Chapter CHOI AND THE BABYSITTER: Chapter 14

NANLALAMIG ang mga kamay ni Lorie at hindi siya mapakali. Halos hindi siya makatulog mula nang matanggap niya ang sulat ng ate niya. Magkahalong antisipasyon at takot ang nadarama ni Lorie mula nang malaman niya sa sulat ng ate niya na nasa Pilipinas daw ito at magpupunta sa kanila sa araw na iyon upang makita sila ni Kai.

“Mama, hindi pa ba tayo pupunta sa parlor?” tanong ni Kai na nakaupo sa kawayang sofa nila katabi si Maja. Parehong nakasunod ang tingin ng dalawang bata kay Lorie. Sabado at walang pasok si Kai. Alam ni Kai na tuwing ganoong araw ay isinasama niya ito sa parlor.

Ngumiti si Lorie sa mga ito sa kabila ng kaba niya. “Hindi tayo pupunta sa parlor ngayon kasi nga hindi ba darating ngayon ang mama mo Kai. Gusto niya tayong makita,” malumanay na paliwanag niya.

Natigilan si Kai. “Hindi ba kayo ang mama ko?” tanong ni Kai.

Huminga nang malalim si Lorie at lumapit sa mga bata. “Iyong isa mo pang mama. Iyong totoo mong mama na palagi kong sinasabi sa `yo.” Hindi naman kasi itinago ni Lorie kay Kai ang tungkol sa ate niya.

Namutla si Kai at tila biglang kinabahan. Ginagap ni Lorie ang kamay ni Kai dahil naiintindihan niya ang pag-aalinlangang naramdaman nito. “Mabait ang tunay mong mama. Magugustuhan mo siya, promise,” wika ni Lorie, sabay pisil sa kamay ng anak-anakan.

“How about Daddy? Will he come, too?” inosenteng tanong naman ni Maja.

Nabaling kay Maja ang tingin ni Lorie at nakaramdam uli siya ng simpatya para sa bata. Ibubuka pa lamang niya ang bibig upang aluin ito nang makarinig siya ng ingay mula sa labas ng bahay nila na tila may pinagkakaguluhan. Sumikdo ang dibdib ni Lorie. Baka ang ate na niya iyon.

Nakaligtas siya sa pagsagot sa tanong ni Maja. Tumayo si Lorie at mabilis na lumapit sa pinto ng bahay. Naramdaman niya ang pagsunod nina Kai at Maja sa likuran niya nang sumilip siya sa labas. Napaawang ang mga labi ni Lorie nang makita ang isang itim at malaking land rover sa tapat nila na halos humarang na sa makipot na daan. Iyon ang pinagkakaguluhan ng mga usisera niyang kapitbahay. Nang bumukas ang pinto ng passenger’s seat at bumaba roon ang isang matangkad na lalaki ay nanlaki ang mga mata ni Lorie sa labis na pagkamangha. Sa kabila ng kupas na pantalon, hooded jacket, baseball cap at malaking dark shades na halos tumatakip sa buong mukha ng lalaki ay hindi niya maaaring maipagkamali kung sino ang dumating.

Choi.

Tila narinig ni Choi ang pagtawag ni Lorie rito sa isip niya dahil bigla itong bumaling sa kanila. Sa kabila ng shades ni Choi ay alam ni Lorie na nagtama ang mga mata nila. Napansin niya iyon sa biglang pagderetso ng tayo ng binata at mabilis na pagsasara sa pinto ng sasakyan nito. Awtomatikong sumikdo ang puso ni Lorie nang magsimulang lumakad si Choi patungo sa kanila na ni hindi man lang nag-abalang tumingin sa paligid nito. Bakit ngayon pa nagpakita si Choi kung kailan may ibang kailangang isipin si Lorie? Bakit kailangan pa nitong makisabay sa pagdating ng ate niya na maraming taon na niyang hindi nakikita?

Nang sa wakas ay huminto na si Choi sa pinakaharap ni Lorie ay noon lamang niya napagtanto na pigil pala niya ang kanyang hininga. Ilang segundong katahimikan ang namagitan sa kanila nang sa wakas ay magsalita si Choi.

“At last, I found you.”

