Chapter 12

Present

TILA isang hiwaga ang lahat. Tila hindi kapani-paniwala pero dahil naniniwala si Kit sa hiwaga, gustong paniwalaan ni Kit ang lahat. Tatlong taon na ang nakalilipas. Tatlong taon na rin simula nang iwan niya si Cindy. Ngunit ngayon, nasa harap na niya ito. Worth it ang mga sakripisyo niya. Totoo nga na pagkatapos ng ulan, may bahaghari sa dulo noon. May hiwaga, may mahika. At iyon ay si Cindy sa buhay niya.

Unang pagtatagpo pa lamang ng mga mata nila ni Cindy sa gabing iyon, nasigurado na ni Kit na hindi pa rin nawawala ang kanyang damdamin. Gusto niya pa rin si Cindy. Mahal pa rin niya ito sa kabila ng tatlong taon na pagkalayo na walang kahit anong contact sa isa’t isa. Pero hindi na ipinagtaka ni Kit na ganoon pa rin ang kanyang nararamdaman kay Cindy. Pagkatapos ng lahat, naging madali rin para sa kanya ang mahulog kay Cindy tatlong taon na ang nakalilipas. At masuwerte siya na kagaya niya noon, ganoon rin ang nararamdaman sa kanya ni Cindy.

Umaasa si Kit na magpahanggang ngayon, magiging ganoon pa rin ang sitwasyon.

Napansin niya na natigilan si Cindy nang makita siya. Ganoon rin naman ang lahat ng tao na dumalo sa ika-dalawampu’t walong taon na kaarawan nito. Hindi niya masisisi ang iba dahil na rin naging agaw atensyon siya. Na-late siya sa party. O mas masasabi niya na sadyang nagpa-late siya. May nakapagsabi kay Kit na kapag ginawa niya ang sariling huli sa kasiyahan, magiging agaw atensyon siya. At iyon ang gusto niyang gawin. Gusto niyang maging agaw atensyon dahil gusto niya na mapansin ni Cindy. Gusto niyang maging kagaya ni Cinderella sa royal ball na in-attend-an nito. Dahil sa istorya nila ni Cindy ay si Kit ang mas masasabi na kahawig ng buhay ni Cinderella, ginawa niya iyon.

Ngunit sandaling ikinabahala ni Kit kung nakilala ba siya ni Cindy. May malaking parte ang nagsasabi na malabo iyon. May suot siyang maskara. Mamaya pa, pagsapit ng alas dose ng gabi sabay-sabay na tatanggalin iyon. Sooner or later ay makilala rin siya ni Cindy. Ngunit hindi niya pa sana gusto na mangyari iyon. Gusto niyang i-enjoy ang muli nilang pagkikita na hindi kinahaharap ang galit ni Cindy. Isa sa mga dahilan kung bakit lubos siyang nagpapasalamat kung bakit masquerade ball ang theme ng ika-dalawampu’t walong kaarawan nito.

Gusto niyang makita ang dating Cindy. Gusto niyang makita na nakangiti ito. At hindi nga nabigo si Kit. Hindi nangyari ang kinababahala niya. Hindi siya nakilala ni Cindy. Dahil ilang sandali lang ay nginitian siya nito.

Sandaling natulala pa rin si Kit ngunit ginantihan niya ng ngiti si Cindy. Gusto niya ng bagong simula sa kanilang dalawa. Alam niya na ito na ang gabing iyon. Ngunit sa kabila ng mga gusto ni Kit, alam rin niya na kailanganin rin nila ni Cindy na balikan ang mga nakaraan...

PAKIRAMDAM ni Kit ay kagaya ng ilog na kinaroroonan nila ang saya sa kanyang dibdib---umaapaw, tila wala ng katapusan. Habang tinitigan niya si Cindy habang aliw na aliw itong nagtatampisaw sa ilog kung saan niya naisipan na dalhin ito ay mas masabi niya na mas naaliw siya na panoorin lang nito iyon. Ramdam niyang kagaya ng buhay na mayroon siya, kaya rin na yakapin nito iyon.

Dinala niya si Cindy sa isang liblib na baranggay sa may Tarlac. Doon ang probinsya kung saan siya nakatira at napagpasyahan niya na dalhin si Cindy sa ilog na madalas niyang puntahan sa lugar. Iyon ang pinakapaborito niya. Malapit kasi iyon sa horse farm kung saan siya nagtatrabaho bilang stable boy noon. Nang mag-request sa kanya si Cindy na gusto nitong makalaya mula sa city-life kahit papaano, doon niya naisip na dalhin ito. Gusto nitong mag-relax, ang kahit papaano ay limutin ang mundo.

