Chapter 21

NAKANGITING pumasok si Lady sa opisina ni Guji. Ngayong araw ay may usapan silang magdi-dinner. Ang sabi nito sa kanya kanina ay susunduin na lang daw siya nito mamaya para sa dinner date nila pero dahil sinabi niyang siya na lamang ang pupunta dito sa opisina nito dahil hindi naman siya busy sa trabaho, pumayag ito. Maganda nga iyon para mapadali na ang biyahe nila dahil mula sa opisina nito papunta sa pizza house niya ay kumakain na ng higit sa treinta minutos na biyahe dahil sa traffic.

Gusto niyang i-spend nang matagal ang araw na ito para kay Guji dahil aalis ito ng bansa bukas para sa isang business trip. Isang linggo itong mawawala kaya mami-miss niya ito.

Absent ang sekretarya nito kaya naman hindi na niya kailangan pang magpasabi dito na nandoon siya. Sanay na rin naman si Guji na basta-basta na lamang siya pumapasok sa opisina nito kapag pumupunta siya doon kaya naman alam niyang hindi ito magagalit kung basta na lamang siya pumasok.

Nang malapit na siya sa opisina nito ay nasilip niyang bukas ang pinto at narinig niyang may kausap itong lalaki. Naisip niyang huwag munang pumasok at maghintay na lamang sa paglabas ng kausap nito. Nakinig at panaka-naka na lamang siyang tumitingin sa may pinto. Nagulat pa siya nang makilalang si Rene ang kausap nito.

“Pare, napapansin ko, dalawang buwan ka na yata kita hindi nakakasalamuha sa bar, ah. Ano’ng problema mo?”

“Wala akong problema,” nakangiti pang sabi ng kanyang nobyo. “In fact, I am very happy. May girlfriend na ako for real, Pare. At seryoso na ako sa kanya,”

“Talaga? Anong nakain mo?!”

Nagkibit-balikat si Guji. “Ganoon talaga, eh. In fact, I’m gonna propose marriage to her tonight,”

Gustong manlaki nang kanyang mata sa narinig. Si Guji magpo-propose ng kasal sa kanya ngayong gabi? Naapakan na yata niya ang buhok niya dahil sa haba! Isang buwan pa lamang mula ng maging totohanan ang relasyon nila pero aalukin na siya ng kasal ni Guji.

Ganoon pa man, wala na rin naman siyang pakialam. Hindi naman sa nagmamadali siya pero dahil mahal niya si Guji at ito lamang ang lalaking nakikita niyang makakasama habang buhay ay alam na niyang isang matamis na “oo” ang isasagot niya.

“Shit man! You really surprised me! Sigurado ka na ba diyan, ha?!”

“Of course,”

“Talaga lang, ha? So tell me, bakit mo papakasalan ang babaeng iyon?”

“Well, sabihin na nating kakaiba siya sa mga babaeng nakakasalamuha ko noon,”

“Ano pa?”

“Kailangan ko pa bang isa-isahin? Basta, iba siya. Siya lamang ang tanging babae na nagparamdam sa akin ng ganito kaya pakakasalan ko siya,”

“Sigurado ka na ba talaga, Pare? Kaya mong mabuhay na iisang babae lamang ang laman ng buhay mo?”

“Siguro naman. Nakaya ko nga ng dalawang buwan na hindi tumitingin sa mga babae,”

“Maybe. Pero sa dalawang buwan ba na iyon, nagawi ka sa lugar kung saan hindi mo siya kasama at maraming nagrarampahang magagandang babae?”

Umiling ito. “Simula nang makilala ko siya, iniiwasan ko na iyon,”

“Iniiwasan,” hinmas-himas ni Rene ang baba nito. “Pero paano kung may isa o higit pang babae na lumapit sa `yo ngayon at sabihin sa `yong puwede mo silang lahat ikama, iiwasan mo rin ba iyon?”

“Teka nga, ano bang punto mo at sinasabi mo sa akin ang mga bagay na ito?”

