Chapter WHC: 13

“Maganda ka nga sana. Kinulang ka lang talaga sa chest department,” wika ni Justine at nakataas ang kilay na tiningnan ang harapan ng damit niya. Saka nito in-adjust ang V-neck black dress na nagpapakita ng cleavage nito.

Nakipagtaasan siya ng kilay dito. “Ganoon? Naka-ruffles na nga ang dress ko, kailangan pang pansinin ang kakulangan ko? Saka wala namang pakialam si Kenji sa dibdib. Wala lang naman siyang bukambibig kundi gorgeous ako.” Sinapo niya ang pisngi niya. “Pakiramdam ko talaga parang nasa langit ako kapag sinasabi niya iyon. Gorgeous. I am gorgeous.”

“Sus! Binobola ka lang yata noon, nagpapauto ka naman,” kantiyaw ni Justine sa kanya.

Pabiro niyang hinila ang buhok nito. “Huwag kang panira ng gabi. Hindi pwedeng matapos ang gabing ito nang hindi ko nakukuha ‘yang si Kenji. Kung pwede nga lang kami lang dalawa ang mag-date para mas romantic."

"Ano? Excited pa mandin akong makasama sa dinner ang ibang guwapong models na kasama niya," nanghahaba ang ngusong angal ni Justine.

"Sa akin okay lang na dito lang ako," sabi ni Dreamilyn. Nakahilata pa rin ito sa kama at sa halip na samahan silang mamili ng isusuot na damit ay nakahilata ito sa kama. Mukhang walang interes ang kaibigan niya na lumabas ng kuwarto.

"No! Lumabas tayo," sabi ni Justine at nilapitan ito. "Di ka namin hahayaang magmukmok dito."

"Joke ko lang ‘yung sosolohin si Kenji," wika naman ni Yngrid at niyakap siya. "Di rin naman ako papayag na malungkot ka dito. Alam ko naman di namin kayang pantayan si Casey sa puso mo pero sinusubukan naman namin na pasayahin ka. Kapag ganyan ka kalungkot, pakiramdam namin wala kaming kwentang kaibigan."

Nag-effort talaga sila ni Justine para aliwin ito. Lahat ng souvenir shops sa mga tourist destination ay pinapasukan nila at namimili. Hilig kasing mamili ni Dreamilyn ng mga murang items. Tiniyak nilang masisiyahan ito sa mga tourist destination na napuntahan nila. At nalulungkot siya kapag parang bumabalik na naman ito sa dati. Hindi siya papayag na malulungkot ito habang kasama sila. O kaya ay maiiwan mag-isa sa kuwarto at walang gagawin kundi umiyak at alalahanin ang dating kasintahan.

Pilit na ngumiti si Dreamilyn. "No. Hindi. Masaya ako sa dalawang araw natin dito sa Camiguin. P-Pasensiya na kung di mawala si Casey sa isip ko," sabi nito at bumangon. Mukhang nakonsensiya ito sa mga sinabi niya. "Ayoko namang malungkot kayo dahil lang sa akin." Dali-dali itong bumaba ng kama. "O, sige. Sasama na ako sa dinner. Wag lang kayong malungkot. At kung kailangan kong tumulong sa pagpikot kay Kenji Matsunaga, gagawin ko."

"Baliw ka rin minsan," sabi ni Yngrid at tumawa. “Nakapili na ako ng damit para sa iyo. Magbihis ka na. Baka sunduin tayo ni Kenji. Nakakahiya kapag di pa tayo prepared.”

Maya maya pa ay nilagyan na niya ng make up si Dreamilyn. “Yngrid, ayoko sanang sabihin ito sa iyo pero magkaibigan tayo. I want what’s best for you.”

“Hmmm… sige lang. Sabihin mo na,” sabi niya at nilagyan ng BB Cream ang mukha nito. “Tungkol ba kay Casey iyan?”

“Hindi. Tungkol kay Kenji.”

Natigilan siya. “Anong tungkol sa kanya?”

“Kasi lumaki siya sa Brazil. Alam mo naman kung gaano ka-sweet at ka-affectionate ang mga tao doon. They hug and kiss everyone. Kahit bagong kakilala at di pa gaanong ka-close. That’s a common courtesy. Baka mamaya inaakala mo na ang ipinapakita niya sa iyo ay dahil may gusto siya sa iyo. M-Mabuti na rin na alam mo kung saan ka nakalugar. Baka wala palang malisya iyon sa kanya,” paliwanag ni Dreamilyn.

"Pinoy ako. Conservative ako. Ang lalaki dito kapag humalik o nag-hug sa babae, may malisya agad. Nasa Pilipinas si Kenji. Wala siya sa Brazil. Sorry na lang siya. Feeling ko may malisya siya sa akin. Damang-dama ko na gusto niya ako."

Bumuntong-hininga si Dreamilyn. "Nag-aalala lang ako. Alam mo naman kung anong nangyari sa akin lalo na't taga-showbiz din si Kenji. That world is cruel. B-Baka saktan ka nila. Ayokong masaktan ka."

