Chapter "PENTHOUSE"

"BY the way sweetheart, si Sam" si Andrew nang lapitan ito ni Sam para batiin sila. "Sam, si Lana" pagpapatuloy ni Andrew.

Maganda ang pagkakangiting niyakap siya ni Sam saka hinalikan sa pisngi. "I am so happy to finally meet you" anito sa tono na masiglang-masigla.

"Ganoon rin ako, Sam" aniyang hindi rin naitago ang kasiglahan sa tinig dahil nakapagtatakang napakagaan ng pakiramdam niya sa babaeng kaharap.

"Sana makapasyal kayo sa bahay, isama mo ang pamangkin ko. Gusto ko narin siyang makilala" anitong si Andrea ang tinutukoy.

Tumango siya saka nakangiting tiningala si Andrew. "Oo naman, siguradong matutuwa iyon lalo at magkamukhang-magkamukha kayo" pagsasabi niya ng totoo.

Mabait ang ngiting muling pumunit sa mga labi ni Sam. "Paano aakyat na ako? May mga naiwan kasi akong trabaho sa itaas. Ayaw akong tantanan nitong boyfriend mo kaya napilitan akong iwan ang mga iyon" pambubuking pa nito kay Andrew na natawa lang sa sinabi.

"And by the way, magbubukas pa ba tayo?" ang pahabol na tanong ni Sam na ang tinutukoy ay ang shop na iyon kung saan ginanap ang sorpresang proposal sa kaniya ni Andrew.

"Huwag na, pero bayaran mo ang araw nilang lahat okay?" anitong sa kapatid.

"Noted" si Sam na kumaway muna sa kanya bago lumabas ng tindahan.

"Boyfriend pala kita?"ang natatawa niyang winika saka impit na napatili nang haklitin ni Andrew ang baywang niya. Silang dalawa nalang noon at nakaalis narin ang violinist na nakita niyang sumunod kay Sam.

"Fiance dapat ano? Or para mas maganda sa pandinig husband-to-be nalang?" anitong hinalikan siya pagkatapos.

Napahagikhik si Lana sa ginawing iyon ng binata. "Tumigil ka, mamaya makita tayo ng mga empleyado mo" aniyang pinakawalan ang sarili mula sa mahigpit nitong pagkakahapit sa baywang niya.

Noon inilapit ni Andrew ang bibig nito sa kanyang tainga saka siya binulungan. "Tayong dalawa lang dito ngayon" anito kinagat pa ng bahagya ang dulo niyon kaya marahas na napasinghap ang dalaga.

"N-Nasaan sila?" hindi niya naitago ang matinding epekto sa kaniya ng ginawang iyon ng binata.

"Nasa conference room, pep talk" anitong tumawa ng mahina bagaman makahulugan.

Napangiti ng maluwang si Lana nang makuha ang ibig sabihing iyon ng lalaki. "O-Okay, nauunawaan ko na" aniya pang tumawa narin ng mahina pagkuwan.

"Date tayo?" tanong ni Andrew sa kanya na inakabayan siya pagkatapos.

Tiningala niya ang binata habang palabas na sila ng shop. "Saan?"

"Sama ka sakin?" tanong ulit nito na nangingislap ang mga mata.

Nakatunog si Lana kaya natawa siya ng mahina. "Ibang date na naman iyan ah!" pabulong niyang sabi saka kinurot sa tagiliran ang binata.

"Hindi ah, basta sumama ka lang sa akin" ang binata na hinawakan ang kamay niya.

Humaplos sa puso ni Lana ang ginawing iyon ni Andrew. Hindi iyon ang unang pagkakataon na naglapat ang mga palad nila pero pakiramdam niya iyon ang una. At iyon rin ang nakikita niyang dahilan kung bakit ang saya-saya niya.

Masarap na kilabot ang gumapang sa kabuuan niya nang maramdaman niya ang marahang pagpisil pa ni Andrew sa kamay niyang hawak nito. Nasa elevator na sila at hindi iyon binitiwan ng binata. Nang hindi makuntento at itinaas pa nito ang kamay niya saka iyon hinalikan.

Magaganda ang ngiti ng mga empleyado sa kanya. Halatang masaya ang mga ito para kay Andrew na nakikita sa mismong mata ng mga ito.

"This is my office, para sa kaalaman mo as my future wife you can visit me here anytime, kahit walang appointment," ang binatang pinatuloy muna siya sa loob ng malawak nitong opisina.

Kinilig na naman ng lihim si Lana sa sinabing iyon ni Andrew. "I wonder kung ilang babae na ang napapasok mo rito kahit walang appointment?" aniyang sinundan ang sinabi ng mahinang tawa.

Magsasalita pa sana si Andrew nang bigla ay nakarinig sila ng magkakasunod na katok sa pinto pagkatapos ay bumukas iyon at iniluwa ang isang babaeng sa tingin ni Lana ay nasa pagitan ng forty to fifty ang edad.

"Oh sorry sir, I didn't mean to interrupt" anitong umakma na muling isasara ang pinto pero napigil iyon ng magsalita si Andrew.

"It's okay, wala ka kasi sa table mo kanina Mrs. Valdez" ang binata na sinenyasan ito kaya tuluyang pumasok ang ginang sa loob na sa kaniya napako ang paningin. "anyway, this is Lana, my fiancee. Sweetheart siya ang sekretarya ko, si Mrs. Rowena Valdez" pagpapakilala ni Andrew.

"Ngayon nauunawaan ko na kung bakit palagi kang masaya hijo," nasa boses ng ginang ang labis na kasiyahan saka pinaglipat-lipat ang paningin sa kanila ng binata. "oo nga pala, pauwi na ako, may gusto ka pa bang ipahabol na gustong ipagawa? Gusto mo bang i-order ko kayo ng pagkain?" pagkuwan ay tanong nito.

