Hindi ako lumayas buhat ng gabing 'yon. Alam kong highblood sa akin si Darina kaya gusto ko pa siyang asarin habang nasa poder pa nila ako.
Pero sa tuwing wala akong nararamdaman ay naging habit ko nang umakyat sa bintana at tumalon. At laging andon ang kapitbahay namin na Jaxx ang pangalan para maging secret audience ng 'maganda' kong stunt.
Kinabukasan din mula no'ng kinulong ako nina Catliya sa abandonadong classroom ay hindi na nangahas ang mga estudyante na i-bully ako dahil nasa gilid ko si Alferes para bantayan ako mula sa mga hayop na walang magawa sa buhay. Kaya naging tahimik ang buhay ko sa community college nang ilang araw.
Pero ngayong gabi ay kakaiba. Pinagsarhan ako ng pinto ni Darina dahil alas-diyes na ako nakauwi sa bahay. Malas naman na wala akong nadalawang susi ng bahay.
Halos mabingi na ako sa ingay ng gangis. Humalukipkip ako. Busangot kong tinapik ang binti kong kumakati dahil sa nangangagat na lamok. Napamura ako. Rinig ko ang kutya ng lumilipad na lamok palapit sa tainga ko. Nakakainis!
Gabi na. Kanina pa ako dito sa likod ng bahay nina Darina at Nicanor. Hinihintay kong mamatay ang ilaw sa buong bahay para makaakyat na ako sa kuwarto kong nasa second floor. Sobrang hirap magtago nang tirik pa ang araw, kaya tumambay ako kanina sa kakahuyan sa labas ng Apartment House at naghintay na gumabi. Kaso, pagdating ko dito sa likod-bahay, kailangan ko na namang magtago sa lagpas-taong cogon at naghintay kung kailan matutulog ang dalawang walang 'ya. Lintek na 'yan. Kanina pa kumikirot ang binti ko. Gusto ko nang maupo!
Naningkit ang mga mata ko nang mamatay ang ilaw sa loob ng bahay at nabuhay ang ilaw sa back door. Tumama ang ilaw sa mata ko kaya kailangan ko pang ilayo ang tingin ko. Pumikit ako at bumaling sa kaliwa. Sa hindi kalayuan, nakita kong bukas pa ang ilaw sa bahay noon ng matandang Pechi-Pechi. Nangunot ang noo ko. 'Yong bagong lipat na pala ang nakatira do'n. Pero anong ginagawa niya at bukas pa ang mga ilaw? Sa tingin ko, pasado ala-onse na ng gabi. Patay na ang ilaw sa halos lahat ng bahay kaya kapansin-pansin ang bahay na nagliliwanag sa dilim.
"Lintek," gigil kong mura nang may maramdaman na naman akong kumagat sa binti ko. "Iisa-isahin ko kayong mga hayop. Layuan niyo ako, mga lintek na lamok!" Gigil kong tinapik ang binti at kinamot.
Hindi na ako pwedeng tumambay pa. Kumukulo na ang dugo ko sa mga lintek na lamok. Inayos ko ang sarili saka hinawi ang mga cogon, at sumugod sa bahay. Walang bakod sa likod kaya madali akong nakalapit sa backdoor. Pero dahil alam kong naka-lock 'yon, kaya hindi ko na pinihit. At hindi rin naman ako bo** para doon dumaan kung nandito ako para mag-akyat-bahay.
Tiningala ko ang teresa ng second floor. Kaunting tangkad lang at maabot ko na ang paanan. Kaso, alam kong may mga bubog doon na nilagay ko no'ng isang araw kaya hindi ako pwedeng basta-basta nalang kakapit doon. Hmm. Umatras ako at tiningala ang buong bahay. Anong pwedeng gawin para makapasok sa lintek na bahay? Sa bubungan? Tsk.
Naglakad na muna ako palayo at naghanap ng pwedeng gamiting pang-akyat sa teresa. Hinagod ko ng tingin ang likuran ng bawat bahay na nadadaanan ko, pero walang mga gamit na pwedeng magamit. Hanggang sa mapadpad ako sa likuran ng nagliliwanag na bahay noon ng matandang Pechi-Pechi na nabili ni Jaxx. Doon ko naalalang may portable stairs na nakatago sa tambak na sako ng buhangin sa gilid ng backdoor. Nakita ko noon, nang minsang pinaayos ni Jaxx ang lababo at palikuran niya.
