SA HINDI maipaliwanag na kadahilanan ay pinanood muli ni Jasmine ang Aladdin play ng mga estudyante niya. Hindi na dapat niya ginagawa iyon. Ayaw niya ng istorya, lalong ayaw niya na marinig ang pangalan na Aladdin.
Masama ang loob ni Jasmine kay Ali. Mas lalo pa iyong sumama sa muli nilang pagkikita. Napakatanga niya para makipaglapit rito noon. Napakatanga niya para isipin na napakabait nitong tao. Pero higit sa lahat, napakatanga niya pa mangarap na may kinabukasan sila para sa isa’t isa.
Paano niya naggawang mahalin ang isang kagaya ni Ali?
“We still have the evidences and even the witnesses about you, Jasmine. The golden lamp you steal---“
“Hindi ko ninakaw iyon!” malakas ang boses na giit ni Jasmine. “Kailan mo ba ako paniniwalaan? Sa tingin mo ba ay magagawa ko talaga iyon?!”
Hindi nagsalita si Ali. Tinitigan lang siya nito.
Nanginginig si Jasmine. “`Wag mong gawin sa akin ito, Ali. Mahal na mahal ko ang pagtuturo. Ano ang iisipin ng principal ko, kapwa guro at magulang ng mga estudyante ko kung ilalagay mo ako sa isang kontrobersya? Maaari akong mawala sa trabaho! Para sa aming mga guro, napakahalaga ng reputasyon. We should be the role models of our students.”
“That’s why I’m going to offer you something in exchange of this cruel information…”
Kumunot ang noo ni Jasmine bilang sagot.
“Be with me.” Kinuha ni Ali ang kamay ni Jasmine. Napasinghap siya. The heat of his hands was still heart warming. Pero pinanaig ni Jasmine ang tama. Inalis niya iyon.
“Nababaliw ka na ba? I have a fiancé! I can’t be with you. At kahit ang maging isang kaibigan, hindi ko rin magagawa iyon! Natutunan ko na ang lesson ko…”
Tumiim ang bagang ni Ali. “Then be my mistress. Even for just a month or two.”
May pagkakaabalahan na si Jasmine kung papayag siya sa gusto ni Ali. Pero mali iyon. Maling-mali.
Napakaraming komplikasyon. Unang-una ay may fiancé na siya. Hindi niya kayang saktan si Arthur.
Kung wala si Arthur, wala si Jasmine ngayon. Hindi niya matutupad ang pangarap niya.
Bukod pa roon, hindi na gustong mapalapit ni Jasmine kay Ali. He and his family is one of her bitter past. Hindi na dapat inuungkat pa ang nakaraan. Hindi na niya iyon gustong isipin kahit malaking bahagi niya ang nagsasabing may nararamdaman pa rin siya. Pero ano ang pakay ni Ali? Bakit gusto nitong mapalapit sa kanya?
Napakasimpleng babae lamang ni Jasmine. Bukod pa roon, hindi rin maganda ang pinagmulan niya. Mahirap lang siya. Kilala niya ang kanyang ama pero hindi niya kahit isang beses na nakita. Hindi na rin niya gustong makita pa. Namatay ang kanyang ina noong labing anim na taong gulang pa lamang siya. Simula noon ay kinupkop siya ng malditang nag-iisang kapatid ng ina na sa mansion ng mga Fehr nagtatrabaho. Kung tutuusin, katulong lamang si Jasmine. Wala na dapat dahilan si Ali para pahalagahan siya ng ganoon.
Tapos na naman ang lahat. Naibalik na ang gintong lampara. Lumayas siya sa mansion. Ginawa niya ang lahat para hindi na muling mapalapit sa mga Fehr kagaya ng gusto ng mga ito. Naging mahirap sa kanya ang lahat. Pero naka-moved on na siya…o iyon ang sa tingin niya.
Maayos na siya pero bakit ang paglimot tungkol sa damdamin niya kay Ali ay mahirap pa rin na kalimutan?