The showbiz industry really did a number on her friend. Dati naman ay maingat lang ito sa pagpapaalala sa kanila ni Justine tungkol sa buhay. Pero hindi ganito ka-distrusting. Parang wala nang gagawin na tama ang mga tao sa showbiz. Di naman niya ito masisisi. Sa mundong iyon ay baligtad ang katotohanan – ang di nagmamahalan ay sinasabing nagmamahalan habang ang nagmamahalan ay pilit na pinaghihiwalay. Dapat na ba niyang alalahanin kung mapapasok siya sa magulong mundo ng showbiz dahil kay Kenji?

"Relax. Kakikilala pa lang namin. Huwag kang masyadong seryoso. This is me. Yngrid. I am tough. Hindi ako basta-basta napapaikot lang ng kung sinu-sino. At hindi rin naman ako basta-basta madedehado. I am just having fun,” depensa ni Yngrid.

"Having fun lang talaga? Hindi ka mai-in love agad-agad kay Kenji Matsunaga?" naninigurong tanong ni Justine.

"Oo naman. I am not that naive."

Bata pa lang siya ay lagi na siyang nakikibaka sa buhay. Ang ama niya ay anak sa labas. Ilang beses na niyang naranasan na maliitin ng tunay na pamilya ng lolo niya sampu ng mga magulang niya. Sampid ang tingin sa kanila ng mga ito. Nagsikap lang ang tatay niya kaya umangat sa buhay. Nagtrabaho ito sa abroad at nag-impok para magkaroon sila ng sariling coffee farm sa boundary ng Davao at North Cotabato. Ipinangako niya sa sarili na magsisikap siya kaya nagtayo siya ng sarili niyang negosyo. Gusto niya kapag nakaharap niya ang ibang kamag-anak niya ay hindi sila mamaliitin. Hindi niya napanatiling matatag ang negosyo niya sa pagiging mahina. Kasama na doon pagdating sa mga lalaki. May pagka-skeptical siya. She liked calling the shots.

Kahit na haling na haling siya kay Kenji, alam naman niya kung saan ang hangganan ng kahibangan niya. Nasa safe zone pa ang kabaliwan niya.

"Saka nasa bakasyon tayo,” dugtong ni Yngrid at nilagyan ng BB cream ang mukha ni Dreamilyn. “Nandito tayo para mag-relax. Parte si Kenji ng bakasyon ko. I am enjoying his company. Hindi pa ako nagiging ganito kasaya. I am a big girl. Kaya kong alagaan ang sarili ko at puso ko. Mag-relax na lang tayo at i-enjoy ang gabing ito. Bukas babalik na tayo sa realidad. Lalo ka na, Justine." At makahulugan niyang tiningnan ang kaibigan na bubulabog sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

"Yes. I know. Back to boring clothes and my lola's controlling ways. Kaya gusto ko talagang mag-enjoy sa natitira kong sandali dito,” nakangising sabi ni Justine at naglagay ng lip gloss sa labi.

"Kumusta na pala si Mr. Hibok-Hibok? Tumawag na ba sa iyo?" tanong niya.

Isang guwapong lalaki ang laging nakakabangga ni Justine mula sa NAIA pa lang sa flight na papuntang Cagayan de Oro. Nakita ulit nila ito kaninang hapon sa Ardent Hot Spring. Mr. Hibok-Hibok ang tawag nila dito dahil sa hot nitong katawan at laging mainit na mood.

Pero nalaman nila kalaunan na di naman pala ito ganoon kasama. Tinulungan ng lalaki si Justine nang pulikatin. And Justine did something daring, the most daring thing she did in her controlled and conservative life. Ibinigay nito ang cellphone number sa lalaki at niyaya ng date.

Lumabi si Justine na puno ng panghihinayang. "Wala nga. Di pa rin tumatawag. Hayaan na natin iyon. Makiki-Kenji Matsunaga na lang ako sa iyo."

Ang bruha! At makikiagaw pa sa kanya.

Itinaas niya ang brush. "Hanggang picture ka lang. Okay?"

"Kahit isang kiss or hug mag-share ka. Please,” pakiusap ni Justine at pinapungay ang mga mata.

Kinuyom niya ang kamao at itinaas. "Dadaan ka muna sa kamao ko."

Humalakhak lang si Justine at di inalintana ang banta niya. "Medyo harsh. Wag masyadong amasona. Baka matakot si Kenji sa iyo."

"Hindi naman niya malalaman," nakangisi niyang wika.

Siyempre iba siya pagdating kay Kenji. Ang makikita lang nito sa kanya ay ang pagkatamis-tamis niyang personality. Habang ang kasungitan niya ay para lang sa mga babae na inaambisyon ang hotness nito. Matitikman ng mga ito ang bangis niya. Rawr!

Naglalagay siya ng pearl earrings nang may kumatok sa pinto. Binuksan niya ang pinto. "Yes?"

Napanganga na lang siya nang makitang nakatayo sa harap niya si Kenji. Nakasuot ito ng blue coat at nakasuot ng checkered shirt sa loob. Nakaitim itong pants at leather shoes. Shemay! Parang gusto niyang lumabas at i-lock ang pinto at saka niya tatangayin si Kenji para solohin.

"Hi! I'm here to fetch you. Are you ready?" tanong ng binata.

"Yes. Of course." Nilingon niya ang mga kaibigan at pasimpleng dinampot ang purse na nasa open closet. "Let's go, girls."

Pinasadahan siya ng tingin ni Kenji at tumitig sa paanan niya. "Uhmmm... lalabas kang ganyan? Nakayapak ka lang?" tanong nito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.