At sa nakikita ni Kit ngayon, ramdam niya na naging matagumpay siya sa ginawa niyang paraan para masunod ang gusto nito.

“Halika rito!” yaya pa sa kanya ni Cindy. Halos isang buwan na sila simula nang magkakilala. Hindi pa man masasabi na opisyal ang relasyon nila ay ramdam niya na nagsisimula na silang binubuo iyon. Pareho silang aminado na gusto nila ang isa’t isa sa simula pa lamang at walang kahit anong bakas ng pagsisinungaling ang nakikita ni Kit kay Cindy. Sa katunayan, mas nararamdaman niyang totoo ang sinasabi nito sa mga nakalipas pa na mga araw. Hindi kagaya ng karaniwang mayaman, balewala kay Cindy kung ano ang katayuan sa buhay niya. Sa kabila ng alam nito na nakaraan niya, hindi nito alintana iyon. Sa halip, pinipilit nitong makibagay sa buhay niya. Kagaya na lamang ng ginagawa nito ngayon.

Sinunod niya ang gusto ni Cindy. Lumapit siya rito at sabay nilang inilubog ang sarili sa tubig. Pagkaahon nila ay hindi pa rin mapalis-palis ang ngiti sa mukha ni Cindy. Isang oras na yata na nakababad ito sa ilog ngunit hindi pa rin nito gustong umalis roon. “Ang saya-saya naman dito. Ang ganda ng kapaligiran, ang sarap ng tubig at---“

“Gusto mo talaga ang ilog? Hindi ka ba nangangati?”

Kumunot ang noo ni Cindy. “Bakit naman ako mangangati?”

“Sabi nila, kapag daw mayaman, hindi sanay sa mga ganitong tubig---“

Sumimangot si Cindy. “Pag-uusapan na naman ba natin ang estado ng buhay ko?”

“Hindi natin maiiwasan iyon, Cindy.”

“Alam ko. Pero ilang beses ko ba na sasabihin sa `yo na huwag mo ng ulitin ang mga iyon? I hate being rich. I hate being treated like a princess.”

“Pero hindi mo maiialis sa akin iyon, Cindy. Dahil isa kang prinsesa sa akin. Ikaw ang prinsesa ng buhay ko. Ikaw ang prinsesa ng puso ko,” madamdamin na wika ni Kit sabay hawak ng namumula na ngayong pisngi ni Cindy.

Alam ni Kit na kapag nalaman ng mga tao ang relasyon nila ngayon ni Cindy ay marami ang magtataka, maiinis at pag-uusapan ang tungkol roon. Isang prinsesa ay umibig sa isang kagaya niyang mahirap lamang. Kakaiba iyon. Hindi rin magandang tignan. Magiging maayos pa sana kung siya ang nasa katayuan ni Cindy at umibig siya sa isang kagaya nito na mahirap. Pero baligtas ang fairy tale nila. Kapangalan man ni Cindy ang isang sikat na fairy tale princess pero ang buhay nito ay nasa sa kanya.

Pero kagaya ni Cindy, hindi rin kaya na itanggi ni Kit ang nararamdaman kay Cindy. Noon pa man ay kilala na niya si Cindy Soriano. Napakaganda nito. Sikat. Hinahangaan niya ito. At nang una niyang makita at iligtas si Cindy, ramdam niya na lumaki pa ang naramdaman niya rito. Nagustuhan niya si Cindy. Kakaiba rin ang naramdaman niya ang damdamin rito nang magkalapit sila sa isa’t isa. Dahil sa abalang buhay ni Kit, wala na siyang oras pa upang humanap ng love life. Hindi niya kayang intindihin iyon. Pero kay Cindy, hindi niya kayang hindi intindihin na lang ang malakas na tibok ng puso niya tuwing nasa paligid ito.

Sa paglipas ng mga araw, napagtanto ni Kit na matindi talaga ang nararamdaman niya kay Cindy. Napapangiti siya nito nang higit sa iba pang babae. Kapag nakikita niya ito, pakiramdam niya ay kompleto na ang araw niya. Masaya siya kapag nakikita at nakakasama niya ito. Sa kabila ng kamalian sa relasyon nila, ayaw niya na gaanong isipin iyon dahil na rin ayaw niya na masaktan. Ayaw niya na isipin na hindi sila bagay ni Cindy dahil gusto niya ito. Mahal na niya ito.

Pero may mga pagkakataon na hindi niya maiwasan na hindi maisip iyon. Mahal niya si Cindy at gusto rin niya na mapasaya ito. Nakikita naman niya na masaya ito na kasama siya. Pero paano ang mga susunod? Maaaring masaya ito sa una. Ngunit hindi ito sanay sa buhay na mayroon siya. Simple. Mahirap.

