Chapter Kabanata 17

-After 2 years-

"HUGO!" malakas kong sigaw nang maramdaman ko ang sunod-sunod na pagpatak ng ulan. Mabilis kong tinakbo ang pagitan naming dalawa. Nang makalapit ay kaagad ko siyang binuhat. Katulad ko'y may ilan ring mga ina ang sumilong sa mayabong na punong narra sa maliit na park ng subdivision.

"Lain..." saglit akong napahagikhik sa sinabi ni Hugo. Hindi kasi nito mabigkas nang maayos ang letter 'r'.

"Yes, baby." mahina kong sabi bago inilabas ang cellphone. "Pasundo naman sa park. Wala akong dalang payong."

"Eh Ate nasa school pa ako eh. Hindi rin ako makakauwi kaagad, may research pa kaming tinatapos." sagot sa akin ni Lemuel.

Napapabuntong-hiningang napatingin na lang ako kay Hugo na abalang pinupunasan ang tubig-ulang pumatak sa braso niya. "Siya sige, magpapasundo na lang ako sa kung sinong pwede."

Nang maputol ang tawag ay kaagad kong ipinasok ang cellphone sa aking bulsa. Hindi naman malakas ang ulan. Kaya naisipan kong tatakbuhin ko na lamang ang maliit na distansiya ko at ang sakayan.

"Quia!" Natigil ako sa akmang pag-alis sa silong ng puno nang may tumawag sa akin. Biglang sinalakay ng kaba ang dibdib ko nang malingunan ang babaeng nagbigay sa akin ng mabigat na pakiramdam noon sa hospital.

"Anong ginagawa mo rito?" Taas ang kilay na tanong ko. Nalipat ang aking tingin sa kotseng nasa gilid. Mula roon ay natanaw ko ang isang batang babae.

"What do you mean?" Kunot ang noong tanong sa akin ni Jia. "Hanggang ngayon hindi ko pa rin maintindihan kung bakit parang galit na galit ka sa akin."

"Wala akong panahon makipag-usap sayo Jianna." malamig kong sabi bago tumalikod.

"C'mon, ihahatid na namin kayo. Kawawa naman si baby Hugo oh." Sabi pa ni Jia bago hinaplos ang pisngi ng anak ko.

"Hindi na kailanga—." Natigil ako sa pagsasalita nang bumukas ang driver's seat ng kotse. Ngali-ngaling kumaripas ako ng takbo at itago si Hugo nang makita ko si Yvo.

Simpleng v-neck shirt at pantalon lang ay halos magsumigaw na ang presensiya nito. Dagdag pa ang buhok nitong mahaba na nakapusod. Pati na rin ang itim nitong salamin na lalong bumagay sa porma nito.

"Mukhang lalakas pa ang ulan. Kung magmamatigas ka, magpaiwan ka dito, dadalhin ko si Hugo sa bahay." Lalong uminit ang ulo ko nang marinig ang sinabi ni Yvo.

"Ang kapal naman ng mukha mo kung gagawin mo iyon. Sa pagkakatanda ko, mahigit na dalawang taon kang hindi nagpakita. Tapos ang lakas ng loob mong sabihin iyan? How dare you?" mariin kong sabi habang nakatingin sa kaniya nang matalim.

"Kung sana'y binigyan mo ako ng pagkakataong tulungan at samahan ka. Hindi sana ako mawawala nang ganoon katagal."

"So kasalanan ko pa ang nangyari?! Kasalanan ko pang lumayo ako dahil sa komplikado mong nararamdaman? Tapos ngayon magpapakita ka sa akin para isampal iyon? Para ipamukha sa aking tinanggap mo ulit si Jia at inako ang anak niyang hindi naman sa iyo?!" Malakas kong sabi na ikinaiyak ni Hugo. Kaagad ko siyang inalo bago walang lingon-likod na umalis. Hindi ko na pinakinggan ang walang tigil na pagtawag sa akin ni Jianna.

Nagpupuyos sa galit ang dibdib ko. Hindi ko ikakailang nasaktan ako sa pagkikita namin. Nasasaktan ako sa kaalamang magkasama sila. Sa loob ba ng dalawang taon, magkasama ba sila? Hindi ko tuloy maiwasang mainggit sa isiping mas nakasama nang matagal ni Yvo ang anak ni Jianna kaysa kay Hugo. Naiinggit ako para kay Hugo. Walang kahit anong oras na inilaan si Yvo para sa anak ko.

"Quia?! Ano't sumugod kayo sa ulanan?! Baka magkasakit kayong dalawa ni Hugo!" pangaral sa akin ni Tatay nang pumasok kami ni Hugo sa bahay.

"Mas mabuting na hong magkasakit kaming pareho, at least may rason ako kung kukunin niya sa akin si Hugo." mahina kong sabi.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Wala ho, paliliguan ko lang po si Hugo, 'Tay." sabi ko bago dinala si Hugo sa kuwarto.

"Sabihin mo nga sa akin, may nangyari ba?" tanong ni tatay. Hindi ko namalayang sumunod pala siya sa amin ni Hugo.

Napapabuntong-hiningang tumingin ako kay Tatay. "Si Yvo po, nakita ko sa park kanina." sagot ko. Alam ko namang hindi ako tatantanan ni tatay kaya sumagot na lang ako.

"Talaga ba? Anong pinag-usapan ninyo?"