“Three wishes, to be exact. And ixnay on the wishing for more wishes. That's it. Three. Uno, dos, tres. No substitutions, exchanges or refunds…”
Natigilan si Jasmine sa linyang iyon ng genie. May biglang pumasok sa isip niya. Nahiling niya na sana ay siya si Aladdin at mayroon siyang Genie. Gusto niyang humingi ng wish sa genie. Kahit isa lamang na wish…
Sana ay mabura ng tuluyan ang damdamin niya kay Ali na nagpupumilit pa rin na bumalik kahit ang maisip lamang niya ito…
Years Ago…
“KAPAG napagalitan ako nina Sir Amal at Ma’am Dina dahil sa pusa na `yan ay magkasama kayo na lalayas ng bahay na ito!” nakaismid na wika ng Tiyahin ni Jasmine.
Humihikbing sunod-sunod na tumango si Jasmine sa galit na tiyahin. Naiiyak siya dahil sa takot nang pagalitan siya sa ginawa niya.
Halos dalawang linggo pa lamang ang nakakaraan nang mamatay ang ina ni Jasmine. Na-hit and run ito ng kotse. Wala ng relasyon si Jasmine sa ama o pamilya nito. Wala na rin naman na magulang at iba pang kapatid ang ina kundi ang Tiya Janna niya. Napilitan ang nag-iisang tiyahin na kupkupin siya. Matandang dalaga ito at nagtatrabaho sa isang mayaman na pamilya. Naggawa nitong pilitin ang amo nito para makapagtrabaho siya sa mansion at makupkop rin siya. Labing anim na taong gulang na siya kaya may kakayahan na rin siya na makapagtrabaho.
Sa palengke kung saan sila nagpunta para mamili ay nakita ni Jasmine ang pusa. Tila love at first sight ang nangyari. Sandaling binati at hinaplos lamang niya ang pusa dahil natuwa siya. Sinundan na siya ng pusa pagkatapos noon. Naawa naman siya kaya kinupkop na niya ang pusa. Wala na raw naman na nagmamay-ari noon ayon sa mga tao sa palengke. Pinagpilitan niya ang gusto kahit na ba napagsabihan na rin siya ng kasama na kasambahay na baka pagbawalan siya.
Naawa si Jasmine sa pusa. Nakikita kasi niya ang sarili niya rito. Ligaw at walang pamilya. Nandiyan man ang Tiya niya pero napilitan lang ito na tangapin siya. Hindi maganda ang tingin nito sa kanya dahil sa pinagmulan niya. Masama ang kanyang ama kaya iniisip nito na masama rin siya. Sabi nga nila, kung ano ang puno, siya rin ang bunga. Natatakot ito sa kanya kagaya ng ilan na may alam sa pinagmulan niya.
Mahirap lang sila Jasmine. Taga-tinda lamang ng bibingka sa palengke ang kanyang ina. Lumaki rin siya sa tindahan na iyon na inuupahan pa nila. Walang naiwan sa kanya ang ina para makapagsimula siya. Matagal na rin silang iniwan ng kanyang ama. Ang Tiyahin lang ang maaaring tumulong sa kanya.
Niyakap ni Jasmine ang pusa pagkaalis ng Tita niya. Gusto niyang makahanap ng makakaramay. Mukhang naiintindihan naman siya ng pusa. Hindi ito lumikot sa pagkakahawak niya. Steady lang ito habang humihingi siya ng comfort rito.
Masakit sa kanya ang lahat ng nangyari. Sino ba ang magiging okay sa pagkawala ng ina? Hindi pa naman talaga niya kasundo ang tiyahin. Hindi rin niya gustong manatili sa bahay na ito. Hindi niya maramdaman ang welcome ng ibang kasambahay. Kahit nga ang amo niya ay hindi pa niya nakikita. Ayon sa Tiya, masyado raw abala ang buong pamilya ng Fehr. Kung umuuwi man ito, madalas ay gabi na. Bihira lang raw magsama-sama ang pamilya sa bahay.
Hindi gusto ni Jasmine na magtrabaho. Ang gusto niya ay mag-aral. Pero lahat ng iyon ay hindi matutupad. Ang gusto ng Tita niya ang magtrabaho na lamang siya. Bago namatay ang kanyang ina ay tatlong linggo muna itong na-comatose. Naging malaki ang bayarin sa ospital at kailangan nila na bayaran ang mga ipinangutang para mabayaran iyon. Hindi na nakita ang nakabangga sa kanyang ina. Kung mag-aaral siya, dagdag gastos pa iyon at mas magiging maliit ang suweldo niya. Matatagalan bago sila makapagbayad. Lalaki pa lalo ang interes.
