Chapter STFW 15

MALAPIT nang bumulagta sa damuhan si Aiesha sa sobrang pagod. Papagabi na at unti-unting bumababa ang ulap sa bundok. Mukhang doon na sila aabutan ng dilim. Nabuhayan lang siya ng loob nang makita ang usok sa di kalayuan. Kaunting hakbang pa ay nakita na niya ang ilang bahayan sa gitna ng mga palayan.

“Iyon na ba ang tribo mo?” tanong niya at nilingon si Silang. Hindi lang siya basta napapagod. Gutom na rin siya. Kung hindi pa rin iyon ang tribo nito, baka kaladkarin na siya nito. Hindi na niya kayang maglakad.

Tumango ito. “Iyon na nga,” sabi nito at bahagyang tumigil.

Itinaas niya ang dalawang kamay. “Sa wakas! Akala ko doon pa tayo sa kabila ng kabila ng kabila ng bundok. Parang hindi na mauubos ang bundok dito.”

“Natural na hindi maubusan ng bundok dito. Cordillera Mountain Range ito. Halika na,” yaya nito at hinatak ang kamay niya. “Gusto ko na ring magpahinga at kumain. Malamang kanina pa nila tayo hinihintay.”

Nagpalinga-linga siya sa paligid nang makarating sa mismong tribo. May ilang mga tao na nasa labas pa subalit nagpapasukan na sa loob ng bahay ang mga bata. Bukas na rin ang mga ilaw sa mga bahay. Napansin niya na malaki ang bubong ng mga bahay, na ang ilan ay gawa sa kugon habang ang iba ay yero na. Gawa naman sa bato ang mga dingding o kaya ay sa pinagpatong-patong na troso.

“Ano ang masasabi mo sa aba naming tribo?” tanong nito.

“It was far from I expected,” aniya at nginitian ang ilang mga taong pinagmamasdan siya dala ng kuryosidad.

Tinanguan at kumaway ang mga ito kay Silang. May sinabi ang ilan pero hindi niya maintindihan. Siguro ay nangungumusta. “Disappointed ka ba dahil akala mo sa puno kami nakatira?” may halong sarkasmo nitong tanong.

“Not really. Inaasahan ko pa kasing nakabahag ang mga tao dito. At pagdating natin ay may hero’s welcome ka habang sumasayaw ng Salidum-ay.”

Katulad ang pananamit ng mga ito sa mga tao sa bayan. Ang mga kalalakihan ay naka-T-shirt at pantalong maong. Palda at blouse sa kababaihan. Ang kaibahan lang ay nakasuot ng kakaibang headgear sa ulo ang mga kalalakihan. At may suot namang kwintas na gawa sa kakaibang beads ang mga kababaihan.

“Naiimpluwensiyahan na rin kami ng pagiging moderno,” paliwanag nito.

“Ibig sabihin hindi na kayo nagsusuot ng ethnic costumes?” aniyang tuluyan nang hindi naitago ang pagkadismaya.

“Kapag lang may okasyon o mga ritwal,” sabi nito. “Sa palagay mo ba tatagal ka dito? As you can see, walang masyadong modern amenities dito. Hindi katulad kung sa hotel ka tumutuloy.”

“I don’t have any intentions to go back,” sabi niya. Ngayon pa ba siya uurong samantalang ilang bundok na ang natawid niya?

“Silang!” anang isang babae na sa tantiya niya ay nasa singkwenta ang lumabas sa isa sa mga bahay at sinalubong sila. Nang yakapin nito si Silang ay alam agad niyang iyon ang ina ng binata.

Maliit lang ito. Sa palagay niya ay nasa limang talampakan lang. Iyon din ang naobserbahan niya sa iba pang kababaihan doon. Tulad ni Silang ay morena rin ito subalit bakas pa rin ang kagandahan noong kabataan.

“Kas-ano ka ngay?” pangungumusta nito.

“Gawis kayet, Ina,” sagot ni Silang. “Mabuti naman po.”

“Good evening po,” bati niya nang mapalingon sa kanya ang nanay nito.

Nagulat ito nang makita siya. “May kasama ka pala, anak. Hindi ka man lang nagsabi na isasama mo pala ang nobya mo.”

“Ay, hindi po niya ako girlfriend,” tanggi agad niya. “Kaibigan lang po.”

“Sino na nagan-mo?”

Tumingala siya kay Silang upang magsilbing translator niya. Marunong siya ng limang lengguwahe pero di niya alam ang diyalekto ng tribo nito. “Ano daw ang pangalan mo?” mahina nitong sabi.

Nakangiti siyang bumaling sa nanay nito. “Ako po si Aiesha.”

Kinamayan siya nito. “Ako naman si Negay. Tawagin mo na rin akong Ina tulad ng tawag ni Silang.”

Namula siya. “Po? Pero nakakahiya naman po.”

Hindi naman niya boyfriend si Silang para tawagin din itong Ina. Kung ang Mama nga ni Aldrich na boyfriend niya, auntie pa rin ang tawag niya.

“Ina talaga ang tawag sa mga nakakatandang babae dito,” paliwanag ni Silang. “Iyon ang tanda ng pagrespeto sa kanya kahit hindi mo siya nanay.”

