Chapter I Remember the Boy: Hiro Hinata

CHAPTER 5

“Magkano po dito?” magalang na tanong ni Hiro sa tindera ng mga gulay sa palengke at itinuro ang manggang hilaw. “Ang mahal naman. Wala bang tawad?”

“Ay, grabe naman! Tawad agad? Di ko pa nga nasabi ang presyo,” anang matandang tindera.

Natawa si Jemaikha habang pinagmamasdan ang binata. Mag-iisang linggo na niya itong tinuturuan magsalita ng English at Filipino. Bukod sa matigas ang L nito na nagiging R, mabilis naman itong matuto na magsalita ng Filipino at English. Idinadala niya ito sa mga pampublikong lugar at hinahayaan itong I-practice ang Filipino at English nito.

“Grabe naman ito. Di ko pa nga nasasabi kung magkano ang presyo,” anang matandang babae. “Sixty itong manggang hilaw. Magkano ba ang tawad mo?”

“Beinte,”sabi ng lalaki. “Bili akong dalawang kiro. One hundred na lang, Manang.”

“Sige. One hundred na lang dahil ang guwapo-guwapo mo.” At pinisil pa ang pisngi ng binata.

“Salamat po,” anito at naglabas ng isang one hundred peso bill at isang beinte pesos na papel para sa dalawang kilong hilaw na mangga.

Naguluhan ang tindera. “Sobra ito. Sabi mo one hundred lang.”

Umiling ang lalaki nang akmang susuklian ito ng tindera. “Di po ako tatawad. Practice only.”

“P-Practice?” naguguluhang tanong ng tindera.

“Nag-aaral po kasi siya na mag-Tagalog,” paliwanag ni Jemaikha at hinawakan ang braso ng binata. “Maraming salamat po, Manang.”

“Salamat po,” sabi naman ni Hiro at yumukod.

Namamangha itong pinagmasdan ni Jemaikha habang papunta sila sa sakayan ng jeep pabalik sa condo. “H-Hindi mo kinuha ang tawad mo? Nag-practice ka lang talaga?” tanong niya.

“Yes. The vendor is poor. I have money,” walang gatol na sabi ng lalaki.

E di ikaw na ang mayaman. Nagkibit-balikat ang dalaga. “Sabagay barya lang sa iyo ang beinte pesos na tawad mo. Kung sa akin, big deal iyon.”

“Nagtatrabaho si Manang. Maliit ang negosyo niya. No tawad needed.”

Napansin niya na may mabuting kalooban si Hiro. Tinatrato nito nang tama ang mga guwardiya at staff sa condo building gaya kung paano nito tratuhin ang mga kapitbahay nito. Hindi ito matapobre at may puso para sa mahihirap. DI tuloy niya mapigilan ang sarili na humanga dito.

“Maayos ka sigurong pinalaki ng magulang mo,” sabi niya at isinalin iyon sa Nihonggo.

"Hai! Hai! Mabait at tahimik sila." Ipinaliwanag nito na malaki ang pagpapahalaga ng mga magulang nito kahit sa mababang mga tauhan.

"Pinto. Door," sabi ni Hiro bago ginamit ang keycard sa pinto. "I open the door. Bukas ko ang pinto. I shut the door. Sara ko ang pinto."

"Binuksan ko ang pinto. Isinara ko ang pinto," pagtatama niya. Pagpasok sa condo ng binata ay nakadama agad ng kakaiba si Jemaikha. Parang may nabago.

"Where are the sticky notes?"

"Oo. Nawawala ang sticky notes," usal niya at inikot ang mata sa paligid ng condo. "Nandito pa iyon bago tayo umalis kanina." Pinuno niya ng sticky note ng condo nito. Dinikitan niya ang bawat bahagi ng bahay ng note para malaman nito ang tawag sa bawat parte at kasangkapan niyon. Pinagpuyatan niya iyon para mabilis na matuto si Hiro. “May dumating ka bang tagalinis nitong condo?” tanong niya.

