Chapter 28

“ITULOY NA natin ‘yong larong bato-bato pick,” sabi ni Keziah kay Drew. Naroon pa rin sila sa rooftop at nakaupo sila sa loveseat na naka-set doon habang kumakain at hinihintay na may mahulog na bituin sa langit. Isang oras na lang bago mag-alas-dose.

“O pwede mo na lang sabihin ang gusto mong sabihin sa’kin,” sabi naman ni Drew sa kanya.

“Ano ba’ng gusto mong malaman?”

“Lahat ng tungkol sa’yo. Do you trust me enough to tell me things about you?”

She leaned in closer to him. Ikinwento niya rito ang tungkol kay Robb maging ang panaginip niya, ang tungkol sa pag-aalaga sa kanya ni Rovie at ang tungkol sa pamilya niya lalo na sa kanila ng daddy niya. Hindi niya alam kung bakit tila kay dali na lang para sa kanya ngayong magkwento sa isang tao. Naging komportable na siya sa presensiya ni Drew at may mumunting damdamin sa puso niya na talagang nagtitiwala na dito.

“At ang isang secret work ko? I’m a writer. Iyong ibang libro na binabasa ni Dette, ako ang nagsulat no’n pero hindi niya alam,” sabi pa niya rito.

“She’ll be thrilled when she know it’s you,” sabi naman ni Drew sa kanya. Pagkuwa’y bumuntong-hininga ito. “Tungkol sa daddy mo, hindi mo ba siya maaaring bigyan ng chance? Nakapagpaliwanag naman na pala siya sa’yo. Hindi mo ba naisip na pinapahirapan mo lang ang loob n’yo pareho? Siguro naman nami-miss mo rin siya at sigurado akong nami-miss ka na niya. Besides, kahit pagbali-baligtarin n’yo ang mundo, mag-ama pa rin kayo.”

“Sa totoo lang, napatawad ko na naman siya eh. Ayaw ko lang talagang bumalik muna sa’min dahil sa half-sister ko na hindi ko na yata makakasundo pa kahit kailan,” aniya rito.

“At ‘wag ka na ngang bumalik sa inyo. Paano na ako? Mami-miss mo na naman ako ‘pag lumayo ka sa’kin,” pa-cute na sabi nito.

“Yuck! Ang corny mo, Drew! Magtuturo na ako next week. Malalayo ako sa EU kung babalik ako sa’min,” sabi naman niya rito.

“Good. About Robb...I can’t love you the way he did but I can love you better. I can’t ease your pain but I can make you feel better, happy even. I can’t be perfect for you but I’ll try to be the best you’ll ever have,” pagkuwa’y masuyong sabi nito sa kanya. Natawa siya sa pagiging confident nito pero kinilig din siya sa mga sinabi nito.

“Akala ko ang sabi mo dati ‘perfect’ ka?” aniya rito.

“You make me feel like I’m the worse but I’ll prove you wrong,” sabi naman nito. “You know what, Peach. Hindi mo naman siya kailangang kalimutan talaga.

Naiintindihan ko ang pinagsamahan n’yo noon. A part of you is enough for me,” pagkuwa’y sabi nito. Naramdaman niya ang eratikong pagtibok ng kanyang puso.

You don’t deserve that, Drew. You deserve the whole of me and I’ll give you that, ngali-ngaling sabihin niya iyon dito dahil iyon naman talaga ang sinasabi ng puso niya.

“Shooting star!” sigaw ni Drew at awtomatiko siyang napatingala sa langit. Hindi lang isa ang nahulog na bituin kundi tatlo. “Hindi ko naman pala kailangang sungkitin ang mga bituin para sa’yo. Kusa silang nahuhulog para sa’kin. Come to think of it, ang hot ko pala talaga ‘no? Kahit ang mga stars nakikita ‘yon,” pabirong sabi nito.

“I really hate your ego,” naiiling na sabi niya rito.

“Ang ibig sabihin nito bibigyan mo na ako ng chance, ‘di ba?” pagkuwa’y tanong nito sa kanya.

“You should thank the stars,” sabi lang niya rito.

“Yes! Thank you!” nakatingalang sabi nito sa langit.

Pagkuwa’y walang anu-anong niyakap siya nito at binigyan ng magaang halik ang kanyang mga labi. Kahit na mabilis lang iyon ay matindi pa rin ang naging epekto niyon sa kanya. Trumiple ang tibok ng puso niya at napatulala siya rito.