“Pare, ang pag-aasawa, hindi `yan basta kanin na lamang na isusubo mo at kapag nainitan ka ay puwede mo ng iluwa. Maraming bagay na kalakip `yan. Maraming arte. Lalo na dito sa Pilipinas na puti na ang buhok ng mahihirap na gustong magpa-annul ay hindi pa rin annulled ang kasal. Kaya ako sa `yo, pag-isipan mo itong mabuti. Kailan lang ba kayo nagkakilala? Two months? It’s just a short period of time tapos aalukin mo na siya agad ng kasal?”

Nanahimik si Guji. Waring nag-iisip. Kinabahan tuloy siya.

Tinapik-tapik ni Rene ang likod ni Guji. “Alam mo, Pare, bata ka pa. Di ba beinte nuwebe ka pa lang tapos magse-settle down ka na agad? Mas mabenta daw ang lalaki kapag nasa treinta pataas na. At iyang nararamdaman mo? Ilang beses mo na ba `yang nasabi sa sarili mo? Siguro nga sinasabi mo sa sarili mo at sa babaeng iyon na in love ka na dahil bago ang nararamdaman mo sa kanya. Pero naisip mo bang kaya mo lang na-realize `yang mga ganyang bagay ay dahil kakaiba siya kaysa sa mga babaeng nakakasalamuha mo noon? Puwede nating sabihin na kaya ganoon iyon ay dahil bago lamang siya para sa `yo. Nage-gets mo ba ako?”

Tumango si Guji at bumuntong-hininga. Parang nalito ito bigla sa sinabi ni Rene.

Siya naman ay parang nanghihina dahil sa kanyang mga naririnig. Puwede nga kayang tama si Rene? Dahil lamang sa iba ang itsura at pag-uugali ng isang babae kaysa sa mga dati nitong nakakasalamuha ay magkaka-interes dito nang husto ang isang lalaki?

Nakaalala tuloy siya ng isang pangyayari noong highschool siya. Mayroong isa siyang kaklase na crush ng bayan at talagang lapitin ng mga babae. Kabi-kabila din ang mga girlfriends nito dahil sa angking kaguwapuhan nito. Halos sambahin ito ng mga kababaihan sa school nila. Then in everybody’s shock, niligawan nito ang school nerd ng batch nila. Hindi lamang basta nito niligawan ang babae, todong panliligaw pa ang ginawa nito dahil ayaw maniwala ng babaeng iyon sa totoong pakay ng lalaki. But in the end, nalaman nilang kaya pala pinormahan ng lalaki ang school nerd ay dahil gusto lang daw nitong ma-feel ang pumorma sa babaeng malayo sa liga nito. He said it was new but he found out that the feeling will not last for a lifetime because he got bored. Inamin nitong nasarapan ito sa ginawa pero sa huli ay hindi rin nito nagustuhan kaya hindi nagtagal ay tumigil din ito.

Paano kung ganoon rin pala ang nangyari kay Guji? Paano kung siya naman ang mabiktima ng mga ganoong false alarm na damdamin?

“O ano, Pare? Nakapag-isip ka na ba? Sabi ko sa `yo, eh, mag-isip ka muna before settling down. Or better yet, bago ka magseryoso. Dahil baka mamaya false alarm lang pala `yan,”

“I don’t know. Maybe,” sabi nito saka ngumiti kay Rene.

Ibig sabihin ba ng sagot nito ay may pag-asang ganoon nga talaga ang nararamdaman nito sa kanya? He could have said “I don’t know” only. But the maybe thing and the smile make her heart felt like ripped apart. And that was enough for her to leave that place.

LIMANG araw pa lamang nawawala si Guji sa Pilipinas ay miss na miss na ito ni Lady. Pakiramdam niya ay taon na ang limang araw na iyon. Araw-araw naman itong tumatawag sa kanya upang kumustahin siya pero nangungulila pa rin siya dito. Nami-miss niya kasi ang presence nito kapag katabi niya.

