KINAGABIHAN ay nagpunta sina Guji at Lady sa isang night bar. Pero hindi isang night bar kung saan puro mga nagsasayawang tao at nag-iinuman ang napagpasyahan nilang puntahan. It was like a comedy bar kung saan mayroon ding liveband na magpe-perform after ng mga okrayan. May party rin naman kung saan puwedeng mag-sayaw at mag-inuman ngunit pagkatapos iyon ng comedy programs.
Pagkatapos nilang mag-usap tungkol sa problema nito kanina ay naging okay na ang aura nito. Naging katulad na muli ito ng dati. Naging madaldal na muli ito at sweet sa kanya. Sinunod naman niya ang gusto nito pagbalik nila sa hotel. Nang hapon ay nag-swimming sila sa dagat at nang magsa-sunset na ay sabay silang nanood noon habang nakaupo sa buhanginan. All went well the whole afternoon. Nangyari ang expectation niya na magiging masaya ang araw na iyon dahil kasama niya si Guji sa isa sa pinakamagandang lugar sa buong mundo.
Umupo sila sa pinakaharapang table ni Guji nang makarating sa bar. Alam nilang iyon ang pinakanaookray na puwesto pero dahil nandoon sila upang mag-enjoy, hinayaan na lang nila. After all, napag-usapan na din naman nilang hindi sila mapipikon kahit lait-laitin silang dalawa ng mga host.
Nag-umpisa ang program mga bandang alas siyete y medya ng gabi. Tawa sila nang tawa ni Guji sa mga sinasabi ng mga baklang host. Nakakatawa kasi ang usapan ng mga ito lalo na kapag nangagaya pa ito ng mga sikat na lines o eksena sa TV. Halos kabagan na siya kakatawa. Mga ilang sandali pa ang lumipas at nagsimula nang mang-okray ang mga host. Hindi sila ang unang inokray ng host pero hindi rin sila nakaligtas sa mga mata ng mga ito. Maya-maya pa ay tinawag si Guji ng baklang host.
“Ay ito, chika, guwapo!” sabi ng baklang host at nilapitan si Guji. “Hi Mr. Pogi. Ano’ng pangalan mo?”
Ngumiti naman si Guji sa mga ito. “Guji,”
“Wow, Sounds cute, huh? Kabit mo ba siya?” sabi naman ng isa pang host na tinutukoy siya.
Tumingin ito sa kanya. “Hmmm...Puwede rin,” sagot naman nito at ngumiti.
Napa-roll eyes na lang siya sa sinabi nito.
“Ay, like ko `yan! Ako puwedeng makikabit din?”
“Hindi puwede! Ako kaya ang asawa kaya bawal ang mga kabit, bakla!” sigaw naman dito ng isang bading. Tumawa na lang siya at si Guji. Pinapunta ng bading si Guji sa stage.
“Tell me, kabit mo ba talaga o legal `yang kasama mo sa may table kanina?” tanong ng bading habang nasa stage si Guji.
Tumingin naman sa kanya ang huli. “Sa tingin mo?”
“`Kabit. Hindi naman kasi siya maganda,” diretsahang sabi ng host. “Tignan mo `yong nose niya, hindi naman ganoon katangos. Iyong buhok niya may fly aways. And look at her boobs, hindi kasing laki ng kay Ara Mina! Dapat ang mga babaeng kinakaray mo, Kuya, `yung mga ganoon! Ang guwapo-guwapo mo kaya!”
Nagtawanan ang mga tao. Kahit siya ay nakitawa na din. Hindi naman kasi siya pikon. Alam niyang lokohan lamang ang mga iyon. Pero si Guji, parang nag-iba ang reaksyon.
“Girlfriend ko siya,” biglang sabi ni Guji. Parang madilim ang mukha.
“Oh, talaga? Mag-break na kayo. Tayo na lang,” kumapit pa ang bading sa braso ni Guji. Agad namang inalis iyon ni Guji.