“Oooops. Damn. Matagal ko nang gustong gawin ‘yon,” pagkuwa’y sabi nito. Sa panggigilalas niya sa sarili’y wala siyang nagawa kundi tumango lang dito. May kung ano itong binunot sa bulsa nito saka nito hinawakan ang kanang kamay niya at isinuot doon ang isang charm bracelet. Ngunit isang pendant pa lang ang nakalagay doon. Ang letrang “D”. “A charm bracelet for a charming woman like you.”

“’D’ is for ‘Drew’?” tanong niya rito.

“Yes. ‘Cause you already got me.”

Hindi lang ang mga bituin ang nahulog para dito ng gabing iyon. Pati siya.

KINABUKASAN AY PINUNTAHAN ni Keziah ang puntod ni Robb at hindi na siya nagpasama pa kay Rovie. Kailangan niya itong gawing mag-isa. Napanaginipan na naman niya ng nakaraang gabi si Robb. Nakasakay ito sa isang bangka habang siya ay naiwan sa dalampasigan at ayaw siya nitong isama sa kung saan man ito pupunta. Alam niyang iyon na talaga ang sign na kailangan na niya itong pakawalan.

“You’ll always be special to me, Robb. I’ll always love you and thank you so much for everything. Lalo na sa pag-alaga sa’kin noon at sa pagmamahal mo. I miss you so much pero aaminin ko sa’yong may isang lalaking malapit nang makapasok sa puso ko ngayon. I’m sorry if I won’t be able to keep my promise, Robb,” naiiyak na sabi niya habang nakaharap sa puntod ni Robb.

Madalas siyang pumunta doon. Natigil lang siya sa pagpunta doon ng buwang ito dahil inookupa ni Drew ang isipan niya. She was busy troubling herself with him that she forgot about Robb. So, maybe Rovie was right. Maybe Drew is now in her heart.

“You loved him,” anang isang baritonong boses sa gilid niya.

“Yes—wait, what? Sino ka?” gulat na tanong niya. May ibang tao na pala roon at hindi man lang niya namalayan ang presensiya nito. Nang humarap siya rito’y muntikan na siyang mapasinghap ng makitang gwapo ito.

Nakasalamin ang lalaki pero hindi iyon naging hadlang para mapagmasdan niya ang kulay tsokolate nitong mga mata. He towered over her. Parang kasing-tangkad din nito si Drew pero hindi kasing-kisig. Pagkuwa’y inginuso nito ang puntod ni Robb.

“Pero mahal mo ang lalaking nasa isip mo,” makahulugang sabi nito sa kanya. Hindi niya alam kung bakit pero si Drew ang naisip niya pagkasabi nito ng mga katagang iyon. “’Wag mong pigilan ang sarili mo na mahalin siya. He’s capable of loving you as much as he loved you. He had never loved anyone before. You should be happy about it.”

“Sino ka ba?” nagtatakang tanong niya rito dahil pakiramdam niya’y marami itong alam tungkol sa kanya—o kay Drew.

“I’m Duke. Think about everything I’ve said. It was nice meeting you, Peach,” anito sa kanya na ikinagulat niya. Si Drew lang ang tumatawag sa kanya ng ‘Peach’. Kaibigan ba ito ni Drew?

“Wait,” pigil niya rito ng talikuran siya nito ngunit hindi siya nito pinansin. Sa halip ay naglakad ito palayo sa kanya hanggang sa bigla na lang itong mawala sa pangingin niya.

Shit! Ano’ng nangyari? He just vanished into thin air. Paano nangyari iyon?

Nagha-hallucinate ka lang, Keziah. Baka kulang ka lang sa tulog, pagpapakalma naman niya sa sarili. Ipinilig niya ang kanyang ulo para palisin sa kanyang isip ang mga nangyari.

Nag-usal siya ng dasal para kay Robb saka siya umuwi sa kanyang unit. Pagkarating niya sa fourth floor ng building nila ay nakita niya si Drew sa labas ng unit ng mga ito na may kausap na lalaking nakatalikod sa kanya. Napatigil siya sa paglalakad nang makita siya ni Drew. Her eyes locked in his. Marahil ay na-distract ang lalaking kausap nito kaya lumingon ito sa gawi niya. Napanganga siya ng makita ang mukha nito.

