GAYA ng inaasahan ni Ailyn, nahirapan silang makaalis dahil sa mga reporter na pilit silang tinatanong ng kung ano-ano. Kahit na nangako si Riki sa mga reporter na sasagutin ang lahat ng katanungan ng mga ito sa tamang panahon ay hindi kumalma ang mga reporter. Sa tulong nina Jeremy at Winnie ay nakasakay rin sila sa kotse ni Riki bago pa sila masundan ng mga reporter at lalo pang lumaki ang gulo.
Pagkatapos sabihin nina Jeremy at Winnie—na kasama rin nila ni Riki sa kotse—ang direksiyon papunta sa apartment ni Bona ay lalong bumilis ang pagpapatakbo ni Riki ng kotse nito. Wala pang labinlimang minuto ay naroon na sila. Nag-park si Riki ilang bloke lang ang layo sa apartment ni Bona para daw kung sakaling naroon talaga si Marietta ay hindi mag-panic ang babae at umalis.
“No! Why did you have to do that? Hindi kita inutusang magsalita. Susundin mo lang kung ano ang inuutos ko!”
Napahinto sila ilang metro mula sa pinto ng bahay na inuupahan ni Marietta nang marinig ang matinis na tili ng babae. Kasunod niyon ay tunog ng mga nababasag na gamit.
“Jeremy, pakitawagan si Raiven at sabihin mo kung nasaan tayo. Pakisabing magsama siya ng hospital personnel para maibalik si Marietta sa ospital,” mahinang sabi ni Riki. Tumalima si Jeremy habang nagpatuloy naman sila ni Riki sa paglapit sa pinto.
Kakatok na sana si Riki nang bigla itong tumigil at tumingin sa kanya. Napalunok si Ailyn sa pag-aalalang nabasa niya sa mga mata ng binata. Napasinghap pa siya nang bigla siyang yakapin ni Riki nang mahigpit. “Dito ka lang sa labas. Huwag kang papasok hangga’t hindi dumarating sina Raiven,” bulong nito sa kanya.
“Pero gusto kitang tulungan. Bodyguard mo ako, hindi ba?” ani Ailyn.
Hinawakan siya ni Riki sa magkabilang braso at saka pinakatitigan. “Ailyn, I know you are used to relying on yourself and protecting other people. But from now on, you must also rely on me. You must let me protect you,” seryosong sagot ni Riki.
Nakagat ni Ailyn ang loob ng ibabang labi niya, saka tumango. Bahagyang ngumiti si Riki at mabilis siyang hinalikan sa mga labi bago siya marahang inilayo sa pinto. Seryosong humarap doon ang binata at kumatok nang malakas.
KAHIT kailan, hindi sumagi sa isip ni Riki na aabot sa ganoong sitwasyon si Marietta. But the moment he opened the door and saw how sick she looked, not physically but mentally, he felt like he wanted to throw up. Hindi lang dahil sa hitsura ng babae kundi dahil sa katotohanang sa loob ng maraming taong nakasama niya si Marietta ay wala siyang nagawa para bumuti ang kalagayan nito. Bagkus lalo pa yatang lumala ang babae.
“Oh, Riki, you came for me?” masayang sabi ni Marietta. Agad na pumasok si Riki sa apartment bago pa malaman ng dati niyang kasintahan may mga kasama siya sa labas. Napansin agad niya ang mga basag na gamit sa sahig. Sa isang panig ay nakita ni Riki si Bona. Namutla ang may-edad na babae sa takot nang makita siya. Dapat lang na matakot ito. Niloko siya ni Bona sa loob ng limang taon.
Ibinalik ni Riki ang tingin sa dati niyang nobya. “Nasa ospital ka dapat ngayon, Marietta.”
Nawala ang ngiti sa mga labi ni Marietta at tiningnan siya nang matalim. “Walang dahilan para manatili ako roon. Wala naman akong sakit,” sabi pa ng babae. Kapagkuwan ay kumapit ang babae sa mga braso ni Riki. “And you are already here. How can I leave now? Sa wakas na-realize mo na rin na ako talaga ang mahal mo, hindi ba? Sabi ko naman sa `yo akin ka lang. Hindi mo kailangang tumingin sa iba.”