Naisip tuloy niya, paano pa kaya kung iwan siya nito? Naiisip pa lamang niya ay napapaiyak na siya. Madalas din pumapasok sa isip niya ang eksena sa pagitan nito at ni Rene habang nakikinig siya sa may pintuan. Paano nga kung magbago ang damdamin sa kanya ni Guji? Paano kung hindi naman pala siya nito tunay na mahal at false alarm lamang iyon kagaya ng sinasabi ni Rene? Natatakot siya. Hindi niya yata kakayanin na mawala si Guji sa kanya.

Kaya umalis siya sa opisina nito at hindi na nakipagkita kay Guji ng gabing iyon kahit na ba naging excited siya noong una dahil sa narinig niyang marriage proposal. Natakot siyang baka hindi naman ito sigurado at seryoso doon. Dinahilan na lamang niyang biglang sumama ang pakiramdam niya ng gabing iyon upang hindi na ito nagtaka. Sinabi nitong pupuntahan siya nito sa bahay niya upang kumustahin at alagaan pero pinagpilitan niyang huwag na. Hindi na naman ito nagpumilit at tinawagan na lamang siya ng gabing iyon.

Para sa kanya, wala namang problema sa sarili niya. Sigurado siyang mahal niya si Guji at kahit na ba sandali pa lamang silang magkakilala ay nakikita na niya ang sarili niya na masaya habang kasama ito sa pagtanda. Ang problema na lamang ay ito at ang tunay na nararamdaman nito sa kanya. Kaya naman sa kabila ng pangungulila niya dito, may isang damdamin pa rin na bumabagabag sa puso niya at iyon ay ang pangamba.

Kasalukuyan siyang nasa bahay nila at nanood ng TV nang sandaling iyon habang patuloy pa din na iniisip ang mga pangyayari. Naiisip niyang paano kaya kung makapag-isip-isip si Guji sa tunay na damdamin nito sa kanya dahil sa business trip nitong iyon? Sinasamahan pa ng naiisip niyang iyon ang isang beses lamang nitong pagtawag sa kanya kahapon at ngayong araw samantalang nitong nakaraang tatlo ay higit pa sa tatlong beses kung tumawag ito. Lalo tuloy siyang pinangangambahan.

Pilit niyang kinukubli sa sarili niya ang problemang iyon dahil natatakot siyang baka kapag sinabi niya iyon sa iba ay tumama ang opinyon ng mga ito sa opinyon ni Rene. Pero hindi niya akalaing mapapansin iyon ng kanyang Mama dahil habang nanonood siya ay tinanong siya nito kung may problema daw siya.

“Wala, Ma. I’m fine. Nami-miss ko lang si Guji,” pagdadahilan niya at pilit na ngumiti.

“I think, hindi lamang iyan ang problema mo. Kahit noong hindi pa umaalis si Guji ay ganyan ka na. Sabihin mo sa akin ang problema mo, Anak. I’m willing to help. May bumagabag ba diyan sa isip mo?”

Huminga siya nang malalim at sinabi sa kanyang Mama ang problema. Pakiramdam din kasi niya, kapag hindi niya sinabi ang problema niya ay sasabog na ang isipan niya sa kakaisip noon. “Natatakot ako, Ma. Paano kung hindi naman pala true love itong nararamdaman ni Guji sa akin?”

Hinagod-hagod ng kanyang ina ang likod niya upang pakalmahin siya. “Lahat ng tao may kinatatakutan. May mga taong takot sa palaka, sa ipis, sa multo o di kaya naman ay sa mga bagay na may kinalaman sa kanyang nakaraan na karanasan. Pero may mga tao din namang natatakot sa hinaharap, sa mga maaring mangyari kapag ginawa natin ang isang bagay. Sa mga commitment at sa mga pakikipagrelasyon. Ihahalimbawa ko sa iyo ang iyong ama. Natakot siyang panagutan ako dahil natatakot siyang matali sa isang relasyon na hindi niya gusto...

