Chapter YSMM 14

NAG-AALANGANG tiningala ni Maki ang karatula ng Kumintang, ang bar at restaurant nina Talia na may ethnic theme. Napaka-homey ng dating nito at palagay ang loob niya kapag naroon siya dahil sa welcoming na atmosphere. Pero isa iyon sa mga lugar na nag-aalangan siyang tapakan mula nang maghigpit sa kanya ang madrasta niya. At ang pagpunta niya doon ay maaring magdala ng gulo.

“Sandali lang tayo dito, ha? Hindi ako pwedeng magtagal,” aniya at nilingon ang kaibigan na katabi niya sa backseat ng kotse niya. Parang ayaw niyang bumaba ng sasakyan.

“Oo. Kasama naman natin ang bodyguard mo.” At kinindatan nito ang bodyguard niya na si Marlon. Mukha itong tigasin pero namula sa isang kindat lang ni Talia.

Napilitan siyang lumabas ng sasakyan kahit na parang nagsisimula na rin siyang mahawaan ng paranoia ni Santina. Kundi lang talaga birthday ng ama ni Talia na si Monching ay hindi siya pupunta.

Mula nang magpakitang muli ang nanay niya ay naging tensiyonado na sa bahay nila. Alam niyang nagtatangka ang sina Franco at Santina na umaktong normal tulad ng dati pero nararamdaman niya na di na gaya ng dati ang lahat. Bagamat di na nagpakita sa kanya ang nanay niya sa loob ng dalawang linggo ay parang may paranoia na si Santina. Di man nito sabihin ay alam niya iyon. Ayaw niyang gumawa ng bagay na makakadagdag sa alalahanin ni Santina. Baka magka-nervous breakdown ito at kasalanan pa niya. Gusto niyang manatiling maayos at normal ang pamilya niya lalo na sa nalalapit niyang kasal.

Nawala ang pag-aalinlangan niya nang pumasok siya sa bar. Iilan pa lang ang bisita na nagkakantahan malapit sa stage. Isang folk artist ang may hawak ng gitara nang mga oras na iyon na minsang nakasama ng ama ni Talia sa banda. Tumayo si Monching, ang ama ni Talia na may kaarawan at sinalubong siya ng yakap. Isa itong malaking lalaki na bilugan ang tiyan. Papa Bear nga ang tawag niya dito dahil parang isa itong dambuhalang teddy bear.

“Happy birthday po, Papa Bear,” sabi niya at tinapik ang likod nito.

“Mabuti at nakarating ka, hija. Suot ko na ang regalo mong T-shirt. Maraming salamat.”

“Kakantahan mo ba kami?” tanong ng bartender na tiyuhin ni Talia na si Kanor.

“S-Sige po. Maya maya po,” sabi niya. Hindi naman siguro masama ang kumanta sa birthday. Kailangan lang niyang i-work out ang guilt niya.

“Halika. Hindi pa nakahanda ang buffet table pero pwede na tayong mauna sa pagkain,” sabi ni Talia at kinindatan siya. “Doon na tayo sa kusina. Alam ko naman na mas gusto mong doon kumain. Mas makakapag-kwentuhan tayo doon. Medyo maingay dito.”

Nilingon niya ang bodyguard na si Marlon kakwentuhan si Monching at ang driver niyang si Mang Toto. Mabuti na lang at matagal na nilang tauhan si Mang Toto bago pa man pakasalan ng tatay niya si Santina kaya naman nasa kanya ang loyalty nito.

“Si Tatay na ang bahala sa kanila,” sabi nito at hinila siya papunta sa kusina.

Gutom na rin siya dahil di sila umalis sa pila para makuha nila ang certificate para sa graduation nila dalawang linggo mula noon. Medyo naiinggit lang siya na habang pinag-uusapan ng mga kaklase niya ang pagre-review para sa board exam. Iyon din una niyang planong gawin oras na maka-graduate – ang mag-review sa board exam. Mataas pa nga ang aspiration niya lalo na’t magtatapos siya nang may honor. Alam niya na maraming manghihinayang oras na malamang di muna siya magbo-board exam para makapag-focus sa nalalapit niyang kasal at sa pagiging maybahay.

