Chapter Rohann, Heart of the Raging Storm: Chapter 6

“Wow! Ang ganda naman dito sa Mine’s View!” excited na sabi ni Kimberly nang dalhin siya doon ni Rohann. Nagtaka pa siya noong una kung bakit siya sinundo ni Rohann sa boarding house. Sabado noon at wala silang pasok.

“Isuot mo ang jacket mo dahil malamig ngayon,” sabi nito at ibinalabal ang jacket niya na ipinahawak niya dito kanina. Malapit nang mag-December noon kaya unti-unti nang bumababa ang temperatura.

“Thanks for bringing me here. Kung hindi dahil sa iyo, hindi ako makakapamasyal ng Baguio,” sabi niya at hinapit ang jacket sa katawan niya.

Sumandal ito sa railing kaya bahagya itong nakaharap sa direksiyon niya. Habang siya naman ay nakatingin sa malawak na lungsod ng Baguio. “Masyado ka kasing busy. Sobrang sipag mong mag-aral. Ang sabi ni Gianna, hindi ka lumalabas ng boarding house ninyo kapag Sabado at Linggo. Nagkukulong ka lang sa kuwarto.”

“Pero mas masipag ka naman sa akin. Isa ka ring subsob sa pag-aaral tapos may karate ka pa. Scholar ka pa nga, di ba?”

“But it doesn’t mean I don’t have time for myself. Isa pa, maganda itong Baguio. Sayang naman kung hindi mo makikita lahat.”

Ngayon lang niya nalaman na namamasyal rin pala ito. Ayon sa mga nakakakilala dito, may pagka-killjoy daw ito. Hindi daw ito sa sumasama sa mga gimmick kapag niyaya ng mga kaklase nito at ng mga boardmate nito.

“Wala kang hilig sa nightlife, no?” tanong niya.

“Ayokong magpuyat. Sa lugar na pinanggalingan ko, masyadong tahimik. Alas otso pa lang ng gabi, tulog na ang mga tao. Mas gusto kong pumunta sa ganitong lugar kapag gusto kong ma-relax ang isip at katawan ko. Gusto kong makakita ng magagandang view. Maganda kasi sa Sagada.”

“Sagada? Saan iyon?”

“Doon ako ipinanganak at lumaki. Doon din nagmula ang mga ninuno ng mga magulang ko. Pero lumipat kami dito nang mag-high school ako. Na-confine kasi sa hospital ang nanay ko. May ovarian cancer kasi siya.”

“Kumusta na siya ngayon?”

Naging malungkot ang mga mata nito. “She’s dead.”

“Oh, I’m sorry.”

Nagkibit-balikat ito at humarap rin sa railing tulad niya. “Matagal na iyon.”

“Mahirap sigurong mawalan ng nanay. Masyado kasi kaming close ng Mama at parang hindi ko ma-imagine ang buhay ko nang wala siya.”

Walang sinuman sa kanila ang nagsalita. Nakatingin lang si Rohann sa malayo at parang malalim ang iniisip. Ni hindi niya mahulaan kung ano ang tumatakbo sa isip nito nang mga oras na iyon.

“Dito ka lang, ha? May kukunin ako sandali,” anito at naglakad palayo.

“Hey, huwag mo akong iwan dito! Saan ka ba pupunta?” tanong niya. Subalit hindi siya nito pinansin dahil mabilis itong maglakad.

Nagtiis siyang tanawin ang magandang view. Saka niya naramdaman ang matinding kawalan nang mawala si Rohann sa tabi niya. Walang halaga ang magandang view kung hindi niya ito kasama. Parang black and white lang lahat. Ganoon din marahil ang mangyayari sa kanya kung mawawala ito sa buhay niya.

“Saan ka ba nanggaling?” tanong niya nang bumalik ito sa tabi niya.

Inabot nito sa kanya ang puting rose. “Para sa iyo.”

“Wow!” bulalas niya at tinanggap ang rosas. “Thank you.”