“Siyempre, nasaktan ako noong una dahil natatakot ako sa maaring mangyari dahil iniwan niya ako. Pero nanatili akong matatag sa kabila ng lahat. At anong nakuha ko pagkatapos ng lahat? Nagkaroon ako ng isang magandang anak na kagaya mo. Maganda, masipag at matalino,” tila proud na proud pang sabi ng kanyang ina.

Pakiramdam niya ay hinagod nang malambot na kamay ang puso niya. It was the first time she have a talk like this to her mother. Istrikta kasi ito noon pa man. Ayaw nito ng mga drama kaya naman hindi siya nag-o-open dito ng mga damdamin niya. Hindi rin ito nagsasalita sa kanya ng mga magagandang bagay tungkol sa sarili niya. Ngayon pa lamang kaya para siyang maiiyak ng mga sandaling iyon.

“Mahirap man ang pinagdaanan ko sa `yo noon, naging maganda naman ang bunga nito. Lahat naman ng tao nagdadaan sa hirap, eh. Marami ang dumadaan sa sakit at nasasaktan. Maraming pagkakataon din ang natakot ako. Pero ano bang maidudulot ng takot sa atin? Hindi ba at pahihirapan lamang tayo niyan? Payo ko lang, Anak, always think positive. Kapag marami tayong positive vibes sa katawan, madalas sumasama sa atin ang magandang kapalaran,”

“So sinasabi niyo po na dapat isipin kong totoo ang damdamin sa akin ni Guji, ganoon?”

Tumango ito. “Ako, bilang ina, ayaw kong nakikita kang nasasaktan o di kaya napapahiya lalo na sa harap ng maraming tao kaya nang makita ko ang larawan mo sa diyaryo na nakikipaghalikan kay Guji, nagalit ako. Nagalit din ako kay Guji noon habang hindi ko pa siya nakikita dahil sa ginawa niya sa `yo. Pero nang makita ko siya sa personal at nakita ko na parang sincere siya sa kunwariang pag-ibig pa lamang pala noon sa `yo, tinanggap ko siya. At hindi ako nagsisi nang ginawa ko iyon dahil nakita ko kung gaano ka niya iningatan kahit nang nagkukunwari pa lamang pala kayo. Kitang-kita ko sa mga mata niya na kung tignan ka niya ay para kang isang mamahaling krystal. Gusto ko siya para sa `yo lalo na at kitang-kita ko rin naman ang saya na nararamdaman mo habang kasama mo siya. Hindi rin ako nagalit sa kanya nang sabihin niya sa akin na nagpapanggap lamang kayo dahil naging mas mabuti pa nga ang naging interes niya sa iyo,

“Nararamdaman ko rin na tunay ka niyang mahal base na lamang sa mga ginagawa niya sa `yo. Maaring sandali pa lamang ang dalawang buwan para magpakasal sa kayo pero hindi basehan ang tagal sa isang matatag na relasyon. May mga tumatagal nga diyan ng mga sampung taon bilang magkasintahan pero hindi rin tumutuloy sa simbahan. Kaya kung ako sa `yo, Anak, huwag mong masyadong pakaisipin ang narinig mong iyon. Maaring nalito lamang si Guji dahil sa sinabing iyon ng kaibigan niya kaya ganoon na lamang ang nasabi niya ng sandaling iyon. Marami tayong “what-ifs” sa isip. Pero kung anuman ang naging desisyon ni Guji, isipin na lang natin na sana ay mabuti iyon. Kung hindi naman, tandaan mong nandito lamang ako sa tabi mo. Ako ang Nanay mo at malalapitan mo ako sa kahit anong oras na kailangan mo....”

Napayakap siya sa kanyang ina nang sinabi nitong iyon. She was very touched with her words. Tama ito. Kung sakaling magbago man ang isip ni Guji tungkol sa kanya, nandito naman ito para sa kanya. Hindi siya dapat matakot. Pero kahit ganoon pa man, umaasa pa rin siya na sana nga ay totoo ang pakiramdam nito na tunay nga siyang mahal ng lalaking pinakamamahal niya. She would think positive.