Bigla akong napakagat sa labi. Iniwas ko rin ang tingin. "Parang ipinamumukha niya sa aking kasalanan ko kung bakit wala siya nang dalawang taon sa amin ni Hugo. Parang isinusumbat niya sa akin ang lahat." Sabi kong pinipigil ang paggaralgal ng boses. Muli akong huminga nang malalim bago ipinagpatuloy ang ginagawang pagpapaligo kay Hugo.

"Kasama niya rin si Jianna. Kaya mas lalong wala na siyang panahon para bigyan ng pansin ang anak ko." Dagdag kong sabi bago unti-unting tumulo ang mga luha. Ewan ko ba kung bakit ako umiiyak. Dahil ba sa parang wala itong pakialam kay Hugo o dahil sa kaalamang si Jianna pala talaga ang mahal ni Yvo? Pwede ring pareho pero mukhang mas lamang ang huli.

Nang matapos ako sa ginagawa'y iniwan ko muna si Hugo kay tatay. Ang sarili ko naman ang inasikaso ko. Mahirap nang magkasakit, baka mahawaan ko pa ang mga kasama ko sa bahay.

"Siyanga pala Quia, tumawag si Jino kanina. Iniimbitahan niya tayong kumain sa labas mamayang gabi." sabi ni tatay nang lumabas ako sa sala.

"Ano hong sinabi ninyo?"

"Sabi ko'y masakit ang likod ko kaya kung pwede'y kayo na lang tatlo ang lumabas. Isa pa'y hihintayin ko si Lemuel, baka mag-alala iyon kung uuwing walang tao rito sa bahay."

"'Tay, may cellphone naman, pwede kong tawagan si Lemuel." sabi kong natatawa. Kahit papaano'y nawala sa isip ko ang nangyari kanina.

"Naku, kahit na. Mabuti nga iyong kayo lang tatlo nila Jino, para hindi malaki ang babayaran niya." napapailing na sabi ni Tatay.

"May trabaho naman ho ako, kung nahihiya kayo kay Jino, ako na lang ang magbabayad ng kakainin natin." sagot kong tinanggihan pa rin ni tatay.

Sa loob ng higit dalawang taon, mas lalong naging malapit sa pamilya namin si Jino. Kahit ang kapatid ni Yvo na si Louise ay ka-close na rin namin. Iyon nga lang hindi pa sinasabi ni Jino sa nobya nito ang totoo. Na pamangkin nito si Hugo.

Malapit si Louise kay Hugo, siguro'y dahil iyon sa tinatawag nilang lukso ng dugo. Tuwing pupunta kasi ang magkasintahang iyon sa bahay nami'y laging maraming dalang pasalubong para sa anak ko. Hindi ko na tuloy alam kung paano sila pasasalamatan.

"Ang mabuti pa'y dito na lang tayo kumain. Ako na lang ang magluluto." suhestiyon kong ikinangiti ni Tatay.

"Mabuti pa nga. Hala, tawagan mo na si Jino."

Napapailing na inabot ko ang cellphone at tinawagan si Jino. Nang matapos ay saglit kong kinarga si Hugo. "Tito Jino will be here. Are you excited, baby?" tanong ko habang pinupupog ng halik ang mukha niya. Malulutong lang na pagtawa ang isinagot sa akin ni Hugo.

Mariin kong tinitigan ang aking anak. Kahit sino yatang makakakita sa anak ko na kilala si Yvo'y malalaman kaagad na anak ito ng lalaki. Magkamukhang-magkamukha. Kaya sa lumipas na mga tao'y hindi talaga nawala ang nararamdaman ko para sa kaniya. Oras-oras ba namang nakikita ko ang mukha niya sa anak namin.

Niyakap ko nang mahigpit si Hugo bago ko siya iniwan sa sala para maglaro. Kaagad na akong tumungo sa kusina. Kailangan ko nang ihanda ang mga kakailanganin para sa dinner mamaya.

"Mama!" Napapangiting nilingon ko si Hugo na kumakaway sa akin habang hawak ang ilan sa mga laruan niyang kumalat sa sala.

"Yes baby, malapit na matapos sa ginagawa si Mama." sagot ko habang patuloy na hinuhugasan ang karne ng manok.

Ilang minuto'y naulinigan ko ang pagtunog ng doorbell. Kaya kaagad na tumingin ako sa wall clock na nasa kusina. Alas-kuwatro pa lang, maaga pa para sa napag-usapan naming oras ni Jino.

"'Tay pakitingnan naman kung sinong tao sa labas!" malakas kong sabi. Hindi ko kasi maiwan ang ginagawa.

"Dada!" sigaw ni Hugo. Mukhang napaaga nga ang dating ni Jino. Ito lang naman kasi ang tinatawag na Dada ni Hugo.

"Dada? Ibig sabihin pinaako mo rin kay Jino ang anak natin?" Bigla kong nabitiwan ang sandok na hawak nang marinig ang boses na iyon sa likuran ko.

"Anong ginagawa mo rito?!" malakas kong sabi. Akma akong aalis nang makitang buhat niya si Hugo. "Akin na ang anak ko!"

"Anak ko rin si Hugo, Quia."

"Pero hindi ka naging ama sa kaniya! Mas inuna mo pa ang ibang bata kaysa sa anak mo!"

Nakita ko ang pagtiim ng kaniyang mga bagang. "Bakit ba galit na galit ka?"

"Dahil pinagmukha mo akong tanga! Akala ko ako talaga, pero hindi! Tama nga ang sinabi kong si Jianna talaga ang mahal mo!" Mapait kong sabi na bahagyang ikinaawang ng kaniyang bibig.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.