Napatiim-bagang si Riki at kinalas ang pagkakahawak sa kanya ng babae. “Marietta, hindi ako nagpunta rito dahil mahal pa rin kita. Nandito ako para linawin sa `yo na hindi na puwedeng maging tayo. I’m in love with Ailyn and what we had is already part of the past. Hindi na kita mahal.”
Namilog ang mga mata ni Marietta. “Hind totoo`yan. Ako ang mahal mo! For five years I’ve been watching you. Hindi ka naging seryoso sa kahit na sinong babae. At kahit ang babaeng iyon ay hindi mo sineryoso. Magsasawa ka rin dahil ako talaga ang mahal mo,” naghi-hysteria na sabi nito.
Naningkit ang mga mata ni Riki. “So it is true na limang taon ka nang nandito sa Pilipinas habang ang akala ko ay nasa Amerika ka. Ikaw ang nagpapadala ng anonymous letters na iyon at ginamit mo si Bona para bantayan ako?” gigil na sabi niya at itinuro si Bona.
Namasa ang mga mata ng may-edad na babae. “Riki, patawarin mo ako. Malaki lang talaga ang utang-na-loob ko sa pamilya ni Ma’am Marietta kaya ko `yon nagawa,” umiiyak na sabi ni Bona sa kanya.
Ikinuyom ni Riki ang kamay niya. “Pero sinira mo pa rin ang pagtitiwala ko sa `yo. Niloko mo ako. At ikaw rin,” baling niya kay Marietta. Unti-unti na niyang hindi nakokontrol ang galit niya. “You made a fool out of me. Pero patatawarin kita dahil ayoko nang humaba pa ang koneksiyon ko sa `yo. I’ve found someone I really love. Kaya tigilan mo na ako, Marietta. I don’t need your obsession. Just leave me alone and get well.”
Humagulhol ng iyak ang babae. “Ayoko. Ikaw lang ang mahal ko, Riki. Huwag mo akong iwan. Kaya ko lang naman ginawa iyong sa tennis club kasi kahit tayo ang dapat magkasama pero ang buong atensiyon mo ay nasa kanya pa rin. Ayoko ng ganoon. Dapat sa `kin lang ang atensiyon mo pero palagi ka na lang sa kanya nakatingin. Kahit hindi ka nakatingin sa kanya nararamdaman ko naman na aware na aware ka sa babaeng `yon. And I hate that!”
Huminga nang malalim si Riki at tiningnan ang babaeng ilang taon niyang nakasama pero isa nang estranghera sa paningin niya. “I’m sorry. I can’t do that. I have someone else I want to be with,” mahinahong sagot ni Riki.
Mayamaya ay nakarinig sila ng malakas na katok sa pinto, kasunod ang boses ni Raiven. Agad na binuksan ni Riki ang pinto. May apat na hospital staff ang naroon. Sa kabila ng pag-iyak at pagpoprotesta ni Marietta ay inilabas ito ng bahay at ipinasok sa ambulansiya.
“R-Riki.” Napalingon siya kay Bona.
Tiningnan niya nang malamig ang may-edad na babae. “Just don’t ever come back to my place. Ayoko ring makikita ka pa. Maliwanag ba?”
Umiiyak na tumango si Bona. Tinalikuran ni Riki ang may-edad na babae at lumabas na ng apartment.
“Kailangan nating umuwi sa mansiyon, Riki. Nag-aalala sina Mama sa nangyari kagabi,” sabi ni Raiven sa kanya.
Tumango si Riki at hinanap ng tingin si Ailyn. Nagkataong palapit na sa kanya ang dalaga. He automatically reached out for her hand. The warmth coming from her made him relax. Nginitian ni Riki si Ailyn nang makita niya ang pag-aalala sa mukha nito. “Let’s go home.”