“Ayaw ko nga. Bababa na nga ako,” sabi nito at nagsimula nang maglakad pababa ng hagdan.
Pinigilan naman ito ng bading. “Ay, ay, si Mr. Pogi, napikon agad!” natatawang sabi nito. “At ano ang ating ginagawa sa mga pikon?” itinapat pa nito ang microphone sa harap ng maraming tao.
“Kakanta! Kakanta!” sigaw naman ng ito.
“Tama! Kaya Mr. Guwapo, you have to sing a song,”
“What? Hindi ako pikon!” pagtanggi naman ni Guji kahit na ba nahalata na sa boses nito ang pagkairita.
“Sa tingin niyo ba, hindi pikon ang itsura na ito?” tanong pa muli ng host.
“Pikon `yan!” sigaw nang karamihan sa mga tao.
“O, pikon ka daw! Ikaw, huh? Kaunting panlalait lang ang ginawa ko, nagalit ka na,”
“Laitin mo na ako, huwag lang siya,”
“Wow! Overprotective? It seems like na mahal na mahal mo siya,” nakangiting sabi ng host at kinuha ang songbook mula sa isang upuan. “O, para mas lalo mong maipakita ang iyong pag-ibig, kantahin mo ang themesong niyo,”
“We don’t have a themesong. Pang-teenager lang iyon,”
“Edi iyong song na lang na gusto mong i-dedicate sa kanya,”
Napilitan naman si Guji na tanggapin ang songbook at namili ng kanta. Mayamaya pa ay pumainlang ang isang pamilyar na kanta sa kanya ng bandang Silent Sanctuary.
“Di ko maintindihan ang nararamdaman ng puso...Tuwing magkahawak ang ating kamay...” pagsisimula sa kanta ni Guji. Nakatingin ito ng diretso sa kanyang mata habang kinakanta nito iyon. His eyes look so sincere as he sings the song to her. Bagay rin sa boses nito ang kanta. Hindi tuloy niya maiwasang hindi mamula ang mukha. Halos lahat yata ay nakatingin sa kanilang dalawa na para bang kilig na kilig.
“Pinapanalangin lagi tayong magkasama... Hinihiling bawat oras kapiling ka... Sa lahat ng aking ginagawa... Ikaw lamang ang nasa isip ko sinta.... Sana’y `di na tayo magkahiwalay... Kahit kailanpaman....”
“Ikaw lamang ang aking minamahal... Ikaw lamang ang tangi kong inaasam... Makapiling ka habangbuhay, ikaw lamang sinta... Wala na akong hihingin pa... Wala na....”
Para siyang isang dalaga habang hinaharana ng isa sa mga manliligaw nito. Lalo pang sumaya ang pakiramdam niya ng maya-maya ay bumaba ito ng stage at kinuha ang kamay niya. Kung kanina ay pagkairita ang larawan sa mukha nito, iba na ngayon. Tila aliw na aliw pa ito habang kinakantahan siya. Dinala siya nito sa stage at inakbayan pa habang kinakanta siya.
She feels like she was on cloud nine. Gusto rin niyang hindi na matapos ang moment na iyon. They looked like a very loving couple. Napakasarap din pakinggan ng boses nito habang binibigkas nito ang nakakapagpalambot ng pusong lyrics ng kantang iyon. Kung sana nga lamang ay totoo katulad ng lyrics ng kanta na kinanta nito ang nararamdaman nito sa kanya...
NANAKIT na ang balikat ni Lady habang inaalalayan niya si Guji na maglakad papunta sa hotel room nito. Lasing na ito dahil pagkatapos ng party ay naparami ng inom ito. Hindi ito nagpapigil na mag-inom kahit ilang beses niyang inawat ito. Katwiran nito ay last day na naman nila doon kaya pagbigyan na niya ito.
Naka-sampung bote yata ito ng beer kaya naman halos hindi na ito makalakad papunta sa hotel. Mabuti na lamang at hindi ganoon kadami ang nainom niya at nasa huwisyo pa ang katawan niya kaya naakay niya ito.
