MABIGAT ang pakiramdam ng katawan ni James nang magising siya. Pero kahit ganoon ay nakakaramdam rin siya ng init at sarap sa nangyayari sa kanya ngayon. It felt like he just woke up in a cloud nine, kung hindi lang nakaramdam ng ngalay ang balikat niya. Pero hindi ang bigat na nararamdaman niya ang nagpagising sa diwa niya kundi ang pakiramdam na parang may nakatingin sa kanya.
Unti-unting iminulat niya ang kanyang mga mata. In-expect niyang ang mukha ni Frances ang makikita niya dahil nakatulog itong nakayakap sa kanya habang nanonood sila ng pelikula. Siya naman, dahil lihim na natuwa rin sa pagkakayakap nito sa kanya ay hinayaan na lang din na makatulog ito sa bisig niya. Nagdudusa man ngayon sa ngalay ang balikat niya, okay lang iyon dahil sa masarap na pakiramdam na bumalot naman sa loob niya habang katabi niyang matulog si Frances at nakayakap pa sa kanya. Nakatulog ito sa bisig niya kagabi habang nanonood sila ng pelikula. Inihigiga niya ito at dahil hindi naman niya napigilan ang sarili niya na matulog rin sa tabi nito ay pinilit niya ang sariling mahiga rin sa tabi nito. Nang tumabi naman siya rito ay niyakap siya nito. Ngayon ay pareho sila nakahiga sa sofa habang kaharap siya nito at ito naman ay nakaharap sa dibdib niya habang ang ulo ay nakaunan sa braso niya. Hindi ganoon kalakihan ang sofa kaya naman hindi rin napigilan ang puwesto na magkayakap sila habang natutulog.
Gusto sana niyang siya ang unang magising sa kanilang dalawa dahil gusto niyang titigan ito habang natutulog ito kagaya ng ginagawa niya noong nakita niya itong nakatulog sa sofa ng sala niya. Pero dahil mukhang nauna na itong magising sa kanya ay na-miss niya tuloy ang pagkakataong iyon.
Ay hindi pala, napangiti pa siya nang makitang hindi naman pala gising si Frances. Nandoon pa rin ito sa bisig niya at mahimbing na natutulog. Parang hinahaplos ang puso niya habang tinitignan ito.
“James,” may narinig siyang nagsalita. Napakunot ang noo niya nang makitang hindi naman gumalaw ang labi nito pero may tumawag sa kanya.
“Frances?”
“James,” may tumawag muli. Kinabahan na siya nang makitang hindi pa rin ito nagalaw ang bibig nito. Walang tao bukod sa kanilang dalawa sa loob ng townhouse niya kaya naman sino ang tatawag sa kanya? May nagmumulto ba o may ability lang si Frances na magsalita ng hindi gumagalaw ang bibig?
“I’m here!” parang nainis ng sabi ng kung sinumang tumatawag sa kanya. Nang sundan niya ang tinig noon ay ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata niya.
“Mama!” bulalas niya nang makitang ito pala talaga ang naramdaman niyang nakatingin sa kanya at hindi ang inaakala niyang si Frances.
Ngumiti ito sa kanya at itinuro pa si Frances. “Sino siya?”
“Ma, si, ah---“
“Siya ba ang girlfriend mong hindi mo sinasabi sa amin?” humalukipkip ito pero nanatili pa rin nakangiti sa kanya. “In fairness maganda siya,”
“Ma, ano po kasi---“
“Dalhin mo siya sa wedding anniversary namin ng Papa mo next week, okay? I want to know her more,” putol na naman nito sa sasabihin niya.
Dahan-dahang tumayo siya para hindi magising si Frances sa pagkakatulog nito. Dinala niya ang Mama niya sa isang lugar kung saan hindi sila maririnig ni Frances habang nag-uusap sila. “Mama, mali po kayo ng iniisip. Si Frances ay---“
Tinampal nito ang braso niya. “You don’t have to explain, hijo. Its the 21st century kaya hindi na bago ang magkaroon ng isang live-in partner. Ang pinanghihinakit ko lang naman sa `yo ay hindi mo siya ipinakilala sa amin ng Papa mo. Hinayaan mo pang ma-caught in the act ko kayo,”
“She’s not my girlfriend, Ma. Katulong ko lang siya,” pagpapaliwanag niya.