“May iba ka pang kailangang gawin, Riki,” sabad ni Jeremy.
“Alam ko. Pero gusto ko munang makita sina Papa. Kailangang magpaliwanag muna ako sa kanila bago ko harapin ang media,” pinal na sabi ni Riki.
“Ano’ng plano mong sabihin?” nagtatakang tanong ni Ailyn.
Nginitian niya ang dalaga at pinisil ang kamay nito. “You’ll know later.”
SABAY-SABAY na dumating sina Ailyn, Riki, Raiven, Jeremy, at Winnie sa mansiyon ng mga Montemayor. Nakaramdam ng kaba si Ailyn nang mabungaran nila sa living room ang buong pamilya, lalo na nang mapansin niyang bukas ang plasma television doon at nakikita sa malaking screen ang larawan nila ni Riki na nasa pintuan ng apartment niya. Walang pang-itaas si Riki at hindi pa nakasara nang maayos ang pantalon nito. Si Ailyn naman ay nasa gilid ng binata at kahit halos natatakpan na siya nito ay makikita pa rin na ang suot lang niya ay oversized polo ni Riki. Sa ibaba ng screen ay nakasulat sa crawler ang: Shocking: Riki Montemayor after a passionate night with his bodyguard.
Nag-init ang buong mukha ni Ailyn sa ipinahihiwatig ng picture nila ni Riki at ng crawler. Alam na ng lahat ng taong nakapanood ng balita ang nangyari sa kanila. Paano pa siya haharap sa lahat ng nakakakilala sa kanila?
“Woah, hindi ko ito alam, ah,” bulong sa kanya ni Winnie, na lalong nagpainit sa mga pisngi niya.
Dahil sa sinabi ni Winnie ay napalingon sa kanila ang mga magulang at kapatid ni Riki. Inatake si Ailyn ng nerbiyos at akmang hahakbang paatras nang gagapin ni Riki ang kamay niya. Nabawasan ang nerbiyos niya sa ginawa ng binata.
“So this news is true?” Si Don Jaime ang unang nagsalita.
“Yes,” matatag na sagot ni Riki.
Napasinghap ang mama ni Riki at si Lorie. Si Choi naman ay nakamasid lang sa kanila habang may nanunudyong kislap sa mga mata. Nararamdaman din ni Ailyn na nakikiramdam lang din sina Raiven, Jeremy, at Winnie sa likuran nila.
“And what are you planning to do now? Ailyn’s reputation is already ruined because of you. Gagawin mo rin ba kay Ailyn ang ginawa mo sa iba pang babaeng napaugnay sa `yo at sasabihing she has nothing to do with you?” tanong ng ama ni Riki.
Naramdaman ni Ailyn ang paghigpit ng hawak ni Riki sa kamay niya at deretsong tumingin sa ama nito. “Hindi ko gagawin `yan, Papa. Ailyn isn’t like any other woman. She’s special to me. Wala akong intensiyong i-deny siya sa harap ng press o kahit sa harap ninyo. In fact, kaya mas ginusto kong pumunta muna rito ngayon bago harapin ang mga reporter ay dahil mas gusto kong kayo ang unang makaalam ng desisyon ko.”
“And that is?” ani Don Jaime.
Napatingala si Ailyn kay Riki. May bakas ng determinasyon sa mukha ng binata na nagdulot ng init sa puso niya. Hindi niya inalis ang tingin sa mukha nito. “I intend to marry Ailyn.”
Napaawang ang mga labi niya. Napasinghap naman ang mga babeng kasama nila roon.
“Talaga?” namamanghang sabi ni Ailyn.
Bumaling sa kanya si Riki at bahagyang lumambot ang ekspresyon sa mukha nito. “Of course. I told you I love you and you love me. After what happened last night, I don’t intend to let you go, you know. Gusto kong palagi kang nasa tabi ko. Not as my bodyguard but as my wife.”
Nag-init ang gilid ng mga mata ni Ailyn pero pinigilan niyang umiyak.
