Chapter CHOI AND THE BABYSITTER: Chapter 12

MABILIS na lumapit si Lorie sa pinto at sumilip sa maliit na screen na nakadikit sa pader na malapit doon. Pinindot niya ang isang buton na tinuro sa kanya dati ni Choi at bumungad sa kanya ang dalawang lalaking nakatayo sa labas ng pinto. Nanlaki ang mga mata ni Lorie nang mapansing nakaitim ang dalawang lalaki at parehong nakasuot ng helmet kaya hindi niya makita ang mukha ng mga ito.

Napaatras si Lorie nang maging sunod-sunod ang pagtunog ng doorbell, halatang gustong pumasok ng dalawa sa lalong madaling panahon. Kumabog ang dibdib niya. Sino ang mga taong ito? Reporters din ba ang dalawang lalaki? “C-Choi!” malakas na tawag ni Lorie bago pa niya napigilan ang sarili.

“What is it?” natatarantang sagot ni Choi kasabay ng pagbukas ng pinto ng silid nito. Nakasuot lamang ng roba ang binata at basang-basa pa ang buhok at katawan. Halatang galing ito sa banyo. Sa isang iglap ay nasa tabi na ni Lorie si Choi.

“M-may mga kahina-hinalang tao sa labas ng pinto,” garalgal ang tinig na sabi ni Lorie.

Lalong lumapit sa kanya si Choi at nakisilip sa maliit na screen. Nahigit ni Lorie ang hininga nang madikit sa kanya ang binata at mabasa siya ng tubig na tumutulo pa sa buhok nito. Dapat ay umatras siya at lumayo kay Choi ngunit ayaw gumalaw ng mga paa niya. Bakit ba kasi may kung ano sa binata na tuwing malapit ito nang ganoon kay Lorie ay parang ayaw niyang lumayo? Bagkus ay may bahagi niya ang parang gusto pang dumikit nang husto kay Choi. Weird.

“Shit, akala ko naman kung sino,” bulalas ni Choi at bigla na lamang binuksan ang pinto. Napasinghap si Lorie nang tumambad sa kanila ang kabuuan ng dalawang lalaking nakatayo sa labas ng pinto. Mas matangkad at mas malapad ang katawan ng dalawa. “Pasok,” ani Choi at hinawakan si Lorie sa braso upang isama sa pag-atras nito. Pumasok ang mga lalaki at isinara ang pinto.

“Gaano katagal mo ba kami paghihintayin sa labas, Choi?” inis na sabi ng isa bago inalis ang helmet na suot nito.

Napamaang si Lorie nang tumambad ang mukha ng isang guwapong lalaki na nangingitim ang mga panga at baba dahil sa stubbles. Maputi ang lalaki at mukhang mapanganib. Idagdag pa ang magaspang na pagsasalita nito.

“Shut up, Riki,” sabi naman ng isa sa mas maawtoridad na tinig. Nang alisin nito ang helmet nito ay napaawang na nang tuluyan ang mga labi ni Lorie. Kung guwapo ang tinawag nitong Riki ay di-hamak na mas guwapo ang lalaking ito. Oo nga at may pagkakahawig ang dalawa ngunit may kung ano sa lalaking ito na humahatak sa atensiyon ni Lorie. Mas mukha itong nakakatakot. May aura ang lalaki na tila kaya nitong gawin ang lahat sa isang pitik lang ng mga daliri nito. Nabaling kay Lorie ang tingin ng lalaki kaya napakurap siya. “And she is?”

“She’s the—”

“Mama.”

Napalingon si Lorie at maging ang mga lalaking kasama niya sa panig ng kusina bago pa man matapos ni Choi ang pagpapakilala nito sa kanya. Nahihiyang nakasungaw roon si Maja at nakatingin sa kanila.

Ilang segundong katahimikan ang namagitan bago may bumasag niyon. “Holy shit! She looks like you, brother,” bulalas ni Riki na nagpalaki ng mga mata ni Lorie at muling napabaling sa tatlong lalaki.

“Yeah. She looks exactly like a Montemayor, Choi,” sagot naman ng isang lalaki na may himig na hindi niya maipaliwanag.