“Daddy!” masayang tili ni Maja bago pa magawang magsalita ni Lorie. Bago pa rin siya makakilos ay yumakap na ang bata sa binti ni Choi na agad na nagbaling ng tingin sa bata. Napamaang si Lorie nang sumungaw ang masayang ngiti sa mga labi ni Choi nang haplusin nito ang ulo ni Maja.

“Hello, brat. Did you miss me?” tanong ni Choi sa bata na sunod-sunod namang tumango. “I can’t blame you dahil tatlong araw tayong hindi nagkita,” dugtong nito, sabay baling kay Lorie. “At muntik nang madagdagan pa ang mga araw na iyon dahil may isang tao rito na malakas ang loob na patayin ang cell phone niya at hindi ako kontakin,” wika nang binata na may pagbabanta sa tinig.

Natauhan si Lorie at muling bumalik ang inis na naramdaman niya para kay Choi. Mariin niyang naitikom ang kanyang bibig at hindi nag-iwas ng tingin. “Sa pagkakaalam ko ay hindi ka naman interesadong malaman kung ano’ng nangyayari sa kanya kaya hindi ko na inabalang gawin iyan,” sagot ni Lorie.

Tumigas ang anyo ni Choi at pinakatitigan siya. “You’re making me mad, Lorie. You really do,” mahina ngunit mariing sagot ng binata. Ngunit masyadong inis si Lorie kay Choi para makaramdam ng takot sa sinabi nito.

“Lorie, may bisita ka pala,” puna ng isang kapitbahay niya na mukhang hindi na nakatiis na makiusyoso. Noon lamang nabaling sa mga tao ang pansin ni Lorie at nakitang nagkandahaba ang mga leeg ng mga kapitbahay niya sa pagtingin sa kanila. Nag-init ang mga pisngi ni Lorie sa pagkapahiya.

Alanganin siyang ngumiti. “O-oo nga ho,” wika ni Lorie at mabilis na sumulyap kay Choi. “Pasok,” aniya rito. Hindi na siya nagdalawang-salita dahil mukhang kahit si Choi ay nakaramdam ng pagkailang. Binuhat nito si Maja at pumasok sa bahay niya. Lumapit si Choi kay Kai at tinapik ang bata sa ulo nito na agad na ngumiti. Napabuntong-hininga si Lorie at mabilis na isinara ang pinto pagkatapos ay ang kurtina ng bintana bago hinarap uli si Choi. “Hindi ka dapat nagpunta rito. Baka nasa balita ka na naman bukas,” wika ni Lorie na hindi naiwasan ang himig ng sarkasmo sa tinig niya.

Ibinaba ni Choi sa kawayang upuan si Maja at inalis ang shades nito. “I’ve a better disguise today,” ani Choi.

Nanlaki ang mga mata ni Lorie. “Mukha bang disguise ang magarang sasakyang dala mo?” Oo nga at hindi iyon kasinggara ng kotse ni Choi na nasa garahe ng condominium building nito ngunit mamahalin pa rin ang dala ng binata.

Kumunot ang noo ni Choi. “The Land Rover was the simplest car in my ancestral house’s garage,” paliwanang nito.

Napabuga ng hangin si Lorie. Ang pinakasimpleng sasakyang iyon ay tila ipinapamukha sa kanya kung gaano kalaki ang agwat ng buhay nila ni Choi. Natigilan si Lorie. Ano naman ngayon sa kanya ang agwat na iyon? Umpisa pa lang naman ay alam na niya iyon at hindi naman niya inalala iyon. Bakit ngayon…

“Lorie, let’s talk,” seryosong sabi ni Choi.

Sinalubong ni Lorie ang mga mata nito. Hindi niya nagawang sumagot dahil may kung ano sa kislap ng mga mata ni Choi na biglang nawala at napalitan ng matiim na ekspresyon. Na tila ba sinasabi na nito na hindi ito papayag na tumanggi siya.

Bumuntong-hininga si Lorie at napahawak sa sentido niya dahil may biglang pumitik doon. “Okay. At least alam kong nag-aalala ka kay Maja kaya ka nandito. Ibig sabihin kahit paano importante siya sa `yo,” sumusukong sabi niya.

“Of course she is. She’s my daughter,” ani Choi.

