Chapter RAIVEN AND THE TEMPTRESS: Chapter 2

EVERYTHING was well in Raiven’s life. Mula nang ipanganak siya hanggang sa kasalukuyan ay nangyayari ang lahat ng bagay sa buhay niya ayon sa gusto niya. Noong bata pa siya, wala siyang ginusto na hindi niya nakuha. Ipinanganak siyang tagapagmana ng isa sa mga pinakamayamang pamilya sa bansa. Biniyayaan siya ng mababait na magulang. Kasundo niya ang dalawa niyang nakababatang kapatid kahit pa marami silang pagkakaiba sa isa’t isa. Nag-aral siya sa mga prestihiyosong eskuwelahan at palaging matataas ang mga grado niya. Mataas ang tingin sa kanya ng lahat ng taong nakikilala niya. Hindi rin siya kinulang sa babae mula pa ng magbinata siya.

At ngayon, sa edad na beinte-tres, ay ipinakilala na si Raiven ng kanyang ama na si Don Jaime Montemayor sa board of directors ng kompanya nila bilang opisyal na tagapagmana nito. Bukod doon, mayroon siyang maganda at kagalang-galang na kasintahan na plano na niyang alukin ng kasal. Alam niya na bata pa ang beinte-tres para mag-asawa.

But then, ano pa ba ang halaga ng pagpapatagal sa isang bagay na mangyayari din naman sa hinaharap? Hindi siya ang tipo ng lalaking gaya ng mga kapatid niya na mahilig makipaglaro sa kung sino-sinong babae. Mas maraming responsibilidad si Raiven na kailangang gawin kaysa magsayang ng oras sa ganoong bagay.

Besides he knew he was bound to marry Julia Lagdameo sooner than later. Anak ang babae ng isa sa mga malalapit na kaibigan ng pamilya Montemayor. Si Julia ang tipo ng babaeng nababagay maging kapareha ng isang gaya niya. She was kind, fashionable, a little timid, respectable, and educated. Bukod doon ay galing din sa may sinasabing pamilya ang babae. Kahit hindi naman pinipilit si Raiven ng mga magulang niya ay alam niyang masaya ang mga ito nang pormal niyang ianunsyo na kasintahan na niya si Julia. Everything was going smoothly.

Except that sometimes, he felt like there was something missing. Alam niyang unfair para sa iba na may hanapin pa siya sa buhay niya kung nasa kanya naman na ang lahat. Pero minsan, kapag mag-isa siya, hindi niya maiwasang maramdaman iyon. Wala naman siyang maisip na paraan para mawala ang pakiramdam na iyon dahil hindi niya alam kung ano ang ugat niyon. He was too busy with his work to think about it.

Inalis ni Raiven ang pagkakatitig sa labas ng glass wall ng opisina niya nang marinig niyang may kumatok sa pinto niya. Bumukas iyon nang lumingon siya. Nakangiting sumungaw si Julia roon.

“Hi, are you busy?” tanong ng babae na pumasok na sa opisina niya.

Ngumiti siya at sinalubong ang kasintahan. “Nope. I’m done for today. What are you doing here?” tanong ni Raiven rito.

Bahagya siyang yumuko palapit dito nang tumiyad si Julia para halikan siya sa pisngi. “May meeting si Daddy at ang papa mo today. Sumabay na ako sa kanya para bisitahin ka. I want to see how you work pero mukhang hindi ko na naabutan,” nakangiting sagot nito.

Nginitian ni Raiven ang dalaga, saka pinagmasdan ang mukha nito. Julia had a classic western beauty. Nagkakilala sila nang ipakilala sa kanya ang babae ng daddy nito nang minsang dumalo ang mga ito sa company Christmas party ng Montemayor Communications. It was a simple introduction. Pero agad niyang nakuha ang mga pahaging ng mga magulang nila na bagay na bagay raw sila ni Julia. Inutusan pa siya ng mga ito na maging escort ng dalaga sa buong gabi.

