Chapter TTBP 30

“SIR, kumain na po kayo.”

“Hindi pa ako gutom,” sagot ni Miller kay Karim at di man lang pinansin ang isang pinggan na puno ng pagkain. Di niya alintana kung kumakalam ang tiyan niya sa gutom. He was still fuming mad.

Nakahalukipkip lang siya at tuwid ang tingin sa mesa kung saan nakaupo sina Lewis at Nadine kasama ang ibang mga bisita. She recognized a young socialite who was caught in a sex scandal a year ago. Habang ang isang matrona naman na dala-dalawa pa ang escort ay kahihiwalay lang sa asawang government official matapos nitong muntik sagasaan ang lalaki at ang kabit nito. Hindi magandang impluwensiya kung ang mga ito ang bagong kaibigan ni Nadine.

“Sir, mahaba pa ang ibiniyahe ninyo kanina at sigurado ako na gutom na kayo,” anang bodyguard.

“Hindi kita yaya, Karim,” aniya sa malalim na boses. “Di mo trabaho na alagaan ako. Saka malaki na ako.”

“Ako naman ang pagagalitan ni Miss Nadine, Sir. Sabi lang niya wala siyang pakialam sa inyo pero kami ang pagagalitan niya kapag nalamang di kayo kumain.

“Hanggang anong oras ba ang party na ito?” tanong niya at tiningnan ang relo. Magha-hatinggabi na pero parang walang balak na tumigil ang party na iyon. Parang wala ring kapaguran si Nadine. Di pa ba ito magpapahinga?

“Kayo na ang magpahinga, Sir. Nagpahanda na po ng kuwarto si Madam Monina para sa inyo.”

Umiling siya. “Wala akong planong matulog dito. Uuwi rin tayo ngayon. Isa sa inyo ang mag-drive ng kotse ko.”

“Sorry, Sir. Ang sabi po ni Miss Nadine ilang araw pa siya dito.”

Ipinilig niya ang ulo. “Ilang araw pa? Wala iyan sa usapan namin…”

“Di naman kayo kasama sa plano niya, Sir. Nagpaalam na rin siya sa kay Sir Julio kanina at pumayag naman daw po.”

Sinapo niya ang noo. “At di man lang ninyo ipinaalam sa akin?”

“Sir, kaya nga sinasabi ko sa inyo ngayon. Huwag po kayong mag-alala. Kasama naman niya kami. Saka alagang-alaga naman siya ni Lewis.”

“That gigolo?” bulalas niya. “Mas gusto ninyong pagkatiwalaan ang gigolo na iyon kaysa kumbinsihin si Nadine na umuwi kasama ko?”

Tumikhim ang lalaki. “Sir, nakikita ba ninyo kung gaano kasama si Miss Nadine?”

“Masaya? She’s drunk.”

Umiling ang lalaki. “Kung nakita lang ninyo siya kanina nang galing sa pagsundo sana sa inyo. Kahit I-retouch niya ang make up, namumugto pa rin ang mata niya. Di rin umaabot ang ngiti sa mga mata niya. Tahimik lang din siya sa party at ayaw makihalubilo. Ni ayaw ngang kumain. Si Sir Lewis lang nagpakain sa kanya at nagpatawa. ‘Yung gigolo din na tinutukoy n’yo ang dahilan kaya nakikipagkaibigan na si Miss Nadine sa iba at di nagmumukmok.”

“Ibig sabihin, mas gusto mo pa na umalis ako at makasama ni Nadine ang gigolo na iyon?”

“Wala akong sinasabing ganyan, Sir. Pero sana magpasalamat na lang kayo sa kay Sir Lewis. Di pa ba sapat ‘yung sama ng loob na nakuha ni Miss Nadine sa buong araw na ito? Pati ba taong nagpapasaya sa kanya ilalayo sa kanya?”

Naggiyagis ang ngipin ni Miller. Syempre. Siya ang kontrabida ngayon. Oo, may palpak siyang ginawa. Si Lewis ang bayani ngayon. Pero hanggang kailan? Hanggang maakit nito si Nadine at makuha ang pera nito? Hindi siya papayag na mangyari iyon. Maybe Nadine hated her right now. Pero di naman siguro mawawala ang pagmamahal nito sa kanya nang basta-basta.