Tinitigan ni Lorie ang binata at nakita niya ang sinseridad at determinasyon sa mukha nito na noon lamang niya nakita rito. May init na humaplos sa dibdib niya. Noong unang nakita ni Lorie si Choi ay hindi niya naisip na makikitaan niya ito ng ganoong determinasyon. Na tila ba kapag may nagtangkang manakit kay Maja ay lalaban din ito ng patayan. Bigla ay tila bulang napalis ang mga hinanakit at inis ni Lorie sa binata. Hindi niya napigilan ang sariling mapangiti nang matamis. “Mabuti naman.”

SANDALING tila napako sa kinatatayuan niya si Choi nang makita ang matamis na ngiti sa mga labi ni Lorie. A strange feeling washed over his chest. Bigla ay parang nais ni Choi tawirin ang ilang dipang pagitan nilang dalawa, higitin si Lorie at ilapat ang mga labi niya sa nakangiting mga labi nito hanggang sa kapusin sila ng hininga. Paanong nangyari na siya, si Choi Montemayor, na hinahabol ng naggagandahang mga babae ay nakakaramdam ng mga paruparong nagliliparan sa sikmura niya habang nakatingin sa isang babaeng naka-T-shirt at pantalon? Nakabalunbon ang buhok sa likod ng ulo ni Lorie na parang hindi pa sinuklay. How was it possible that only a sweet smile could turn him on like he never felt before?

Shit, am I falling for this woman? Hindi iyon kayang tanggapin ng pride ni Choi. Ngunit habang nakatingin siya kay Lorie na nakangiting nakatingin na sa mga bata ay hindi maiwasan ni Choi pigilan ang paghinga niya. How could someone be so simple and yet so beautiful?

“Kai, Maja, gusto ninyo bang manood muna ng TV?” tanong ni Lorie sa mga batang masayang sumang-ayon sa suhestiyon nito. Binuksan ni Lorie ang telebisyon at nang nakatuon na roon ang atensiyon ng mga bata ay noon lamang uli siya binalingan nito. “Ang sabi mo mag-uusap tayo, hindi ba? Doon tayo sa kusina,” sabi ni Lorie na nagpatiuna na sa pagpunta sa tinutukoy nitong kusina na mas maliit pa sa banyo niya.

Noon lamang nagkaroon ng pagkakataon si Choi na igala ang paningin sa bahay ni Lorie dahil kanina, nasa mukha lang nito ang buong atensiyon niya. Masyadong maliit ang bahay ng babae. Malinis man iyon ay halatang luma na ang mga gamit doon. Wala ring kulay ang maninipis na dingding na humahati sa kabahayan.

“Alam ko na walang sinabi ang bahay ko sa condo unit mo pero huwag mong tangkaing laitin ito at hindi tayo magkakaroon ng matinong pag-uusap,” nagbabantang sabi ni Lorie na nagpabalik dito ng tingin niya.

Bumuntong-hininga si Choi at umiling. “I’m not going to do that. I’m here to… apologize.”

Napaderetso ng tayo si Lorie at napamaang sa kanya. Nakaramdam si Choi ng inis kahit na naiintindihan niya kung bakit palaging nagugulat si Lorie sa tuwing humihingi siya ng tawad. Kahit kasi si Choi ay nagugulat sa sarili niya.

“Anyway, I apologize for the way I talked to you bago kayo umalis ni Maja. Alam ko na masyadong masakit ang mga nasabi ko and you don’t deserve it. Alam ko rin na hindi tamang itaboy ko kayo, lalo na si Maja. I understand what you said to me back then. Nang mawala kayo na-realize ko na nakakabingi pala ang katahimikan ng condo unit ko tuwing umuuwi ako at wala kayo. Nakakatamad ding bumangon sa umaga na hindi ako nagigising sa tawanan ninyo. At nang mag-isa ako na-realize ko na tama lahat ng sinabi mo at hindi ko pala kayang i-give up si Maja,” patuloy ni Choi nang hindi pa rin nagsalita si Lorie.

Kumurap ito. Makalipas ang ilang segundo ay saka lang mahinang nagsalita si Lorie. “Hindi mo na siya ibabalik sa nanay niya? Hindi mo na siya itataboy at mamahalin mo na siya?”

Huminga nang malalim si Choi dahil sa mga oras na iyon ay wala siyang ibang nais sabihin kundi ang mga salitang alam niyang magpapabalik ng ngiti ni Lorie. “Yes. I will keep her for good,” sagot niya kahit hindi niya alam kung ano ang susunod niyang hakbang pagkasabi niya niyon. Binale-wala na rin ni Choi ang pang-iinis ng isang bahagi ng isip niya sa biglaang pagbawi niya sa sinabi niya noon na hindi mapagbabago ni Lorie ang isip niya tungkol sa pagbabalik niya kay Maja kay Sheila.