Noon napansin ni Lorie ang pagkakahawig ng dalawang lalaki kay Choi. Kapagkuwan ay nilukob siya ng realisasyon—kapatid ni Choi ang dalawang lalaking ito.

“But ‘mama’?” sabi na naman ni Riki at tumingin kay Lorie. Pagkatapos ay walang pakundangan siya tiningnan ni Riki mula ulo hanggang paa. Muntik na siyang mapaismid. Magkapatid nga sila ni Choi.

“Stop doing that, Riki, that’s rude,” saway rito ng isa. Napatingin tuloy si Lorie rito at ginawaran ang lalaki ng ngiti ng pasasalamat.

“Of course not. She’s the babysitter,” sagot ni Choi sa tonong nagpatingala kay Lorie. Tumingin din si Choi sa kaniya at hindi nakaligtas sa paningin niya ang iritasyon sa mukha ng binata na nahimigan din ni Lorie sa tinig nito. “Bumalik ka na sa kusina. May pag-uusapan kaming tatlo rito,” pautos na sabi ni Choi na ikinakunot ng noo niya. Sa pagkakatanda ni Lorie ay isang beses pa lang niyang narinig kay Choi ang tonong iyon. Noong unang beses silang nagkita. Ngunit pagkatapos niyon ay hindi na siya ginamitan ng tunog among tonong iyon ni Choi kaya madalas nakakalimutan ni Lorie na amo nga pala niya ang binata. Pero ngayon…

“What are you waiting for?” inis na namang untag ni Choi sa kanya.

Umangat ang isang sulok ng labi ni Lorie. “Opo, Sir,” sagot niyang hindi naiwasang mapaismid at ipinagdiinan pa ang huling salita bago bumalik sa kusina.

“THIS is a huge problem, man. You’re in big, big trouble,” malakas na bulalas ni Riki na kahit sa guest room ay nadinig ni Lorie pagkatapos niyang marinig na ipaliwanang ni Choi sa mga kapatid nito ang sitwasyon.

Hindi mapigilan ni Lorie na makinig sa pinag-uusapan ng magkakapatid. Kahit hindi niya intensiyong gawin iyon. Pumuwesto si Lorie sa likod ng pinto sa silid ni Maja na sinadya niyang iwang nakaawang habang abala sa pagbubuklat ng children’s book si Maja sa kama.

“I know. Pero hindi ko naman kasi alam na ganito ang mangyayari sa involvement ko kay Sheila. Worst, I still don’t know where the hell she is! I don’t want to be in another scandal. Gusto kong bumalik sa dati ang buhay ko,” narinig niyang sabi ni Choi.

Ilang segundo ang lumipas bago narinig ni Lorie ang malumanay na tinig ng lalaking nagngangalang Raiven ayon sa pag-uusap ng magkakapatid kanina. “The least we could do for now is to think of something para tumigil na ang balitang ito. At least, hangga’t hindi pa malinaw sa iyo kung ano ang dapat mong gawin tungkol sa bata. Nasa tamang edad ka na para magdesisyon ng tungkol diyan, Choi.”

“Then what should we do? Bilin pa naman ni Papa na hindi tayo dapat masangkot sa gulo, lalo na at wala sila,” sabi naman ni Riki.

“I think this is better. Kung nandito sila mas malilintikan ka, Choi,” komento naman ni Raiven.

Narinig ni Lorie ang marahas na pagbuga ni Choi ng hangin. “Then what should we do?” helpless na tanong ng binata.

Ilang segundo pa ang lumipas bago nagsalita uli si Raiven. “Puwede nating sabihin na nagcha-charity work ka lang. Alam nila na active sa charity work ang pamilya natin, lalo na si Mama. We could say that before they left for their out-of-the-country tour ay ibinilin niya sa atin ang mga batang tinutulungan niya at ikaw ang naatasan niyang magpasaya sa mga bata sa loob ng isang araw.”

“Maniniwala ba sila diyan?” alanganing tanong ni Choi.

“Who do you think I am?” seryosong sagot ni Raiven.