Pagdating niya sa hotel room nito ay agad na ibinababa niya ito sa kama. Sandaling hinilot-hilot niya ang balikat niya pero natigil din iyon nang biglang hablutin nito ang baywang niya dahilan para mapahiga din siya sa kama katabi nito.
“Hmmm... `Bangow mo pa rin kahit gabi na,” sabi nito at sinamyo-samyo pa ang leeg niya habang nakapikit.
Inawat naman niya ito sa ginagawa sa pamamagitan ng pag-alis ng kamay nito sa baywang niya. “Nanaginip ka na yata, eh,”
Dumilat ito at hindi siya hinayaan sa ginagawa niya. Mas lalo pa nga siya nitong nilapit papunta dito. Magkadikit na magkadikit tuloy ang katawan nila habang nakahiga sa kama. “Sleep with me, Honey,”
“What?! Nanaginip ka na yata, Guji! Hindi mo ako girlfriend kaya huwag mo akong maganyan-ganyan. Imaculada Concepcion pa ako!”
Natawa naman ito sa sinabi niya. “No. I won’t do anything bad to yow. I just want yow to ishleep by my side,”
“How can I be sure? Lasing ka,”
“Hindi ako lashing,” sabi nito pero halata na naman sa boses na lasing na ito. “Pleash? Matulog ka na sa tabi ko,” niyakap pa siya nito para siguraduhing hindi siya makawawala.
Aangal pa sana siya pero biglang lumapit ang mukha nito sa mukha niya. Inilapat nito ang labi nito sa labi niya.
Lalo siyang hindi nakaangal dahil sa ginawa nito. Langhap niya ang amoy ng alak mula sa labi nito pero hindi niya maggawang magreklamo. Dumiin ang labi nito sa labi niya and she felt like she was going to lose her sanity anytime. Mas masarap pa iyon kaysa sa first time siyang mahalikan nito.
She wanted the kiss to go on forever. Binubuhay noon ang lahat ng parte ng katawan niya. Bigla din siyang naging high kahit na ba kanina ay inaantok na siya dahil mag-aalas-dose na ng gabi. Pero hindi nangyari ang gusto niyang forever dahil pagkatapos ng ilang sandali ay itinigil ni Guji ang paghalik sa kanya. Lumupasay ito sa kama at nakatulog na.
Hindi niya alam kung matatawa o madidismaya dahil sa nangyari. Kung si Sleeping Beauty ay nagising nang mahalikan ng Prince Charming nito, ito naman ay kabaligtaran noon. Napa-iling-iling na lamang siya habang tinitignan ang mukha nitong tahimik na natutulog na.
Pero kahit mahimbing na ito ay hindi pa rin siya umaalis sa tabi nito. Kinapa niya ang damdamin niya habang nakatitig sa napakaguwapong mukha nito. There and then, she finally admitted to herself that moment that she was really in love with Guji. Dahil kung hindi, hindi siya makakaramdam ng kakaibang saya sa habang kasama ito. Hindi siya kinikilig sa mga ginagawa nito. Hindi lumalakas ang tibok ng puso niya kapag hinahawakan nito ang kamay niya at hindi rin mangangatog ang tuhod niya kapag tumitingin ito sa kanyang mga mata. Dapat din ay sinapak na rin niya ito dahil br-in-eak nito ang rule na ginawa niya para sa kanilang dalawa.
Maari ngang matagal na niyang nararamdaman na in love siya dito pero natatakot siyang aminin iyon kahit sa sarili niya. Bago rin kasi sa kanya ang pakiramdam na iyon kaya hindi niya gaanong nasigurado kung totoo ba ang mga iyon. Pero nang mga sandaling ito, naramdaman niyang alam na niya na love nga ang nararamdaman niya para kay Guji.
