Chapter ACWTK2: Wakas

Ginagawa naman niya ang lahat para tumaas ang grades niya. Pero di siya kasing talino ng ibang estudyante na magaling mag-memorize o kaya isang tingin lang sa isang equation ay alam na agad ang sagot. Average lang siya na estudyante. Sakto na di magka-line of seven pero hindi siya honor student. Nagsisikap naman siya na tumaas ang grades. Para sa katulad niya, masaya na siyang di bumagsak.

Pero ayaw niyang madismaya ang papa niya sa kanya. Siya lang ang nag-iisang anak nito at gusto nito na maging siya ang pinakamagaling. Di niya magawang ibigay dito ang mga gusto nito dahil di pa naman siya na-honor. Most punctual at most friendly pwede pa.

Itinodo niya ang pagre-review para sa entrance examination na iyon. Ni di na niya kinakausap ang mga kaibigan para lang mag-review. Handang-handa na siya kanina pagpasok sa examination room.

Pero nang nasa harap na niya ang test, bigla na lang siyang nablangko sa sobrang kaba. Naghalo-halo na ang letra sa mga harapan niya at wala siyang maintindihan. Habang seryoso naman ang mga kasabay niya sa exam at tuloy-tuloy lang na sumagot. Nang mga oras na iyon, pakiramdam niya siya na ang pinakawalang utak sa lahat.

Pumikit na lang siya at kung anu-ano na lang ang isinagot. Magulo na sa kanya kung anong ipinaglalagay niya sa test paper. Gusto na lang niyang matapos ang exam at makaalis doon. Parang masusuka siya sa sobrang tensiyon. Sinasakal siya ng silid na iyon at kinukuha ang lahat ng oxygen sa katawan niya.

Nang hindi na niya kinaya, ipinasa agad niya ang test paper sa proctor nila at lumabas ng kuwarto. Nagtatakbo siya sa hallway pero sa nanlalabo niyang paningin, di niya alam kung saan ang direksyon ng restroom. Nang makakita niya ang dulo ng isang gusali, tinakbo niya iyon at lumiko hanggang makarating sa likod ng gusali. Doon siya naduwal kahit na wala naman lumabas mula sa bibig niya.

Ayaw niyang mag-aral sa eskwelahang iyon. Ayaw niyang lumayo sa mga kaibigan na papasok sa Holy Grail High School. Papa lang naman niya ang may gusto na doon siya mag-aral. Gusto niyang ipagmalaki siya ng ama. Simpleng bagay lang di niya magawa.

Exam pa lang sa Holy Grail Academy di na niya maitama, paano pa siya papasa doon? Inilabas niya ang water canister at uminom mula doon para gumaan ang pakiramdam niya. Di pa rin iyon sapat kaya ibinuhos niya ang natitirang tubig sa mukha.

Napaiyak na lang siya sa pagkadismaya sa sarili. “Mga talented lang daw na Bakit hindi ako magaling o talented man lang? Wala man lang akong maipagmamalaki na kahit ano.” Ang mga may espesyal lang sa sining o kaya ay may kakayahan sa sports o pampalakasan ang tinatanggap ng Bright Minds Academy kundi man umangat sa exam. “Hindi na ako makakapasok dito. Wala na akong mukhang maihaharap kay Papa.”

Napahikbi siya. Parang ayaw na niyang umalis sa parteng iyon ng Bright Minds Academy. Parang gusto na lang niyang matunaw at huwag magpakita sa mga tao. Di lang siya bagsak. Bagsak na bagsak siya.

“Hello! Okay ka lang ba diyan?” tanong ng isang babae na mukhang kaedad niya. Naka-tirintas ito sa magkailang buhok at maaliwalas ang mukha. Bilugan ang mga mata nito na puno ng pag-aalala para sa kanya.

“Umiiyak ka ba?” Suminghot siya at umiling. Saka pinahid ng likod ng palad niya ang mga mata. Sabi ng papa niya, huwag na huwag daw siyang iiyak sa harap ng isang babae. Kailangan daw niyang ipakita na maging malakas siya. “Siguro may masakit sa iyo.”

“Okay lang ako. U-Umalis ka na lang,” pagtataboy niya dito at idiniin ang noo sa pader.

“Sige. Tatawag ako sa clinic para matingnan ka.”

Lalo siyang nataranta. Ayaw niyang lalong magmukhang mahina. Mang-aabala pa siya ng ibang tao. Bigla niyang pinigilan ang kamay nito. “Huwag na. Sabing ayos lang ako. Oo na, umiiyak ako. Kasi wala akong nasagot na matino sa exam. Sobrang hirap na nga, nablangko pa ako. Madi-disappoint na naman si Papa sa akin.”

“Oh!” usal ng babae at natigilan. “Marami namang ibang school diyan. Di lang itong Bright Minds Academy.”