“I am glad that I made you smile. Mas maganda ka kapag nakangiti.”

“Then I will always smile for you,” aniyang lalong lumapad ang ngiti. Marami nang nagsabi na maganda siya pero kay Rohann lang ang papuri na na-appreciate niya. “Sana lang hindi mo ako binobola. Baka sinabi mo iyan sa ibang babae.”

“Bukod sa iyo, nanay ko lang ang sinabihan ko ng maganda.”

“Ibig sabihin, hindi mo iyon sinabi sa naging girlfriend mo o sa niligawan mo?” tanong niya. Gusto rin kasi niyang malaman kung totoo ang sinasabi ng mga tao na wala pa itong nililigawan o nagiging nobya man lang.

“I haven’t found a girl who deserves my adoration, until I met you,” anitong direktang nakatitig sa mata niya.

“Tell me, Rohann. Are you courting me?”

Matagal na sandali siya nitong tinitigan. Pagkuwan ay umiling ito. “No. Hindi kita nililigawan.”

“What?” gulat niyang bulalas. “Bakit mo pa ako binigyan ng bulaklak?”

Magtatatalon pa mandin siya sa tuwa kung sinabi nitong liligawan siya nito. At kung nangyari iyon, sasagutin agad niya ito. Hindi niya ito pahihirapan. Pero parang mas gusto niyang tumalon sa bangin sa baba sa sobrang dismaya. Akala pa mandin niya ay gusto na siya nito.

“I like you, Kimberly.”

Napailing siya. “You are confusing me, Rohann. You told me you like me. You gave me flowers. You told me that I am beautiful. Mga lalaking nanliligaw lang ang gumagawa noon.”

“Yes, ginawa ko nga lahat iyon. Pero hindi ibig sabihin nililigawan na kita.”

“Bakit? Natatakot ka bang mabasted? O natatakot ka na baka iwasan kita kapag niligawan mo ako?”

Baka akala nito ay kaibigan lang ang turing niya dito. May mga babae kasi na kapag nalagyan na ng malisya ang pagkakaibigan ay lumalayo na.

“No.” Mahigpit itong humawak sa railing. “Hindi ako marunong manligaw. Ang totoo, hindi pa ako nakakapanligaw sa buong buhay ko.”

“Why?”

“Masyado akong maraming gustong gawin sa buhay ko. All I care about is my studies, martial arts and my family. Naka-program na ang buhay ko nang ganoon. At naka-program na rin ang isip ko manliligaw ako ng babae kapag tapos na akong mag-aral. Hindi ko alam kung anong klaseng rearrangement ang gagawin ko sa buhay ko kung manliligaw ako o magkaka-girlfriend ako. Isa pa, hindi ko rin alam kung paano tumrato nang babae nang tama.”

“Wala ka bang nakakasalamuhang babae?”

Bahagya niyang nasinagan ang ngiti sa mga mata nito. “Oh, I have two sisters I really adore. Pero hindi naman sila ordinaryong babae. Aki and Arwen are trained to be like me. Warriors. They can fight like men. Kung ano ang kaya ko, kaya rin nilang gawin. Minsan nga, sila pa ang ka-sparring ko.”

“Iyon ba ang gusto mo sa babae? Iyong kayang lumaban?”

She was the soft and feminine type. Aminado siya, hindi niya kayang lumaban nang pisikal. She’d rather use brain than brawn. Kaya siguro hindi siya nito nililigawan dahil masyadong malambot ang tingin nito sa kanya.

“No. I told you I like you. Hindi mo kailangang maging amazona tulad ng mga kapatid ko. Pero hindi ko nga alam kung gusto ko nang mag-commit sa isang relasyon. Di ko alam kung hanggang saang bahagi ng pagkatao ko ang kaya kong ibigay. Sometimes I wonder if I even have a heart.”

Tinapik niya ang kamay nito. “You like me. That is a good start.”

Ibig sabihin ay kaya na nitong makaramdam. Hindi katulad noon na manhid ito pagdating sa mga babae.