It was a cozy night and he felt comfortable in her company. Marami silang napag-usapan at nalaman ni Raiven na marami silang pagkakapareho. Pagkatapos ng gabing iyon ay palagi na siyang tinatanong ng mga magulang niya tungkol kay Julia at in-encourage pa siya ng mga itong i-date ang babae. He took the hint since he wasn’t dating anybody then. Mula noon ay regular na silang lumalabas ng dalaga. Until he asked her to be his girlfriend. Pumayag ito at doon nagsimula ang relasyon nila. Their relationship had been smooth and steady ever since. Ni hindi sila nag-aaway.

Even in bed, their relationship was slow and easy. Hindi dahil ganoon din ang gusto ni Raiven kundi dahil nararamdaman niya na hanggang doon lang ang kayang ibigay ni Julia. Sometimes, when he tried to give their lovemaking a little spice, he always felt her discomfort. Kaya hindi na niya itutuloy at babalik siya sa nakagawian nila. Sa katunayan, sa ilang buwang relasyon nila ay mabibilang lang niya sa isang kamay kung ilang beses silang nauwi sa kama. Iniisip na lang niya na masyado lang talagang mahinhin si Julia. Hindi siya maaring magreklamo dahil isa iyon sa dahilan kung bakit pinili niya ito.

“Sinadya ko talagang bilisan ang trabaho ko dahil ang sabi ni Papa may pupuntahan daw tayong auction para sa isang charity mamaya. Wala ka raw escort,” sabi ni Raiven.

Kumislap ang mga mata ni Julia sa tuwa. “Then you can come with me tonight?” umaasang tanong ng dalaga.

Hinaplos ni Raiven ang pisngi ng kasintahan. “Of course. Puwede ba namang pabayaan kitang magpunta roon nang mag-isa?”

Lalong tumamis ang ngiti nito at niyakap siya. “Thank you. I’m so excited to go there with you,” masayang sagot ni Julia.

He hugged her back. “Me, too.” Kahit sa totoo lang ay hindi kasing-excited ng babae si Raiven. Auctions and parties were such a bore to him. Pero bilang tagapagmana ng kompanya nila ay responsibilidad niya sa social circle nila ang pagpapakita sa mga pagtitipong gaya niyon.

Well, that’s his life. Pero kung bibigyan niya ng pagkakataon ang sarili niyang aminin sa sarili ang tunay na opinyon niya sa buhay niya ay isang salita lang ang sumasagi sa isip niya. Dull.

IGINALA ni Lauradia ang paningin sa paligid ng pavilion ng isa sa pinakasikat na hotel kung saan gaganapin ang charity auction na inorganisa ni Mrs. Lorena Yulo na asawa ng isang mayamang negosyante. Hindi iyon ang unang beses na dumalo siya sa isang pagtitipong inorganisa ng isang mayamang tao. Pero sa tuwina ay hindi pa rin niya naiiwasang makaramdam ng bahagyang pagkailang tuwing dadalo siya sa mga iyon. Oo nga at nakabihis din siya na gaya ng mga ito at umaakto rin siyang mayaman. Pero alam niyang hindi naman talaga siya kabilang sa mundong iyon.

Natatandaan niya noong una niyang gawin ang trabaho niya ay halos masilaw siya sa ningning ng mga mayayaman. Hindi naiwasan ni Lauradia na makaramdam ng insecurity. Hanggang ngayon, may kaunti pa rin siyang nararamdamang insecurity pero mas kontrolado na niya ang sarili ngayon. Para saan pa ang ilang taong training niya kung hindi niya kakayaning makipagsabayan sa alta-sosyedad?

At nandito ako para sa trabaho, paalala niya sa sarili. Sa isiping iyon ay lalo niyang pinagbuti ang paggala ng tingin sa paligid. Ayon kay Czarina, dadalo raw sa pagtitipong iyon si Raiven Montemayor. Hindi alam ni Lauradia kung paano nalalaman ng ka-grupo niya ang schedule ng mga target nila pero hindi na siya nag-abala pang tanungin ito. Hindi rin naman tinatanong ni Czarina kung ano ang ginagawa niya kapag siya na ang nagtatrabaho.

