Chapter Rohann, Heart of the Raging Storm: Chapter 2

CHAPTER TWO

“Bakit dito ka pinag-aral ng parents mo instead na sa Manila, Kim?” usisa ni Gianna, ang umookupa ng katabi niyang kuwarto sa boarding house. Ito ang unang nag-approach sa kanya nang dumating siya sa Baguio.

“Mas okay daw kasi dito. Mas tahimik. Aside sa mababa ang cost of living,” paliwanag niya. “Saka may makulit kasi akong manliligaw doon. Kaya nag-decide silang ilayo ako.”

Nakapag-enroll na siya sa St. Louis University kung saan dating nag-aral ang Kuya Luigi niya. Walang makakaalam na magkapatid sila dahil bagamat tunay na magkapatid, apelyido ng kinikilala nitong ama ang gamit nito. Kaya siya ang pinaka-perfect na tao na maaring makalapit sa kapatid ni Jet Madrigal nang walang maghihinala na may iba pa siyang motibo.

“Malayo nga ang Baguio. Di na magtitiyaga ang manliligaw mo na puntahan ka dito. Pero mas tahimik naman dito kaysa sa Manila. Saka marami ring cute na guys dito. Kapag pumasok sa isang araw, marami kang makikilala.”

“Hindi ako nagpunta dito para humanap ng lalaki. I am escaping from one, remember?” sabi niya habang isinasalansan ang mga damit sa closet.

Malaki ang atraso sa kanya ng Jet Madrigal na iyon. Dahil dito, naantala ang pangarap niyang maging isang doktor. Ngunit nangako naman ang Papa niya na kapag natapos ang problema ay babalik na siya sa States para mag-aral.

Kaya dapat maging mabilis ang trabaho niya. Hindi pa niya alam kung sino ang kapatid ni Jet Madrigal. Subalit ayon kay Rory, sikat rin daw ang kapatid ni Jet sa university. Hindi daw siya mahihirapang hanapin ito.

“Mamaya mo na ituloy iyang inaayos mo,” sabi ni Gianna. “Malapit nang mag-alas sais. Gusto mo bang bumili ng lutong ulam o magluluto tayo? Teka, marunong ka bang magluto?”

“Oo naman. Bumili na lang tayo ng gulay sa tindahan,” sabi niya. “Mahal kasi sa Manila ang gulay. Malapit ba ang palengke dito?”

“Sasakay pa tayo ng jeep. Sa tindahan na lang muna tayo tumingin. Bukas na lang tayo mamili sa palengke.”

Noong nasa States siya ay sinanay siya ng mga magulang sa gawaing-bahay. Kaya naman independent siya. Kaya hindi na nag-aalala sa kanya ang Papa niya sakaling sa Baguio man siya mag-aral. Di tulad ng Mama niya na mas naging overprotective sa kanya mula nang mawala ang kuya niya.

“Ang totoo, tahimik naman dito,” sabi nito habang naglalakad sila papuntang tindahan. “Saka mababait ang mga tao.”

Tumaas ang kilay niya nang mas pumaswit sa kanila. “Miss na naka-blue, ang ganda mo. Pwede bang I-table ka namin dito?” kantiyaw ng isang lasing na nakikipag-inuman sa harap ng tindahan sabay kalampag sa mesa.

Hindi niya pinansin ang mga ito kahit na alam niya na siya ang pinariringgan. “Ganito ba kababait ang mga tao dito?” may halong sarkasmo niyang tanong.

“Huwag mo nang pansinin ang mga sunog-atay na iyan. Doon na lang tayo sa susunod na tindahan,” anito at dinaanan lang nila ang grupo ng mga nag-iinom.

Habang bumibili sa sumunod na tindahan na di kalayuan sa una nilang nadaanan ay narinig niya ang pagkakantiyawan ng mga lasing. Nang lumingon siya ay napansin niyang may bago itong pinagkakatuwaan.

“Bigyan mo kami ng pang-inom, bata!” sabi ng isang lasing sa hinarang ng mga ito. Bahagyang nakayuko ang lalaking hinarang kaya hindi niya makita ang mukha nito. Bukod sa bumabagsak sa harap ang may kahabaang buhok na nagmistulang aninong tumakip sa mukha nito.

Nang hindi nagsalita ay itinulak ito ng galit na lasing. Napasinghap siya. “Gosh!” bulalas niya.

Mabuti na lang at hindi tumumba ang lalaki. Nanatili pa rin itong nakatayo. Kinalabit niya si Gianna na busy sa pakikipag-kwentuhan at pagpapa-cute sa nagbabantay ng tindahan. “Gee, itinulak nila iyong lalaki. Wala bang pwedeng hingan ng tulong dito kahit baranggay tanod?”

“Ha?” anang si Gianna na hindi natinag sa pakikipag-usap. Saglit lang nitong nilingon ang mga lasing. “Huwag mong intindihin ang mga iyan. Titigil din ang mga iyan mamaya.” Saka ito nagpatuloy sa pakikipagdaldalan.

