KAHIT kailan ay hindi naisip ni Riki na makakaramdam siya ng ganoon katinding galit at takot nang sabay. Ngunit nang makita niya si Ailyn na hawak ng dalawang malaking lalaki at may baril na nakatutok sa dalaga, pakiramdam niya ay masusuka siya sa labis na emosyon.
“Ailyn, are you all right?” tanong ni Riki. Ni hindi siya makapaniwalang namamaos na pala ang tinig niya.
“Sino ka ba?” tanong ng lalaking may hawak ng baril.
Natigilan si Riki nang sa kanya na itutok ng lalaki ang baril. “Ano ang kailangan mo sa kanya? Bakit mo siya kinidnap?” balik-tanong ni Riki sa halip na sagutin ang lalaki. Ikinuyom niya ang mga kamay sa pagpipigil ng emosyon. Alam niya na kapag nagkamali siya ng galaw ay babarilin siya ng lalaki. Or worse, si Ailyn ang pag-initan nito.
Tumawa ang lalaki. “Hindi ko siya kinidnap. Nag-uusap lang kami. Hindi ba, Miss Salazar? Kailangan lang niya akong bayaran sa atraso sa akin ng kapatid niya. Kapag naman nabayaran nila ako, pakakawalan ko sila. Iyon ay kung hindi ka tanga at tumawag ng mga pulis,” nanunuyang sabi ng lalaking may hawak ng baril.
Sinulyapan ni Riki si Ailyn na napansin niyang alerto ang mga mata. Patunay na kayang-kayang tumakas ng dalaga mula sa mga may hawak dito ano mang oras. Ngunit hindi nito ginagawa. Lumampas ang tingin ni Riki kay Ailyn at huminto sa lalaking nakahandusay sa sahig na malapit sa may hawak ng baril. Must be the brother, inis na sabi niya sa sarili. Paano nagawang ipahamak ng lalaking iyon ang sarili nitong kapatid?
Ibinalik ni Riki ang tingin sa lalaking may hawak ng baril na mataman ding nakatingin sa kanya. “Magkano?” deretsong tanong ni Riki.
Umangat ang isang sulok ng mga labi ng lalaki at pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa. “Isang milyon.”
“Isang milyon? Ang sabi mo kanina kalahating milyon,” reklamo ni Ailyn. Napaigik ang dalaga nang humigpit ang hawak ng mga lalaki rito.
Akmang hahakbang si Riki patungo kay Ailyn nang magsalita uli ang lalaking may baril. “Hep. Hindi ka puwedeng lumapit sa kanya. Hangga’t hindi mo naibibigay sa akin ang hinihingi ko. At habang nagtatagal pa tayo rito ay lalaki nang lalaki ang kailangan ninyong bayaran sa akin.”
“Ang kapa—”
“Limang milyon,” putol ni Riki sa sasabihin ni Ailyn. Lalo lamang mapapahamak ang dalaga kapag nagsalita pa ito. Napatingin ang lahat kay Riki. “Bibigyan kita ng limang milyon kapalit ang buhay nilang dalawa. Hindi mo na sila maaaring guluhin pagkatapos ng gabing ito. Nagkakaintindihan ba tayo?”
Umangat ang mga kilay ng lalaki. “At kung hindi ko susundin ang gusto mo?”
Naningkit ang mga mata ni Riki. “Susundin mo. Because you will regret it if you don’t. You don’t know me, do you?” maangas na tanong niya.
Hindi nagsalita ang lalaki at nakipagtitigan lang sa kanya. Hindi nag-iwas ng tingin si Riki. Nakita niya kung paano kumislap ang pagdadalawang-isip sa mga mata nito bago sa wakas ay ibinaba ang baril. “Nasaan ang limang milyon?”
Hindi pa rin inaalis ang tingin sa lalaki na sumenyas si Riki. Sa isang iglap ay nakalapit na sa kanya si Jeremy na kasama ni Winnie na naghihintay sa labas. Tumawag kanina si Jeremy at sa halip na pagsalitain ito ay agad na pinapunta ni Riki roon ang kaibigan. “Siya na ang bahala sa transaksiyon. Get away from that woman, now,” utos ni Riki.