Gusto rin ni Kit na gawin na tama ang lahat. Gusto niya na gawin na karapat-dapat siya para kay Cindy. At magagawa lang niya iyon kung magiging kapantay niya ito. Na kung titignan sa ngayon ay mukhang malabo pa na mangyari.

“At ikaw rin ang prinsipe ko, Kit...” yumuko ito at maya-maya ay sinalubong rin ang kanyang mga mata. Nakaramdam si Kit ng mahika sa nangyari na iyon, lalo na nang maya-maya ay napatingin siya sa mapupulang labi ni Cindy. Nagkaroon ng malaking kagustuhan sa damdamin ni Kit na maangkin ang mga iyon.

“Halikan mo ako, Kit...” kapareho ng nararamdaman ni Kit ang nararamdaman ni Cindy. Sinunod niya ang gusto nito. Hinalikan niya si Cindy. Marahan lang ang halik pero tila nanikip ang kanyang lalamunan sa ginawang iyon. Nag-uumapaw ang emosyon na nararamadaman niya sa puso niya habang ginagawa iyon. Kumapit sa leeg niya si Cindy at naramdaman niya na tila bumalot rin ang kuryente sa katawan niya habang ginagawa iyon.

“I love you, Kit. I love you so much,” kitang-kita ang sinseridad sa mga mata ni Cindy sa sinabi na iyon. “Sa kabila ng pagkakaiba ng buhay natin na dalawa, balewala iyon sa akin. Handa akong yakapin ang ganitong buhay kung iyon lang din naman ang magiging daan upang makasama kita...”

Gustong panghawakan ni Kit ang mga salita na iyon. Gusto niya na palagi silang magkasama ni Cindy. Gusto niya na maging maayos ang lahat. Ngunit paano magiging maayos ang lahat kung sa buhay niya ay napakalayo pa noon? Ni hindi pa tapos sa pag-aaral ang dalawang step sisters niya na sina Shiela at Anastacia. Kagaya niya ay nasa twenties na rin ang mga ito pero dahil pareho na hindi magaling sa academics, ni isa sa mga ito ay hindi pa rin nakaka-graduate ng kolehiyo. Dahil pangako niya sa kanyang ama na aalagaan ang pangalawang pamilya nito, hindi niya maggawang pabayaan ang mga ito. Sa kabila ng madalas na pag-uutos ng mga ito sa kanya dahil pare-parehong mga walang alam sa buhay, pilit na tinatanggap niya ang mga iyon. Babae ang mga ito. Lalaki siya. Mas malakas siya kaysa sa mga ito. Siya rin ang dapat na nagtataguyod ng pamilya.

Iyon ang mga dahilan kung bakit hindi agad naka-graduate si Kit ng kolehiyo. Alam niya na iba siya sa mga stepsisters niya. Matalino, masipag at masikap siya. Pero dahil kailangan rin niya na buhayin ang mga ito, naging mahirap para sa kanya ang makatapos ng pag-aaral.

Sa ngayon ay nagsisimula pa lamang si Kit sa kanyang buhay. At dahil sa mga gulo ng nakaraan, alam niya na mahihirapan siya roon. Underage na siya. Hindi rin maganda ang records niya dahil ilang beses na kailangan niya na mag-drop para masuportahan ang pangalawang pamilya niya. Magiging mahirap na humanap sa kanya ng magandang trabaho. Pero hindi niya gustong sumuko. Umaasa siya na may darating pa rin na magandang oportunidad sa kanya na walang sisira. Kaya masasabi niya na mali ang pagdating ni Cindy sa buhay niya. Oo, masaya siya na makasama si Cindy, ang makilala niya ito. Pero sa tingin niya ay hindi pa ngayon ang tamang oras. Hindi pa ayos ang buhay niya.

Hindi naman sa sinasabi niya na gulo si Cindy sa buhay niya. Ngunit sa tingin niya na makakapag-focus siya sa buhay niya kung walang isang tao na malapit sa kanya. Kaya nga mas pinili niya na pumunta ng Maynila upang doon maghanap ng trabaho. Gusto niyang lumayo sa pamilya upang kahit papaano ay maiwasan ang problema ng mga ito sa buhay na madalas na siyang umaako.

Noong araw rin na iyon sila bumalik ng Maynila ni Cindy. Dumiretso sila sa riding school. Day-off niya ng araw na iyon kaya naman naggawa nila na umalis. Nandoon rin sa riding school ang kotse ni Cindy. Nag-commute lamang sila papunta ng Tarlac.