Bahagyang tumalon ang puso niya sa antisipasyon. Isang linggo na ang lumipas, mula nang tanggapin nila ang trabahong iyon pero ngayon pa lang magpapakita kay Raiven si Lauradia. Siniguro muna kasi nila ni Czarina na pulido ang magiging mga plano nila dahil hindi sila maaaring magkamali. Lalo pa at nalaman nilang hindi basta-bastang tao lang si Raiven Montemayor. Ilang taon mula ngayon ay magiging isa ang binata sa mga pinakamakapangyarihang tao sa bansa dahil sa negosyo ng pamilya nito. Kapag nagkamali sila at mabisto ni Raiven ang mga plano nila ay masisira ang lahat ng pinaghirapan nila para kay Miss Red Butterfly.

Napaigtad si Lauradia nang may maramdaman siyang tumabi sa kanya. Nang lumingon siya ay nakita niya si JM, ang lalaking kumuha sa serbisyo nila. “It’s really you,” sabi ng lalaki na hindi itinago ang katuwaan. Pagkatapos ay walang pakundangang hinagod siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa. “I say, if you go to him as gorgeous as that, I believe you will really succeed in seducing him,” sabi ni JM na hindi itinago ang paghanga kay Lauradia.

Tinaasan niya ng isang kilay ang lalaki at hindi inabalang tingnan ang sarili. Alam na niya kung ano ang hitsura niya at alam na rin niya ang sinabi nito dahil hindi si JM ang unang lalaking humagod ng tingin sa kanya mula nang dumating siya sa party na iyon. Sa katunayan, hindi rin ito ang unang lalaking lumapit sa kanya. Nadaan lang niya ang lahat sa bola para iwan siya ng mga lalaking iyon dahil hindi naman ang mga ito ang dahilan kung bakit siya naroon.

Lauradia knew she was beautiful. Pulang backless long gown na hapit sa katawan niya at may mababang neckline ang suot niya. Kinse anyos pa lang siya ay madalas nang sabihin ni Miss Red Butterfly na maganda siya. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit siya inampon ng babae. Sabi nito, may kung ano raw sa hugis puso niyang mukha, sa makurba niyang katawan, malulusog na dibdib, at mabibilog na pang-upo na agaw-pansin kahit sa mga babae. She said Lauradia had excessive sex appeal. Idagdag pa ang mapang-akit niyang tingin sa mga tao na natural na sa kanya. Gamit ang mga natural niyang katangian ay hinubog siya ni Miss Red Butterfly para magawa niya nang maayos ang kanyang trabaho—to be a temptress.

“Bakit mo ako nilapitan? Hindi mo ba naisip na baka maghinala siya kaagad kung makita niyang kasama mo ako?” inis na asik niya kay JM na ang tinutukoy ay si Raiven.

“Hindi siya maghihinala. He’s too self-centered to think that I will do something to get back my woman from him,” mahina pero matigas na sabi ni JM. Wala na ang kislap ng paghanga sa mga mata ng lalaki nang tila maalala ang dahilan kung bakit siya naroon. Hindi naiwasan ni Lauradia na humanga rito. Ibig lang sabihin niyon ay talagang malalim ang nararamdaman ni JM para sa babaeng balak nitong bawiin sa target niya. “Besides, mas mapapadali ang trabaho mo kung kasama mo ako. I can introduce you to some people that will surely introduce you to him,” suhestiyon ng kliyente nila.

Hindi siya nagsalita at pinagmasdan lang ito. May punto naman si JM kaya sa huli ay marahan siyang tumango. “Pero hanggang doon lang iyon. Pagkatapos mo akong ipakilala ay lalayo ka na sa `kin. Ayokong masira ang diskarte ko, okay? Hindi kasama sa plano namin ang involvement mo. That is if you don’t want anyone to know that it was you who hired us,” nagbabantang sabi ni Lauradia rito.