“Pasensiya na po,” nahihiya niyang sabi.

“Wala iyon. Sumkhep kayo. Pasok! Kanina pa siguro kayo nagugutom.”

Maliit at simple lang ang bahay. Pagpasok ay may mesang kainan ang bumungad sa kanila. May mga silid na ang hula niya ay tulugan sa gilid ng mesang kainan. Wala halos masyadong kagamitan o dekorasyon maliban sa mga tradisyunal na palakol o headaxe at ilang inukit na kahoy. Maganda ang pagkakagawa. Pwede niyang I-feature sa art gallery niya. May mga hinabi rin na may etnikong disenyo.

Malayong malayo sa mansion nila ang lugar at sa mga mamahaling hotel na madalas niyang tuluyan pero pakiramdam niya ay kumportable siya doon.

“Nasaan si Ama?” tanong ni Silang nang ilapag ang mga gamit nila.

“May pulong sila sa ato. Bilin niya pagkakain mo, sumunod ka doon.”

Inilapag ang mga pinggan sa hapag. May mga gulay at isang buong manok doon. Nanuot sa ilong niya ang mabangong amoy at nakaramdam siya ng gutom. Ilang oras na pala siyang hindi kumakain.

“Pasensiya na kung ito lang ang kaya naming ihain sa ngayon. Saka pagpasensiyahan mo na rin ang bahay namin,” anang si Inang Negay.

“Ako nga po ang nahihiya dahil sumama ako nang walang pasabi. Nakaabala pa po ako,” sabi niya at dumulog sa kainan matapos maghugas ng kamay. Iginala niya ang tingin sa mga nakahain. “Nasaan nga po pala ang kanin ninyo?”

“Ito,” anang si Silang at itinuro ang kulay pulang nakahain.

“Kanin ito? Bakit kulay pula?”

“Red rice,” kaswal nitong sabi at inabot sa kanya ang bandehado ng kanin.

“Alam mo ba kung bakit naging pula iyan at hindi puti?” tanong ni Inang Negay. Umiling siya at tumingin dito. “Dahil noong unang panahon, nagkaroon ng tagtuyot sa tribo namin. Namatay ang mga pananim. Kaya nagmakaawa ang mga tao sa diyosa ng kalangitan na tulungan sila. Kaya bumaba ang diyosa at idinilig ang gatas mula sa dibdib niya para mabuhay ang mga pananim. Hanggang sa maubos ang gatas at dugo na ang tumulo mula sa dibdib niya.Kaya may kulay pulang kanin.”

Tumango siya habang namamangha sa kwento nito. Bata pa siya nang huling makarinig ng kwentong pambata. “Salamat po sa kwento,” aniya at inilagay sa pinggan ang pulang kanin pati ang ulam na lasang manok. “Ano po ito?”

“Sinampalukang palaka,” sabi ni Silang.

Natigilan siya sa pagsubo. “Palaka?” aniya at tiningnan ang pinggan. Weird. Pulang kanin at sinampalukang palaka. Baka sa susunod ay salagubang o sawa na ang kinakain niya ay hindi pa niya alam.

“Ayaw mo?” naghahamong tanong ni Silang. Humahanap marahil ito ng butas para may maipintas sa kanya at sabihing hindi siya tatagal sa tribo nito. Isa nga namang malaking insulto kung aayawan niya ang pagkain nito.

“Gusto,” sabi niya at nagpatuloy sa pagkain. “Ang totoo, hindi po ako maselan sa pagkain. Noon nga pong nasa Thailand ako, mas exotic pa po ang kinain ko.”

“Saan kayo nagkakilala nitong anak ko. Sa UP ka rin ba nag-aral?”

Lumipad ang tingin niya kay Silang. Hindi niya ito na-interview kanina? Suplado kasi ito. Sobrang tahimik kaya nadi-discourage siyang magtanong dito. Umiling siya. “Sa UST po ako kumuha ng Fine Arts. Pero nagkita po kami ni Silang sa isang exhibit sa UP Diliman.”

“Diliman?” Puno ng pagtatakang tumingin ito kay Silang. “Hindi mo nabanggit sa akin na napupunta ka sa Diliman. Akala ko hindi ka umaalis sa Los Baños.”

“Minsan lang po iyon,” anito at binigyan siya ng nagbababalang tingin.

Nakagat niya ang labi. Delikado dahil baka mabuko na nagsisinungaling siya. Ayaw niyang sabihin na girlfriend siya ni Aldrich Dominicano. Baka bigla siyang itaboy palayo sa tribo ng mga ito. Ayaw niyang matulog sa kabundukan nang mag-isa. Baka lapain pa siya ng mga mababangis na hayop.

“Maganda po pala ang lugar ninyo,” papuri niya para ibahin ang usapan.

Ngumiti si Inang Negay. “Mas maganda ito bukas kapag maliwanag. Hayaan mo, ipapasyal ka ni Silang.”

Binantayan niya ang reaksiyon ni Silang at hindi nakaligtas sa kanya ang iritasyon sa mga mata nito. Lihim siyang napangiti. Sa ayaw nito at sa gusto, sasamahan siya nito. Dahil bisita pa rin siya nito.

Sa palagay niya ay magiging exciting ang bakasyon niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.