Napasandal siya sa pader ng gusali. “Sa opinyon ni Papa, ito ang pinakamagandang school at kailangan makapasok ako dito. Di na ba ako magiging successful kapag di ako nakapasok dito. Ayaw na ba ni Papa na maging anak ako? Wala naman akong ibang pangarap kundi maging proud siya sa akin.”

Naglalabas siya ng hinanakit sa isang estranghero pero wala siyang pakialam. Kung pagtawanan man siya nito, wala siyang pakialam.

“Eto. Sa iyo na lang ang baon ko,” anito at inabot ang chocolate drink sa kanya. “Pasensiya na ito na lang ang natira. Tumahan ka na.”

“Huh!” usal niya at tiningnan ang inaabot nito. “Para naman akong bata na alukin lang ng chocolate drink, tatahan na.”

“Alam ko di madali ang pinagdadaanan mo. Normal lang naman na ma-mental block kahit ang mga matatalinong tao. Pero wala na tayong magagawa sa nangyari na. Ibinigay mo naman ang best mo. Tapos na ang exam. Di ka man makapasok dito, may iba namang school diyan. Kaya huwag mo nang pahirapan ang sarili mo. Mag-relax ka na lang at uminom nito. Pag dismayado ako at mabigat ang loob ko, iniinom ko iyan tapos parang okay na ulit ang lahat. Di pa katapusan ng mundo.” Isinuksok na nito ang straw at inalok ulit ang inumin sa kanya. “Sige na. Subukan mo lang inumin.” Inilapit nito ang straw sa labi niya at ngumuso. “Sige ka magtatampo ako kapag di mo ininom.”

Malambot ang puso niya. Ayaw niyang may nagtatampo sa kanya. Kaya naman sumipsip siya ng konti. Paglagok niya, bahagyang gumaan ang pakiramdam niya. Kinuha niya ang tetra pack mula sa babae. “Thank you. Ang bait mo. Siguro magaling ka at mapapasok ka sa exam.”

Huminga ng malalim ang babae. “Di ko lang alam. Basta sinagot ko ang kaya kong sagutin. Nag-aral akong mabuti. Madidismaya siguro ako kundi ako nakapasok pero gagalingan ko naman kung saang school ako makakapasok.”

“Mabuti ka pa,” mahina niyang usal. Kinuha nito ang isang kamay niya at may itinatak na stamp. May hugis bituin na marka sa kamay niya. “Ano ito?”

“Your star. Hanapin mo kung ano ang nagpapasaya sa iyo. Doon mo galingan. Passion ang tawag doon. Parang ako, gusto kong maging artist. Kaya ibibigay ko ang best ko. Kahit na gaano kahirap, aabutin ko ang pangarap ko. Ikaw, ano ba ang passion mo? Saan ka magaling?”

Marahan siyang umiling. “W-Wala pa. Hindi ko pa alam. Gusto ko sanang magsulat pero parang di naman ako ganoon kagaling.”

“E di galingan mo. Wala namang taong ipinanganak na magaling.”

“May mga genius.”

“Pero para sa tulad ko na di naman ipinanganak na henyo, kailangan kong pagbutihan. Hindi ako susuko at sana ikaw din. Reach for your star. Nagsisimula pa lang tayo na abutin ang pangarap natin kaya huwag ka rin sanang susuko.”

Napatitig siya sa bituin sa kamay niya. Nagkaroon siya ng pag-asa. Hindi man siguro siya makakapasa sa Bright Minds Academy pero may iba pa siyang pagkakataon. Makakabuo din siya ng pangarap niya at matutupad iyon.

Nagulat siya nang biglang tumayo ang babae. “Saan ka pupunta?”

“Ano… kailangan ko nang umalis. Naghihintay na ang ibang kaklase ko kasi.” Tinapik nito ang balikat niya. “Gusto mo bang sumabay sa akin?”

“O-Okay na ako. May kalahating oras pa bago siya sunduin ng papa niya. Dito na muna ako. Thank you.”

Ngumiti ito at sa palagay niya iyon ang pinakamagandang ngiti na nakita niya. “Sige. Mauna na ako. Hope to see you next time. Bye!” At tumakbo na ito palayo.

Bigla siyang tumayo para habulin ito. Dapat sumabay siya dito. Gusto pa niya itong makausap. Ni hindi pa niya alam ang pangalan nito. “Sandali! Anong pangalan mo?” pasigaw niyang tanong sa babae.

Pero di na siya nito pinansin dahil lumiko na ito sa kabilang gusali. Nanghinayang siya. Hindi ito basta babae lang. Matured na ito kung mag-isip at marunong magmalasakit sa iba. Sayang lang dahil baka di na sila magkita pa ulit.

“Magkikita pa rin kami,” usal niya at kinuyom ang palad. “Kung dito siya makakapasok sa Bright Minds Academy, gusto ko na rin makapasok dito.” Gagalingan niya gaya ng bilin ng babae. Di siya susuko para magkita pa rin sila.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.