“Diyos ko, patawarin po Ninyo ako sa lahat ng mga kasalanan ko. Siguro nangyayari ang lahat ng ito dahil sa di magandang nagawa ko dati. Kung may inagrabiyado po akong babae, patawarin po ninyo ako. Basta ilayo lang ninyo kami ni Callea sa kapahamakan,” taimtim na panalangin ni Deive.
Nasa simbahan siya ng Nagcarlan. Maaga pa lang ay umalis na siya ng Villa Celesta para magdasal. Sa unang pagkakataon ay naanalisa niya kung ano ang nangyayari sa buhay niya. Ang pagpapakasal niya kay Callea ay isang malaking hakbang na magpapabago sa buhay niya. Maaring ang mga naranasan niyang kababalaghan ay wake up call para mas seryosohin niya ang buhay.
Wala siyang planong magkaroon ng totoong kasal. Pero unti-unti na niyang nagugustuhan si Callea kahit pa nga weird ang taste nito sa damit. Iba ito sa mga babaeng nakarelasyon niya. She was classy and elegant. Every inch a lady. Hindi niya ito kayang basta-basta mabalewa. Sa pagsulpot ng mga multo, she even aroused his protective instinct.
Hindi siya takot sa mga multo. Mas natatakot siya sa maaring gawin ng mga multo kay Callea. Maaring di lang ito nagkukwento o nagsasalita. Gagawin niya ang lahat para protektahan nito. Kaya nga ihinihingi na niya ng tawad ang mga kasalanan niya. Baka mamaya ay karma niya ang mga multong iyon. At ayaw niyang si Callea pa ang balingan ng karma niya.
“Kahit po ako na lang ang masaktan huwag lang si Callea,” nakapikit niyang dasal. Ni hindi niya ininda na nangangawit na siya sa pagluhod.
Nang sa palagay niya ay nasabi na niya ang lahat ng kasalanan niya at naihingi ng tawad ay saka lang siya tumayo. Kahit paano ay may kumpiyansa na siya na may proteksiyon si Callea. Saka niya napansin na mahigit dalawang oras din siyang nakababad sa simbahan. Ganoon ba talaga karami ang mga kasalanan niya na inamin at dami ng takot na nararamdaman at hiling niya?
Pasado alas diyes na. Tambak na rin ang missed calls sa cellphone niya at text mula sa kapatid niyang si Keiran. Kanina pa ito naghihintay sa isang mall sa Sta. Rosa. Tinawagan niya ito. “Bro, I am sorry! Kanina ka pa ba?”
“Mula pagkabukas nitong mall nandito na ako. Are you coming or not?” iritado na nitong tanong. “Sinasayang mo ang oras ko!”
Ayos! Ang dating happy-go-lucky niyang kapatid na dati ay biglang naging responsible mula nang humawak ng posisyon sa kompanya.
“Okay. I am coming.” Pinasibad niya ang sasakyan papuntang Sta. Rosa. Napilitan tuloy siyang ilibre ng lunch ang kapatid niya. Magkadugtong na ang kilay niya habang kumakain. “Pasensiya na, bro. Galing pa akong simbahan.”
“Bakit? Mag-aayos na kayo ng date ng kasal?” Inabot nito ang paperbag sa kanya. “Kailangan ba ninyo ito sa pagpapakasal?”
Inisa-isa niya ang laman ng paperbag. Naroon ang antique na krus. Ayon sa Lolo niya, nakuha ang krus na iyon sa isang yungib sa settlement ng mga pre-Spanish Filipinos. Pinaniniwalaang nakakapagpaalis iyon ng mga masasamang elemento at mga multo. Mayroon ding asin mula sa Dead Sea na pinaniniwalaang nagbibigay ng proteksiyon sa isang lugar na infested ng mga kaluluwang ligaw.
Napilitan siyang tawagan ang isang ex-girlfriend na may tiyahing albularya. Class nga lang na albularya. Kailangan daw na may krus at para mas effective na asin ay dapat gamitin niya ang mahimalang Dead Sea Salt.
“Kailangan ko lang ito para kay Callea.” Tinapik niya ang balikat nito. “Thanks, bro! Importante talaga ito.”
“Pinagnakaw mo ako ng artifact mula sa collection ni Lola sa mini museum natin. Muntik mo pa akong paliparin sa Israel para lang sa Dead Sea Salt na iyan. Muntik pa akong gayumahin ng tiya ng ex mo.” Naipilig nito ang ulo na parang kinikilabutan.“Ang mahal pa mandin ng asin na iyan.”
“Para naman ito sa magiging hipag mo.”
Bahagya itong dumukwang at tiningnan siya sa naniningkit nitong mata. “Kuya, seryoso ka bang pakakasalan mo na siya?”
Sinalubong niya ang mga mata nito at tumango. “Oo.”
Pumalatak ito. “Sayang! Maganda ang bago kong sekretarya. Wow talaga sa legs. Weakness mo iyon sa babae, di ba?”
Ngumisi lang siya sa panghaharuyo nito. “Wala na. Tapos na ako diyan.”