Sumenyas ang lalaki sa mga tauhan nito na agad pinakawalan si Ailyn. Hindi na nagdalawang-isip pa si Riki. Inilang hakbang niya si Ailyn at mabilis na niyakap nang mahigpit ang dalaga. Her body tensed up because of his sudden movement. Ngunit saglit lang ay umangat na ang mga braso ni Ailyn patungo sa balikat ni Riki at isinubsob ang mukha sa dibdib niya. Hinigpitan ni Riki ang yakap sa dalaga. Napabuga siya ng hangin.
“I’m so glad you’re safe,” ani Riki. Hindi na niya naitago ang panginginig sa tinig niya. Bahagya niyang inilayo sa kanya si Ailyn at ikinulong ang mukha ng dalaga sa mga kamay niya. His chest ached when he saw her eyes glinting with unshed tears. Hindi na pinigilan pa ni Riki ang sarili niya. Tinawid niya ang pagitan ng mga mukha nila at siniil si Ailyn ng halik sa mga labi.
WINDANG. Iyon ang nararamdaman ni Ailyn nang walang sabi-sabing hinalikan siya ni Riki sa mga labi. Sandali lang iyon at hindi siya nagkaroon ng pagkakataong makapag-react dahil inakbayan na siya ni Riki at inakay palapit sa kapatid niya. Tinulungan nila si Anton na makatayo nang maayos.
Iniabot ni Jeremy ang isang attache case na alam ni Ailyn na naglalaman ng pera sa pinagkakautangan ni Anton. Pagkatapos pumirma ng pinagkakautangan ni Anton sa papeles na dala ni Jeremy na hindi niya alam kung paano nito nagagawa nang mabilis ay parang walang ginawang pagbabanta na nagpaalam sa kanilang lahat ang lalaki.
“Aalis na kami. Mahirap na baka bigla kayong tumawag ng pulis.” Iyon lang at umalis na ang mga lalaki. Ang dalawang may hawak kay Ailyn kanina ay tinulungang buhatin ang mga kasamahan ng mga ito na napatumba ni Riki sa labas ng warehouse.
“Ai, sorry. Magbabago na talaga ako, pangako. Hindi ko naman gustong madamay ka sa gulong ito,” umiiyak na sabi ni Anton at yumakap sa kanya.
Bumuntong-hininga si Ailyn at tinapik sa likod ang kapatid. “Oo na. Pero kailangan mo munang magpunta sa ospital para matingnan ka. Grabe ang inabot mo sa kanila.”
“Jeremy and Winnie will accompany him to the hospital,” sabi ni Riki na nanatiling nasa tabi niya.
Gulat na tiningala ni Ailyn ang binata. “Nandito rin si Winnie?”
Tumango si Riki. “Nagbabantay ng kotse. Nakita niya ang nangyari. Pumunta ako sa apartment mo. Nakita niya ako at sinabi niya sa `kin na may kumuha sa `yo.”
“P-pinuntahan mo ako?” halos pabulong na tanong ni Ailyn. Dahil nawala na ang tensiyon niya sa nangyari kay Anton ay naalala niya ang huling eksena nila ni Riki kanina.
May kumislap na emosyong sa mga mata ni Riki na nagpabilis sa tibok ng puso niya. “I believe we need to talk about it somewhere else,” anito at nilingon si Jeremy. “Jeremy, please, ikaw na ang bahala sa kapatid ni Ailyn. Take Winnie with you.”
“Sige,” tipid na sagot ni Jeremy at inalalayan palayo sa kanila si Anton.
Napasinghap si Ailyn nang akbayan uli siya ni Riki at higitin siya palapit sa katawan nito. “Let’s go,” masuyong sabi ng binata na nagpalipad sa mga paruparo sa sikmura niya. Tumango si Ailyn at hinayaan si Riki na akayin siya hanggang sa loob ng kotse nito.
SI RIKI na lang ang kasama ni Ailyn nang bumalik sila sa apartment niya. Sa halip na ihatid lang siya ng binata ay sumama pa ito sa kanya hanggang sa loob ng bahay niya. Kampanteng umupo sa couch si Riki na para bang wala itong balak umalis kahit pa malalim na ang gabi. Inutusan siya ng binata na maligo at magpalit ng damit dahil mukha na raw siyang gusgusing nabasang sisiw.