Nanatili siyang nakahiga sa tabi nito at napagpasyahan niyang sundin ang gusto nito. She slept with him. Pagbibigyan niya ito at ang sarili niya dahil natatakot siyang baka sa susunod ay hindi na niya maggawa iyon. Hindi man niya alam kung kailan matatapos ang usapan nila ni Guji pero sigurado siyang panandalian lamang iyon kaya habang nasa piling pa siya nito ay lulubus-lubusin na niya ang sayang dulot sa kanya ng presensiya nito.
CHAPTER SEVEN
MASAKIT na masakit ang ulo ni Guji nang imulat niya ang mata niya ng mga sandaling iyon. Kahit ang kanang braso din niya ay nanakit sa hindi niya malaman na kadahilanan. Nangangalay iyon na para bang may dumantay doon na isang mabigat na bagay. Wala naman siyang maalalang ginawa niya doon kagabi para mangalay iyon ng ganoon kaya naman tinignan niya iyon.
Sa pagbaba ng mata niya sa kanyang braso ay nakita nga niyang may magdamag ngang dumantay doon. Pero sa halip na mainis ay napangiti siya nang makita ang natutulog na imahe ni Lady sa tabi niya.
Tila nawala ang lahat ng sakit na nadarama niya nang masilayan niya ang mukha nito. Heaven, he silently uttered. Para kasing ganoon ang nararamdaman niya habang tinitignan niya ito. Ang sarap ng pakiramdam niya at para bang nang mga sandaling iyon ay nahihiling niyang sana ay ganoong eksena ang madadatnan niya tuwing umaga.
Gusto niyang matawa sa kanyang naiisip. Why the hell he was thinking of having forever with Lady? Ngayon lang pumasok sa isip niya ang ganoong kaisipan. Wala ni isa man sa mga babaeng nakasama niya sa kama ang naisipan niya ng ganoon. Ni wala ngang nangyari sa kanilang dalawa at nasisigurado niya iyon dahil wala naman siyang nararamdamang kakaiba sa katawan niya. Sinunod lang siguro nito ang gusto niyang matulog ito sa tabi niya.
Last night was one of the best nights in his life. Alam niyang napikon siya sa sinabi ng gay host kagabi sa may night bar dahil nilait nito si Lady sa harapan niya. He can’t help but get mad. Ewan niya ba kung bakit ganoon na lang ang pakiramdam niya nang sabihin nitong hindi maganda si Lady. Bigla siyang napikon kahit na ba naitatak na niya sa utak niya na bawal siyang mapikon. Nainis siya sa sinabi nito. Para sa kanya ay si Lady na ang pinakamagandang babae para sa kanya.
Kaya iyon tuloy at napasabak siya sa kantahan. Pinili niya ang kantang “Ikaw Lamang” ng bandang Silent Sanctuary dahil para sa kanya ay iyon ang natatamang kanta para kay Lady. Si Lady lamang kasi ang nagbibigay sa kanya ng mga kakaibang pakiramdam.
At habang nakanta siya sa stage ay nawala lahat ng inis niya dahil masyado niyang na-feel ang kanta. Para siyang isang manliligaw na umaakyat ng ligaw sa pamamagitan ng harana sa isang babae. Aliw na aliw siya. Lalo na nang iakyat niya sa stage si Lady at doon itinuloy ang pagkanta.
Pagkatapos noon ay nag-inom siya dahil sa sayang nararamdaman niya. Ganoon kasi siya kapag masaya siya. Palagi niyang isinasama ang alak sa kasiyahan niya. Kaya tuloy kagabi ay naparami ang inom niya dahil masaya siya.
Pero kahit nahihilo at hindi na makalakad ng husto ay alam pa din niya ang ginagawa niya. Kahit balu-baluktot na siyang magsalita ay alam niyang hinalikan niya ito. That kiss was so awesome na nangangamba siyang kapag hindi pa siya tumigil ay baka masira niya ang binitawan niyang salita dito na hindi niya ito gagawan ng masama. Ang hindi niya nga lamang niya napigilan ay ginawa niyang paghalik dito dahil buong maghapon niya yatang iniisip iyon. Kaya nga lamang ay grabeng pagpipigil ang ginawa niya para lamang tapusin iyon. He respected Lady so much and he don’t want to take advantage of having sex with her then and there. Mistulang pinagmukha na lamang niyang tanga ang sarili dahil nagkunwari siyang nakatulog na.