Tumawa ito. “Katulong? Oh, Baby James, stop kidding me. Napakaganda naman niya kung katulong lang siya. And please stop explaining, okay? Pasado siya sa akin dahil sa tingin ko naman ay mahal mo siya base na rin sa itsura niyong dalawa kanina. Magkatabing nakahiga sa sofa habang magkayakap? Hmmmm...But anyway, paalis na rin naman ako so `wag ka ng mag-explain talaga. May meeting pa kami ng mga amiga ko. Napadaan lang ako dito para tignan-tignan ka pero dahil nakita ko na ang girlfriend mo kahit tulog pa siya, make sure you’ll invite her on the party, okay? Or else, isusumbong ko sa Papa mo itong naging kalokohan mo,” may kinuha itong card mula sa loob ng bag nito. Invitation card iyon ng wedding anniversary party ng Mama at Papa niya. May sinulat ito doon saka ibinigay sa kanya. “Here. Para naman malaman niyang ako talaga ang nag-invite sa kanya,”
“Mama...”
“Its the right time, son. Malaki ka na at gusto na rin naming magkaapo sa `yo. So please,” sabi nito at hinalikan siya sa pisngi. “I gonna go na. Take care of yourself and your girl, okay?”
Bago pa siya nakapagsalita muli ay umalis na ang Mama niya. Naiwan na lang siyang nakatingin sa bigay nitong wedding anniversary invitation. Isang linggo na lamang pala at magaganap na iyon pero wala man lang siyang maramdaman na excitement. Alam na kasi niyang sa araw na iyon, wala ng gagawin ang mga kamag-anak nilang a-attend kundi bubusisain ang love life niya kagaya na lamang ng ginawa ng Mama niya ngayon.
Pagod na rin siya sa kaka-explain sa mga magulang niya na hindi pa siya handang magpakasal. Palagi na lamang ginigiit ng mga ito sa kanyang gusto na nitong lumagay na siya sa tahimik kahit maraming mga tao naman ang nagsasabing bata pa naman siya. Kahit naman kasi may apo na ang mga magulang niya sa nag-iisa at panganay na kapatid niyang babae, gusto pa rin ng mga itong mayroon rin sa kanya. Mahilig kasi sa bata ang mga magulang niya at gusto ng mga itong maraming nalalaro ang mga ito. Unfortunately ay hindi na magkakaanak muli ang Ate niya kaya naman iisang bata lang ang nalalaro ng mga ito. Nagkaproblema kasi ang Ate niya sa ovary pagkatapos nitong manganak sa pamangkin niya kaya naman may kinailangang tanggalin doon dahilan para hindi na ito magkakaanak muli. Tuloy ay gusto na rin ng mga magulang niya na mag-asawa na siya para daw may malaro pa ang mga ito at may makalaro rin ang pamangkin niya. Ngunit dahil sa ilang kadahilanan, iyon ang isa sa mga gusto ng mga itong hindi niya matupad.
Napatingin siya kay Robbie habang nag-iisip. Whenever she looked at Robbie, it reminded him of Angeline. And she was still waiting for her. Its been years yet he was still willing to wait. Kahit na ba sinabi sa kanya ni Angeline noon na huwag niyang gawin iyon, naging matigas pa rin siya.
Prangkang sinabi sa kanya ni Angeline na mas mahalaga ang career nito kaysa sa kanya. She’s an international model and she wanted to reach her dreams. Masakit man sa kanya na iwan siya nito para sa pangarap nito, tinanggap niya iyon. Pinutol nito ang relasyon nila bago ito umalis dahil alam nitong magiging mahirap kung sakaling itutuloy nila iyon. But he said that he was willing to wait for her kahit na ba wala silang komunikasyong dalawa sa nakalipas na mga taon. Alam niyang napakatanga ng ginawa niyang iyon. But for him, she was the most special girl in the world. He believes that she was perfect for him. Iyon rin ang naging dahilan kung bakit inaalagaan niya nang husto si Robbie. Bigay kasi ng dalaga ang rabbit na iyon.
Sa mga nakalipas na taon ay masasabi niyang hindi naman siya santo. Minsan ay nadadala rin siya sa mga tukso kaya hindi niya masasabi na loyal talaga siya kay Angeline. There come girls but he treated them not the way he treated Angeline. The girls that come on his way were just flings. Alam niyang sa puso niya ay si Angeline lang ang babae para sa kanya. Hanggang ngayon naman ay hindi pa rin iyon nagbabago. Si Angeline pa rin ang pinakaespesyal na babae para sa kanya at willing siyang maghintay dito kahit na ba walang kasiguraduhan ang pagbalik nito. Hindi nga lang niya masabi sa mga magulang niya iyon dahil alam niyang sasabihan siya ng mga ito na ang tanga-tanga niya dahil sa paghihintay na ginawa niya sa dalaga kahit iniwan na siya nito.