Umiling ito. “Hindi. No cleaner.”

“Baka may ibang taong nakapasok dito,” nag-aalala niyang sabi. Sabay silang lumingon ng binata sa pinto ng kuwarto nito nang may marinig na kaluskos. May ibang tao doon? An intruder.

Pinisil nito ang balikat niya. “Dito ka lang.” At naglakad ito papunta sa pinto ng kuwarto nito.

Pinigilan niya ang braso ng lalaki. “Huwag. Tumawag na lang tayo ng security. Delikado.” Wala naman silang laban lalo na kung may sandata ang intruder. Mapapahamak lang sila.

Pero bago sila makahuma ay bumukas na ang pinto ng kuwarto ng binata. “Surprise!”

Muntik nang malaglag ang eyeballs ni Jemaikha nang makita ang itsura ng intruder niya - si Shobe. Walang ibang suot kundi ang roba nito na nakabuka, ang skimpy red lacy underwear nito at ang gladiator sandals. Halos wala na itong itago. Que horror!

Dali-daling tinakpan ni Hiro ang mga mata niya. “Shobe, cover yourself!” utos ni Hiro dito.

“Bakit tinatakpan mo ang mata ko? Di ba dapat ikaw ang nagtatakip ng mata?” angil ni Jemaikha sa lalaki. Baka na-trauma na ang binata sa nakita. Hiro, huwag ang masyadong tumitig. Baka ma-hypnotize ka sa kanya.

Narinig niyang sumara ang pinto at saka lang inalis ni Hiro ang takip sa mata niya. “Are you okay?” tanong ng lalaki. Tumango si Jemaikha at huminga ng malalim. “I’m sorry. Di ko alam bakit nandito siya.”

“Kanojo wa koko de nani o shite imasu ka? (What is she doing here?)” tanong ni Shobe sa paangil na boses nang lumabas ng kuwarto. Nakabihis na ito ng short at blouse. Kahit paano ay nabalutan na ito pero mukhang imbyerna ang babae sa presensiya ni Jemaikha. Parang insekto ang tingin nito sa kanya.

“She’s my English and Filipino tutor,” sagot naman ng binata.

“Kateikyōshi? Watashi wa anata ni muryō de oshieru koto ga dekimasu ka? (Tutor? I can teach you for free?”^ tanong nito kung bakit pa daw kukuha ng tutor si Hiro samantalang libre naman itong tuturuan. Aalisan pa siya ng raket ng bruha.

“Bakit ka nandito? Paano ka nakapasok?” tanong ni Hiro at humalukipkip.

Ngumisi ang babae. “Ano… I want to clean your condo.”

“Nilinis mo ang condo ko? Without my permission?”

“I want to surprise you. Mabuti na lang dumating ako. Puro kalat dito sa condo mo,” usal ng babae at nakangiting inikot ang mata sa paligid. Siyang-siya ito sa accomplishment nito. Pagkalinis-linis nga naman ng condo ni Hiro dahil dito.

“Nasaan na ‘yung mga sticky notes?” tanong ni Jemaikha.

Ibinuka ng babae ang palad. “Itinapon ko na.”

“Ano?” bulalas niya. “Alam mo ba na magdamag kong pinaghirapan iyon para magamit ko sa lecture ni Hiro at mas mabilis siyang matuto?”

Tinaasan siya ng kilay ng babae. “Huwag mo nang problemahin iyon. Ako na ang bahala na magturo kay Hiro mula ngayon. Makakaalis ka na,” pagtataboy nito. “Tsupi! Babush! Sayonara!”

Napanganga siya. “I-Inaalisan mo ako ng trabaho?” tanong niya at humihingi ng saklolo na tumingin kay Hiro. May karapatan ba si Shobe na alisan siya ng trabaho? Nasabi na ni Hiro na di nito nobya ang babae. Paano kung sinabi lang iyon ng lalaki para di siya mailang kapag tinuturuan siya nito?