“Bakit ayaw mo ba akong pakasalan?” nag-aalalang tanong ni Riki nang makita ang panginglid ng mga luha niya.
Namilog ang mga mata niya. “Gusto ko. Pero kasi… H-hindi ko naisip na may mag-aalok sa `kin ng kasal,” sagot ni Ailyn. Nag-init ang mga pisngi niya at napayuko.
Ilang segundong hindi nagsalita si Riki bago niya naramdamang marahan siyang hinila ng binata palapit sa katawan nito at niyakap siya. “Seriously, why don’t you have any confidence in yourself? You’re attractive not just on the outside but on the inside, too. It’s their loss that they never noticed it. Because you will marry me, right?”
Bahagyang kumalas si Ailyn sa yakap ni Riki at tiningala ito. “Oo.”
Ngumiti si Riki at mabilis na hinalikan ang mga labi niya.
“Oh, this is great!” sabi ni Doña Edna.
Tumigil si Ailyn sa pagtugon sa halik ni Riki at sabay silang napatingi kay Doña Edna. Noon lang niya napansin na ngiting-ngiti ang lahat habang nakatingin sa kanila. “Riki, masaya ako at si Ailyn ang babaeng gusto mong pakasalan. I knew it. Kayo ang para sa isa’t isa. We must prepare to announce your marriage,” excited na sabi ng donya, saka tumayo na.
“Kami na ni Jeremy ang bahala diyan, Mama,” sabad ni Raiven.
“Well, we give our blessings to this marriage,” sabi naman ni Don Jaime na tumayo na rin. Tumingin kay Ailyn ang matandang don at malawak na ngumiti. Sa isang iglap ay nakita niya kung ano ang magiging hitsura ni Riki kapag nasa ganoong edad na rin ang binata. At lalong tumindi ang excitement ni Ailyn sa katotohanang makikita niya ang pagtanda ni Riki. Ang mas masaya pa, magkasama silang tatanda ng lalaki bilang mag-asawa.
“Thank you for fulfilling our request, Ailyn. See, when he met you he became more patient and more responsible. And I’m happy for the two of you,” sabi sa kanya ni Don Jaime.
Napaawang ang mga labi niya nang maalala iyon. I want you to not only protect him but also to tame him.
Ngumiti si Ailyn at saka tumango. “Wala ho akong ginawang espesyal.”
Tumawa si Don Jaime. “Yes, but you are special to him. That makes all the difference.” Pagkatapos ay nakisali na ang matandang don sa excitement ng asawa nito sa nalalapit na kasal nila ni Riki.
“Tungkol saan ang pinag-uusapan ninyo ni Papa?” bulong sa kanya ni Riki ng iwan siya ng matandang don.
Tiningala ni Ailyn ang binata at ngumiti nang matamis. “Secret.”
Umangat ang isang kilay ni Riki at pumaikot ang braso nito sa baywang niya. Idinikit ni Riki ang katawan ni Ailyn sa katawan nito at inilapit ang mga labi sa tainga niya. “Secret, ha? I will let you say it,” bulong ng binata.
Kinilabutan si Ailyn nang tumama ang hininga ni Riki sa tainga niya. “At paano mo naman ako pipiliting magsalita?” ganting-bulong niya.
Napasinghap si Ailyn nang maramdaman niya ang bahagyang pagkagat ni Riki sa tainga niya. “I have so many ways of making you do that in my mind right now, darling. Lahat ay gagawin ko oras na mapagsolo tayong dalawa.”
“Na matagal pang mangyayari dahil marami pa kayong kailangang asikasuhin,” sabad ni Raiven.
Napalingon sila rito bago nagkatinginan. Pagkatapos ay sabay pa silang tumawa nang malakas. Pinisil ni Riki ang baywang ni Ailyn at saka siya nginitian. “Oh, well, we have a lot of time for what I want to do,” anito, saka kinindatan siya.
Natawa si Ailyn at yumakap kay Riki. Tama, marami pa silang oras na magkakasama. Habang-buhay pa.