Teka, as of now ay ganoon pa rin nga ba talaga? Samantalang parang higit pa sa fling itong nararamdaman mo sa first love slash kasambahay mo? Bulong ng isang bahagi ng isip niya.
Pero ang tagal kong initay si Angeline. For years, I waited for her and always told my heart that she’s still the one. Matagal rin ang pinagsamahan namin bago siya umalis. Hindi naman basta-basta mawawala `yun `no, depensa naman ng isa.
Napabuntong-hininga siya at napatingin naman sa natutulog pa sa sofa na si Frances. Kung mayroon mang isang bagay na nagpipigil para sa kanya sa mga gusto niyang gawin kay Frances, iyon ay ang paghihintay niya kay Angeline. Natutukso man siya rito, alam niyang hindi siya talaga puwedeng magpadala sa mga tuksong iyon. Siguro minsan ay pinagbibigyan niya ang sarili niya kagaya na lamang ng hinayaan niyang pagyakap ng dalaga sa kanya at pagtulog pa sa bisig niya. Pero hanggang doon na lang iyon. Hindi niya kayang magbigay pa nang mas malaki kay Frances dahil kay Angeline. Hindi rin niya puwedeng ihanay na isa sa mga flings niya si Frances. She deserved more than that. She deserved not to be play with.
Pero paano ngayong akala ng Mama mo ay girlfriend mo siya?
Gusto man niyang itanggi ang lahat, dahil na rin sa patuloy na pagputol ng Mama niya sa mga sinasabi niya ay hindi niya ma-explain ang sarili niya. Nag-try naman siya pero hindi naman ito naniniwala. Malaking problema iyon para sa kanya lalo na at pinagbantaan siya nitong isusumbong ang “kalokohan” raw niya sa Papa niya. Kung may pinakakonserbatibo pa naman siyang taong kilala sa buong mundo, iyon ang Papa niya. Kapag nalaman nito ang nangyari ngayon, lalo na at inakala ng Mama niya na mag-live-in partner silang dalawa ay makakatikim siya nang mahaba-habang sermon dito. And he hated his father whenever he did that. Nang minsan kasing masermunan siya nito dahil sa isang kalokohang nagawa rin niya sa babae noong college siya ay isang buwan yatang iyon ang topic nila kapag nagkakausap sila.
Kaya sa lagay niya ngayon, wala siyang choice kundi ang kausapin si Frances na magpanggap bilang girlfriend niya. Sana nga lamang ay pumayag ito sa gusto niya.
At sana rin ay makiayon ang puso niya sa gusto ng isip niya na huwag tuluyang mahulog ang loob dito.
“ZARA, Prada, Gucci, Chanel! Wow James! Hindi ko akalaing may pagnanasa ka sa mga ganyang kabigating designer clothes,” ngisi-ngisi si Frances nang mabasa ang pangalan ng mga dalang paper bags ni James.
“Of course this is not for me,” inilapag nito ang mga paper bags sa harap niya.
Humalukipkip siya. “Eh para kanino `yan? `Wag mong sabihing pinagsa-shopping mo ang girlfriend mo eh wala naman siya rito? O darating na ba siya?”
“No. I shop for my maid,” kinuha nito ang paper bag ng Zara at may inilabas na pulang gathered dress mula doon. “Try this,”
Kumunot ang noo niya. “You shopped for me? At bakit?”
“We’re going to attend my parents wedding anniversary on Sunday,”
Nagulat siya sa sinabi nito. Dalawang araw na lamang at magli-linggo na. “Ano?! At bakit kailangang kasama ako?”
May iniabot ito sa kanyang invitation. “My mom saw you when you sleep in my arms last time we watch a movie. She thought you were my girlfriend,”
“Ha?” tanda niya ang araw kung saan nakatulog siya habang nanonood sila ng pelikula. Pero hindi niya alam na nakatulog siya sa mga bisig nito dahil nagising na lang naman siyang mag-isa sa sofa sa sala.
Kaya pala ang sarap ng pakiramdam ko paggising ko ng araw na `yun kahit hindi naman komportableng matulog sa sofa, napahagikgik siya sa isip nang maisip iyon.