“But it is not love yet. Ayokong pumasok sa isang relasyon nang hindi ko naibibigay ang lahat ng passion ko. Like martial arts, gusto kong ibigay doon ang one hundred percent ng kaya ko. I am not ready for that yet.”

“But I understand you, Rohann. At handa ako na intindihin ka pa.”

“Bakit mo ako pagtitiisan?” tanong nito. “Well, you deserve a guy who will really love you. Someone who can commit.”

Ngumiti siya. “I don’t care about other guys. All I care about is you. I love you, Rohann.”

Pinigilan ng daliri nito ang labi niya. “Shhh.. Don’t say that. Baka affection lang o crush ang nararamdaman mo sa akin dahil pino-protektahan kita.”

“Stop arguing with me! I love you. At alam ko kung ano ang nararamdaman ko. Dahil kung hindi iyon ang nararamdaman ko…” She stopped in mid-sentence. Muntik na niyang masabi dito na handa siyang kalimutan ang paghihiganti niya sa kuya nito kapalit ng pagmamahal nito. “I don’t say words I don’t mean, Rohann. Hindi madali sa akin na sabihin iyon. But I mean it. I love you!”

At handa siyang ipagsigawan iyon sa lahat. Kahit na bulabugin pa niya ang buong siyudad ng Baguio.

“What if I can’t love you back? I can protect you. But that is not enough. Dahil hindi ko pa naman talaga alam kung paano magmahal.”

Hinaplos niya ang mukha nito. “I can teach you. And besides, my love is enough for the two of us. And if you don’t have a heart, I am giving you mine.”

“Hindi ba malaking sakripisyo iyon. Magmamahal ka at ibibigay mo ang lahat nang walang kapalit?”

“To hell with the sacrifice! I love you.”

“Okay. Naniniwala na ako.”

“Dapat lang. Dahil ihuhulog kita sa bangin kung hindi ka maniniwalang mahal mo ako,” pabiro niyang sabi.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay tumawa ito. As if his laughter was so precious. Na iilang pagkakataon lang niya iyon masisilayan mukha nito at maririnig. He looked more handsome when he was in a nice mood. Di tulad noon na lagi itong nasa fighting mat at handang makipaglaban.

“Why did I even think that you don’t have a harsh bone in your body? Parang amazona ka rin pala kung minsan.” Ginagap nito ang kamay niya. “Ibig sabihin, girlfriend na kita?”

“Ano ka?” aniya at binawi ang kamay dito. “Hindi mo pa nga ako nililigawan, paano mo ako magiging girlfriend?”

Napalitan ng lungkot ang ngiti nito. “But you love me.”

“Kapag naging girlfriend mo na ako, ibig sabihin ready ka nang mag-commit. At ibig sabihin, mahal mo rin ako. Pero hindi pa naman, di ba?”

“Ano ang relasyon natin kung ganoon?” naguguluhan nitong tanong.

“MU. We have a mutual understanding. I love you and you like me pero wala tayong kahit anong pormal na relasyon.”

“Weird,” naiiling nitong sabi. “Meron ba noon? Ang alam ko, it is either you are in a relationship or you don’t. There is nothing in between.”

“Simple lang naman ang lahat. Masaya na ako na alam mong mahal kita at alam ko rin na gusto mo ako. Nagkakaintindihan na tayo noon.”

“Don’t you think it is unfair?”

“Okay. Magiging official girlfriend mo ako kapag mahal mo na ako. Doon lang mas magiging malinaw ang relasyon natin. Is that fair enough?”

Tumango ito. “Fair enough.” Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. “I think we have to set the rules.”

“What rules?”

“We have an understanding. Am I allowed to kiss you?”

Umiling siya. “No.”

“Okay,” anitong tanggap ang patakaran niya. “Hindi mo pa nga ako boyfriend, bakit ka nga naman papayag na magpahalik sa akin.”

Iniyakap niya ang kamay sa batok nito. “But I can kiss you.”

