cellphone ko. Nag-ba-vibrate iyon sa bulsa ko. Nahihilo pa rin ako pero pinilit kong dumilat. Padapa akong nakahiga sa lupa. Ngumiwi ako. ‘Taragis, parang binibiyak ang ulo ko at namimigat ang braso ko na tinamaan ng bala. Kahit ang binti ko, matindi rin ang sakit. Lalo pang pinapasakit ang ulo ko ng tunog ng cellphone. Kaso kailangan ko sagutin.
Ang hirap at mabagal pero nagawa kong ikilos ang braso ko na hindi sugatan at dinukot ang nakakabuwisit na gadget sa bulsa ko. Hindi ko na tiningnan kung sino ang tumatawag dahil isa lang naman ang nakakaalam ng numero ‘non. Nakangiwi kong nailagay sa tainga ang gadget.
“Hindi kita makontak kagabi. Hindi kita nabalaan na may mga kinuha silang magagaling na agent para iligtas ang moon bride. Anong balita? Nakatakas ba kayo?” tanong ng boses sa kabilang linya.
“Buhay pa ako,” sarkastikong anas ko. Natigilan ang kausap ko sa kabilang linya. Malamang narinig niya na habol ko ang paghinga ko at nahihirapan ako magsalita.
“Nandiyan ka pa rin ba sa dati mong lokasyon?”
Huminga ako ng malalim at muling pumikit dahil nanlalabo na naman ang paningin ko. “Oo.”
“Magpapadala ako ng tutulong sa iyo. Makakaya mo bang bumaba ng bundok? Sa checkpoint kung saan natin napag-usapan na susunduin kayo dapat ngayon?”
Hindi ko kaya. Dumilat ako. “Kaya ko.”
“Good. Hihintayin ka namin doon.”
Natapos ang tawag. Nabitawan ko ang cellphone at nahulog iyon sa lupa. Nakangiwing bumangon ako. Ang bigat ng pakiramdam ko, parang nakasemento ang mga bahagi ng katawan ko na may sugat. Nakaluhod na ako sa lupa nang kumirot din pati balikat ko. Napahawak ako doon. Nakapa ko ang tela na nakabenda sa balikat ko na ngayon ko lang naalalang may sugat din pala. Nilingon ko iyon at bigla si Ayesha ang naalala ko. Damit niya ang ginamit niyang pang-benda sa sugat ko.
Kaya nagising ako na bra lang ang suot niya sa loob ng nakabukas kong jacket na sinuot din niya.
Ah, shit. Hindi yata mawawala sa utak ko ang hitsura niya ‘non. Dinaan ko na lang sa galit ang alinsangan na bigla kong naramdaman nang makita ang katawan niya. Napaligo ako sa talon kahit wala naman talaga akong intensiyon para lang kalmahin ang katawan ko at ipaalala na kahit mas matanda kaysa sa edad niya kung umakto at magsalita si Ayesha, teenager pa rin siya. Marami na akong nagawang krimen pero ang magsamantala ng inosenteng babae ang isang bagay na kahit patayin ako ay hindi ko gagawin.
Hindi ako kinukulang sa babae. Marami ako pwedeng makasama sa kama kung kailan ko gusto. Mga babaeng pera ang katumbas ng isang gabi. Mga babaeng hindi katulad ni Ayesha na puro at inosente. Hindi katulad niya na mukhang mahina pero ang totoo ay malakas at may determinasyon na kasing tigas ng bakal. Hindi katulad niya na may sinseridad at kabaitan ang kislap ng mga mata kahit para sa isang tulad ko.
Mariin kong itinikom ang bibig ko nang madagdagan ang bahagi ng katawan kong kumikirot sa sakit. Dumagdag ang dibdib ko. “Ah, letse.” Tumayo na ako ng tuluyan at kahit dahan-dahan ay naglakad ako para makababa sa bundok, makalabas sa gubat at makarating sa lugar na napag-usapan namin.
Hindi ko alam kung gaano katagal akong halos gumapang na para lang makausad. Hanggang makita ko na ang daan sa labas ng gubat at ang itim na van. Huminga ako ng malalim, kinontrol ang ekspresyon ko at dumeretso ng tayo. Naging kaswal ang lakad ko at alam ko na kahit sinong makakita hindi mapapansin na iniinda ko ang sakit ng mga sugat ko.
Bumukas agad ang pinto ng van nang makalapit ako. Tatlong lalaki ang nasa loob. Isang driver, isa ang nagbukas ng pinto at isa…
“Pasok. May pinatawag na akong doktor para gamutin ka,” sabi ng may-edad na lalaki na pinasadahan ako ng tingin.
“Hindi ko naisip na personal mo akong pupuntahan,” komento ko at sumakay sa van.
Umangat ang mga kilay niya. Nalukot tuloy ang malaking pilat na nakaguhit mula sa kanang noo niya, patawid hanggang sa kaliwang pisngi. Dilat ang dalawa niyang mga mata pero alam ko na bulag na ang isa na nadali ng sugat na pinagmulan ng pilat na iyon.
“Bakit ako hindi pupunta kung alam kong sugatan ka? Ako ang kumuha sa iyo mula sa dati mong buhay. Responsibilidad kita.”
Pagak akong natawa at sinulyapan ang matandang lalaki. Hindi ko pa rin alam kung bakit sa kabila ng lahat sumama pa rin ako sa kaniya. Madalas, nagsisisi ako eh. Pero pumayag na akong sumama sa mga plano niya. Kaya wala nang atrasan pa.