“At nang dahil doon, kailangan mo rin na magpanggap na girlfriend ko,” parang balewala lamang na sabi nito.
“Ano? Eh bakit ako? `Di ba may girlfriend ka? Naku, baka magalit siya! Huwag na `no!”
“I already told you that Angeline is in Paris. Hindi rin alam ng mga magulang ko ang tungkol sa kanya. Ang akala niya ay nag-break na kami nang umalis si Angeline two years ago at ayaw ko namang magpaliwanag pa sa kanya ng sitwasyon naming dalawa dahil maguguluhan lang siya. Angeline was not really my girlfriend. She broke up with me when he flew on Paris but I told her that I will wait for him. Kapag ipinaliwanag ko pa ito sa kanya malamang ay magagalit lang siya sa akin kaya naman nang nakita tayo ni Mama na magkatabing natutulog sa sofa, ang akala niya ay girlfriend at live-in partner kita. She liked you instantly and told me you should go with me to the party,”
Na-amuse siya sa paliwanag ni James. Ganoon ba nito kamahal si Angeline para hintayin pa nito ng ganoon katagal? Gusto tuloy niyang mainggit kay Angeline. Napakasuwerte naman nito na may isang lalaking kagaya ni James na maghihintay dito.
Masuwerte ka rin naman noon. Hindi mo lang pinansin si James. Kung tutuusin nga, kay Angeline ay two years lang naghintay si James. Sa `yo ay buong highschool life niyo so it equals to four years! Mas lamang ka pa rin!
“Pero `di ba ilang araw na ang nakalipas simula nang mangyari ang araw na iyon? Bakit ngayon mo lang sinabi sa akin ang lahat ng ito?”
“Plinano ko talagang ngayon na lang sabihin dahil kung maaga-aga ko pa sinabi sa `yo, baka lalo kang ma-pressure. Balak ko nga sana talaga ay bukas pa pero dahil tinawagan ako ni Mama ngayon at sinabing may special performance raw tayo, naisip kong ngayon na lang para makapag-practice. `Di ba marunong ka namang kumanta? Choir member ka noong highschool tayo,”
Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi nito. Kung nagulat siya sa nalaman niyang inimbitahan siya ng Mama nito para sa wedding anniversary party, nawindang naman siya sa kaalamang may special performance pa sila.
Tama ito sa sinabing choir member siya noon. Iyon lang kasi ang organization noong highschool sila na sa tingin niya ay makakaya niya bukod sa pagsusulat. Gusto sana niya dati na sa school paper nila siya sumali dahil sa pagmamahal niya sa pagsusulat. Pero dahil member noon ang isa sa classmates niya noong highschool na lihim na kinaiinisan niya ay hindi na lang siya sumali. Noong nasa bahay ampunan naman kasi siya ay madalas silang pinapakanta ng mga madre na nag-aalaga sa kanila doon kaya nahasa rin ang boses niya.
Pero ang huli niya yatang pagperform ay noong choir member pa nga siya---at iyon ay noong highschool pa nga sila. Pagkatapos noon ay sinanay na niya ang sarili niyang mag-perform na lamang ang kamay sa pagsulat at hindi ang boses niya sa pagkanta. At hindi niya rin alam kung kaya niya pang mag-perform muli dahil hindi na naman siya nakanta pa except na lamang kapag nati-trip-an niyang mag-concert...sa banyo.
“No! Bakit ka ba nagde-decide na lamang basta ng hindi ko alam? Ni hindi mo man lang sinabi sa akin ang mga plano mong ito. Ang tagal ko ng hindi kumakanta at wala rin akong alam pagdating sa pag-arte tapos pagpapanggapin mo akong girlfriend mo?”
“Wala rin sa plano ko ang lahat ng ito at napilitan lang ako sa special performance na sinabi sa akin ng Mama ko. I’m also not good in acting pero dahil mas lalo lamang tayong malalagay sa alanganin kung hindi tayo magpapanggap na may relasyon, nagdesisyon ako. Ayaw maniwala ng Mama ko na katulong kita kahit nag-explain na naman ako. Noong umayaw rin ako na mag-perform ay sinermunan niya naman ako at kinokonsensya pa na hindi ko siya mahal dahil hindi ko man lang siya mapagbigyan sa gusto niya. So just bear with me please. Isang araw lang naman ito. Pagkatapos ng araw na iyon ay pipilitin kong `wag ka na nilang guluhin pa. Isa pa, hindi ka naman solo na kakanta. Kasama mo ako,”
“Kasama kita sa kahihiyan. Hah! At anong ibig mong sabihin, kakanta ka rin?”