“What difference does it make?”

Kinintalan niya ito ng halik sa labi. “Sa ngayon, hindi ko pa rin alam. Maybe you can fill me in once you become my boyfriend.”

“TELL me, kayo na ba ni Rohann?” nang-iintrigang tanong ni Gianna habang nakasakay sila ng taxi pauwi. Dito siya pinasabay ni Rohann na umuwi dahil may practice pa ito sa karate. Kung hindi siya maihahatid ni Rohann sa boarding house ay tinitiyak nitong may kasama siya. “Napansin ko kasi na hindi na siya masungit ngayon. Nagulat nga ako kasi binati niya ako kaninang magkasalubong kami sa corridor. E dati, parang hangin lang ang tingin niyon sa akin. Daig pa ang sinapian ng mabuting espiritu. Love lang naman ang dahilan ng pagbait niya.”

“Hindi ko pa siya boyfriend. MU pa lang kami,” sabi niya at isinalansan ang mga gamit sa bag.

“MU? Hindi na uso iyon. Saka in love ka sa kanya. Don’t tell me nagpakipot ka pa, Ineng? Hindi na iyon uso ngayon.”

“Hindi naman niya ako nililigawan. Kaya MU lang kami. Alam niya na in love ako sa kanya at gusto niya ako.”

“Ang gulo talaga!” anitong halos sabunutan na ang sarili sa sobrang pagkalito. “It is either he is your boyfriend or he isn’t. Either may relasyon kayo o wala.”

“May relasyon nga kami. MU nga,” giit niya. “Hindi ko pa siya boyfriend pero malapit na rin kami doon.”

“Ang gulo mo! Mama, para nga po sa pink na gate,” utos nito sa taxi driver.

Pagbaba nila ay sinalubong agad sila ng landlady niya na si Manang Bining. “Kimberly, may dumating kanina ang Mama at Papa mo.”

“Ganoon po ba?” excited niyang tanong. Hindi niya inaasahan ang pagbisita ng mga ito dahil busy ang Papa niya sa negosyo. “Nasaan na po sila?”

“Umalis agad. Hindi ka na nahintay. Puntahan mo daw sila sa Baguio Hotel,” anito at may ibinigay na papel. “Nandiyan daw sila sa kuwartong iyan.”

“Thank you po, Manang.”

“Sasamahan pa ba kita doon?” tanong ni Gianna na hindi muna pinaalis ang taxi na sinakyan nila.

“Hindi na. Ako na lang. Kapag hinanap ako ni Rohann, sabihin mo nakipagkita lang ako sa parents ko,” aniya at sumakay na sa naghihintay na taxi.

Nang pumasok siya sa suite na ino-okupa ng mga magulang ay nakahanda na ang hapunan na ipina-room service para sa kanila. “Ma! Pa!” bati niya sa mga ito at parehong hinalikan sa pisngi. “Hindi man lang kayo nagpasabi na dadating kayo.”

“Biglaan din kasi dahil nandito sa Baguio ang isa sa mga investors na kakausapin ng Papa mo,” paliwanag ng Mama niya. “How’s school?”

“Hindi iyon ang gusto naming kumustahin sa pagpunta dito,” anang Papa niya hindi pa man niya nasasagot ang tanong ng Mama niya. “Bakit wala na kaming nababalitaan tungkol sa paghahanap mo sa pumatay sa kuya mo? Akala ko ba nakilala mo na ang kapatid niya.”

“Kasi Papa…”

“Huwag mong sabihing masyado kang nalilibang dito sa Baguio at nakalimutan mo na ang misyon mo dito.”

“Mabait si Rohann, Papa,” panimula niyang kwento dito.

“Sinong Rohann?” tanong ng Mama niya. “Siya ba ang kapatid ng pumatay sa kuya mo?”