“Well, kung sinabi ni Raiven na maniniwala sila, maniniwala sila. Tapos ang problema,” kampanteng sabi ni Riki.

“Yeah,” pabuntong-hiningang sabi rin ni Choi.

“Not yet. Siguradong aali-aligid pa rin sila sa `yo kahit na mailabas ko na sa press ang kuwentong iyon. Malamang, may magtatangka pa ring pumunta sa unit mo para malaman kung totoong may itinatago kang anak. Mas magiging persistent at maparaan ang reporters. Hanggang nandito ang bata ay siguradong malaki ang posibilidad na madiskubre nila iyon,” ani Raiven na nagpakabog sa dibdib ni Lorie.

“So, I need to get her out of my house? I need to get rid of her, right?” Nang walang sumagot ay nagbuga ng hangin si Choi. “I knew it.”

Napakagat-labi si Lorie sa umusbong na inis sa dibdib niya para kay Choi. Tumingin siya kay Maja na mukhang hindi naman pinapansin ang usapan sa living room na gaya ng ginagawa niya.

Lumapit si Lorie sa bata at hinaplos ang buhok nito. Nang tumingala sa kanya si Maja ay nginitian niya ito at ginawaran ng halik sa tuktok ng ulo nito.

“That’s why I need to find Sheila. Kailangan kong ibalik ang bata sa kanya. Maling ideya ang ibigay ang bata sa akin dahil kung tutuusin, wala naman talaga akong alam tungkol sa pag-aalaga ng bata,” frustrated pang sabi ni Choi na lalong nagpainit sa ulo ni Lorie.

“May babysitter ka naman, ah,” sagot ni Riki.

“Well, yeah. But you don’t expect me to keep them with me forever. May sarili rin akong buhay. Mas gusto ko ang buhay ko na walang komplikasyon na gaya ng isang anak na hindi ko naman ginustong mabuo,” sagot ni Choi sa sinabi ni Riki.

Noon na hindi napigilan ni Lorie ang galit na naramdaman niya para sa walanghiyang lalaki. Marahas na binuksan niya ang pinto ng silid at lumabas. “Paano mo nasasabi iyan?” galit na sigaw niya kay Choi.

Napatingin ang tatlo kay Lorie ngunit nanatiling kay Choi nakatutok ang mga mata niya. Tumigas ang ekspresyon sa mukha ng binata. “I forgot to tell you not to eavesdrop.”

Napatiim-bagang si Lorie at isinara ang pinto sa likod niya upang hindi marinig ng bata sa loob ang mga sasabihin niya. “`Buti na lang at ginawa ko iyon kung hindi, hindi ko maririnig ang sinabi mo. Akala ko pa naman natanggap mo na si Maja. Pero gusto mo siyang idispatsa para lang bumalik sa dati mong buhay? Gusto mo siyang ibalik sa nanay niya na walang pagdadalawang-isip siyang itinapon na lang sa `yo nang hindi man lang nagpapakita? Hindi mo ba napapansin ang takot sa mga mata ni Maja tuwing binabanggit natin ang mommy niya, `tapos gusto mo pa siyang ibalik sa babaeng iyon? Mas masaya siya kapag ikaw ang kasama niya,” galit pa ring sabi ni Lorie.

“This is none of your business,” mariing sagot ni Choi.

Nakaramdam si Lorie ng sakit sa sinabi nito pero binale-wala niya iyon. “Ako ang nag-aalaga sa kanya! Alam ko kung ano ang mas makakabuti sa kanya. At mali na itapon mo rin siya pabalik na gaya ng ginawa ng nanay niya. Oo, hindi ninyo ginusto ang nangyari pero nag-enjoy naman kayo sa ginawa ninyo, hindi ba? `Tapos ngayong nakabuo kayo ng bata basta ninyo na lang siya pinagpapasahan na parang bola? Ang sama-sama mo!”

“Shut up. You are just a babysitter! Wala kang karapatang pagsalitaan ako ng ganyan dahil binabayaran lang kita,” sigaw ni Choi sa namumulang mukha at matalim na mga mata na parang handa na siyang sugurin sa labis na galit.

