Chapter WHC: 30

“Alam ko na ang sasabihin ninyo. Oo na. Tama na kayo. Mukha akong tanga. Asang-asa ako sa kay Kenji, to the point na delusional ako. Oo na. Ako na ang mali. Parang bata ako. Kinalimutan ko ang rason,” pangunguna ni Yngrid sa pagsesermon sa sarili. Inunahan na agad niya ang mga kaibigang sina Justine at Dreamilyn nang makipagkita siya sa mga ito sa isang Japanese restaurant.

“Sabi nga namin, di ba? Ikaw lang itong ayaw makinig,” wika ni Justine na tumungga ng sake. Mukhang mabigat din ang pinagdadaanan nito pero di ito nagku-kwento dahil mas mahalaga dito ang problema niya.

“Paano naalala pa niya ako at ini-recommend pa ang café ko para sa location ng shooting. Akala ko may ibang ibig sabihin iyon. Asang-asa ako na baka di naman totoo na girlfriend niya si Margaret.” Pikit-matang kumain ng sashimi si Yngrid kahit na ayaw niya sa hilaw na isda. Kahit na ano ay kakainin niya huwag lang niyang malasahan ang sakit ng pag-ibig. “Oo na. Tanga ako. Pwede naman sigurong maging tanga kahit minsan sa buhay ko, di ba?”

Sa kanilang magkaibigan ay inaakala niyang siya ang mas malakas ang personality. Alam niya ang gusto niya at nakukuha niya iyon. Hindi rin siya ang tipo na nagpapakatanga sa lalaki.

Sa ibang lalaki ay di siya basta-basta nagpapa-cute. Mas gusto niyang siya ang hinahabol ng lalaki. Na lalaki ang nag-e-effort para mapansin ng kagandahan niya. Habang kay Kenji ay hinabol-habol niya. Gumising pa siya ng umaga para makasama lang ito. Nagmukhang nagmumurang kamatis ‘ika nga ni Frecy dahil gusto niyang maging swak sa “simpleng” kagandahan na gusto ni Kenji. Pero sa huli ay ang may mangkukulam lang na si Margaret na aagaw sa kay Kenji. Heto ngayon siya at mega cry.

Imagine kung gaano siya katanga nang mga oras na iyon. Hindi niya inaasahan na mararanasan niya ito. Daig pa niya ang teenager na naniwalang totoo ang mga fairy tale.

Hindi sila magkasama sa isang mundo ni Kenji. He was on a different league. Kay Margaret ito nabibilang. Parehong sikat ang mga ito. Masyado lang siyang nagtiwala sa angkin niyang ganda kaya akala niya ay pwedeng siyang maki-level sa kaguwapuhan ni Kenji. Parang isa siyang palaka na nangangarap ng halik at happy ending sa isang prinsipe. At ngayon ay bumagsak siya sa lupa nang piliin nito ang tunay na prinsesa. Habang siya ay nananatili pa ring palaka.

Tinapik ni Dreamilyn ang likuran niya. “Don’t be so hard on yourself. Ganoon talaga. Dumadaan sa buhay natin na nagiging tanga sa pag-ibig. Ngayong alam mo nang tanga ka, maari ka nang mag-move on. Ang mahalaga ay natauhan ka na.”

Lumabi siya. Kumuha siya ng ceramic cup at nilagyan ng sake saka tinungga. Gumuhit ang init sa lalamunan. Pakiramdam niya ay parang matutunaw ang parte ng katawan niya na dinaanan ng likido. “Di ko lang matanggap na sa dinami-dami ng babae sa mundo, si Margaret pa. Wala bang iba diyan? Bakit sa babae pang kinaaayawan ko sa lahat? Bakit sa babae pa na laging ipinamumukha sa akin na nasa baba lang ako at pwede niya akong tapak-tapakan?”

Bakit kay Margaret Choi na lang laging napupunta ang lahat ng para sana ay sa kanya? Isa ba itong masamang biro ng tadhana?

“Pareho pa talaga kayo ng taste ng babaeng kinaiinisan mo. Ano pa kayang pagkakapareho ninyo?” puno ng kuryosidad na tanong ni Justine sa kanya.

“Wala. Iyon lang,” aniya at kumuha ng sashimi. Ayaw na niyang isipin ang isa pang bagay na ipinagkapareho nila ni Margaret dahil iyon din ang bagay na nagtakda ng lahat ng kaibahan nila sa isa’t isa. Kung bakit sa paningin nito ay hindi siya maaring makapantay o makahigit dito.

“Alam mo, crush lang iyang nararamdaman mo kay Kenji. Makaka-recover ka din diyan at may dadating din na lalaki na mamahalin ka ng todo. Luminga-linga ka lang sa paligid mo. Malay mo nandiyan lang siya,” pang-aayo ni Dreamilyn sa kanya na parang nais pagaanin ang kanyang kalooban.

Ipinilig niya ang ulo. “Ayokong luminga sa paligid ko. Si Bruno lang ang makikita ko. That is more depressing really. Nakakatawa lang, di ba? Sa tanda kong ito, nagkakaganito ako dahil sa crush.” Kumuha siya ng tissue at pinunasan ang luha. “Tapos iniiyakan ko pa. Nakakainis talaga. I am a loser. Loser!”

Naalala niya dati nang bumagsak sa isang exam si Margaret dahil di niya pinakopya. Napuno na kasi siya na tinatrato siya nitong alipin at utusan. Nagalit ito sa kanya. Na kesyo inggit siya dito kaya gusto nitong bumagsak siya. Gusto lang naman niyang makipagkaibigan dito noon. Wala siyang pakialam kung mas sikat ito o mas maganda at iba pa.

Pero sa pagkakataong ito ay aaminin niya na naiinggit siya. Dahil napunta dito ang lalaking gusto niya – si Kenji. Ngayon siya naniniwalang unfair ang buhay.

Iniwan siya ng mga kaibigan nang matapos ang tanghalian. May kanya-kanya pang trabaho ang mga ito. Alanganin ang mga ito na iwan siya pero di nniya pwedeng iasa ang recovery niya sa mga ito dahil plano lang naman niyang nguynguyan ang katangahan niya. First time niyang nabigo nang bongga. Di niya alam kung gaano katagal aabutin ang pagmumukmok niya. Malay ba niya. Ngayon lang naman siya nabaliw nang ganito at nabigo. Kung hihintayin siya ng mga kaibigan niya na maging okay ay baka abutin sila ng siyam-siyam. Mahalaga sa kanya na malaman na nariyan ang mga ito para suportahan siya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.