Hindi bale. Ang kapalit naman ng di niya pagkuha ng board exam ay makakasama na niya ang lalaking mahal niya habambuhay.

Pagpasok nila sa kusina ay binati niya ang mga taong abalang nagluluto. “Magandang hapon po,” magalang niyang wika.

Naglingunan ang mga pamilyar na mukha sa kanya na pawang mga kamag-anak ni Talia at matagal nang tauhan ng restaurant maliban sa isang mukha na naghuhugas ng gulay sa lababo. Ang nanay niya.

Natigilan siya sa paglalakad. Saka lang niya naunawaan ang lahat. It was a set-up. Sinadya siyang imbitahan sa birthday na iyon at ilayo sa paningin ng driver at bodyguard niya para masolo siya ng nanay niya. Nakadama siya ng panlalamig. Hindi na siya dapat pang magtagal doon.

Umurong siya. “Aalis na ako.”

Hinarangan siya bigla ni Talia. “Sandali lang. Kadarating mo lang.”

“You set me up. Alam mo naman na ayaw ko siyang makita,” angil niya at tumango sa direksiyon ng nanay niya na ibinaba ang hinuhugasang gulay. At hindi sila pwedeng magkita o magkausap man lang ng nanay niya. Ito nga ang iniiwasan niya. Ayaw na niyang madagdagan pa ang problema ng pamilya niya. Mahirap na nga ang buhay niya na halos di siya makahinga. “Alam mo naman ang sitwasyon ko. Alam mo rin siguro kung anong ginawa niya sa amin ni Papa. Ikaw na bestfriend ko ang inaasahan kong makakaunawa sa akin at magpoprotekta sa akin mula sa kanya pero ikaw pa mismo ang nakipagsabwatan para magkita kami?”

Pati ba naman ang matalik niyang kaibigan ay kinasabwat ni Lupita para lang makalapit sa kanya? This is pathetic. Anong klase bang pagpapaawa ang ginawa ng nanay niya para traidurin siya ng sarili niyang matalik na kaibigan?

“Wala na siyang ibang mapupuntahan. Noong una nilapitan lang niya ako para makiusap na tulungan siya na makausap ka. Nang makita siya ni Tatay na nangangayayat at walang pera, inalok siya para magtrabaho dito. Nanay mo pa rin daw iyon at di niya pwedeng pabayaan. And my father is a fan. Alam ko na may hidwaan kayong dalawa. Maaring magdala ito ng gulo sa pamilya mo, but I have to chance it. Pakinggan mo siya. Baka wala nang ibang pagkakataon para mapakinggan mo ang panig niya,” mariing wika nito.

“Wala siyang sasabihin na gusto kong marinig,” aniya sa nanginginig na boses.

Humakbang palapit si Lupita subalit natigilan nang makita ang galit sa mukha niya. Humawak ito sa counter. “Kahit sa huling pagkakataon lang, anak? Hayaan mo lang akong sabihin ang lahat ng gusto ko. Matapos kong sabihin ang gusto kong malaman mo, hindi na ako magpapakita pa sa iyo. Ipakulong mo ako kung gusto mo. Basta ibigay mo sa akin ang huling pagkakataong ito.”

Nais sana niyang tumutol. Mas gusto na lang niyang mawala ito nang tuluyan sa buhay niya at kalimutan na nagkita ulit sila nito. Pero bigla niyang narinig ang boses ni Benedikt. Gusto nito na magkausap silang mag-ina. Na pakinggan daw niya ito kahit minsan.

Huminga siya ng malalim. Siguro nga ay dapat niya itong pakinggan sa huling pagkakataon. Ano bang mawawala sa kanya? Sa kanilang mag-ina, mas marami ang nawala dito. Mukhang hirap na hirap ito sa buhay habang nasa kanya naman ang lahat.

“Sige po. Huling pagkakataon na ito,” sabi niya habang pigil ang hininga.

Umaliwalas ang mukha nito at mabilis na pinunasan ng basahan ang kamay. “S-Salamat, anak. H-Hindi mo pagsisisihan ang pagkakataong ito.”

Alam niya na malaking desisyon ang ginawa niya pero gusto na lang niyang matapos ang lahat ng ito. Para sa katahimikan niya at ng bago niyang pamilya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.