“Hindi. Magpapa-tumbling-tumbling,” nag-peace sign ito at pumasok sa kuwarto nito. Nang lumabas ito ay may dala na itong gitara. “I’m going to play the guitar and you will sing,”
Pinamaywangan niya ito. “At seryoso ka talaga, ha?”
“Yeah. My mom loves how I play the guitar kaya naman gusto niyang maggitara ako sa party nila. At dahil girlfriend kita, gusto nilang isama kita sa pag-perform ko,”
Tinignan niya ang gitarang hawak nito. Kahit naman parang balewala lamang ito sa kanya noong highschool pa sila, hindi naman lingid sa kaalaman niya na magaling maggitara si James. Minsan kasi siyang hinarana nito noong highschool pa lamang sila at sa halip na siya ang ma-in love rito ay ang kalahati ng female population noong highschool ang naligaw ang puso rito.
Umupo ito sa sofa. Pinalo nito ang katabing espasyo nito. “Why don’t we try first? Baka sakaling magbago ang isip mo kapag nakita mong maganda pala ang combination natin kapag naggigitara ako at kumakanta ka,”
Gusto sana niyang pumalag pero nang magsimulang mag-strum si James ay nanabik siya. He was playing “Torete” by Moonstar 88. Isa iyon sa mga paborito niyang kanta. “Ang kuwento sa akin ng Mama ko ay ito daw ang unang kantang kinanta sa kanya ni Papa. Naisip kong ito ang magandang kantahin para sa party nila to reminisce the past,”
Tumango siya. Tama naman ito. Bringing back the sweet things that happened to the couple in the past will add happiness to a party like that. Nagpatuloy muli ito sa pag-strum. Napapikit siya. Nadadala siya sa ganda ng pagkakatugtog nito.
“Sandali na lang... Maari bang pagbigyan....” nagulat pa siya nang sabayan ni James ang kanta habang naggigitara. Maganda rin ang pagkakanta nito. “Sing,” pag-anyaya nito sa kanya.
Napaupo siya sa tabi nito at hindi na rin napigilang mapasabay sa kanta lalo na nang ngumiti ito sa kanya. Parang nawala lahat ng mga alinlangan niya kanina na kumanta nang dahil sa ngiti nitong iyon. Nadala na rin siya sa ganda ng kanta, tugtog pati na rin sa kanta at lalong-lalo na ng ngiti nito.
“Torete... Torete... Torete... Torete sa `yo,” sa part ng chorus ay napatingin sila sa isa’t isa at nagtama ang kanilang mga mata. Kinabahan siya nang lumakas ang tibok ng puso niya ng dahil doon. Hindi man iyon ang unang beses, pakiramdam niya ay parang mas intense iyon lalo na nang makita niyang parang nakita niyang may spark rin sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya.
Gusto niyang mag-iwas ng tingin dahil pakiramdam na naman niya ay nagkakasala siya. Pero parang may magnet naman na humihigop sa tingin nila sa isa’t isa. On her part, she knew it was a scary lalo na at may espesyal ng babae sa puso nitozz. Sinusubukan naman talaga niya na huwag nang mapalapit dito dahil alam niyang mali iyon. Pero ang tadhana yata talaga ang gumagawa ng paraan para magkalapit sila sa isa’t isa. Isa pa, parang naniniwala na siya sa mga sinasabi niya sa libro niya na mahirap talagang diktahan ang puso. Noong una ay nasasabi niya lamang iyon dahil madalas na iyon rin ang mga nababasa niya sa mga libro at naririnig niya sa ibang tao. Hindi siya naniwala doon dahil katulad ng isang taong bobo, naniniwala siyang may kakayahan pa rin ang mga itong matuto basta pagtitiyagaang turuan. Pero hindi pala niya dapat iyon ipinagkukumpara sa puso dahil daig pa noon ang isang nangangalawang na remote control ng isang toy car---mahirap i-control.
The heart has a mind of its own, titulo nga ng isang kanta. And even if she was trying hard not to follow whatever it feels, it always go to the track where it can feel much more happiness. Even if its wrong.
Pagbibigyan ko na lang muli ang sarili ko, dahilan na naman niya.
Pero hanggang kailan?