Ngunit nang makita ni Choi na lumiwanag ang mukha ni Lorie at gumuhit ang matamis na ngiti sa mga labi nito ay nakalimutan na niyang problemahin pa ang bagay na iyon. Huminga nang malalim si Choi dahil bigla ay parang nais na naman niyang tawirin ang pagitan nila. And so he did. Nakita niyang namilog ang mga mata ni Lorie at nawala ang ngiti nang sa dalawang hakbang ay makalapit siya rito. Choi wanted to touch her face. Hindi na niya pinigilan ang sarili. Umangat ang isang kamay ni Choi at maingat na hinaplos ang pisngi ni Lorie gamit ang mga daliri niya. Napasinghap ito na ikinaangat ng isang sulok ng labi niya. “And you as well. I plan to keep you, too,” mahinang dugtong ni Choi.

Saglit na bumakas ang pagkalito sa mga mata ni Lorie bago nakita ni Choi na namilog ang mga iyon at mamula ang mga pisngi nito. Umawang ang mga labi ng babae na tila may sasabihin ngunit hindi na nito iyon naituloy dahil magkapanabay silang napalingon nang may tumawag sa pangalan ni Lorie mula sa labas ng bahay.

Nainis si Choi sa umistorbo sa kanila. Nabaling lang uli ang atensiyon niya kay Lorie nang umigtad ito. Nakaawang na ang mga labi ni Lorie at kumikislap ang mga mata sa antisipasyon.

“Lorie,” tawag uli ng tinig ng isang babae mula sa labas ng bahay.

Kumurap si Lorie at tuluyan nang lumayo sa kanya.

“Who is it?” hindi nakatiis na tanong ni Choi.

Tumingin sa kanya si Lorie na tila noon lamang nito naalalang naroon siya. “Ang ate ko,” sagot nito sa namimilog na mga mata.

Kumunot ang noo ni Choi. “Akala ko ba matagal na siyang wala?”

“Oo nga pero sumulat siya sa akin noong nakaraan para sabihing darating siya ngayon. Ano ang sasabihin ko kapag nakita niyang may kasama akong lalaki rito? Naku wrong timing ka kasi dumating,” natatarantang sagot ni Lorie.

Napangiti si Choi dahil hindi niya maiwasang maaliw sa inaasal ni Lorie. Nagkibit-balikat siya at kalmadong umupo sa isang silya roon. “Worry about that later. Buksan mo na ang pinto bago pa siya lalong magtaka kung bakit matagal kang magbukas ng pinto,” ani Choi na sinadyang lagyan ng malisya ang tinig.

Lalong nanlaki ang mga mata ni Lorie at mabilis na lumapit sa pinto. Bubuksan na lang nito iyon nang tila may maalala at lumapit uli kay Choi. “Puwede bang kargahin mo muna si Maja? Baka kasi magulat si Ate kapag nakitang dalawa na ang bata rito,” mahinang sabi ni Lorie.

Kumunot ang noo ni Choi, nagkibit-balikat at saka tumayo para sundin ito. Lumapit siya sa mga bata at binuhat si Maja na agad namang yumakap sa leeg niya. “Be good, brat, and stay quiet while your mama is talking with her sister, okay?” mahinang kausap ni Choi sa anak niya. Agad namang tumango si Maja.

Sumulyap siya kay Lorie. Nakamaang na naman sa kanya ang babae. “What?” tanong ni Choi.

Kumurap at tumikhim ito. “Ah, ang weird kasi kapag sa `yo nanggagaling,” mahinang sagot ni Lorie na tila nahihiya.

Umangat ang isang kilay ni Choi. “Ang ano?”

Nag-iwas ng tingin si Lorie. “Na mama ako ni Maja. Basta doon na lang muna kayo sa kusina. Ipapakilala ko rin naman kayo sa ate ko mamaya,” anitong bago tuluyang tumalikod sa kanya.

Pinagmasdan ni Choi si Lorie pero hindi niya naiwasan ang pagsilay ng ngiti sa mga labi niya. That moment he realized something. He was really falling for this woman. It was out of his character but hell, at that moment, he didn’t care.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.