“Ayaw magbigay?” angal ng isa pang lasing na halos buto’t balat na lang at nakasuot nang puting sando. “Kunin mo iyong bag.”

Ang pinakamalaki sa tatlong lasing ang kumuha sa backpack ng lalaki at ihinagis sa mesa. Nanatili lang nakatayo ang lalaki habang kinakalkal ng tatlong lasing ang gamit nito at isa-isang inilabas ang gamit nito.

“Ano ba ang mga ito? Puro basura,” sabi ng lasing na payat at ihinagis sa kalye ang gamit ng lalaki.

Tahimik lang iyong pinulot ng lalaki. Hindi niya alam kung maawa o maiinis dito. Ni hindi man lang ito nagsalita o lumaban kahit kaunti. Kung hindi man ito marunong lumaban, pwede naman itong humingi ng tulong sa iba.

“Gee, saan ba ang baranggay outpost dito?” tanong niya nang hindi makatiis. Kailangan niyang tulungan ang lalaki.

Pinigilan siya nito sa braso. “Huwag ka nang makialam. Kaya na niyang lutasin ang problemang iyan.”

“Sino? Ang lalaking iyon?” tanong niya sabay turo sa lalaking nagpupulot pa rin ng gamit. Ni hindi nga ito makapagsalita sa sobrang takot sa mga lasing.

Parang napansin ng lalaki na nakatingin siya dito. Inangat nito ang tingin sa direksiyon niya. Napakaamo ng mukha nito para sa isang lalaki. No wonder hindi ito pumapatol sa mga lasing. Mukha kasi itong hindi makabasag-pinggan.

Hugis puso ang mukha nito. Sa unang tingin, mukha itong babae dahil nga may kahabaan ang buhok. Subalit lalaki naman ito kapag tinitigang mabuti. Matangkad ito. Sa palagay niya, dalawang pulgada na lang ay anim na talampakan na ang taas. Matangos ang ilong nito at may kanipisan ang labi. His skin was lightly tanned. Siguro dahil na rin sa may kalamigan sa lugar na iyon.

Pero nagbago ang isip niya nang makita ang mga mata nito. They were so black and intense. Mapanganib ang salitang pumasok sa isip niya. Wala siyang nakita kahit katiting na takot. Parang isa itong bulkan na tahimik ngunit maaring sumabog anumang oras.

Tumayo ang lalaki bitbit ang mga gamit at hinarap ang mga lasenggo. “Pwede ko na bang makuha ang bag ko?” malumanay nitong tanong.

“Aalis ka na agad, bata?” anang pinaka-lider ng mga lasing. “Wala naman kaming mapakinabangan sa iyo. Tumagay ka na lang.” Inilapag nito sa harap ng lalaki ang isang baso ng gin.

“May pupuntahan pa ako. Hindi ako pwedeng uminom.”

Pumunta sa likod nito ang lasenggong payatot. “Tinatanggihan tayo, p’re! Ayaw pa mandin natin sa lahat iyong tinatanggihan tayo.” Tinanggal ng lasenggo na ang tali sa buhok ng lalaki. Sumabog ang buhok nito na lagpas-balikat . “Ang ganda ng buhok! Parang sa babae. Babae yata ito!”

Hinablot naman ng lasenggong mukhang taong bato ang harap ng t-shirt ng lalaki. “Babae ka ba?” tanong nito. Humalakhak ang mga lasenggo na parang nakaka-insulto. Nang hindi sumagot ang lalaki at muling naglatang ang galit sa mukha nito. “Bakit hindi ka sumasagot?” Itinulak nito ang lalaki sa lupa at sumabog na naman ang dala nitong gamit.

“Baka naman binabae,” anang pinakalider at muling humugong ang tawanan.

Kinutusan ng pinakamalaking lasenggo ang lalaki. “Bakla ka ba talaga? Alam mo bang galit na galit kami sa mga bakla,” anito at binitbit ang t-shirt ng lalaki kaya napatayo ito.

“Bakla! Bakla! Bakla!” dagdag na kantiyaw ng dalawa pang lasenggo. “Gulpihin na ang baklang iyan!”

Kinabahan siya. Hindi niya hahayaang apihin ng mga ito ang mga walang kalaban-laban. Tatawag na sana siya ng tulong nang biglang kumilos ang lalaki.

Ibaluktot ng lalaki ang isang tuhod at iwinasiwas ang kamay. Nagawa nitong palisin ang kamay ng lasing na sumugod sa simpleng pilantik lang ng kamay. His moves were so graceful. Sa mga Chinese action films lang niya iyon nakikita. Sa isang iglap lang ay nagawa na nitong baligtarin ang laban. Isinasiwas nito ang kamay at humagis ang lalaking parang bato sa mesa. It was like a dance. Ni hindi halos gumalaw ang lalaki pero nagawa nitong patalsikin ang kalaban. Parang nanonood siya ng isang martial arts film.