“O, hindi nga?”
“Kadadasal ko lang kanina. Ihiningi ko na ng tawad ang lahat ng kasalanan ko. At nangako ako na magiging seryoso ako kay Callea.”
“Hindi rin!” diskumpiyadong wika ni Keiran. “Ikaw pa! Mag-I-stick sa isang babae lang? Come on!”
“Maiintindihan mo rin ako balang-araw kapag natagpuan mo na ang babaeng seseryosohin mo.”
Pinagsalikop nito ang mga palad. “Amen.”
Hindi siguro naniniwala si Keiran na maari siyang magbago sa maikling panahon. Pero naramdaman niya ang pagbabagong iyon. Kahit siya ay nahihiwagaan sa sarili niya. But he felt good about it. Parang bagong tao siya.
Nasa mall na lang din naman siya, pinag-shopping na rin niya ng damit si Callea. Mas gusto niya itong makita sa mga modernong damit na hindi madilim ang kulay gaya nang unang beses niya itong makita. Though she looked sultry on her bloody red dress the other night, it somehow gave him creeps.
Mabuti na lang at talento niyang tumantiya ng size ng mga babae. Wala siyang boutique na pinalagpas. Kahit anong sa palagay niya ay babagay kay Callea ay itinutuloy na niya sa counter. Girls loved him for his impeccable taste.
Nasa pangatlong boutique na siya at namimili ng ipa-partner na blouse sa flowing peach skirt na una na niyang nadampot nang lapitan siya ng dalawang babae. “Excuse me. You are Deive Hontiveros, right?”
Gulat siyang lumingon dahil may nakakilala sa kanya. “Yes.”
“I am Lindsye Marcelo,” pakilala ng babae. “We met at Averill’s party last year, remember? I am the daughter of Nagcarlan’s counsellor.”
“Oh, Lindsye!” Inabot niya ang kamay dito. “It’s nice to see you again.”
Ang totoo ay di na niya ito matandaan. Last year pa? Sa dinami-dami ng babaeng nakilala niya nang mga panahong iyon, di na niya maalala.
Sa halip na tanggapin ang kamay niya ay hinalikan pa siya nito sa pisngi. “And that’s my friend. Roxie.” Humalik din si Roxie sa pisngi niya. Sanay naman siya sa ganoong klaseng bati pero bigla siyang nailang.
“Ikaw ba ang nagkita ko sa Nagcarlan kanina?” tanong nito. “Sinamahan ko kasi si Mama na magbigay ng donation para sa church.”
Tumango siya. “Yes. Nagbabakasyon ako ngayon sa Villa Celesta.”
Natutop ni Roxie ang bibig at nasapo naman ni Lindsye ang dibdib. “Oh, God!” sabay na usal ng dalawa.
“Why? What’s wrong?” tanong niya.
“Anong ginagawa mo doon?” tanong ni Lindsye. Bakas ang pag-aalala sa mukha nito. “That place is rotten. Maraming kababalaghang nangyari doon.”
Patay malisya na lang siya sa takot ng mga ito. Di niya kailangang sang-ayunan ang mga kwento ng multo. Kailangan din niyang protektahan si Callea. “Dinadalaw ko ang fiancée ko. Callea Lopez. Do you know her?”
“That cursed woman,” mahinang usal ni Roxie.
Matalim niya itong nilingon. “What do you mean?”
“May usap-usapan na miyembro siya ng kulto na sumasamba sa demonyo at masasamang espiritu. That’s why there are ghost sightings at the mansion. Wala ngang gustong dumaan doon kapag hatinggabi.”
Naningkit ang mga mata niya. “Don’t you think it is too much?” Gawa-gawa lang siguro iyon ng mga taong malilikot ang imahinasyon. Her Callea, a member of a cult?
“HIndi naman ninyo siya kilala.”
“She’s not worth knowing. Hindi ka ba natatakot na kasama ang weird na iyon?” tanong ni Lindsye. “No sane human being can stand the sight of her.”
“Except that hunchback who is not human at all,” pang-iinsulto ni Roxie. “Pareho lang silang mukhang horror.” At nagtawanan ang dalawa.
“I must be going. Enjoy your day,” aniya at tinalikuran ang dalawa. Sa inis niya ay iniwan na lang niya ang skirt at di na binayaran.
Ayaw na niyang makita ang dalawa. He must admit that he was taken by sophisticated beauties. Those women who knew how to dress up and say the right coño words. Pero walang karapatan ang mga ito na husgahan sinuman kina Callea at Marina dahil lang sa pinagdaanan sa buhay, anyo o kung saan nakatira.
Mabuti nang umalis siya dahil baka may masabi lang siyang di maganda. Ayaw na niyang may marinig na di maganda tungkol kay Callea.
But he still had another pressing issue. Kailangan niyang mapaalis ang mga multo sa Villa Celesta at protektahan si Callea. Kung di niya kayang labanan ang mga ito, mapipilitan siyang alisin si Callea sa Villa Celesta.