Naumid ang dila ni Lorie. May kirot siyang naramdaman sa dibdib niya hindi dahil sa pagsigaw ni Choi kundi dahil sa talim ng mga salitang binitiwan nito. Sa loob ng isang linggo mula nang magkasama nilang inalagaan si Maja ay inakala ni Lorie na kahit kaunti lang ay may kabutihang itinatago si Choi. Na kahit paano ay napapalambot na ni Maja ang puso nito. Na naging malapit naman sila kahit paano. Hinalikan pa nga siya nito, hindi ba? Ngunit ngayong nakatitig si Lorie kay Choi ay napagtanto niyang mali siya ng akala. Sobrang mali. At ang nakakainis ay nag-iinit ang mga mata niya.

“Alam ko iyan, ‘Sir,’” ani Lorie na sadyang binigyan ng diin ang salitang “sir.” Itinaas niya ang kanyang noo at pilit nilunok ang bara sa lalamunan niya. Sinalubong niya ang mga mata ni Choi. Nakita ni Lorie na tila natigilan si Choi at kumislap ang mga mata sa emosyong hindi niya alam kung dapat ba niyang paniwalaang nakita niya roon—pagsisisi. Subalit alam niyang hindi nagsisisi si Choi Montemayor kapag nakakasakit ito ng iba.

Lumunok uli si Lorie para pawiin ang bara sa lalamunan niya. “Pero hindi ko kayang sikmurain ang ginagawa ninyo kay Maja. Mahal ka ng bata at akala ko naramdaman mo iyon at ganoon na rin ang nararamdaman mo para sa kanya. Pero mali pala ako. Huwag kayong mag-alala hindi na ako makikialam dahil magre-resign na ako. At para sa ikagagaan ng loob ninyo at nang makabalik na kayo sa dati ninyong buhay, dadalhin ko na rin si Maja. Ako na ang bahala sa kanya,” mapait na sabi ni Lorie.

Natigilan at hindi nakapagsalita si Choi. Mukhang wala ring masabi ang dalawang kapatid nito sa sagutan nila. Sinamantala ni Lorie ang pananahimik ng magkakapatid para bumalik sa kuwarto ni Maja. Agad niyang inayos ang mga gamit ni Maja at nang maisuksok iyong lahat sa bag nito ay bumaling siya sa bata. Kahit na nanginginig ang mga kalamnan ni Lorie ay nginitian niya ito. “Maja, gusto mo bang makita si Kai?”

Kumislap ang mga mata ni Maja at ngumiti. “Yes, Mama.”

Napakagat-labi si Lorie. Nag-init ang mga mata niya sa pagtawag sa kanya ni Maja ng “mama.” Lumapit si Lorie sa bata at niyakap ito. “Sige, sasama ka muna sa akin, ha? Daldahin kita sa amin, okay lang ba iyon?” tanong niya rito sa garalgal na tinig.

Mukhang napansin iyon ni Maja dahil yumakap ito sa kanya. “Okay.”

Huminga nang malalim si Lorie bago saglit na binitawan ang bata. Isinukbit niya sa balikat ang bag ni Maja bago ito binuhat. Naglakad si Lorie palapit sa pinto at saka binuksan iyon. Tumalon ang puso niya nang makitang nasa labas lang ng pinto si Choi at mukhang akmang papasok sa loob. Saglit na nagtama ang mga mata nila bago bumaba ang tingin ni Choi kay Maja at pagkatapos ay sa bag na hawak ni Lorie bago umangat uli para salubungin ang mga mata niya. “No,” mariing sabi ni Choi.

Umangat ang isang kilay ni Lorie. “No ka diyan. Hindi ba gusto mo naman siyang mawala sa bahay at sa buhay mo? Ito na nga, pinapadali ko na ang lahat para sa `yo.”

Tumiim ang mga bagang ni Choi bago nagsalita. “Maraming press people sa baba. Makikita nila kayo.”