It was Duke! Wala nga lang itong suot na salamin hindi katulad kanina sa sementeryo. Ibig sabihin ay kaibigan nga ito ni Drew kaya may alam ito tungkol sa kanya.

“Bakit bigla ka na lang nawala kanina?” tanong niya kay Duke.

“Magkakilala kayo? Paano? Saan? Kailan?” sunod-sunod na tanong naman ni Drew.

“Babe—“ Hindi na nito naituloy pa ang ibang sasabihin dahil binatukan ito ni Drew.

“Don’t call her ‘babe’,” mariing sabi dito ni Drew.

“Oh, so, you’re ‘Peach’. Pero, saan ba tayo nagkakilala?” maang na tanong nito sa kanya na ikinataas ng kilay niya. Nakikipagbiruan ba ito sa kanya?

“Kanina sa sementeryo. Nakasuot ka pa nga ng salamin kanina eh, Duke,” aniya rito.

“Duke?” sabay na bulalas ng dalawang lalaki.

“Hindi ba ‘yon ang pangalan mo?”

“No. My name’s Pierre. Pero may kapatid akong ‘Duke’. He used to wear glasses then and he had chocolate brown eyes. But he’s already dead,” diretsong sabi ng lalaking “Pierre” pala ang pangalan. Tumugma ang deskripsyon nito sa lalaking nakita niya kanina na kamukha nito.

Pakiramdam niya’y mabubuwal siya sa pagkakatayo sa hallway na iyon pero bago pa manyari iyon ay nasa tabi na agad niya si Drew. Ipinaikot nito ang braso nito sa baywang niya para suportahan siya.

“I’ve talked to a...ghost?”

NGAYON NAKAHARAP ni Keziah ang apat pang kaibigan ni Drew na bumubuo ng Duke Five. Mukhang sasakit pa ang ulo niya sa apat na ito kaysa kay Drew. Pero talo ni Drew ang intensidad ng kakulitan ng apat na ito kapag pinagsama.

“That’s...amazing,” ani Sky—ang mukhang may lahing Indiano sa mga magkakaibigan—matapos niyang ikwento sa mga ito ang nakita niya sa sementeryo kanina.

“It’s creepy,” sabi ni Zarek—ang Pinoy na Pinoy ang hitsura katulad ni Drew pero may pagkatahimik ito.

“Crazy,” sabi naman ni Kevin—ang tanging singkit sa magkakaibigan. Puno naman ng misteryo ang aura nito at suplado din ito.

“Unacceptable. Hindi ko kamukha si Duke dahil ‘di hamak na mas gwapo ako sa kanya. Ilang beses ko bang kailangang ulitin ‘yon?” reklamo naman ni Pierre. Kung hindi siguro nakay Drew ang buong atensyon niya ngayon ay magkaka-crush siya kay Pierre dahil halos magkalebel ito ng kagwapuhan kay Drew.

Naiikot lang ni Keziah ang kanyang mata sa mga ito. Kasalukuyan silang nasa Rave Bar—sa may bar counter—kaya nakilala na niya ang iba pang kaibigan ni Drew. Sa katunayan ay nasa gitna siya nina Drew at Pierre habang kaharap nila si Sky na bartender din pala doon. Kaya pala nasa building nila kanina si Pierre ay dahil may ikino-konsulta ito kay Drew na ayaw namang sabihin ng mga ito sa kanya kung ano. Kasama rin nila doon si Dette na hinintay muna nila kanina mula sa school bago sila pumunta doon. Pero nasa may gitnang mesa ito ng bar kasama ang mga kaklase nito para mag-celebrate sa pagtatapos ng isa na namang semester.

“O, sige. Sabihin na lang nating nag-sleepwalk ka o ‘di naman kaya sinapian ka ng kapatid mo. ‘Tapos bigla ka na lang nawala dahil nag-teleport ka papunta sa building namin,” sarkastikong sabi niya rito. Lumapit sa kanya si Pierre at inilaki ang mga mata sa kanya na para bang hindi niya nahalata kanina na kulay berde ang mga mata nito.

Ngunit ang mas naintindihan niya ng mga oras na iyon ay ang pagseselos ni Drew dahil nang lumapit sa kanya si Pierre ay agad nitong itinulak palayo ang huli. He reached across her, their bodies touching, just to shove Pierre away from her. Hindi pa sila nito nakakapag-usap ng maayos tungkol sa kanilang dalawa pero tila naging paraan niya ng pagsasabing “okay” sila ang pagsama niya roon dito.

