Chapter TAI 13

Gustong-gusto nang ibato ni Riva ang hawak na pocketbook. Pakiramdam kasi niya ay pinaglalaruan lang siya ng writer no'n. Imposibleng ganoon ang nararamdaman ng taong in love.

The story was just plain. Wala ngang masyadong conflict. Alam na alam na niya ang susunod na mangyayari sa istorya. Nakakainis lang dahil nakaka-relate siya sa mga pinagdadaanan ng heroine. Bakit nararamdaman din niya ang nararamdaman ng heroine pagdating sa bidang lalaki? Bakit si Arice ang nakikita niya sa bidang lalaki?

"Ah! Ayoko na nito!" aniya at ibinato ang pocketbook sa paanan niya. Nagulat pa sina Renzie at Emarie na nakahiga sa kanya-kanyang kama at nagbabasa ng pocketbook. Nasa kuwarto sila para sa siesta. Mainit kasi sa labas pero malamig naman ang kuwarto nila kaya masarap doon maglagi.

"Hindi ba maganda 'yan, Ate?" tanong ni Emarie.

"Wala namang magandang story diyan sa ate mo. Nangangati siya sa mga romantic stories." Lumapit ito sa kama niya at kinuha ang pocketbook na ibinato niya. "Bakit ka kasi nakikibasa sa amin? Bigay 'to ni Arice sa amin."

"Masama bang makibasa?" aniya at pinagkrus ang binti.

Sinabi na lang niya na binili ni Arice ang mga pocketbook para di mahalata ang plano niya. Kunyari na lang ay nakikibasa siya dahil sa pagkainip.

"Kung makalait ka naman kasi. Alam mo naman na ito lang ang pantasya namin."

Hindi niya ma-imagine ang sarili na ginagawa ang pagpapa-cute ng mga babae doon at ang ginagawa ng mga ito kapag in love. Hindi niya kayang umarte ng ganoon. It was not her nature.

"Kasi parang irrational 'yung ginagawa ng mga babae. Parang tanga. Parang mga hindi nag-iisip minsan. And that is acceptable?" Nangyayari ba 'yon sa totoong buhay?

Nagkatinginan sina Renzie at Emarie saka sabay na nagtawanan. "Ate, seryoso ka? Parang computer ka naman. Cold, mechanical at lahat ino-over analyze. Love is all about heart and emotion. Hindi utak ang pinag-uusapan."

Umupo si Renzie sa paanan ng kama niya. "Kapag na-in love ka, hindi mo naman maiisip ang sasabihin ng iba. Saka hindi masaya ang puso mo kapag di mo napagbibigyan. Magwawala 'yan. Okay lang magmukhang tanga mapagbigyan mo lang ang puso mo."

"Ibig sabihin, mas mukha kang tanga, mas masaya. Creative ang mga taong in love at makapal ang mukha. Kahit na nasasaktan, go pa rin ng go. Kaya nga napagkakamalang baliw ang mga in love."

Huminga siya ng malalim. She really didn't know to do it. Ibinagsak niya ang sarili sa kama at napatitig sa kisame. Mukhang napapasubo yata siya. Pero paano naman ang Kuya Ernest niya? Hahayaan na lang ba niya itong makasal sa babaeng ibang babae naman talaga ang mahal?

Isa pa, ayaw niyang makitang malungkot pa si Arice. He was such a great guy. Matapos ang mga pinaghirapan nito sa buhay para kay Estrella, siguro naman ay deserve nitong makasama ang babaeng mahal nito.

"Bakit bigla kang nagkainteres sa romance novel at sa pag-ibig?" tanong ni Renzie.

"Baka naman nai-in love na si Ate. Kay Arice ba?"

"Hindi. Doon sa tatay niya," sarkastiko niyang sabi nang biglang maalala ang buong araw na kasama niya ito. Kung paano siya nito ipinakilala sa mga taong naging parte ng buhay nito. "I met his father a while ago. Not his real father but the priest who took him in. Mabait siya at marami siyang ikinuwento tungkol kay Arice."

"Tapos ano pang ginawa ninyo?"