May gumapang na kilabot sa buong katawan ni Ailyn nang tingnan siya ni Riki mula ulo hanggang paa nang lumabas siya ng kanyang kuwarto pagkatapos niyang maligo. Wala sa loob na niyakap niya ang sarili nang magtama ang mga mata nila. Matiim siyang tinitigan ng binata. Tumikhim si Ailyn at umupo sa couch na katapat ng kinauupuan ni Riki.
Sa dami ng mga nangyari sa pagitan nila sa loob lang ng isang gabi ay hindi na niya alam kung paano pa haharapin at kakausapin nang normal si Riki. Lalo pa at napakaraming katanungang naglalaro sa isip ni Ailyn sa mga oras na iyon. Bakit iniwan ng binata si Marietta para sundan siya? Bakit siya iniligtas at mariing hinalikan nito?
Sa halip na itanong ang mga iyon ay iba ang nasabi ni Ailyn. “Hindi ko alam kung paano ko mababayaran ang limang milyong ibinigay mo sa pinagkakautangan ng kapatid ko.”
“You don’t have to worry about that. Wala akong intensiyong singilin ka,” sagot ni Riki.
Napatitig si Ailyn sa mukha ng binata. Nahigit niya ang hininga nang makita uli niya ang emosyong nakita niya sa mga mata ni Riki kanina bago siya halikan nito. “A-ano’ng ibig mong sabihin?”
Umangat ang isang sulok ng mga labi ni Riki. “Nakakapanibago kapag naririnig kitang nauutal ng ganyan.”
Nag-init ang mga pisngi ni Ailyn. “Kung may nakakapanibago sa ating dalawa, ikaw iyon.”
Lalong lumawak ang ngiti ni Riki. “Am I, the one really?”
Naningkit ang mga matang tinitigan ni Ailyn si Riki. “Oo. Iba ka makatingin at iba ang tono ng pagsasalita mo. At ang katotohanang nandito ka ngayon sa halip na nasa tabi ni Marietta ay lalong nakakapanibago. Hindi kita naiintindihan,” ani Ailyn bago pa niya mapigilan ang sarili.
Nawala ang ngiti ni Riki. Naging seryoso ang ekspresyon nito at saka biglang tumayo. Napatingala si Ailyn sa binata. Napikon ba si Riki kaya aalis na ito? Pero sa halip na magtungo sa pinto ay humakbang palapit sa kanya si Riki. Tumalon ang puso ni Ailyn nang itukod nito ang dalawang kamay sa sandalan ng couch na inuupuan niya kaya nakulong siya sa pagitan ng mga braso nito. Nahigit ni Ailyn ang kanyang hininga nang yumuko sa kanya si Riki hanggang sa magkapantay na ang mga mukha nila. Ilang pulgada na lang ang layo nila sa isa’t isa.
Nang magtama ang mga paningin nila ay naalala ni Ailyn ang unang beses na pumasok siya sa pad ni Riki. Ginawa na rin nito iyon sa kanya. Ngunit nang araw na iyon ay ininsulto lang siya ni Riki at sinabi nitong kahit ano ang gawin niya ay hindi ito magkakainteres sa kanya. Pero ngayon, iba na ang nababasa ni Ailyn sa mga mata ng binata.
“Ailyn, will you listen to me? I have so many things I want to tell you. Baka hindi ka rin maniwala sa mga sasabihin ko. Pero sana maniwala ka,” seryosong sabi ni Riki. Napalunok siya at marahang tumango. Huminga nang malalim ang binata at maingat na lumuhod sa harap ni Ailyn nang hindi inaalis ang mga palad sa magkabilang gilid ng balikat niya. Lalong nagkalapit ang mga katawan nila. Hayun nga at damang-dama niya ang mga binti at hita ni Riki sa mga binti niya.
“Alam ko na hindi maganda ang unang pagkikita natin. I know that you hated me and I kinda hated you, too then.”
