Napatingin si Quinn sa kahon ng cupcake. Isa na lang ang natitira. Nadukutan siya ng cupcakes ng ni Sosimo nang wala siyag kamalay-malay. Paano nangyari iyon samantalang matinik siya pagdating sa pagkain?
Isinara niya agad ang kahon. “Sa akin na lang ‘to! Huwag ka nang hihingi,” aniya sa malumanay na boses.
“Aba! Hindi nagalit sa akin. Samantalang kahapon lang gusto mong kalbuhin ang beauty ko dahil binawasan ko ang cake na bigay ni Chance. Icing lang naman iyon. In love ka nga yata. Bumait ka na! You are in love!” tili nito.
“Anong in love?” naguguluhan niyang tanong.
Humagikgik ito. “Ikaw at si Chance. Parang joke lang.” At ang hagikgik nito ay naging halakhak. “I can’t believe that you are in love! At sa dinami-dami ng tao ay sa kanya pa. Love is blind.”
In love? In love siya kay Chance? Nanlaki ang ulo ni Quinn. Okay. Espesyal si Chance para sa kanya. Sa lahat ng lalaking nakilala niya, dito rin magaan ang loob niya dahil mabait ito. Kaya nga naging mabuting kaibigan siya dito.
Nanlamig ang palad niya. Paano kung higit pa sa pagkakaibigan ang tingin niya dito? She loved spending time with him. Di rin siya palapuri sa mga lalaki at di rin siya basta-basta naguguwapuhan sa isang lalaki. Kahit si Sosimo na guwapo din at di naman agad nagladlad ng kapa ay di naman niya tinitigan gaya nang pagtitig niya kay Chance.
“You are crazy! I am not in love. Ni hindi ko siya crush,” tutol niya at ipinilig ang ulo. Ayaw niyang i-entertain ang ideya kahit crush man lang niya si Chance. No way! Magkaibigan lang sila at ayaw niyang mabahiran iyon ng malisya.
Natigilan sa paggigitara sina Chance at Harry at nilingon sila. “IN love si Quinn? Kanino?” tanong ni Harry.
“Kay...Umph!” Tinakpan ng palad ni Quinn ang bibig ni Sosimo. Subalit maagap naman ang kamay ni Sosimo at tumuro sa direksiyon nina Harry at Chance. Hinila din niya ang kamay ni Sosimo. “Naku! Babaliin ko pati ang kamay mo!”
“Ako?” tanong ni Harry.
“Hindi!” sigaw niya. “Hindi talaga! Don’t even think about it. Sasapakin talaga kita.”
Pumalag si Sosimo at umiling. Lumingon si Harry kay Chance. “Si Chance?”
Nanlaki ang mata niya at di agad makatutol. Sila-sila lang naman ang tao doon. “Hindi! Nakaka-in love ‘yang tinutugtog ninyo,” sabi niya at ngumiti. “Ang ganda.”
“Sirena ni Gloc 9 nakaka-in love?” naguguluhang tanong Chance.
”Hindi naman love song iyon.”
Epic fail! Malay ba naman niyang Sirena pala ang inaaral ng mga ito. Napapahiya na talaga siya dito.
“Ah! Akala ko kasi love song. Nakaka-in love kasi ang tunog ng gitara. Masarap sigurong matuto na maggitara, no?” palusot niya at saka pinakawalan si Sosimo na muntikan nang himatayin sa suffocation.
“Hindi ka nagsasabi na gusto mong magpaturo. Halika! Tuturuan kita,” sabi ni Chance at umupo sa tabi niya. Ibinigay nito ang gitara sa kanya. “Madali lang ito. Si Harry nga mabilis matuto. Kaya mo rin iyan.”
“S-Sige.” Nanginginig ang kamay niyang kinuha ang gitara.
Sobra ang kaba niya kanina. Baka kasi mamaya ay maniwala si Chance na in love nga siya dito kapag narinig ang sinabi ni Sosimo. Malaking gulo iyon. Hindi niya alam kung paano magpapaliwanag o magpapalusot. Paano kung may matibay na ebidensiya pala ang bestfriend niya na may espesyal siyang nararamdaman kay Chance? Malay naman niya. Di pa niya nararanasan na magka-crush at kiligin.
Ngayon lang niya napansin na masyado nang natuon ang atensiyon niya kay Chance. Na ultimo simpleng pagngiti nito o pagsasalita ay di nakakaligtas sa kanya. At parang kinukuryente ang hangin sa paligid niya kapag magkadikit sila. Gaya ngayon.
Ini-adjust nito ang kamay niya sa gitara nang matigilan ito. Inangat nito ang kamay niyang nakadiin sa strings. “Anong nangyari sa kamay mo? Bakit puro paltos at paso ka?” nag-aalalang tanong nito.
“Ah! Ginawa ko ang project natin sa T.L.E. Iyong puro Popsicle sticks na materials para sa exhibit. Hindi ko makontrol ang glue stick kaya napapaso ako.”