“Magiging maayos pa ba ang lahat, Tiger?” pagpapangalan ni Jasmine sa pusa. Kakulay kasi ito ng tigre kaya iyon ang naisip niya muna na ipangalan rito. “Pagkatapos mabayaran ang utang ay matanda na ako. Hindi kaya magiging kahiya-hiya kung mag-aaral pa ako?”
Tinitigan lang ng pusa si Jasmine. Bumuntong-hininga siya.
“Pero age doesn’t matter naman `di ba? Hindi dapat ako mahiya kung gusto ko na maging matagumpay sa buhay.” Ngumiti si Jasmine. Nag-isip siya ng positibo. “Hindi man ngayon pero magiging maayos rin ang buhay ko. Aja!”
Tinapik ni Jasmine ang ulo ni Tiger. Niyakap niya muli iyon. Dahil sa saya na kahit papaano ay magkakaroon na siya ng companion sa mansion, biniyayaan niya ito. Pinakain niya ito. Pagkatapos ay sinubukan niya na igala si Tiger. Mula sa straw na nakita niyang pakalat-kalat ay gumawa siya ng tali nito. Nakataling pinalakad niya si Tiger sa garden ng mansion.
Malaki ang garden at dahil mataas na ang araw, hindi niya inaasahan na may makikita siya sa garden. Napakainit. Sino ang tangang kagaya niya na gagala sa wala namang bubong na hardin at wala rin na malalaking puno para maging shade? May payong nga siya habang iginagala si Tiger. Pero isang lalaking nagulat rin nang makita siya ang kanyang nakasalubong. Sa isang kamay nito ay may hawak-hawak itong unggoy.
Hindi kilala ni Jasmine ang lalaki. Maraming empleyado sa mansion pero sa tingin niya, hindi basta empleyado lamang ang lalaki. Nasa tayo at kilos nito ang kaelegantehan. Kakaiba rin ang physical features nito. Tila may lahi. Kulay berde ang mata nito, matangos ang ilong at may kakapalan ang labi. Makintab ang balat at malaking lalaki ito. Wavy rin ang buhok nito sa isang tila normal na paraan. Simpleng nakasuot lamang ito ng kulay violet na damit at pantalon pero mapapansin na may dating.
Sinalubong ng lalaki ang tingin ni Jasmine. Nagulat siya sa kakaibang reaksyon ng puso niya. Naging mabilis iyon kaysa sa normal. Napaawang ang labi niya sa pagtataka. Natuliro rin siya.
Arabo. Elegante. Paano kung ito ang sinasabing anak ng mag-asawang oil magnate? Paano kung ito ang amo niya?
Pinuno ng pag-aalala si Jasmine. Mayaman ang mga ito. Pusakal lamang ang pusa niya. Paano kung kagaya ng lalaki ng matapobreng mayaman sa mga teleserye? Hindi nito gusto ng mga cheap na bagay. Kapag pinaalis nito si Tiger, mapapaalis rin siya. Binantaan na siya ng Tiyahin niya.
Kinuha ni Jasmine si Tiger. Binuhat niya ito. Kailangan na nilang umalis.
“Hey,” nang tumalikod si Jasmine, tinawag naman siya ng lalaki.
Napatigil si Jasmine. Nag-alinlangan siya kung lilingon ba siya o itutuloy ang plano na umalis. Pero hindi ba at mas lalo pa siyang mapapasama siya kung hindi siya susunod? Katulong lang siya. May pakiramdam siya na amo niya ito.
Lumingon si Jasmine. Bahala na!
Sinenyasan si Jasmine ng lalaki. Pinalapit siya nito sa umbrella table kung nasaan ito at ang unggoy. Nang ngumiti ito, saka lamang nakahinga nang maluwag si Jasmine.
“Cute kitty. What’s her name?” sa pagsasalita ng lalaki, doon na niya napagtanto na hindi lang talaga ito empleyado. Ito na nga si Mr. Aladdin o mas kilalang Ali Fehr---ang nag-iisang anak nina Mr. and Mrs. Amal Fehr. Boses pa lamang nito, napaka-sosyal na. Napakabango rin nito.
“Tiger.” Sagot ni Jasmine. Napangiti siya nang hawakan nito ang ulo ni Tiger. Nag-meow ito sa lalaki. Mukhang natuwa ito.