Ngayon lamang siya nakaramdam ng ganoong pakiramdam sa buong buhay niya. Masasabi niyang napakasarap noon pero hindi niya maiwasang matakot. Can that feeling take him forever? Sanay siya sa presensiya ng iba’t ibang babae at hindi niya alam kung kaya na talaga niyang magseryoso. Lady is a woman a guy should be serious of. He was afraid he might not be the man for her.
Pero hindi ba’t simula nang magkakilala kayo ay wala ka ng nilabas pang ibang babae? Or even got attracted with them? Sigaw naman ng isang parte ng isip niya. Totoo ang lahat ng iyon. Kahit paminsan-minsan ay bumabalik pa rin siya sa bar, wala na siyang nagiging interes sa mga babae doon. Palaging occupied ni Lady ang isipan niya. Gusto niya itong palaging kasama at nakikita. Kaya nga kahit wala naman sila sa harap ng pagkukunwarian nila ay nanatiling sweet pa rin siya dito.
Gumalaw-galaw si Lady sa tabi niya pero hindi pa rin naalis ang tingin niya sa mukha nito. Instead, he inhaled her scent. Ang bango-bango talaga nito kahit kahapon pa ito mula nang huling naligo.
“Good morning,” bati niya dito nang magmulat ito ng mata at tumingin sa kanya.
“Good morning,” bati din naman nito sa kanya at ngumiti. Mukhang maganda ang gising nito ayon na rin sa ngiti nito. Lalo lamang sumarap ang pakiramdam niya.
I could really get used to this...
ABALA si Lady sa pizza house business niya nang makita niya na nag-text sa kanya ang Mommy ni Guji. Hindi na siya nagtaka nang mag-text ito sa kanya dahil mamayang gabi ay may usapan silang makakasama niyang mag-dinner ito at si Guji. Pero nang mabasa niya ang text nito ay biglang may tumahip sa dibdib niya nang makitang hindi iyon tungkol sa dinner nila. It was about Guji at sinabi nitong may sakit ang huli. Sinabi nitong kung puwede daw niya sanang puntahan ang anak nito dahil nagtext ito dito na masama ang pakiramdam nito. Hindi naman daw kasi makakapunta agad ang ginang dahil nasa Batangas ito at pauwi pa lamang dahil may pinuntahan ito doong kaibigan.
Dalawang araw na ang nakalilipas simula nang makarating sila sa Maynila. Pagkatapos ng nangyari sa kanila doon ay hindi pa muli sila nagkikita ni Guji. Pareho kasi silang naging abala sa trabaho kaya nawalan sila ng oras sa isa’t isa. Gayunpaman, hindi naman nila pinuputol ang koneksyon sa isa’t isa. Araw-araw silang magka-text at madalas pa nga ay nagtatawagan.
Pero kung kani-kanina ay nagtataka siya dahil hindi pa nagte-text sa kanya si Guji kahit simpleng “good morning” para sa araw na iyon, ngayon ay nasagot na ang tanong niya. Iyon pala ay masama ang pakiramdam nito.
Kaya naman dali-dali niyang tinapos ang ginagawa at nagpunta sa condominium unit ni Guji. Nagdala din siya ng pizza para dito galing sa pizza house niya.
Nag-buzz siya sa pinto ng unit dahil naka-lock iyon. Hindi niya alam ang electronic password noon dahil hindi naman nila iyon napapag-usapan ni Guji. Ang inaasahan niya ay ang mahinang anyo ni Guji pero hindi iyon ang bumungad sa harap niya. Bagkus ay isang babae na naka-white na tube at black shorts ang sumalubong sa kanya.
“What do you want?” nakataas pa ang isang kilay na sabi nito.
Bagkus na sagutin ang tanong nito ay iba ang nasabi niya. “Sino ka?”