“My eyes are green, Duke’s were brown,” ani Pierre.

“Siguro, si Duke nga ‘yon. Pero paano ka naman niya makikilala gayong hindi naman kayo nagkita no’ng nabubuhay pa siya? Don’t tell me binabantayan niya tayong lahat at hindi pa siya nakakaakyat sa langit?” sabi naman ni Sky.

“Teka, naalala n’yo ba ‘yong huling sinabi niya sa’tin noon sa ospital?” pagkuwa’y tanong ni Drew sa mga ito.

“Assholes?” ani Kevin.

“Think with your heart and not with your dick?” ani Sky.

“Na may isang babaeng darating na makapagpapabago sa buhay natin?” sabi naman ni Zarek.

“The last one,” tila naiinip na sabi ni Drew sa mga ito.

“Alam mo naman yata, sabihin mo na,” sabi naman ni Pierre dito.

“He’ll always be watching you,” ani Vivien na siyang kanang-kamay ni Skye sa Rave—isa rin itong bartender doon at kaibigan ito ng Duke Five. Pagkuwa’y may kinuha itong bote ng alak sa likod ni Sky at bumalik na ito sa pages-serve sa mg customer sa kabilang dulo ng bar counter.

“Tama siya. Iyon ang eksaktong sinabi sa’tin ni Duke noon. Baka tino-totoo niya iyon. Maybe he’s still here to watch and guide us,” sabi ni Drew.

“At paano naman nalaman ni Vivien ‘yon?” kunot-noong tanong dito ni Pierre. Biglang natahimik ang apat na lalaki na tila nag-iisip ng palusot kay Pierre. Napakunot-noo din siya sa mga ito. May hindi ba sinasabi ang mga ito kay Pierre? Ano ang kinalaman ni Vivien kay Duke?

“Nando’n din siya noon,” simpleng sabi ni Zarek.

“Bakit hindi mo alam ‘yon, Pierre? ‘Di ba kapatid mo si Duke?” curious na tanong niya.

Pagkuwa’y lumipad sa kanya ang tingin ng apat na lalaki. Kahit na medyo maingay sa Rave ay pakiramdam niya’y nabingi pa siya sa katahimikan na namayani sa kanilang anim sa mga sumunod na sandali. Naputol lang iyon ng tumikhim si Drew at hawakan nito ang kamay niya. She was distracted by him instantly.

“Let’s go. Set na natin,” ani Drew sa mga kaibigan.

“Kasama si Keziah?” sabi naman ni Sky.

“Ihahabilin ko lang siya kay Vivien. Baka madagit pa ng kung sinong ibon dito,” ani Drew.

“Possessive, huh?” ani Sky.

“I’m not some kind of worm! At kaya ko ang sarili ko kaya iwan mo na ako dito,” kontra niya rito.

“Feisty. I like it,” ani Sky sa kanya sabay kindat.

“Some kind of a friend you are, Sky,” sabi naman ni Drew dito pagkuwa’y bumaling ito sa kanya. Actually, he was too close for comfort right now, their noses almost touching. Pero alam niyang paraan lang iyon ni Drew para i-set nito ang teritoryo nito. She found the gesture sweet and cute. “Sigurado ka bang okay ka lang dito?”

Iyon lang talaga ang sasabihin niya?

“Oo. Masyado kang OA, Drew,” aniya rito.

“Ah, the sweet sound of my name coming from your lips,” nangingiting sabi nito sa kanya pagkuwa’y bahagya siya nitong hiniwalayan. “Sana magustuhan mo ang kakantahin ko ngayon. For you, Peach,” anito sa kanya saka naglakad patungo sa make-shift stage sa dulong gitna ng bar kung saan nakapwesto na ang mga kaibigan nito.

“’Cause I wanna wrap you up, wanna kiss your lips, I wanna make you feel wanted. And I wanna call you mine, wanna hold your hand forever and never let you forget it. Yeah, I, I wanna make you feel wanted.”

Napangiti siya habang nakatingin dito dahil ang kantang iyon ang tila naging theme song na nilang dalawa at nagustuhan niyang iyon ang kinanta nito ngayong gabi.

He might really be in love with her. And maybe, she is too.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.