“Ang sensitive talaga ng kamay nito. Prinsesa ka talaga,” sabi ni Sosimo.
“Oo. Hindi balat-kalabaw si Quinn tulad mo,” sarkastikong komento ni Harry.
“Sana sinabi mo sa akin. Sana tinulungan kita. Mahirap na gawin ang project na iyon,” anang si Chance at pumalatak. Magaan nitong hinawakan ang kamay niya at tinitigang mabuti. Kulang na lang yata ay kumuha ito ng microscope para makitang mabuti ang mga sugat niya. “Tingnan mo! May sugat ka pa pala dito!” Hinipan nito ang isang daliri niya na medyo malaki ang sugat.
Nahigit niya ang hininga nang maramdaman ang init ng hininga nito sa balat niya. And it was as if he actually caressed her skin. And instead of repulsion, she felt a different kind of thrill that tickled her senses and made her heart pound. Kinakabahan siya na parang kinikiliti na hindi niya maintindihan. Ano ba itong nararamdaman niya?
Naalarma si Chance. “Ha? Okay ka lang? May masakit ba sa iyo?”
“Oo naman. Okay lang ako.” Nakalimutan na nga niyang may sugat siya kanina mula nang makita niya si Chance. Nakalimot na rin siya sa sarili niya. Di niya ugaling humagikgik. Mga pa-cute at pabebe lang ang gumagawa noon. At hindi siya pa-cute! Pero nadadala talaga siya nang hipan ni Chance ang kamay niya.
Kinuha nito ang bag at inilabas ang first aid kit nito mula sa bag. Boy Scout daw ito at laging handa kahit na ano. “Paano ka magiging okay? Nagkapaltos-paltos ang kamay mo pero di mo pa rin tapos ang project natin.”
Pinigil niyang ngumiti habang nilalagyan nito ng gamot at gauge ang sugat niya. “Kaya ko naman ang sarili ko. Okay lang ako.”
Hindi siya nito pinansin at nilagyan ng petroleum jelly ang mga paltos niya. “Hindi ka okay. Masakit iyang sugat mo. Natuklap ang balat mo. Anong nangyari?”
“Natuluan kasi iyan ng natunaw na glue stick. Napatili ako kasi masakit. Naloka si Isang, iyong maid namin. Sa sobrang tuliro niya, bigla niyang binaklas iyong glue stick sa daliri ko. Ayan! Natuklap ang balat ko,” aniyang naluha nang maalala iyon. Sobrang hapdi naman kasi. Sa halip na makatulong ay lalo pang nakasama sa kanya.
“Sana sinabi mo sa akin. Kanina nagsulat ka pa para sa attendance at may meeting pa kayo sa Math Club. Secretary ka doon tapos maraming ipinagagawa sa iyo,” nag-aalalang sabi ni Chance habang magaan ang kamay na sinipat ang kamay niya para tingnan kung may sugat pa. “At alam ko na hindi mo nilagyan ng gasa ang kamay mo para di namin mapansin na may sugat ka.”
“Kasi kailangan ko pa ring gawin ang projects at responsibilidad ko. Walang ibang gagawa noon kundi ako lang,” katwiran ni Quinn.
“Ipasa mo sa iba. Kahit na responsibilidad mo yon, di ka naman namin alipin. Hayaan mo sila na magtrabaho. Lagi ka na lang pagod. Nandito naman ako para tulungan ka,” sabi ni Chance at ipinatong an mainit nitong kamay sa kamay niya. “Hindi mo kailangang mag-isa.”
“Ayyyy! Parang eksena sa teleserye. Ang sweet nila!” tukso ni Sosimo at kumapit sa braso ni Harry. “Hindi ka ba naiinggit?”
“Sige! Tutuklapin ko rin ang balat mo sa mukha kung naiinggit ka.” Bahagyang lumayo si Harry kay Sosimo dahil naiilang ito. Di naman kasi maikakaila na may hidden desire si Sosimo dito. “Chance, willing ka bang maging sekretarya kung hindi pwede si Quinn na gawin ang mga trabaho niya?”
“Bakit hindi? Basta huwag lang niyang igagalaw ang kamay niya maliban na lang kung may test tayo.” Kinuha ni Chance ang cupcake na natitira. “Mula ngayon ako muna ang kamay mo. Ako ang gagawa ng project mo. Ako ang magpapakain sa iyo.” At inumang nito sa labi niya ang cupcake. “Kaya kumain ka na.”
“Ha? Hindi naman pwede iyon. Marami ka rin namang ginagawa. Saka kaya ko na ang sarili ko na pakainin. Di mo ako kailangan na gawing parang baby.”
“Tapos ko na ang project ko. Okay lang sa akin na alagaan ka.” Bubuka sana ang bibig niya para tumutol. “At huwag kang kokontra!”
Kumagat siya ng cupcake. Wala siyang planong kumontra. Gusto nga niya ang pakiramdam na inaalagaan siya ni Chance.