Lalong tumaas pa ang arko ng kilay nito sa tanong niya. “I’m Ladine and one of Guji’s girls. Ikaw, isa ka rin ba sa mga babae niya?”
Para siyang tinulos nang marinig niya ang tanong nito sa kanya. Ano ba ang kailangan niyang sabihin sa isang ito? Na siya ay girlfriend ni Guji kahit kunwa-kunwarian lamang? Pakiramdam niya ay na-insecure siya bigla lalo na nang matignan niya ang itsura nito. Malayong-malayo ang ganda niya sa ganda nito lalo na ngayong ang suot niya lamang naman ay t-shirt at jeans. Kahit gusto siya ng Mama ni Guji para dito, hindi niya alam kung tama bang mas maipagmalaki niya ang sarili niya kaysa sa babaeng nasa harap niya. Isama pa na biglang pumasok sa isip niya ang article na nabasa niya sa diyaryo. Malayong-malayo siya sa mga babaeng madalas ay kasama ni Guji.
“Ah, eh---“
“So babae ka nga niya. Ikaw ba iyong Lady? Iyong latest niya?”
“Hindi ako babae ni Guji,” tanggi niya. She just can’t accept the fact na ihahain siya bilang isa sa mga babaeng katulad nito. Pakiramdam niya ay napakababa niya kung ganoon. Pero kung ipaglalaban naman niya ang salitang “girlfriend” siya nito ay natatakot siya. Hindi niya alam kung dapat niya bang sabihin iyon dahil hindi naman iyon totoo. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nila napapag-usapan ni Guji kung ano ang mayroon sa kanilang dalawa kaya isang nagpapanggap na nobya pa rin ang estado niya sa buhay nito.
Pero kahit ba sa babaeng ito ay dapat pa rin akong magpanggap?
Bago pa makapagsalita muli ang babae ay may sumigaw mula sa loob ng unit. “Ladine, I need you. Can you please massage my body? I feel so sick,”
Tumingin sa kanya ang babae at ngumiti. Ngiting nakakaasar para sa kanyang paningin. “Narinig mo ba `yon? Kailangan ako ni Guji ngayon kaya kung ano `yang gusto mo ay sabihin mo na,”
“Pakibigay na lang ito sa kanya,” bagkus ay nasabi na lamang niya at inabot ang dala niyang pizza. Lumakad siya papunta sa elevator at bumaba ng building na iyon.
Pakiramdam niya ay tinamaan siya ng kidlat habang naglalakad paalis. Parang tinamaan lahat ng mga pantasya niya lalo na nang marinig niya ang sinabi ni Guji na kailangan nito ang Ladine na iyon. Pumasok sa isipan niya na dahil sa nangyari na hindi naman talaga siya ang pinakakailangan ni Guji. Nagtatampo siya. Bakit si Ladine, nagawa nitong sabihan na kailangan nito samantalang siya, ni hindi nagawang i-text nito? Kaya naman niyang masahehin din ang katawan nito. Kaya niyang alagaan ito. Pero iyon siya, kaya nagpunta doon ay dahil sa sinabi lang ng Mama nito.
Tuloy, naisip niyang baka hindi naman talaga siya mahalaga para kay Guji. Nagpapunta pa ito ng ibang babae para alagaan ito samantalang puwede naman siya ang gumawa noon.
Ngayon niya naintindihan kung bakit palagi na lamang umiiyak si Claudine sa kanya nang mag-break ito at si Rene. Masakit din pala talaga ang umibig. Lalo na kapag pakiramdam mo ay wala kang halaga sa taong mahal mo.
Napabuntong-hininga siya. Masama ang loob niya pero pinigilan na naman niyang sumama ang loob. Wala naman siyang karapatan dahil hindi naman totoo ang relasyon nila ni Guji. Siya kasi, masyado siyang umaasa. Masyado siyang nadala sa mga eksena. Iyan tuloy, pati pagsama ng loob, kailangan niyang pigilan.