Gabi na nang makabalik sila at sinadya nila iyon ni Cindy upang kakaunti ang makakita na magkasama sila. Hindi nila pinapaalam ang nangyayari sa pagitan nilang dalawa dahil na rin sa katayuan ni Cindy sa buhay. Sa kabila ng sinasabi nito na handa itong yakapin ang buhay na mayroon siya, hindi pa rin nito nasasabi sa mga magulang ang lahat. Humahanap pa ito ng tamang tiyempo. At hindi rin naman gusto ni Cindy na malaman ng mga magulang ni Cindy sa iba ang nangyayari.

Ngunit lahat ng iyon ay nagbago rin sa araw na iyon. Hindi inaasahan na nakita nila pagdating sa riding school ang ama ni Cindy. Nahuli sila ng mga ito na magkasama. Pero hindi niya inaasahan ang naging reaksyon ni Cindy nang makita ang ama nito. Kalmado si Cindy. Hindi man lang ito natakot.

“Daddy, si Kit. Kit, father ko,” may ngiti pa sa labi ni Cindy nang ipakilala siya nito.

Ngumiti ang ama ni Cindy. Bahagya na ipinagtaka niya iyon. Ang iniisip niya ay magiging kagaya ng mayayaman sa pelikula ang ama ni Cindy. Susuriin siya nito. Kikilatasin. Pero walang bakas ng kahit anong masama sa mukha ng ama ni Cindy. Nakipagkamay pa ito sa kanya. “Ikinagagalak ko na makilala ka, hijo.”

Inialis muna ni Kit ang bara sa lalamunan niya bago tinanggap ang pakikipagkamay nito. “A-ako rin po, Sir.”

ISANG beses lang nagustuhan ni Cindy na maramdaman na isa siyang prinsesa. Sa isang tao lang. Pero sa gabing iyon, nagustuhan na naman ni Cindy ang pakiramdam na iyon. Kahit na ba hindi niya pa lubusan na nakilala ang lalaki na halos buong gabi na niyang kasama ngayon, sapat na sa kanya ang damdamin. Hawakan lang siya nito at tignan ay matindi ang kanyang nararamdaman.

Parang kidlat ang kanyang nararamdaman sa misteryoso na lalaki. Malakas at mabilis. And she was strucked hard. Ngunit hindi kagaya ng kidlat, nagustuhan ni Cindy ang pakiramdam na iyon. Sa halip na masaktan at mamatay, pakiramdam niya ay nabuhay siya.

Sumayaw sila, nagkasama sa buong gabi. Ngunit para kay Cindy, tila kulang pa iyon. Gusto niya pa ng marami. Gusto niya pa na makasama ito at kung pagbibigyan, makilala ito. Ngunit sa kabila noon, hindi niya masabi kung matutuwa siya na malapit ng mag-alas dose. Doon kasi ay makikilala na talaga niya nang lubos ang misteryosong lalaki. Tatanggalin na ang maskara nila. Hindi maiwasan na matakot ni Cindy. Paano kung kagaya ng nasa fairy tale, bigla na lang rin siya na takbuhan ng lalaki? Paano kung bigla na lang ito na mawala?

Hindi na niya gustong masaktan muli.

“Saan mo ako dadalhin?” tanong niya sa lalaki nang malapit na ang alas dose ay niyaya siya nito na lumabas mula sa kasiyahan.

“Sa garden niyo? Medyo naiinitan kasi ako sa loob.”

Tumango si Cindy. Ganoon rin naman siya. Masyadong maraming tao sa party niya at dahil hindi rin siya sanay roon, naninibago siya. Gusto rin niya na lumabas. Nakarating sila sa garden ng mansion at sa bench roon ay umupo sila.

“Finally...” ngumiti ang lalaki pagkatapos ay bumuntong-hininga. “Na-solo rin kita.”

Napangiti si Cindy. Gusto rin niya na magka-solo sila. Kanina kasi ay puro lamang sila sayaw. Napapalibutan sila ng mga tao. Hindi sila makapag-usap ng dahil roon. “Masaya rin ako na ganoon. Pero malapit ng mag-alas dose. A-and I feel nervous,”

“B-bakit naman?”

“Ayaw kong umalis ka kagaya ni Cinderella sa ball.”

“Hindi mangyayari iyon, Cindy. Sa ngayon ay maipapangako ko sa `yo `yan. Ako nga ang mas natatakot sa ating dalawa.”

“Bakit naman?”

