Chapter ACWTK2: 62

“Sorry. Huwag mo sanang isipin na mas pinili ko na naman siya kaysa sa iyo. Hindi ako si Mark Andrew. Wala na rin dito para depensahan ni Mark Andrew ang sarili niya. Pero sigurado ako na kahit sino, ililigtas niya ang buhay. At ganoon din ako. Wala na sa akin kung ano ang isyu ninyong dalawa. Nang makausap ko siya, pakiramdam ko wala akong ibang maitutulong sa kanya. Wala siyang ibang masabihan. At sa palagay ko, kailangan lang niyang ilabas kung ano ang nasa puso niya. Baka sakaling may makinig. Baka sakaling mapatawad ninyo siya at ang sarili niya. Kahit na mahal kita, di ko kayang talikuran ang kapwa ko. At wala akong balak na isulat ang kwento nila ni Mark Andrew. Di ko magagawa iyon sa iyo, Sylvie.”

Pinisil niya ang kamay nito. Nakikita niya kung gaano kahirap para dito na saktan siya habang pilit na tinutulungan si Cela. “Naiintindihan ko na. Ginawa mo lang kung ano ang alam mong tama. Oo, masakit ang pride ko at ang puso ko. But I will live. Habang mas kailangan ka ni Cela. Nagkausap na kami kahapon.”

Hinawakan nito bigla ang balikat niya. “O-Okay ka lang?”

“Oo naman. Di ko siya sinabunutan o inaway. Tapos na kami doon. Nag-usap lang kami nang mahinahon at maayos. Sabi niya sa akin, malungkot niya noong nasa reunion. Nag-break sila ng boyfriend niya. Kaya para daw makabawi ang pride niya, naisip niya na dumikit kay Mark Andrew na alam niyang may gusto sa kanya. Pero sinabi ni Mark Andrew na may girlfriend na siya. Kaya para kay Cela, ako ang pinili in Mark Andrew sa huli. And I feel guilty. Pinag-isipan ko siya nang di maganda.”

“Sylvie, mabuting tao pa rin si Mark Andrew. At mabuti pa rin siyang boyfriend sa iyo kahit na di niya nasuklian ang pagmamahal mo sa paraang gusto mo. Huwag mo ring isipin na nanghihinayang ka na minahal mo siya.”

“Marami akong natutunan kay Mark Andrew. Hindi ko hahamunin ang sarili ko kung di ko gustong maging deserving sa tabi niya.”

“Katulad ko sa iyo. Di rin ako magsisikap kundi dahil sa iyo.”

“Pero natuto naman ako kung paanong magpasalamat sa mga bagay na meron ako. Kung paano maging masaya sa simpleng bagay dahil may ibang tao na hirap na hirap humanap ng rason na maging masaya. Na-realize ko kung gaano ako kaswerte sa buhay kumpara kay Cela. You are her lifeline. Sinagip siya ni Mark Andrew physically pero parang lalo siyang nahila pababa. You are saving her soul, Lance. And thank you for doing the right thing. Nawala lang ako sa sarili ko nang nakaraan. Salamat kasi tinulungan mo siya. Kahit anong mangyari, di ko gustong mapahamak siya. Karapatan din niya na mabuhay nang masaya katulad ko. Katulad natin.” Tumingkayad siya at niyakap ito. “Thank you for loving me. Salamat dahil di mo ipinaramdam sa akin na mag-isa ako. Ayoko nang bumalik sa dati nang wala ka pa.”

“Hindi ako aalis sa tabi mo kahit na itaboy mo ako. Sinabi ko sa sarili ko na kapag nakita na ulit kita, di na kita pakakawalan.”

Niyakap niya si Lancelot. Masarap pala sa pakiramdam na may nagmamahal sa kanya. Iyon ang matagal na niyang hinintay mula kay Mark Andrew. Pero baka di talaga siya para sa dating nobyo. May darating talaga na magmamahal sa kanya nang di niya inaasahan. Na magpapangiti sa kanya at susuportahan din siya sa mga pangarap niya. Na wala na siyang kailangan pang patunayan.

"Ano ba? Kiss na. Malo-lowbatt na kami,” angal ni Odan na nakatutok pa rin pala ang cellphone sa kanila.

Nanlaki ang mata niya. “Naka-Facebook Live pa rin kami?”

“Sylvie, marami nang request na malaman kung kailan daw manliligaw sa iyo si Knight o magsasabi man lang daw ng nararamdaman niya. Obvious naman daw kasi na gusto ka. Bakit pa magpapakipot?”

Itinaas ni Lancelot ang palad. “Sige na. I-cut mo na iyan. Hayaan n’yo na sa amin ito. Di na namin kailangan na I-broadcast sa lahat.”

“Ikaw naman ang unang may gustong mag-broadcast niyan,” angal ni Breana at pinagsalikop ang palad. “Pero masaya kami para sa inyo. Naman! Thirteen pa kami bukambibig na ni Lancelot ‘yung babaeng nagbigay sa kanya ng chocolate drink sa Bright Minds Academy. Basta huwag mong paiiyakin si Knight. Mahal namin iyan.”

“Ang daming kwentuhan. Ang tagal ng kiss,” angal ni Odan.

Ngumuso si Lancelot sa kanya. “Kiss daw.”

Humalakhak siya at pinisil ang pisngi nito. "No way. Manligaw ka muna. Kiss ka diyan.”

EPILOGUE

Excerpt from Knight’s Fearless Damsel

“Lancelot, kailangang makapasa ka sa exam sa Bright Minds Academy. Imagine what it would do to you if you qualified for the most prestigious school in the country. You will be the best of the best. Tiyak na maiinggit ang mga tito at tita mo sa akin dahil may mapapasok akong anak sa Bright Minds. Para maipagmalaki naman kita at di ka mangulelat sa mga pinsan mo na mga honor students at naka-enroll sa mga bigating schools. Gusto ko na maging competitive ka katulad nila. Huwag mo akong ipahiya, anak.”

Pinagpawisan ako nang malamig na tumindi pa dahil sa lamig ng aircon sa examination room. Kumukulo na rin ang tiyan ko sa sobrang tensiyon habang naririnig kong umaalingawngaw ang boses ni Papa sa utak ko. Sa araw-araw yata na ginawa ng Diyos, sinasabi niya sa akin na gusto niyang maging parte ako ng Bright Minds Academy. Na kaya siya nagpapakahirap na magtrabaho para maibigay ang pinakamagagandang bagay sa akin at maswerte ako. At ang magagawa ko lang daw bilang anak niya ay mag-aral mabuti.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.