“Tiger!” natawa ang lalaki. Pero nang makitang napayuko siya sa hiya sa tawa nito ay tumikhim ito. “I’m sorry. I-I should have consider. Kakulay nga naman siya ng Tiger.”
Tumingin ang lalaki sa unggoy nito. “Hey tiger, meet my pet, Abu. Abu, meet Tiger and---“ napatigil ang lalaki nang maalalang hindi pa pala nito alam ang pangalan niya. “Ano’ng pangalan mo?”
“Jasmine.”
Namilog ang mata nito. “Seriously?”
Nagkibit-balikat si Jasmine. “Common name naman po iyon, Sir.”
“Sabagay. It’s just my first time to meet someone. Tapos kasa-kasama ko pa ang alaga kong si Abu, which is also I named from the fairy tale where my name was got in. I’m Aladdin by the way. But you can always call me Ali.”
“Sir Ali,” pagtatama ni Jasmine.
Sandaling nawala ang liwanag sa mukha ni Ali. Umawang ang labi nito para lang mapabuntong-hininga muli. “Yeah. Anyway, it is nice to meet you, Jasmine. See you around.”
Iyon lang at umalis na ang amo sa harap ni Jasmine kasama ang alaga na unggoy. Natulala na lang si Jasmine. Bakit may pakiramdam siya kanina na mukhang tuwang-tuwa ito na makita siya at ang pusa? Masayang nakipagkilala ito. Pero nang itama niya ang dapat naman na itawag talaga rito, bakit nag-iba ang timpla nito?
Na-offend ba niya ito? Pero paano? Iyon naman talaga ang dapat `di ba?
Nakagat ni Jasmine ang ibabang labi. Maraming pumasok na agam-agam sa isip niya. Pero ang mas ikinabahala niya ay ang sinabi nito na see you around.
Makikita pa ba niya muli si Ali? Sa pagkakaalam niya, twenty years old lamang ito. Sa mansion, ito ang pinakamalapit sa edad niya. Gusto niya sanang maging kaibigan ito. Mukhang mabait ito. Iyon nga lamang, hindi rin naman iyon puwede. Mali na umasa siya na maging magkaibigan sila gayong napakalayo ng estado nila sa isa’t isa.
Tumingin si Jasmine kay Tiger. Naalala niya ang pagtawa ni Ali sa pangalan nito. Naisip niyang palitan ang pangalan nito. Mabilis naman siyang nagkaroon ng bagong pangalan.
“Rajah.”
Parang nagtatakang tumingin ang pusa kay Jasmine.
Kiniliti niya ang pusa. “Naalala ko, iyon ang pangalan ng Tiger ni Princess Jasmine sa kuwento ng Aladdin.”
Kung may Abu si Ali, may Rajah naman siya. Kung puwede nga lamang na mabuhay si Jasmine sa isang fairy tale. Kung puwede rin na magbuhay prinsesa siya. Wala sana siyang problema ngayon. Pero sa kuwento, mas maihahalintulad siya kay Aladdin. Mahirap lang siya. Wala ng magulang at mayroon rin na madilim na nakaraan…
NAGING normal na trabaho ni Jasmine sa mansion ng mga Fehr ang maging taga-pamalengke ng pamilya. Kasa-kasama ang isang kasambahay ay kadalasan na hinahatid sila ng isa sa mga driver ng pamilya. Araw-araw na ritual nila iyon. Pero ngayong araw ay mag-isa lamang si Jasmine at wala rin siyang driver. Day-off ng kasambahay at ang driver naman ay kinailangan ng isa rin sa mga empleyado ng mansion. Commute lamang si Jasmine para mamalengke.
Hindi naman madami ang pinabili kay Jasmine. Kaya naman nang maiwan siya ng coaster sa exclusive subdivision kung nasaan ang mansion ay hindi na rin naman siya nag-inarte. Malayo ang mansion sa may gate pero pinili niya na maglakad na lang. Gusto rin naman niya na libutin kahit papaano ang subdivision. Nasa kalagitnaan na si Jasmine nang paglalakad nang mapatigil siya. Ngayon ay nasa harap na siya ng isang exclusive kindergarten school sa loob rin ng subdivision.