Kaso, may sariling bakod ang likod-bahay ni Jaxx. Katangkaran ko lang at matutulis ang dulo ng steel. Huminga ako nang malalim at inakyat ang bakod. Pero dahil nakasuot ako ng lintek na duster ng Mama ng lalaking walang 'ya, kaya ayun, napunit ang duster abot hanggang gitna ng hita ko. Wala na akong pagpipiliin kaya tumalon na ako papasok sa bakod at tuluyang na ngang napunit. Ngayon, nakasuot na ako ng isang maiksing duster. Lintek.
Patakbo akong napunta sa backdoor kahit na sobrang liwanag ng bahay nila. Pakiramdam ko nga, kitang-kita ang mukha ko sa CCTV, kung meron mang gano'n ang lalaking Jaxx. Pero pakialam ko? Kay Nicanor ako aakyat ng bahay at hindi sa kaniya.
Inalis ko ang tambak ng sako ng buhangin saka kinuha ang portable stair. Binitbit ko 'yon saka tinapon sa labas ng bakod. Umakyat ulit ako at dahil maiksi na ang duster, hindi na ako nahirapan sa pagtawid. Kaso, alam kong nakita ang panty ko nang tumalon ako sa bakod. Tsk. Swerte naman ng nakakita?
Pinulot ko ang hagdanan saka patakbong tinungo ng bahay ni Nicanor. Pero bumagal ang takbo ko nang makita ko ang isang taong nakaitim na nakatayo sa tapat ng likod-bahay at nakatingala sa second floor - sa mismong kuwarto ko. Nangunot ang noo ko. Hindi ko maaninag ang mukha dahil nakasuot ng hood at may suot na mask na itim. Ang sigurado lang ako ay babae ang taong 'yon, dahil sa tangkad at haba ng buhok niya.
Mabilis akong nagtago sa mataas na cogon. Walang ilaw sa parteng 'to kaya kampante akong pagmasdan ang hakbang ng taong 'yon. Nakaramdam yata siya kaya napalingon saglit sa pwesto ko. Hindi ko kita ang mga mata dahil sa dilim ng anggulo niya, pero ramdam kong hinagod niya ng tingin ang pinagtataguan ko. Nangunot ang noo ko. Mukhang hindi takot na makita ng kung sino, a?
Mabilis siyang kumilos. Lumapit siya sa bakdoor at tumalon para kumapit sa paanan ng teresa. Pagkuwan, mabilis siyang bumitaw at tumalon pababa sa lupa. Tinaas niya ang nagdurugong kamay. Nakita ko pa ang pagkislap ng bubog na nakabaon sa kamay niya. Napangisi ako. Ayan ng lintek. Akyat-bahay pa.
Tinapik ko ang binti at kinamot. Napasimangot ako. Mas malaya nang pagpyestahan ng mga lintek na lamok ang mga binti ko. Kailangan ko nang kumilos. Tumingin ulit ako sa babae. Nagpalinga-linga na siya sa paligid saka patakbong tinungo ang nagtataasang cogon. Mukhang tumakas na.
Lumabas na ako sa pinagtataguan saka nagmartsa palapit sa bahay, habang nakatingin sa parte ng kung saan tumakas ang babae. Sino kaya 'yon? At ano naman ang pakay niya sa bahay ng mga walang 'ya? Mukhang pinag-iinitan ng magnanakaw ang bahay, a? Napailing na lang ako. Pinalayas na ako sa lintek na bahay na 'to kaya hindi ko na problema kung babalik 'yong babae at may bitbit nang hagdan.
Ginamit ko ang hagdan para makaakyat sa second floor. Saka kinuha ko sa ilalim ng paso ang susi ng pinto papasok ng kuwarto. Palagi akong nagtatago ng susi sa paso dahil minsan na akong napagsarhan ni Nicanor. Dito na ako dumadaan sa likod-bahay. Madali lang naman umakyat sa teresa ng kuwarto ko, pero nitong nakaraang araw lang, nabasag ko ang flower vase ni Darina at naisip kong ilagay sa paanan ng teresa ang bubog dahil naalala ko ang bali-balitang nakawan sa kabilang kanto.
Pumasok ako sa loob ng madilim na kuwarto. Binuksan ko ang switch ng ilaw sa dingding saka nilibot ang tingin sa loob. Wala namang nagbago. Sabagay, ilang oras lang naman akong nawala saka hindi naman hilig ng dalawang mangialam ng kuwarto nang may kuwarto.