Sandaling tinitigan muna siya ng lalaki bago sumagot. “D-dahil ikaw si Cinderella. Iyon ang totoo mo na pangalan. Sa sikat na fairy tale, ikaw ang tumakbo.”

Umiling si Cindy. “Kagaya mo, maipapangako ko rin na hindi ko gagawin iyon.”

“Talaga? Paano mo naman nasabi?”

Tinitigan niya ang lalaki. Sa totoo lang ay hindi niya maipaliwanag kung bakit ganoon. Hindi rin niya maipaliwanag kung bakit ganoon na lang rin katindi ang nararamdaman niya sa lalaking ito. Kahit hindi niya pa ito kilala, kahit hindi niya pa nakikita ang kabuuan ng mukha nito at higit sa lahat, kahit sandali pa lamang sila na magkasama. Its just that...she felt some magic between them the first time they looked at each other. Sa unang pagkita niya rito ay lumakas na agad ang tibok ng puso niya. Naging napakabilis ng lahat at kahit alam ni Cindy na dapat ay matakot siya ay pinigilan niya.

Iyon ang kailangan niya. Kung nakakaramdam siya ng kakaiba sa lalaking ito, ibig sabihin lang ay naka-moved on na siya kay Kit. Iyon ang pinakamatagal na niyang inaasam sa lahat. Gusto niyang makaramdam ng kakaiba sa ibang lalaki kagaya ng nararamdaman niya kay Kit at dahil naramdaman niya agad iyon sa lalaking ito, gusto niyang sungaban na agad iyon. Pagkatapos ng lahat, iyon rin naman ang kailangan niya. Kailangan na niya ng mapapangasawa.

Nakaramdam ng saya si Cindy na mukhang pareho rin sila ng nararamdaman ng lalaki.

“Nararamdaman ko lang. Gusto ko ang pakiramdam na magkalapit tayo.” Gusto ko na nararamdaman ko muli ang mga damdamin na ito kahit na ba noong unang beses ay nasaktan lamang ako sa huli.

Sakto na pagkatapos sabihin ni Cindy ang mga salita na iyon ay may malakas na ugong sila na narinig. Tumingin ang lalaki sa relo na nasa kamay nito.

“A-alas dose na,” naramdaman niya ang tensyon sa boses ng lalaki.

Tumango si Cindy. “Gusto mo ba na sabay natin na tanggalin?”

Tumango ito. “P-pero maaari mo ba na maipangako sa akin na hindi ka talaga tatakbo kapag nakita mo ang mukha ko?”

Kanina pa nararamdaman ni Cindy ang curiousity. Ano nga ba ang mukha ng lalaki? Guwapo ba ito kagaya ng isang prinsipe? Somehow, nararamdaman niya na tila may pamilyar sa ilang facial features nito. May nagpapaalala sa kanya ng mga iyon. Pero iniisip ni Cindy na baka kaya ganoon ay dahil pinapaalala rin ng damdamin na bumabangon sa dibdib niya kapag magkasama sila.

Pareho ang nararamdaman niya rito at kay Kit kaya siguro naiisip niya na magkamukha ang dalawa.

Pero imposible iyon. Lahat ng mga nasa ball ay nasa alta-socialidad. Kahit matagal na siyang walang balita kay Kit, imposible pa rin na makapunta ito roon. Masasabi na napakabilis ng tatlong taon na umunlad ito ng ganoon. Hindi si Kit ang lalaki. O iyon lang ang gusto niyang isipin?

Tumawa si Cindy. “Bakit ba mukhang tense na tense ka?”

“Dahil natatakot ako na magkalayo muli tayo sa isa’t isa, Cindy...”

Nanginig si Cindy sa narinig. Muli? Ibig sabihin ba noon ay kilala na nila ang isa’t isa dati?

Hindi, hindi, hindi.

“S-sino ka kung ganoon?”

Hindi na nag-alinlangan pa ang lalaki. Hindi na natupad ang sinabi nila sa isa’t isa na sabay na tatanggalin ang maskara. Nauna na nitong tinanggal ang maskara nito.

Nahigit ni Cindy ang hininga nang makilala ito. Pakiramdam niya ay tinakasan rin ng kulay ang kanyang mukha. Lahat talaga ng mga pangyayari ay posible.

Walang imposible, kagaya na lamang ng inisip ni Cindy kanina na maaaring si Kit ang lalaking kanina pa kasa-kasama. Totoo rin ang fairy tale. Dahil sa pagkakataong ito, maglalaro si Cindy bilang si Cinderella.

Tumakbo siya palayo kay Kit...kagaya na lang rin kung ano ang ginawa nito sa buhay niya tatlong taon na ang nakalilipas...

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.