Paano kung ako lang pala ang feelingera kapag tinatawag nitong prinsesa? Utu-uto lang ako at sanay naman si Hiro na mang-uto. Paano kung mawalan din ako ng trabaho sa huli?

Malaking bagay sana sa kanya ang suweldong ibibigay ni Hiro. Bukod sa kita, nanghihinayang siya sa development ni Hiro. Mabilis itong matuto at sa palagay niya ay dahil sa praktikal na stratehiya na ina-apply niya. Pero kung mag-iiba ito ng tutor, di niya alam kung anong strategy ang gagamitin dito ni Shobe.

Hinawakan ni Hiro ang braso niya. “Don’t go. Dito ka lang. I hired you. I need you.”

Tiningala niya ito. “K-Kailangan mo ako?” tanong niya. Parang masarap pakinggan iyon.

“Hiro, paano naman ako?” mangiyak-ngiyak na tanong ni Shobe at dumabog. “Ako dapat ang piliin mo. Ako dapat ang kailangan mo. Daisuki desu!” At niyakap nito ang lalaki saka humagulgol ng iyak.

Parang may lumagabog sa dibdib ni Jemaikha. Hindi niya gusto ang pagtataboy sa kanya ni Shobe at di niya gusto ang ugali nito pero naiintindihan niya ang kamalditahan nito dahil nagmamahal ito.

“I-I will just go. Kailangan yata ninyong mag-usap. Sayonara, Hiro-san,” pagpapaalam niya sa lalaki at kumawala sa pagkakahawak nito.

“H-Hime,” narinig niyang usal ni Hiro at akmang pipigilan siyang umalis pero lalong nilakasan ni Shobe ang pagpalahaw ng iyak.

Princess. Nang lumingon siya ay nakatitig ito sa kanya. Siya ba ang tinatawag nito na prinsesa habang si Shobe naman ang yakap nito?

Iniwas ni Jemaikha ang tingin sa binata at lumabas ng condo. Huwag ka nang lumingon, Jemaikha. Huwag ka nang manghinayang. Hindi ikaw ang prinsesa niya. Tutor ka lang niya. Well, probably not anymore.

"MASAKIT lang kasi. Ganoon-ganoon na lang ba talaga na idispatsa ako?" nguyngoy ni Jemaikha habang kausap sa cellphone ang mga kaibigan. Mabigat ang loob niya nang kaladkarin ang sarili kanina palayo sa condo ni Hiro. Natagpuan na lang niya ang sarili na pumasok sa Mini Stop sa baba ng condo building. Bumili siya ng ice cream at pinapak iyon saka tinawagan ang mga kaibigan na nasa La Union para magbakasyon. Sa mga ito niya ibinuhos ang sama ng loob.

"Ang hirap nga ng sitwasyon mo. Nagtatrabaho ka naman nang maayos tapos basta na lang eentra ang girlfriend ng estudyante mo at isesesante ka. Unfair!" sigaw ni Rachel. "Pag inalis ka ni Hiro dahil sa babaeng iyon, babangasan ko pareho ang mukha nila."

"Sobrang bayolente mo. Manahimik ka nga," saway ni Cherie sa kaibigan. "Init ng ulo mo. Nabasted ka lang ni Melvin e."

“Tse! Di naman ako affected. I’m moving on,” kontra naman ni Rachel dito.

"Di naman siguro siya isesesante," pagpapaklma ni Reinne sa kanya. "Mukha namang sensible na tao si Hiro."

"Saka di na niya mababawi ang perang ibinayad niya sa iyo. Manghihinayang din iyon," pasubali ni Mayi.

"Mayaman si Hiro saka 'yung Shobe. Baka nga barya lang sa kanila 'yung bayad ni Hiro," usal niya at huminga ng malalim. Halos nakunsumo na ng binata ang paunang-bayad nito sa kanya kaya wala rin itong babawiin.

"Di ba may kasunduan naman kayo ni Hiro? Di ka niya basta-basta pwedeng patalsikin dahil sa kapritso ng babaeng iyon. Proteksiyon mo iyon, Jemaikha. Isampal mo sa girlfriend niyang mukhang si Mt. Fuji," paliwanag ni Mayi. “Sayang din ‘yang raket mo na iyan.”