Bumagsak ang malaking lasenggo na umaaringking sa sakit. “Pwede na ba ninyong ibigay sa akin ang bag ko?” nananatiling mahinahong tanong ng lalaki. Ni hindi man lang nagbago ang ekspresyon ng mukha nito sa kabila ng malupit na pakikipaglaban. Parang wala itong emosyon.

“Ibigay na ninyo ang bag sa kanya,” nagmamakaawang sabi ng lasenggo mukhang bato. Hindi na yata nito maigalaw ang katawan sa sobrang sakit.

“Hoy!” anang may-ari ng tindahan na galit na galit. “Nanggugulo na naman kayo dito. Sa susunod na ulitin ninyo ito, ipapa-baranggay ko na kayo!”

“Mga bata, sibat na!” sabi ng lider ng lasenggo bitbit ang nasaktang kasamahan. Daig pa nito ang mga asong bahag ang buntot.

“Manang, pasensiya na po,” hinging-paumanhin ng lalaki sa may-ari ng tindahan sa kabila at bahagyang yumukod.

“Okay lang iyon. Ang importante hindi ka nila nasaktan,” sabi ng may-ari ng tindahan at pumasok ulit sa loob.

Kinuha ng lalaki ang bag at bumalik sa pagpupulot ng gamit. Dinaluhan niya ito at tinulungan din itong magpulot ng gamit. “Heto,” sabi niya sa lalaki at ibinigay ang mga gamit na napulot na niya.

“Salamat,” sabi ng lalaki.

Ni hindi ito lumingon sa kanya at isinalansan ang mga gamit sa bag. Mas natitigan niya ito sa malapitan. Mas maamo ang mukha nito. Pero hindi ito mukhang bakla tulad ng akusasyon ng mga lasenggo kanina. Sobrang guwapo nito para magmukhang bakla.

Naiwan siyang nakatulala nang umalis ang lalaki. Ni hindi man lang niya naitanong kung ano ang pangalan nito.

Napapitlag siya nang tapikin siya sa balikat ni Gianna. “Hoy, ano nang nangyari sa iyo?” tanong nito. “Natulala ka na diyan.”

“Whew!” aniya at huminga nang malalim. “Who is that guy?”

“Si Bruce Lee, kapatid ni Jet Li.”

“Niloloko mo naman ako, eh!” angal niya.

Interesado talaga siya sa lalaking iyon. Hindi lang dahil guwapo ito kundi dahil magaling itong lumaban. Wala pang nakapagpahanga sa kanya nang ganoon. Karamihan kasi sa mga lalaking kilala niya ay mga lampa. Hindi marunong magtanggol sa sarili. Gusto niya ng lalaking kaya siyang depensahan.

“I am serious. Kapatid talaga siya ni Jet Li,” giit ni Gianna. “Well, you saw his moves, right? Para siyang bida sa mga Chinese movies. Parang nakapanood ako ng Once Upon a Time in China. Iyong moves niya parang sa Tai Chi Master.”

“But he is not Bruce Lee?” paniniyak niya. Hindi naman kasi bagay sa lalaking iyon ang pangalang Bruce Lee. Kahit pa nga pwede itong makipag-sparring kay Bruce Lee at tiyak na hindi ito madedehado sa laban.

“No. He is Rohann.” Hinatak nito ang kamay niya. “Halika na. Gutom na ako. Magluluto pa tayo.”

Napayuko siya nang may maapakan siyang kakaiba. Nang damputin niya ay nalaman niyang ID iyon. School ID ng St. Louis at naroon ang picture ng lalaking magaling lumaban kanina.

Rohann Madrigal. Iyon ang pangalang nakasulat sa ID.

Lihim siyang napangiti. Alam na niya ngayon kung ano ang buong pangalan ng lalaki. At dahil pareho sila ng papasukang unibersidad, malaki ang posibilidad na magkikita pa ulit sila. Lalo na’t nasa kanya ang ID nito.

“Kim, let’s go! Ano pang tinutunganga mo diyan?” sigaw ni Gianna na malayo na ang agwat sa kanya.

Nagmamadali siyang sumunod dito. Nakangiti ulit niyang tiningnan ang picture ng lalaki. Guwapo nga ito pero hindi talaga ito marunong ngumiti.

“Rohann Madrigal,” usal niya. “Madrigal.”

Naging mapait sa kanya ang salitang iyon. His last name bothered her. Kapareho kasi nito ng apelyido ang lalaking pumatay sa kapatid niya.

Nagkibit-balikat siya at ibinulsa ang ID ni Rohann. Marami naman sigurong Madrigal sa St. Louis. At maaring natatapos na ang relasyon nina Jet at Rohann sa pagkakaroon ng mga ito ng parehong apelyido.

Sana nga ay hindi ito ang kapatid ni Jet Madrigal.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.