ARAW ng pagdating ni Guji kaya naman araw din sana na muli silang magkikita. Ang balak niya ay sunduin ito sa airport pero ang sabi nito ay bukas na lang daw sila magkita dahil may jetlag daw ito dahil sa biyahe. Nalungkot siya sa sinabi nitong iyon dahil missed na missed na niya ito pero mukhang umiiwas pa ito sa kanya. Iba kasi ang boses na ginamit nito sa kanya habang nag-uusap sila. Para itong naiirita na hindi malaman. Hindi niya alam kung ganoon ba talaga ang ugali nito kapag nagkaka-jetlag o di kaya ay naiinis lamang itong kausap siya.

Kaya naman buong maghapon ay malungkot siya kahit na ba maganda ang kita ng pizza house niya at lahat ng empleyado niya doon ay masaya. Pakanta-kanta pa ang mga ito ng love songs habang nagtatrabaho. Parang in love na in love ang mga ito. Minsan tuloy ay gusto na niyang mairita dahil lahat ng mga ito ay masaya at hindi man lang siya makahalo sa kasiyahan ng mga ito dahil sa problema niya kay Guji.

Nang mag-a-alas sais na ng gabi ay nag-request ang mga ito na maaga niyang isara ang pizza house. Normally ay mga alas-otso sila nagsasara pero dahil sa pagpipilit ng mga ito na isara na ang shop at dahil nakuha na naman nila ang target profit para sa isang araw, pumayag na rin siya. Minsan lang naman din mangyari iyon.

“Yehey!” masayang sabi ni Rina---ang empleyado niyang tumatao sa cashier. “Makakapagbonding tayo nang maaga, guys! Ma’am sama din kayo. Mag-food trip kami ng street foods ngayon,”

“Aba, kaya naman pala gusto niyo ng magsara, ha?! Maglalakwatsa lang pala kayo,”

“Eh, okay lang iyon, Ma’am. Minsan lang naman `di ba? Sama na kayo. Masaya ito for sure,” sabi naman ng waiter nilang si Gary.

Sandaling nag-isip-isip siya. Matagal na rin simula nang kumain siya ng street foods. Noong highschool at college siya at suki siya ng mga iyon kaya na-miss na din niya ang pagkain noon. Napagpasyahan niyang sumama na rin sa form ng “bonding” ng mga ito. Tuwang-tuwa naman ang lahat.

Dinala siya ng mga ito sa isang parke kung saan maraming nagtitinda ng street foods. Lahat sila ay maraming nakaing kwek-kwek, fishball at kikiam. Masaya siya kahit napaksimple lamang naman ng ginagawa nila.

Pagkatapos nilang kumain ay napagpasyahan ng mga itong mag-picture-an sa tabi. Dahil hindi siya mahilig sa mga ganoon, siya na lamang ang nagpresinta na kumuha ng litrato sa mga ito. Iniabot ni Rina ang cellphone nito na may camera sa kanya. Kinuha niya iyon pero nang makita niyang lowbatt iyon at hindi makakuha ng picture ay ibinalik niya iyon dito. Pero napakunot noo siya nang makitang ni isa sa mga kasama niya ay wala na sa lugar kung saan naroon ang mga ito kanina.

Lumingon siya sa paligid para tignan ang mga ito. Nalingat lamang siya sandali at nawala na ang mga ito sa harap niya. Gusto niyang mapapalatak. Pinaglalaruan yata siya ng mga empleyado niya.

Sa paglinga-linga niya sa paligid ay naagaw ng pansin niya ang isang batang may hawak-hawak na isang pumpon ng pink roses. It was one of her favorite flowers. Iyon din ang madalas na ibinibigay sa kanya ni Guji tuwing magbibigay ito ng bulaklak sa kanya. Hindi niya tuloy maiwasang malungkot habang tinitignan ang batang may dala ng pink na roses. Naalala kasi niya si Guji dahil doon pero wala naman ito sa tabi niya.