Pagak siyang tumawa. Akala ni Lorie ay pinipigilan siyang umalis ni Choi iyon pala ay nag-aalala itong makita sila ng media. “Huwag kang mag-alala. Hindi lang naman ikaw ang nakatira dito. Malay ba nila kung dito kami galing? Hindi naman malinaw ang picture na nakunan nila. Isa pa, sasabihin mo naman na nagmamagandang-loob ka lang namang ilabas ang batang ito, hindi ba?” sagot ni Lorie, saka nilagpasan ang binata. Hindi niya tiningnan ang mga kapatid nitong nasa living room pa rin. Dere-deretso siya sa main door at binuksan iyon.

“Ba-bye, Daddy,” sabi ni Maja bago sila tuluyang lumabas ng pinto. Nang naroon na si Lorie ay huminga siya nang malalim at umiling upang alisin ang pag-iinit ng mga mata niya. Sa isip niya ay kinumbinsi niya ang sarili na kaya siya naiiyak ay dahil naaawa siya kay Maja at hindi dahil sa isang iglap ay inilagay siya ni Choi sa lugar niya.

Huminga nang malalim si Lorie at mabilis na nagtungo sa elevator.

NANG sumara ang pinto ay naramdaman ni Choi ang pagkatunaw ng galit niya. Napalitan iyon ng labis na frustration at pagkataranta na hindi niya alam kung para saan. Hindi nakagalaw si Choi at hindi nakasagot sa mapait na mga salitang binitiwan ni Lorie. Higit sa lahat ay nakaramdam siya ng nakakairitang paghalukay sa sikmura niya nang wala siyang magawa para pigilan ang babae at si Maja sa pag-alis. Pinagmasdan na lang ni Choi ang dalawa.

He knew he messed up. Hindi siya dapat nainis, hindi siya dapat sumigaw nang ganoon, hindi niya dapat tinrato si Lorie ng ganoon. Kasi naman, nang makita ni Choi si Lorie na ngumiti kay Raiven kanina ay bigla siyang nakaramdam ng matinding iritasyon na hindi niya alam kung ano ang dahilan. Idagdag pa ang kinasusuungan niyang sitwasyon. And so, Choi became a total jerk. Kaya siya iniwan ni Lorie. The thought frustrated him more.

Marahas na ginulo niya ang buhok bago bumaling sa mga kapatid niyang nakaupo pa rin sa sofa at nakamasid sa kanya.

“Why didn’t you help me?” naiinis na tanong ni Choi kina Riki at Raiven.

Nagtinginan ang mga ito bago nagsalita si Riki. “How can we meddle if the two of you were fighting like a married couple whose about to file for an annulment?”

Nanlaki ang mga mata ni Choi. “We were not! She’s just the babysitter na masyadong matalas ang dila,” mariing sagot niya. Alam ni Choi na masyadong defensive ang pagkakasabi niya niyon pero wala na siyang pakialam.

“And you acted like a spoiled brat who didn’t care what comes out of your mouth when talking to a woman who knows a lot of secrets about you, Choi. Isang salita lang niya sa press ay hindi mo na malulusutan ang gusot na ito,” sagot naman ni Raiven.

Saglit na naumid ang dila niya. “No, she will not do that,” siguradong sagot ni Choi.

“At paano mo naman nasabi `yan?” tanong ni Riki.

“Because… she’s not that type of woman. Hindi siya gagawa ng bagay na madadamay si Maja.”

“Oh?” magkapanabay pang sambit ng mga kapatid niya na ikinakunot uli ng noo niya.

“What?” defensive na tanong ni Choi sa nakitang ekspresyon sa mukha nina Riki at Raiven.

Tumayo si Raiven. “Anyway mabuti na rin ang ginawa niyang pag-alis muna rito. Hindi lang para sa reputasyon mo kundi para na rin sa bata. Sa tingin ko naman, hindi niya pababayaan ang anak mo. I will ask my secretary to set an appointment for a press conference five hours from now. Dapat ay maayos na ang gulong ito habang maaga pa para hindi na lumaki.”

“And you can go back to your bachelorhood again after that, brother,” nakangising sabi ni Riki na tumayo na rin. “Isn’t that great?”

It should be. Ngunit walang makapang kasiyahan si Choi sa mga oras na iyon. “Yes. Of course,” sagot na lang niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.