Chapter WHC: 32

"Di naman kita masisisi kung malungkot ka. Kung si Bruno nga naman ang nakikita mo araw-araw, sino bang di made-depress?" sabi ni Dreamilyn.

"Salamat sa pang-unawa," wika niya. Araw-araw na lang siyang binubuliglig ni Bruno para ialok muli ang pag-ibig sa kanya. Araw-araw din nitong ipinamumukha sa kanya na mas bagay sina Margaret at Kenji. Silang dalawa daw ang bagay. Que horror!

Pinisil ni Dreamilyn ang braso niya. "Pero naniniwala naman ako na may dadating para sa iyo."

"Kailan pa?" frustrated na tanong ni Yngrid. Gaano katagal ba siyang maghihintay? Mula nang mawala si Kenji sa buhay niya, na-realize niya na pagod na siyang mag-isa. Nahiling niya na sana ay may magmahalan na sa kanya nang tunay.

"Bahala na ang Diyos kung kailan iyon. Hindi kinaiinipan ang ganyang bagay." Bumaling si Dreamilyn kay Justine. "At ikaw, sana lang tama ang ginagawa mo. Handa ka na ba diyan sa gagawin mo? Seryoso ka bang ikaw mismo ang magsasabi sa lola mo na ayaw mong pakasalan si Stefan?"

Pinagkiskis ni Justine ang mga palad. Dahil nakilala na ito ni Stefan bilang ang maalindog na babae sa Camiguin ay ayaw dito ng binata. Ang ikinatatakot pa ng kaibigan niya ay baka sabihin ni Stefan ang pag-iiba ni Justine ng imahe habang nasa bakasyon. Oras na mangyari iyon ay pare-pareho silang malilintikan sa lola ni Justine.

"Wala naman akong choice. Kapag di ako nakapag-deal kay Stefan, pare-pareho tayong madadamay sa gulo. Kayo na nga lang ang kaibigan ko, mapapasama pa kayo dahil sa akin. Ayokong ilayo kayo ni Lola sa akin. Mabuti na rin ito. Hindi rin naman ako makakatagal sa Stefan na iyon na nuknukan nang sungit. Kahit sobrang guwapo pa niya at hot ang katawan niya."

May himig ng panghihinayang si Justine sa pakakasalan nitong si Stefan. Attracted ang kaibigan niya sa isang lalaki sa kauna-unahang pagkakataon. Sa kasamaang-palad ay alam ni Stefan ang lihim na bahagi ni Justine..Too bad he didn't like that bit. Napipilitan lang itong magpakasal dahil sa lola ng binata na may sakit.

"I think I need another serving of dessert." Kinawayan ni Yngrid ang waiter para sa menu. Dali-dali niyang ibinaba ang kamay nang makita niyang pumasok si Margaret ng restaurant. "Shocks! Si Margaret!" gulat niyang usal at pilit na pumihit patalikod dito at sa kasama nito.

Ayaw talaga niyang makita ang babae. Ayaw na niyang magkaroon ng kaugnayan dito o kay Kenji. Actually, kay Margaret lang niya gustong mawalan ng kaugnayan. Isa itong lason sa buhay niya. Habang nanatili namang mabuti si Kenji sa kanya at nakikita niyang ipino-promote pa ang Sweet Surrender sa mga social media accounts nito. Pero habang tabi nito si Yngrid, pakiramdam niya ay lason din ito sa buhay niya.

“Oh, no! Sa kabilang table pa natin sila umupo,” sabi ni Dreamilyn at pinagdikit ang labi labi.

Mariin siyang pumikit. Ngayon pa lang ay hindi na siya mapakali. Bakit naman sa dinami-dami ng restaurant ay doon din nito piniling kumain samantalang marami namang ibang restaurant sa The Fort? Ngayon pa lang ay parang gusto na niyang lumabas ng restaurant pero di pa sila tapos kumain. Nagsisimula pa lang sila.

“Huwag mong sabihing gusto mong umalis?” sabi ni Justine. “Hayaan mo siya. Tutal hindi naman si Kenji Matsunaga ang kasama niya.”

Nahigit niya ang hininga. “Sinong kasama niya?”

"Si Congressman Padilla ang ka-date niya?!"

Nang bahagya siyang lumingon ay nakita niya ang kasama ni Margaret na politician na doble ang edad dito. "Baka naman business meeting. O kaya kailangan siyang mag-endorse sa isang project ni Congressman,” hula niya hanggang makita niyang mag-holding hands ang mga ito at maglapit ang mukha para magbulungan.

"Parang medyo sweet yata. Hindi ba sila pa ni Kenji?" magkasalubong ang kilay na wika ni Dreamilyn at in-adjust ang salamin nito sa mata.

"S-Sa palagay ko." Nag-post pa nga si Kenji ng message dito habang nasa London ito na may regalo ito para kay Margaret. Pasimple niyang binuksan ang cellphone niya at di maiwasang gamitin ang front cam ng smartphone niya para makita ang nangyayari sa likuran niya. Lalo niyang di nagustuhan ang mga sumunod na eksena. May isang violinist na lumapit sa dalawa at tinugtugan ang mga ito ng Somewhere In Time. "Hindi ko maintindihan. Bakit parang romantic date ata ito? Tinugtugan pa ng violin? At bakit parang kilig na kilig si Margaret. Parang… kadiri?” aniyang napapangiwi. “Parang di ko ito gusto. Alam kaya ni Kenji ang nangyayaring ito?”

"Baka naman break na sila. Di lang alam. Kuhanan mo kaya ng picture?" udyok ni Justine. "Tiyak na malaking balita iyan. Ipakita mo kay Kenji. Baka sa wakas ay may pag-asa na kayo."

"Hey! That's rude. Tumigil ka nga," saway ni Dreamilyn kay Justine. Bumaling ito sa kanya. "Huwag ka nang ma-involve diyan. Hayaan mo na sina Kenji at Margaret sa gulo nila. Hindi mo gugustuhing maipit sa gulong ito."

Bumuntong-hininga siya. Tama naman ang kaibigan niya. Katatapos lang niyang maka-recover sa pagkabigo kay Kenji. Oras na isuong na naman niya ang sarili niya sa gulong ito ay baka mas lalo siyang mapasama. Isang lason si Margaret. Kailangan niyang umiwas sa lason.

"Right. Kuhanin na ninyo ang bill. I just need to retouch," sabi niya at tumayo.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.