Ipinagpatuloy niya ang paghahanap sa mga kasama pero napatigil siya nang kulbitin siya ng batang may dalang pink roses.

“Ate, para sa `yo,” nakangiting sabi nito. Iniabot nito sa kanya ang bulaklak.

“Para sa akin? Bakit?”

“Basta. Para sa `yo,” sabi ng bata. Takang-taka naman siya habang kinuha ang paboritong bulaklak. Umalis na ang bata pagkatapos noon kaya naiwan na naman siyang mag-isa sa kawalan. Nilinga niya ang buong paligid at doon niya napansin na ang dami palang tao sa paligid na nakatingin sa kanya. Nasa gitna siya ng buong parke. Lalong bumakas ang pagtataka sa mukha niya. Ano bang mayroon at parang umaaktong weirdo ang mga tao ngayon? Una ay iniwan siya ng mga empleyado niya. Pangalawa ay may batang nagbigay sa kanya ng paboritong bulaklak niya at ngayon naman ay pinagtitinginan siya ng mga tao.

Pero bagkus na pansinin ang mga nangyayari sa paligid ay tinignan na lamang niya ang bulaklak ng bata at sinamyo-samyo iyon. Sa paglapit niya ng ilong sa bulaklak ay naramdaman niyang parang may malamig na bagay na dumampi din sa kanyang ilong. Minulat niya ang mata at doon niya nakitang may nakalagay palang singsing sa loob ng isang rose.

When the time she picked the rose inside the flower, biglang tumugtog ang isang pamilyar na tugtugin sa kanya. She lifted her head and her eyes met the eyes if the most handsome man she met in her life. He was smiling when he approach her.

“Will you let me slip that ring in your finger, Lady?” he said and looked at the ring she was holding.

“Guji...”

He took the ring and kneeled in front of her. “Will you marry me, Lady Joy Alonzo?”

Matagal bago siya nagsalita. Naguguluhan siya. Hindi niya inaasahang gagawin iyon ni Guji sa kanya ngayon lalo na sa harap pa ng maraming tao. “I don’t know what to say. Is this for real? Seryoso ka ba talaga, Guji?”

“Do you think I am going to kneel in front of you and this many people around if I am just joking, Lady? This is real and I am serious. Please say yes, Lady, and I will give you the world,”

Huminga siya nang malalim. She needs to comfront him now about his true feelings for her. “Wait. Before that, I want to ask some few questions about you, Guji,”

Kumunot ang noo nito at tumayo sa harap niya. “Ano iyon?”

“Do you really love me?”

“Of course. Mahal kita, Lady. Mahal na mahal. Aalukin ba naman kita ng kasal kung hindi?”

“Mahal mo ba ako dahil lamang kakaiba ako sa mga babae mo?”

“Hey wait, what are you talking about? Saan mo naman nakuha ang mga tanong na ganyan?”

“I heard the conversation between you and Rene the day before you left the country,”

“You were there? You’re eavesdropping?”

Tumango siya. “Narinig kong lahat ang pag-uusap niyo. Paano kung totoo nga ang mga theories ni Rene tungkol sa damdamin mo sa akin? Paano kung mahal mo lang pala ako kasi kakaiba ako sa mga babaeng na-link sa `yo noon?”

“So that’s the real reason kung bakit mo kinansela ang date natin ng gabi ding iyon dahil natakot kang komprontahin ako sa tunay na damdamin ko sa `yo?”

“Yes. Lalo na nang ngumiti ka pa kay Rene nang sabihin mong baka false alarm lang pala ang damdamin mo sa akin. I was afraid of asking you what the real score between your feelings for me kaya naman dinahilan ko na lamang na masama ang pakiramdam ko ng gabing iyon. Hindi ko yata kakayanin kung tama man ang theory niyang iyon sa `yo. I am afraid to lose you, Guji.”

“Iyon lang ba ang problema, Lady? Sasabihin ko sa `yong naguluhan din ako nang una niyang sinabi iyon sa akin. Maraming paano din ang pumasok sa isip ko. But in the end, I realized it’s not true. Bakit ang mga empleyado ko sa opisina? Mga simpleng tao at ganda lamang sila sa loob pero hindi ako nakaramdam ng ganito? Madalas din naman kaming nagkakalapit sa isa’t isa.