“Hahayaan ko sila ngayon dahil masama pa ang loob ni Nadine at birthday ni Tita Monina,” sabi niya at nagsimulang kumain. Ngayon lang habang wala pa sa huwisyo ang dalaga. Oras na mahimasmasan ito, kailangan nilang mag-usap nang masinsinan. Siguro naman malilinawan ito na wala itong dapat ipagselos o ikasama ng loob dahil hindi niya binalikan si Chloe kahit nagpapahaging ito ng interes. At kung ayaw na nito sa kanya, huwag naman isang gigolo ang ipalit nito sa kanya.

Maya maya pa ay nakita na niyang tumatakbo papunta sa restroom si Nadine. Subalit di na ito umabot at nagsuka na lang sa malaking paso ng halaman. Nakaluhod na agad si Lewis sa tabi ng dalaga, may dalang baso ng tubig at hinahaplos na ang likod nito bago pa siya makalapit.

“Ako na ang magdadala kay Nadine sa kuwarto niya,” maagap na sabi ni Miller. Baka maunahan na naman siya ng lalaki.

“No. Ako na ang bahala sa kanya. Bisita ka rin dito kaya magpahinga ka na, Sir Miller,” sabi naman ni Lewis sa magalang na boses.

“Gusto ko na ako ang mag-alaga kay Nadine,” mariin niyang sabi. “She’s my responsibility after all.”

“Lewis, huwag mo akong ibibigay sa kanya,” humihingal na sabi ni Nadine. “Responsibilidad lang niya ako. Di naman niya ako mamahalin. Kapag bumalik na naman ako sa kanya, di na naman ako magiging masaya.”

“I will take care of you and protect you, Nadine,” sabi ni Lewis sa magaang boses. Hinaplos nito ang buhok ng babae. “Susundin ko kung ano ang gusto mo.”

“Don’t touch her!” angil ni Miller at tinabig ang kamay ni Lewis.

Matalim siyang tiningnan ng babae. “Di ba dapat ikaw ang dumidistansiya. You heard Nadine. She doesn’t want to be with you.”

“Pwede ba huwag na kayong magtalong dalawa?” awat ni Tita Monina at pareho silang itinulak ni Lewis palayo kay Nadine. “Para kayong mga bata na nag-aaway. Lewis, balikan mo muna ang ibang bisita. Mrs. Chang wants to hear your adventures in Myanmar. Nami-miss na daw niya ang Myanmar.”

Akmang siya na ang dadalo kay Nadine pero pinanlakihan siya ng mata ng tiyahin. “You go to your room and rest, Miller. Hindi ikaw ang boss dito. Teritoryo ko at ako ang masusunod. Karim, ikaw ang magdala kay Nadine sa kuwarto.”

Nakasunod pa rin si Miller sa likod ni Tita Monina at ng isa pa nitong staff na babae. Alam niyang dapat siyang dumistansiya pero di niya basta maiwan si Nadine. He was using the nephew card here. Ngayon pa ba siya lalayo kung kailan wala na ang asungot na Lewis sa paligid?

"Teka lang. Bakit uwian na agad? Kakanta pa ako. Tita Monina, huwag n'yo munang pauwiin 'yung banda," apela ni Nadine. “Nasaan na si BFF Lewis?”

"Nagpapahinga na 'yung banda. Napagod sa concert mo," sabi ng tiyahin niya. “Nagpapahinga rin si Lewis dahil ipapasyal ka pa niya bukas.”

Along with other women, dagdag ni Miller sa isip. You are just a job to him.

"Wala na siya? Sige kahit wala sila kakanta pa rin ako. Ide-dedicate ko kay Miller. Miller, nasa resort ka pa ba? Pakinggan mo ang kanta ko para sa iyo," sigaw nito at ginawang mikropono ang nakakuyom na kamao. "Bakit nga ba mahal kita kahit di pinapansin ang damdamin ko? Di mo man ako mahal heto pa rin ako nagmamahal nang tapat sa iyo."

Kumirot ang puso ni Miller. She was hurting so badly. Kasalanan niya. At wala siyang magawa para I-comfort ito. Ni hindi niya nasabi dito na importante ito sa kanya. That he was an asshole for not telling her soon. He was stupid for not finding out soon.

"O! Huwag mo nang dibdibin si Miller. Di ba pinaalis mo na siya?" tanong ni Tita Monina.

"Bumalik na pala siya sa ex niya,” dismayadong sabi ng dalaga. “Sino ba mas tanga sa amin? Ako na di pa nakaka-move on sa kanya o siya na di pa nakaka-move on sa ex niya?"

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.