NAKAKATANG ANG baba ni Quinn sa mesa at nakatitig sa mga naka-post na tula ni “King” sa internet. Nasa isang cafe siya at hinihintay ang pagdating ni Sosimo. Kukunin nito ang libro sa kanya na pinirmahan ni King.
King! King! King!
Hindi talaga matahimik ang dalaga mula nang magkita sila. Pag-uwi sa bahay ay nanginginig ang kamay niya. Di siya makatulog at ito lang ang naiisip niya. Di niya mai-reconcile ang idea na si Chance at ang hot na manunulat na si King ay iisa. Kaya naman mula pa kagabi ay nagbasa na siya ng mga impormasyon dito sa internet pati na rin ng mga tula na naka-post pa sa internet.
Nagsimula lang ito bilang mga simpleng tula hanggang maging tulaserye sa writing website na Booklat. Walang lumabas na larawan ng manunulat sa internet at sekreto ang katauhan nito. Ang book signing nito sa Manila ang tanging pagkakataon na nagpakita ito sa publiko at nakita kung ano ang itsura nito.
Wala itong social media account bilang Chance Anonuevo. Tanging sa writing website na Booklat ang account nito at ang profile picture pa ay chubby bear na may yakap na puso. At lalo pa siyang naging apektado sa muli nilang pagkikita?
“Bakit? Ang malas-malas ko talaga?” aniya at sinapo ang ibabaw ng ulo saka umungol. Akala niya ay move on na siya kay Chance pero di pa rin pala. Para siyang nasa kumunoy at unti-unting lumulubog habang lalo niyang nilalabanan. “Bakit siya pa rin?”
Sinilip niya ang picture ni Chance habang book signing kasama ang mga fans nito na nanalo sa dating game. Dapat ay isara na niya ang window ng upload ng pictures nito. Dapat ay di na niya ito tingnan. Dapat ay mag-focus na lang siya sa pagbabasa ng lesson para sa susunod na araw. Anong move on ba ang gagawin niya sa buhay kung ayaw niyang mawala si Chance sa paningin niya?
“Sino ‘yang tinitingnan mo?” tanong ni Sosimo sa kanya.
Nataranta siya at tumuwid ng upo nang basta na lang sumulpot sa tabi niya ang kaibigan. Dali-daling itiniklop ni Quinn ang laptop. “Ano ba?” angil niya sa kaibigan. “Nanggulat ka naman basta.”
“Ano nga ‘yang tinitingnan mo?” nanlalaki ang matang tanong ng kaibigan.
“Project ko lang.”
“May project ka bang guwapo? Patingin nga.”
Akmang iaangat nito ang laptop niya nang tinampal niya an kamay nito. “Hindi naman guwapo iyon.”
“Naku! Nakita mo ang mata mo parang may heart-heart na sa katititig mo. Sino nga ang guwapong iyon?” giit ni Sosimo.
“Si ano...”
“Sino ba ang guwapong tinitingnan niya?” anang isa pang boses at nanlaki ang mga mata niya nang mabuhay sa harapan niya ang lalaking kanina lang ay tinititigan niya sa laptop.
“King... I mean, Chance. I mean...” Paanong nagkatawang-tao ito? Parang gusto niyang sampalin ang sarili para magising dahil baka mamaya ay naghahalusinasyon lang siya dahil mula kagabi pa siya nakatitig sa picture ni Chance.
Niyugyog ni Sosimo ang balikat niya. “Hoy, Quinn! Tulaley ka na diyan, girl. Ngayon ka lang nakakita ng guwapo?”
Drat! Totoo nga! Nasa harap niya ngayon si Chance. He looked amuse. Pwes! Di naman ka-amuse-amuse sa kanya na naroon pala ito at mukha na naman siyang tanga sa harap nito.
“Sorry. Medyo inaantok pa kasi ako. A-Anong ginagawa mo dito?” tanong ni Quinn nang makabawi.
“I want to see you again.”
Napanganga siya. “G-Gusto mo ulit akong makita?” tanong niya at dumagundong ang tibok ng puso niya.
Tumango ito. “Gusto ka daw makita ni Mama.”
Saka lang niya napansin ang babaeng nakatayo sa tabi nito. “Tita Vera!” bulalas ni Quinn at niyakap ang babae.
“Hija, sabi ni Chance nasa book signing ka daw niya. Kaso nagmamadali ka daw umalis. Nandoon lang din ako. Kausap ko lang ang publisher niya. Kaya nakipag-meet na lang kami sa kay Sosimo.”
“Tita, I am sorry. May klase pa po kasi ako nang araw na iyon.” Kailangan ko po kasing iwasan ang anak ninyo.
“I understand, hija. Kaya nga kami na mismo ang nakipagkita sa iyo ngayon. Napakaganda mo lalo ngayon. Sasali ka na ba sa beauty pageant? May boyfriend ka na siguro.”
“Wala po. Wala po iyon sa plano ko. Busy po ako sa pag-aaral.” Busy din siya sa pag-iisip ng paraan kung paano makaka-get over kay Chance na dahilan kung bakit windang pa rin ang puso niya ngayon.
“Pang-beauty with a purpose po kasi itong friend ko, Tita. Naku! Kaya deadma lang ang mga guwapong boys. Saka hindi pa po siya nakaka-recover sa kanyang first love,” sabi naman ni Sosimo nang umupo at tinawag ang service crew para umorder.
“Sino?” tanong agad ni Chance na puno ng interes.
“E bakit gusto mong malaman?” nakataas ang kilay nitong tanmong.
Nagkibit-balikat ito. “Malay mo naman magawan ko ng tula.”
“Pagkakakitaan mo lang ata ako.”
Humalakhak ang binata. It was a hearty laugh full of confidence. “Really. Concern lang sa iyo.”
“Ay naku! Move on n daw siya sa boylet na iyon. May pagka-manhid kasi at in love sa iba. Sa ganda ng friend ko, hindi man lang niya nagustuhan. Ang shunga-shunga talaga niya,” nakatirik ang mga matang sabi ni Chance.
“Sino ba ang tangang lalaking iyon nang mabatukan ko naman?” tanong ng binata.
Batukan mo kaya ang sarili mo? Try mo. Pero parang mas dapat na si Quinn ang mabatukan dahil hanggang ngayon ay moving on pa rin ang drama niya sa lalaki.
“Para ka palang si Chance. Ang pag-ibig niya puro sa tula nalang idinadaan. Pero mga bata pa naman kayo. Marami pang dadating na mas magandang pagkakataon. Dadating din ang tamang tao para sa inyo. Sa ngayon, i-enjoy lang ninyo ang pagiging bata ninyo. Enjoy the company of friends. Okay lang kiligin basta alam ninyo ang limistasyon ninyo,” sabi ni Tita Vera at ngumuso. “Is their pesto pasta good?”
“Not as good as yours, Tita. Sana po ipagluto ninyo ako ulit,” ungot ng dalaga dito. “Nami-miss ko na po ang luto ninyo. Puro kasi walang lasa ang gustong ipakain sa akin ni Mama. Hindi po niya maintindihan na kailangan ko ng matinong pagkain kung gusto kong may pagkain ang utak ko kapag nag-aaral.”