“‘Kinda’ lang?” hindi napigilang sabihin ni Ailyn. Paraan niya iyon para pagaanin ang sitwasyon. Kung hindi kasi niya gagawin iyon ay baka himatayin na siya sa labis na nerbiyos.
Ngumiwi si Riki. “Fine, I did hate you. Marami akong nasabing masasakit na salita sa `yo. Pero noon `yon. No’ng hindi pa kita kilala. I’m sorry for everything I did. For being childish and rude. For saying that I will never feel anything for you even if you were naked.” Tumikhim si Riki at marahas na humugot ng hininga. Sinalubong ni Ailyn ang tingin nito.
“I know I didn’t really look at you then. Pero nang tingnan at makilala kita, I realized how foolish I was to say those words. Dahil sa totoo lang, ilang araw ko pa lang sinabi sa `yo `yon, kinain ko na ang mga salitang binitiwan ko. I found myself realizing how beautiful you were. Hindi lang sa pisikal kundi pati sa loob. Nakita ko kung gaano ka kadedikado sa trabaho mo kahit palagi kong pinaiinit ang ulo mo. Nakita ko kung gaano ka katapang at katatag para sa isang babae. I clearly saw that your vitality and strength made you more beautiful on the outside.
“Suddenly, all I wanted to do was kiss you and touch you, everytime. Sa sobrang dalas baka kung nalaman mo lang kung kailan ako nangangating hawakan at halikan ka malamang sinuntok mo na ako,” ani Riki. Bumaba ang tingin nito sa mga labi niya kaya biglang nanuyo ang lalamunan niya. Wala sa loob na binasa ni Ailyn ng dila ang mga labi niya. Naramdaman niya ang paghigpit ng hawak ni Riki sa sandalan ng couch.
“Gaya ngayon,” anito na titig na titig pa rin sa mga labi niya.
Bumuka ang mga labi ni Ailyn para magsalita pero nakulong na ang tinig niya nang mabilis na tawirin ni Riki ang distansiya sa pagitan ng mga mukha nila at mariin siyang halikan sa mga labi. Nanlaki ang mga mata niya. Nang magsimulang kumilos ang mga labi ni Riki na tila nilalaro ang mga labi niya ay namigat ang mga talukap ng mga mata ni Ailyn sa masarap na sensasyong dulot ng halik nito. Ang sensasyong iyon ay naging nakakakiliting kilabot nang ang sumunod na maramdaman niya ay ang mapaglarong paghagod ng dila ng binata sa mga labi niya na tila ba sinusundan niyon ang bawat guhit ng mga labi niya.
Napaungol si Ailyn sa pagpoprotesta nang bahagyang ilayo ni Riki ang mga labi sa kanya. Dumilat siya at sinalubong ang mga mata ng binata na punong-puno ng intensidad habang nakatitig sa kanya. Umangat ang isang kamay ni Riki at hinaplos ang pisngi niya. “Ailyn, the truth is… I-I felt so happy when you said you loved me. Hindi ako makapaniwalang ganoon katindi ang naging epekto ng mga salitang iyon sa akin. It shook me up. Hindi kita agad nahabol dahil hindi agad ako nahimasmasan sa pagkagulat sa sinabi mo. Nag-e-echo sa isip ko ang boses mo. And then I realized a very important thing. Something I hope I had realized sooner para ako na sana ang unang nagsabi sa ating dalawa.”
Napamaang si Ailyn rito. Humaplos ang hinlalaki ni Riki sa pisngi niya dahilan kaya nagsimulang magwala na naman ang mga paruparo sa sikmura niya. Masuyo siyang hinalikan ni Riki at saka bumulong sa mga labi niya ng “I love you,” saka muli siyang siniil ng halik. Tinugon niya iyon.
Namamasa ang mga mata ni Ailyn sa labis na kaligayahang lumukob sa puso niya. Ni hindi niya naisip na iiyak siya kapag sinabihan siya ng taong mahal niya na mahal din siya nito. Akala ni Ailyn ay nag-o-overreact lang ang mga bidang babae sa pelikula at telebisyon kapag umiiyak ang mga ito habang nakikinig sa pagtatapat ng pag-ibig ng mga bidang lalaki. Hindi pala.