“Sa sinabi mo naman na pagngiti at sagot ko kay Rene tungkol sa sinabi niyang false alarm na damdamin ko sa `yo, ginawa ko iyon para tigilan na niya ako. Alam kong dinedemonyo lamang ako noon dahil isa ding dakilang playboy ang lalaking iyon. Hindi niya pa nararamdaman ang mga nararamdaman ko kaya hindi niya ako naiintindihan.

“Kahit sinuman ay hindi nagparamdam sa akin nang pakiramdam na dinudulot mo sa akin, Lady. You make my heart beat fast like there were jumping horses inside. You gave me an electrifying feeling whenever I hold any part of you and you gave me a wonderful feeling whenever I kissed you. Ikaw lamang talaga, Lady. You’re the only girl I want to spend my life with. Ikaw lang din ang babaeng gusto kong makasama na sumakay ng jeep at sabihing “`Ma, dalawang senior citizen po,””

“Guji...” she said and held his face. Niyakap niya ito. Ganoon din naman ang ginawa nito sa kanya. Now she knew the answers and she was so happy that it was all positive things. Guji will not leave her. Hindi totoo para dito ang theory ni Rene. “I love you. I love you so much,” naluluha ng sabi niya dahil sa kasiyahan.

“I love you, too, Honey. And I miss you. I miss you so damn much. It’s been hell away from you. Lagi kang nasa isip ko kahit nitong nakalipas na apat na araw ay naging busy ako masyado. Hindi ko yata kakayanin kung nagtagal pa at hindi kita agad nakita. Kaya naman pag-uwing pag-uwi ko pa lamang dito ay hinanda ko na agad ang espesyal na sorpresa na ito para sa `yo,”

“Wait, hindi ba at sinabi mo kay Rene na dapat ay magpropose ka na talaga sa akin bago ka pa umalis?”

“Yes. Pero napakasimple lamang noon. Isang special dinner lamang yata. Tayong dalawa lamang ang saksi. Nag-isip ako ng bago. I want something to be memorable. Iyong maraming witness para makita ng maraming tao kung gaano kita kamahal. Kaya naman kinuntsaba ko pati mga empleyado mo para dalhin ka dito. Nagbayad pa ako sa bata para ibigay ang bulaklak na `yan para sa `yo,”

“Oh Guji! You’re really something!”

“I know. But you will marry this something, okay? If you don’t say a certain answer that starts with letter “Y”, I’m gonna cry in front of this many people. I want to have my forever with you.”

“Gusto kong umiyak ka kaya hindi nagsisimula sa “Y” ang isasagot ko. It starts with letter “O”. Oo, of course and okay,” nakangiting sabi niya.

Tumawa naman ito. “At talagang gusto mo pang umiyak ako dito, ha?”

“Kaya mo ba?” paghahamon naman niya.

“Teka,” sabi nito at may nilabas na Vicks mula sa bulsa nito at pinahid sa gilid ng mata nito. Maya-maya pa ay may tumulo na ngang luha sa mata nito.

“Silly you,” natatawang sabi niya. “Bakit may dala kang Vicks?”

“Eh kasi, sabi ko nga sa `yo, may jetlag ako kanina. Masaki tang ulo ko kaya may dala ako. Hindi ko akalaing magagamit ko rin pala ito para sa request mo,”

Natatawang hinalikan na lang niya ito. Ginantihan din naman niya ang halik nito. Narinig niya ang palakpakan ng tao mula sa paligid nila. Mukhang masayang-masaya ang mga ito sa kanya. Pero wala na sigurong mas sasaya pa sa pakiramdam niya ngayong hinahalikan siya ng lalaking pinakamamahal niya at malapit na niyang maging asawa.

Life was really good after all.

THE END OF BOOK 3 FOREVER WITH YOU

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.