Hinalungkay ko ang gamit saka kinuha ang isang eco bag. Nilagay ko doon ang ilang mahahalagang gamit tulad ng pitaka saka mga debit at credit cards. Kinuha ko na rin ang school iD at iba pang IDs. Nag-impake na rin ako ng ilang mga damit at nilagay sa school bag na gamit ko sa eskwela. Mabuti nalang at walang textbooks kaya napagkasya ko lahat sa bag. Sinali ko na rin ang ilang big notebooks saka personal na gamit. Siniguro ko pa ang isang pad ng tampon.
Nilibot ko ulit ang tingin bago sinukbit ang backpack at binitbit ang eco bag. Humakbang ako palapas sa teresa pero huminto ako pagkuwan. Nilingon ko ang sticky note na nasa kama. Napabuga ako ng hangin.
Kinuha ko 'yon at nagsulat. Dinikit ko ang sticky notes sa unan kung sa'n madaling makita, saka diretso na akong lumabas ng teresa. In-lock ko ang pinto at bumaba. Tiniklop ko ang portable stair saka itinabi sa gilid. Nilakad ko ang kahabaan ng gabi.
Kaso, napahinto ako sa tapat ng likod-bahay noon ni Pechi-pechi nang may nagsalita. "Mind returning the thing that you've borrowed?"
Mabilis akong napatingin sa nagsalita. Ang lintek na lalaking Jaxx. Nakatalikod siya sa akin habang nakasandal sa bakod. May tinutungga siyang alak.
Nangunot ang noo ko saka nagpatuloy sa paghakbang palayo. Sa tingin ko, pasado alas-dose na ng madaling araw. Malamig na rin ang ihip ng hangin saka madilim ang likuran ng mga bahay. Napagdesisyunan kong lumusot sa isang eskinita para marating ang main road ng Sudtonggan. Mahirap nang mglakad sa dilim at baka matuklaw ako ng ahas nang hinidi ko nalalaman.
Ilang minuto akong naglalakad sa sidewalk at tanging poste ng mga ilaw ang nagbibigay liwanag sa paligid. Tirik din ang bilog na buwan sa langit at wala akong nakitang bituin sa kalangitan.
Maya-maya pa'y may napansin akong sumusunod sa akin. Rinig ko ang mahihina niyang yabag, saka rinig ko ang paglagok niya ng kung ano. Mabilis akong huminto at pumihit. Natigilan ako nang makita ko ang lalaking si Jaxx na palapit sa pwesto ko. Tumutungga siya ng bote ng alak saka matamang nakatitig sa akin habang humahakbang palapit.
Nangunot nang husto ang noo ko. "Anong ginagawa mo?"
"Nothing."
Umismid ako saka nagpatuloy sa paghakbang sa direskyon ng eskina palusot sa Apartment House. Pero napadaan na ako sa tindahan ni Aling Esing, nakabuntot pa rin ang lasing na lalaki. Unti-unting kumulo ang dugo ko. Pumihit ako at halos mapasigaw ako nang isang dangkal lang ang layo ng mukha ko sa katawan niya.
"Keep moving," inis niyang sabi at tumungga na naman.
"Lech**. Ba't ka ba sunod nang sunod?"
"I said keep moving," sabi niya saka tumangga ng alak.
"Pwede ba? Bumalik ka na sa bahay mong hay**ka? Wala akong planong murahin ka, pero dahil ka ka-letch**an mo, makakatay kita ng mura -"
Nahinto ako sa pagsasalita nang tumawa siya. "Why so grumpy? I don't need your curses, Jemima." Tumangga siya ng alak.
Naningkit ang mga mata ko saka hinablot ang bote ng alak sa mga kamay niya. Tinapon ko 'yon sa mga puno ng saging sa gilid ng kalsada. "Lintek. Ayoko sa lahat ang bibig na palatungga."
Matalas ang tingin ko nang tumingala ako sa kaniya, pero natigilan ako nang mapansin kong titig na titig siya sa mukha kong tinatanglawan ng liwanag ng poste ng ilaw. Naningkit ang mga mata ko. "Lintek. 'Wag mo 'kong tingnan ng ganiyan at tutuhugin ko 'yang bay** mo!"
Ilang segundo akong nagmatigasan ng titig sa kaniya bago umirap saka tumalikod. Nagpatuloy ako sa paghakbang papunta sa eskina pero nahinto agad ako nang marinig kong may natumba. Napapikit ako at napahugot ng malalim na hininga sa inis.
"Lintek na lasing ka," gigil kong sambit habang pinagmasdan ko siyang nakahiga sa gilid ng kalsada.
Narinig ko nalang ang tilaok ng manok. Parang nanunuya pa sa sitwasyon ko ngayon. Lintek! Hindi ako tagabuhat ng lasing!