Maganda ang pagkakangiting sinulyapan siya ni Andrew saka pagkatapos ay kinindatan. "Yes please?" sagot ng binata.

Mabilis na pinamulahan si Lana sa ginawing iyon ni Andrew. Ilang sandali lang at naiwan na silang dalawa roon. Noon siya hinila ni Andrew paakyat sa isang spiral staircase. "Saan tayo pupunta?"

"Ipapakita ko lang sa'yo ang penthouse ko," sagot nito saka sa nangingislap na mga mata ay umangat ang sulok ng labi para sa isang pilyong ngiti.

Agad na kumabog ang dibdib ni Lana. "A-akala ko ba?"

Amused na tumitig sa kanya si Andrew na nahinto sa pag-akyat ng hagdan. "Oo nga, ipapakita ko lang sa iyo ang penthouse ko na soon sa iyo narin" paliwanag nito sa masiglang tono.

Speechless na napatango lang si Lana. Pagkatapos ay kusang napasunod kay Andrew. Sa itaas ay bumati sa kaniya ang isang classic penthouse na karamihan ay yari sa kahoy ang mga muwebles at iba pang pangunahing kagamitan.

"Wow!" ang humahangang naisatinig ng dalaga.

"Nagustuhan mo?" si Andrew sa kanya.

Magkakasunod na tumango ang dalaga. "Ang ganda. Kaya lang, hindi mo pa sinasagot ang tanong ko. Ilang babae na nga ba ang nadala mo rito?" tanong niya ng may halong panunukso ang tono.

Noon pumalatak si Andrew saka siya hinaklit muli sa baywang. "Ikaw palang, sa maniwala ka man o hindi" anito sa ngayon ay seryoso ng tinig habang nakatitig sa kaniyang mga mata.

Agad na gumapang ang masarap na kilabot ng kuryente sa ginawang pagtitig na iyon sa kanya ng binata. Pagkatapos, nang makabawi ay natatawang napalabi ang dalaga. "Ows?"

Nagkamot ng batok nito si Andrew. "Iyon ang totoo. Ang totoo private ang penthouse na ito sa akin at pamilya ko lang ang pinapatuloy ko rito. Kahit si Patricia hindi iyon nakatapak rito, hanggang office lang siya" giit ng binata.

"Patricia? Talent manager? Hindi ba kayo nun?" bahagyang nilukob ng hindi maipaliwanag na selos ang puso ni Lana sa kaisipang iyon.

Umiling si Andrew. "Marami ka pang dapat malaman at sa mga susunod na araw isa-isa ko silang sasabihin sa iyo. Pero sa ngayon gusto ko lang malaman mo na walang kami ni Patricia. May nangyayari noon, oo pero walang ibig sabihin ang lahat" sa isang iglap ay biglang napuno ng tensyon ang kabuuan ng penthouse.

Tumango-tango si Lana. "I believe you" pagsasabi niya ng totoo.

Mabilis na umaliwalas ang mukha ni Andrew dahil sa sinabi niyang iyon. "Talaga?" ang masaya nitong tanong.

Noon hinaplos ni Lana ang mukha ng binata. "Simula ngayon lahat ng sasabihin mo ay paniniwalaan ko kasi may tiwala ako sa'yo" aniya.

Niyuko siya ni Andrew saka masuyong hinalikan ang kaniyang noo. "Thank you sweetheart, thank you so much" ang binata. "halika, ipakikita ko sa iyo ang kwarto" sa huling sinabi ay makahulugan ang ngiting pumunit sa mga labi ni Andrew.

Napasunod si Lana sa binata nang hilahin siya nito patungo sa kwarto kung saan bumati sa kanya ang isang maganda at antique na four poster bed na yari sa kahoy na narra.

"Ang ganda" ang humahanga niya sabi saka humakbang palapit sa higaan. "pero mas maganda kung lalagyan mo ito ng kurtina, kagaya ng ginagawa nila noong panahon ng mga Kastila" anang dalaga.

"Ikaw na ang bahala, you know what to do" si Andrew na nakangiti na nakuha naman niya ang ibig sabihin. "halika na, baka nasa baba na ang pagkain natin" anitong iniabot ang kamay sa kaniya.

Noon parang wala sa loob na napatitig si Lana sa kamay ni Andrew. "Oh, bakit?" makalipas ang ilang sandali ay tanong ng binata na noon lamang niya napunang nakatitig pala sa kanya.

Parang nahimasmasan namang sumagot ang dalaga. "W-Wala," aniya saka magkakasunod na umiling pagkatapos ay tinanggap ang kamay ni Andrew.

Sa paglalapat ng mga palad nila ay saka siya hinila ni Andrew payakap rito. Nag-iinit ang damdamin nalang gumanti si Lana ng mahigpit ring yakap sa binata. 

"Promise me na kahit anong mangyari sa akin mo lang iaabot ang mga kamay mo" si Andrew sa isang madamdaming tono.

Pumuno sa puso ni Lana ang sinabing iyon ng binata kaya parang may sariling isip ang mga kamay niyang mas humigpit pa ang pagkakayakap sa lalaki. "Promise" sagot ng dalaga.

Totoo iyon sa loob niya, hindi niya kayang ibigay sa iba ang mga kamay niya dahil para sa kaniya ang mga ito ang karugtong ng puso ng isang tao. 

Iyon ang dahilan kung kaya nakakaramdam siya ng maraming magagandang emosyon kapag hawak ni Andrew ang kamay niya, dahil kapag hawak ng binata ang mga kamay niya, parang hawak narin nito pati ang puso niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.