Mukhang umepekto naman iyon dahil tumango-tango ang lalaki. Akmang magsasalita pa sana ito nang biglang nagkaroon ng bulong-bulungan na tila ba may importanteng bisitang dumating. Kumabog ang dibdib ni Lauradia. Hindi pa man ay may hinala na siya kung sino ang dumating. Lumingon siya sa entrada ng pavilion. Hindi niya makita nang maayos ang taong dumating kaya lumapit siya roon. Naramdaman niya ang pagsunod ni JM sa kanya pero hindi na niya tinapunan ng tingin ang lalaki. Hindi na siya makapaghintay na makita ang taong pumukaw sa atensiyon ng mga bisita sa party na iyon.

Napahinto si Lauradia sa isang panig nang sa wakas ay makita niya ang malaking bulto ng lalaking pumasok sa entrada na may kaabriseteng magandang babae. “Julia,” narinig niyang sambit ni JM sa likuran niya.

Hindi niya tinapunan ng tingin ang babae, sa halip ay itinutok ni Lauradia ang tingin sa lalaki. Mas matangkad at mas malapad ang katawan ni Raiven Montemayor kaysa sa inaasahan niya. Mas malakas din ang presensiya ng binata kaysa sa larawan. At kahit na nakatagilid ang lalaki sa puwesto nila ay kitang-kita pa rin niya kung gaano kaperpekto ang mukha nito. Matangos ang ilong ng binata, makurba at mamula-mula ang mga labi, at natural na napakakinis ng mukha nito. Sa isang tingin pa lang ni Lauradia ay alam na niya ang pagkakaiba ng natural na kutis sa kutis na alaga sa derma. The man was breathtakingly gorgeous.

Hindi tuloy niya napigilan ang sarili na magtanong kung mas matindi rin ba ang intensidad ng mga mata ni Raiven Montemayor kung titingnan siya nito nang personal. Wala sa loob na napahawak si Lauradia sa tiyan niya nang tila may hinalukay roon. Ito ang lalaking kailangan niyang akitin. Buo ang tiwala niya sa sex appeal niya pero ngayon, hindi niya maiwasang magdalawang-isip. This was no ordinary man. This was—

Huminto sa paggana ang isip niya nang tila naramdaman ni Raiven ang pagtitig niya rito. Lumingon sa panig niya ang binata. Nagtama ang mga mata nila at halos manlambot ang mga tuhod ni Lauradia. Hindi rin siya makahinga nang maayos. She was right. His eyes were more intense now that he was really staring straight into her eyes. At gaya noong makita niya ang larawan ni Raiven ay hindi niya magawang alisin ang tingin dito. Para siyang nahipnotismo. Alam ni Lauradia na hindi dapat mangyari iyon sa kanya. Si Raiven dapat ang mahipnotismo sa tingin niya. Pero hindi ba maging ang binata ay hindi rin inaalis ang tingin sa kanya? Ibig bang sabihin niyon ay pareho lang sila ng epekto sa isa’t isa?

Huminga siya nang malalim. Ano ba, Lauradia! Trabaho ito, umayos ka. Huwag mong kalilimutan kung para kanino mo ito ginagawa. Kahit paano ay unti-unting bumalik ang talas ng isip niya nang maalala si Miss Red Butterfly.

Nginitian niya si Raiven habang hindi pa rin inaalis ang tingin dito. Kumislap ang mga mata ng binata. Kaya bumalik na naman ang pakiramdam niya na tila may humalukay sa sikmura niya pero sa pagkakataong iyon ay nagawa na niyang kontrolin ang sarili. Ilang segundo pa niyang tinitigan ang lalaki bago walang anumang tinalikuran ito.

“Hindi ba ipapakilala mo ako sa mga kakilala mo rito, JM?” baling ni Lauradia kay JM na tila tulad niya ay natulala rin nang dumating sina Raiven at Julia. Kumurap ang lalaki, saka tumingin sa kanya. Tumango ito. Ikiniling niya ang kanyang ulo at kumapit sa braso nito. “Do it now.”

Mabilis na tumalima si JM. Naglakad sila palayo. Pero hindi pa rin niya makalimutan ang mga mata ni Raiven Montemayor. Her skin tingled with a sensation she never felt before. Alam ni Lauradia na hindi maganda iyon para sa trabaho niya. Delikado iyon. Dangerous but oh so sweet.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.