"Nagpunta kami sa spring. May mga kalokohan pala siya noong bata. Di lang alam ng tatay-tatayan niyang pari dahil tiyak mapapagalitan siya. Cute nga mga pictures ni Arice noong bata pa. Saka maganda pala dimples niya kapag ngumiti."

Umiling si Renzie at pumalatak. "Hindi nga siya interesado kay Arice."

"Wala naman siyang ibang bukambibig kundi Arice lang.” Nagbilang sa daliri si Emarie. “Naka-ilang Arice na ba ang narinig ko? Hindi ba sintomas din iyon na in love ka sa isang tao? Wala kang bukambibig kundi siya lang?”

“Heh! Tigilan nga ninyo ako,” asik niya sa mga ito. "Natural magkwento ako tungkol kay Arice dahil siya ang kasama ko."

"Sintomas 'yan ng taong in love,” giit naman ni Renzie. “Mas magandang tanggapin mo na iyan habang maaga pa. Pauwi na iyan sa pagiging in love.”

"Sinong in love?" pambungad na tanong ni Estrella pagpasok sa kuwarto.

"Siya. In love kay Arice,” anang si Renzie at itinuro siya.

"Almost there,” hirit naman ni Emarie.

"Kakikilala ko pa lang sa kanya,” paglilinaw niya. Di naman siguro agad siya mai-in love. Come on! She was not some silly schoolgirl who declares love at first sight. Attraction was acceptable but not love.

"Pero base sa pamumuri mo na di mo ginagawa sa ibang lalaki, pwedeng maging potential boyfriend?" panghuhuli sa kanya ni Renzie at ngumisi.

She felt defeated. Okay. Hindi talaga niya mapigilang humanga sa mga taong mahirap ang pinagdaanan sa buhay pero nagawang makabangon.

Nagsalubong ang mga mata ni Estrella. Nakatayo lang ito habang nakatingin sa kanya. Parang hinihintay nitong sadya ang isasagot niya. Mahalaga pala sa parte ng misyon nila na ibalik ang interes nito kay Arice.

"Tanga na lang ang babae na pakakawalan siya. Hindi ba, Estrella?" nakangiti niyang tanong nito.

"Ah! Gusto ba ninyo ng suman at mangga na may vanilla? Iyon ang merienda mamaya," sa halip ay sabi ni Estrella at iniwas ang tingin sa kanya.

Namili siya ng ibang libro. Stupid woman. How could she be so lucky? Hindi niya alam kung bakit parang napaka-swerte nito na may dalawang matinong lalaki na nagmamahal dito. Tahimik niyang pinakinggan ang excited na pagkukwentuhan ng mga ito tungkol sa mga pagkaing alam pa nitong iluto.

Maybe it was part of Estrella’s charm. She had that homey, housewifey image. The type of woman any man would love to come home to. Mapapasunod sa kahit anong gusto ng isang lalaki. But Estrella had a secret weapon. Ang inaakala niyang kahinaan nito ay siya rin nitong lakas dahil lumalabas na iyon mismo ang ginagamit nito para magpaikot ng mga lalaki. How brilliant! Women like her shouldn’t be underestimated.

Nag-ring ang cellphone niya. Kumunot ang noo niya dahil hindi naka-rehistro ang numero doon. "Hello."

"I never thought that you have a very sexy voice on the phone."

Nag-init ang pisngi niya nang marinig ang boses na iyon. It was Arice. His flirty voice was sexy. Kung ibang lalaki ang bubungad sa kanya ng ganoon ay baka kalbuhin niya ito. "Arice! Bolero ka talaga."

"Bola? Di ka naniniwala sa akin? I am hurt." The hurt in his voice was genuine. Hindi niya maiwasang ngumiti.

"Anong ginagawa mo?" tanong nito.

Huminga siya ng malalim. "Sinusubukang magbasa ng pocketbook. Pakiramdam ko kasi hindi naman totoo 'to."

Biglang inagaw ni Emarie ang cellphone sa kanya. "Arice, pwede bang ligawan mo 'tong ate ko para magka-love life naman siya at ma-experience niya 'yung nababasa niya sa pocketbooks." Nagpapadyak ito sa kilig. "Ate, pwede daw ba manligaw?"

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.