Pinagsalikop niya ang mga palad at tumango. Natatakot kasi siya sa maaring maging reaksiyon ng mga magulang kapag nalaman nito ang totoong sitwasyon nila ni Rohann. “Ang totoo, iniligtas po niya ako sa…”

“Punyeta!” bulalas ng Papa niya at ibinagsak ang kubyertos sa plato. “Nakikipagmabutihan ka sa lalaking kapatid ng pumatay sa kuya mo! Hindi iyan ang gusto kong marinig sa iyo.”

“Horacio, baka naman nakikipaglapit lang siya lalaking iyon para makunan niya ng impormasyon,” anang Mama niya na pilit pinahihinahon ang Papa niya. “Iyon naman ang dahilan kung bakit siya nandito, hindi ba?”

Bahagyang kumalma ang papa niya. “May nakuha ka na bang impormasyon kung nasaan si Jet Madrigal?”

Umiling siya. “It is not easy to know where he is, Papa. Hindi basta-basta magsasalita si Rohann. Bakit hindi na lang po natin baguhin ang plano? Ayoko na pong madamay pa si Rohann.”

“Istupida!” bulalas ng Papa niya na lalong tumindi ang bakas ng galit sa mukha. “Kahit anong gawin mo, madadamay pa rin ang lalaking iyon dahil kapatid niya ang pumatay sa kuya mo!”

“Kalimutan na natin ang paghihiganti, Papa. Pwede naman nating makuha ang katarungan sa pagkamatay ni Kuya Luigi sa maayos na paraan.” Hindi na niya kayang magkunwari sa harap ni Rohann. Lalo na ngayong nagiging maganda na ang takbo ng relasyon nila.

“Wala kang karapatan na sabihin iyan!” anang Papa niya at itinaas ang palad upang sampalin siya.

Mabilis na humarang ang Mama niya sa pagitan nila kaya hindi natuloy ang pagdapo ng palad nito sa pisngi niya. “Horacio! Wala kang karapatan na saktan ang anak natin!” saway ng Mama niya.

“Pwes, sabihan mo ang babaeng iyan,” anang Papa niya at itinuro siya. “Baka nakakalimutan niya kung bakit natin siya ipinadala dito. Para iganti ang kuya niya at di para mahumaling sa kapatid ng mamamatay-tao.”

Napaiyak siya dahil hindi siya maintindihan ng papa niya. Masyado nang binalot ng paghihiganti ang puso nito. Hindi niya ito masisisi dahil hindi madali na mawalan ng isang anak na matagal na panahon nitong hinintay na makilala at mayakap para lang matagpuan na isang malamig na bangkay. Pero mas nahihirapan siya dahil naiipit siya sa dalawang taong mahal niya.

“Anak, hindi matutuwa ang Kuya Luigi mo sa ginagawa mo,” mariing sabi ng mama niya. Noon siya nakadama ng pag-iisa. Pati ang mama niya na inaakala niyang makakaintindi sa kanya ay kampi sa papa niya.

“Pero, Ma…” usal niya at hindi maiwasang mapahikbi.

“Naiinip na ako, Kimberly,” nakahalukipkip na sabi ng papa niya habang matalim ang matang nakatingin sa kanya. “Tigilan mo na ang kahibangan sa Rohann na iyon o ako mismo ang tatapos sa kalokohan mo. Pagsisihan mo ang gagawin ko dahil pati ang lalaking iyon ay madadamay dahil sa iyo.”

“Huwag po, Papa!” pakiusap niya at halos lumuhod sa harap nito. “Huwag na huwag po ninyong sasaktan si Rohann.”

“Pwes, alamin mo kung nasaan si Jet Madrigal mula mismo sa kapatid niya. Tuparin mo ang ipinangako mo sa kuya mo.”

“Opo, Papa,” napipilitan niyang payag para matapos na ang pagtatalo nila. Subalit mabigat sa loob niya ang ginawa.

She was torn between her responsibility to avenge her brother and her love for Rohann. Kaya ba niyang gawin ang dalawang magkasalungat na bagay nang walang sinuman ang masasaktan?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.