May mainit na kamay na humaplos sa puso ni Jasmine. Nalulungkot siya. Pinapaalala sa kanya ng eskuwelahan ang bagay na hindi na niya makukuha. Nakatapos na naman siya ng high school pero hanggang doon na nga lang ba iyon? Napakasuwerte ng mga batang ito. Nagagawa ng mga ito ang gusto niya pa na gawin---ang makapag-aral. Napakasuwerte rin ng mga guro ng mga ito. Ginagawa na ng mga ito ang pangarap niya.
Natagpuan na lang ni Jasmine na may pumatak na luha sa mata niya. Nainggit siya sa nakita. Lahat ng pangarap niya ay hindi na niya magagawa pa.
Nasa ganoong tagpo si Jasmine nang may tumigil na sasakyan sa likod niya. Pinahid niya ang luha saka lumingon. Nakabukas ang bintana ng Mercedez Benz. Nakalabas ang ulo ni Sir Ali sa bintana.
Kaagad na naging malakas ang tibok ng puso ni Jasmine. “Hey, what are you doing here?”
Pati lalamunan ni Jasmine ay nagkaroon rin ng kakaibang reaksyon. Nanuyo iyon nang makita ang ayos ni Sir Ali. Naka-gel ang wavy na buhok nito. Naka-coat rin ito at sa loob ay blue na polo. He looks so seriously corporate. Medyo malayo rin siya pero naamoy na niya ang halatang mamahalin na pabango nito. Napalunok muna si Jasmine bago magsalita.
“Ah, pauwi na po ako, Sir. Namalengke lang po ako,” itinaas ni Jasmine ang eco bag na ginamit sa pamimili.
Tumango ang amo pero nakakunot ang noo. “But why are you walking? Napakalayo ng gate sa mansion!”
“Okay lang po,”
Binuksan ng amo ang pinto ng benz. “Hop in,”
“Paalis po yata kayo, Sir. Okay lang naman po talaga sa akin na maglakad---“
Naputol ang pagsasalita ni Jasmine nang bumaba ang lalaki sa kotse nito. Hinawakan siya nito sa baywang. Napalayo kaagad siya. May nakakapaso na pakiramdam na hawak ang lalaki. Tumingin ito sa kanya, nakakunot ang noo.
Yumuko si Jasmine. “Sorry, Sir. Nagulat lang po ako.”
Kiming ngumiti si Sir Ali. “Hop in the car. I insist. Napakainit na para magpatuloy ka pa sa paglalakad. Ihahatid ka na muna namin pauwi.”
Tumango si Jasmine. Pinauna siya ng amo kaya nasa gitna si Jasmine. May dalawang body guard ang amo. Mayroon sa unahan at ang isa naman ay nasa kaliwang bahagi ng kotse. Nasa kanan niya si Sir Ali.
Tahimik lang ang lahat sa biyahe hanggang sa bigla na lamang nagpreno ang driver. Muntik ng mapasubsob si Jasmine pero naging maagap ang amo. Hinawakan siya nito sa baywang. Napalapit tuloy ang katawan niya rito. Napasubsob ang ulo niya sa dibdib nito.
Hindi na lang kabayo sa dibdib ang mayroon sa katawan ni Jasmine. Nakaramdam rin siya ng paru-paro sa tiyan sa pagkakalapit nila ng amo. Nang tignan naman niya ito ay wala pa rin ang tila masiyahin na lalaki na unang nakilala niya. Seryosong nakakunot noo pa rin ito.
Inayos ni Jasmine ang sarili. Lumayo siya sa lalaki kahit gusto niya ang pakiramdam ng pagkakalapit nilang dalawa. Napakabango talaga nito. Kung bibigyan siguro siya ng pagkakataon, pipiliin niyang makulong na lang sa dibdib at bisig na ito habang-buhay. Kontento na siya roon.
Tumikhim ang dalawang body guard. Napailing-iling ang amo. “Drive safely,”
“Pasensya na po, Sir. May bigla po kasing tumawid na aso. Nakatakas po sa gate,” kakamot-kamot na dahilan ng driver.
Tumango lamang ang amo at nagpatuloy na mag-drive ang driver. Nang makarating sa harap ng mansion, ipinagbukas ng isang body guard ng pinto ang amo. Sa pinto kasi nito natapat ang pagka-park ng driver. Bumaba si Ali bago siya makababa. Inalalayan pa siya nito.
“Thank you so much po, Sir.”
“Take care of yourself,” iyon lang at pumasok na muli ang amo sa kotse.