"Di ko naman gagawin iyon. Ayoko na magka-problema pa sa akin si Hiro. Wala naman akong magagawa kung ayaw na niya sa serbisyo ko. Baka nga mas magaling ang babaeng iyon na magturo kaysa sa akin."

Alam ni Jemaikha ang laman ng kontrata. Pwede niyang ilaban kung nanaisin niya. Subalit malayo na sa isip na palalain ang problema. Kung tutuusin ay walang ipinakitang masama si Hiro sa kanya. Wala itong ibang ipinakita kundi kabutihan. Malaki ang naitulong ng binata sa kanya at maayos din ang pagtrato nito. Wala siyang problema dahil marespeto ito at di siya binibigyan ng sakit ng ulo. Seryoso ito pagdating sa pag-aaral. At sa palagay niya ay may nabuo nang pagkakaibigan sa kanila.

"Masakit talaga iyan dahil alam ko na kailangan mo ng trabaho. May sakit pa ang tatay mo," pakikisimpatya ni Mayi.

"Mas masakit na tinawag niya akong "hime"," usal ni Jemaikha at sumubo ulit ng ice crea.

"Ano? Hibe? Pinatuyong hipon?" tanong ni Cherie. "Ibig sabihin chaka ka na may magandang katawan tapos tuyot pa. Grabe naman siya sa iyo."

"Hime. Prinsesa sa Japanese," paglilinaw ni Jemaikha. "Iyon ang tawag niya sa akin minsan. Pero kanina iyon din ang tawag niya sa Shobe na iyon."

"Ayun! Umasa ka sa pambobola ng lalaking iyon,” sabi ni Rushell.

"Di ako umasa. Feeling ko ako lang ang prinsesa niya. Di lang pala ako. Pero di naman ako naniwala sa kanya. Nakwento ko lang naman,” palusot niya.

"E bakit ka nasasaktan?" pananalakab ni Rushell.

"Kasi..."

"Kasi gusto mo na? Ikaw na nagsabing di mai-in love, affected na ngayon. Parang virus talaga ang love. Di mo alam kung kailan ka tatamaan,” sabi ni Rhein at bumuntong-hininga.

"Hindi naman ito love siguro. Saktong crush lang. Kaso mabigat pala sa dibdib.”

Unang beses lang niyang nagkagusto sa isang lalaki. Hindi niya naihanda ang sarili niya sa ganito kakomplikadong emosyon. Dumaan na siya sa malalaking problema mula nang magkasakit ang nanay niya at pumanaw ito at kasunod ay ang pagkakasakit ng tatay niya. Pero di pa siya nakadama ng ganitong kahungkagan sa puso niya. Isang importanteng bagay ang nawala sa kanya. At hindi iyon tungkol sa paglawala ng trabaho niya.

Huminga ng malalim si Jemaikha. “Okay na ako. Lilipas din ito. Mas gusto ko na mag-focus sa paghahanap ng trabaho. Salamat sa inyo. Inabala ko pa ang bakasyon ninyo.”

"That's what friends are for. Group hug!” sigaw ni Rachel at narinig niya ang sigawan ng mga kaibigan.

Pumikit siya at in-imagine ang yakap ng mga kaibigan. Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam niya. Idinaan na lang niya sa pagkain ng ice cream. “Pagkatapos ng isang cup, uuwi na talaga ako,” sabi niya sa sarili at sumubo ulit ng sorbetes. “Magiging okay rin ako kapag nakaubos ako ng ice cream. Tapos kapag nagkausap ulit kami ni Hiro, okay na ulit ako. Kahit na di na niya ako kunin na tutor at pinili niyang sundin si Shobe, magiging okay na ako.”

Nag-ring ang cellphone niya. Nanlaki ang mga mata niya nang makita kung sino ang tumatawag. Si Hiro.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.