Chapter ACWTK: 13

"Baka may nakitang mabuti ang ibang tao sa taong iyon para pakinggan siya. O nakagaanan ng loob."

"Kasi guwapo..." dugtong niya.

"...ikaw na ang nagsabi na wala naman siyang ginagawang masama sa iyo. Oras na siguro para huwag kang dumistansiya sa iba. Di lahat ng tao kasing talino ni Mark Andrew pero di ibig sabihin di mo sila pwedeng maging kaibigan. Sigurado ako na mas gugustuhin ni Mark Andrew na magkaroon ka ng mas maraming kaibigan kaysa mag-isa ka. Sabi ng nanay ni Lancelot naikukwento ka daw ng anak niya. Di kaya crush ka no'n?"

"Ma, hindi po ako type no'n sa dami ng babaeng nagkakagulo sa kanya. Di ko rin po siya type. Naiinis lang po ako na siya pa rin ang topic pati ng ibang kakilala ko. Ni di man lang ako kumustahin. Ni di nga sila nagla-like pag nagse-share ako ng mga sinulat ni Mark Andrew."

Hinaplos ng ina ang buhok niya. "Hindi ka na gaanong nakikihalubilo sa iba mula nang mamatay si Mark Andrew. Kahit naman nang maging boyfriend mo siya, parang sa kanya nakatutok ang mundo mo. Di ka masyadong sumasama sa mga dati mong kaibigan. Nag-aalala ako na wala ka nang pakialam sa ibang bagay. Na ayaw mo nang makihalubilo sa iba. Huwag ka sanang magalit sa mga nakakaalala sa iyo. At one point, you pushed them away."

Nakadama siya ng kahungkagan sa dibdib. "I... I am fine, Ma.”

"You are not fine. You even stopped painting."

Mula nang mamatay si Mark Andrew, itinigil niya ang pagpipinta. Baka daw makatulong iyon sa kanya para mailabas ang nararamdaman niya. She was not just in the mood. Gusto niya ng masasaya at makulay na painting noon. Ngayon, parang naglaho na ang saya sa puso niya.

"Magsa-shower na po ako at baka ma-late ako sa klase. Salamat po sa gatas." At iniwan niya ang ina.

May punto ang nanay niya. Lumayo na ang loob niya sa mga dating kaibigan mula nang mamatay si Mark Andrew. Gusto ng iba na mag-move on siya.

Mag-move on? Kalimutan ang taong mahal niya? Magpakasaya sa buhay? Parang ganoon lang kasimple iyon. Siya na lang ang pwedeng makagawa ng pag-alala kay Mark Andrew sa paraang alam niya. May sariling paraan ang pamilya nito sa pagluluksa at pag-alala dito.

Habang niyayaya siya ng iba na mag-party at mamamasyal kung saan-saan o kaya ay gusto na makipag-date siya, pinili niya na isubsob ang sarili sa pag-aaral. Okay na siya sa ganito. Na habang patuloy ang mundo sa pag-ikot patuloy sa normal na buhay, wala siyang balak na bitawan si Mark Andrew at ang lahat ng alaala nito.

Papasok pa lang siya sa building ng senior high school nang habulin siya ng isang chubby na estudyante galing sa General Acad Strand na si Patty. “Miss Photographer, di ba kaklase ka ni Knight?" Marahan siyang tumango. Naalala niya na ito ang fan na muntik himatayin matapos kamayan ni Knight. Inabot nito ang makulay na kahon sa kanya. "Pwede bang ikaw na lang ang magbigay nito sa kanya? Yema-ube cupcake iyan. Ako ang nag-bake.”

Pambihira. At ginawa pa siyang hari ng padala. Di na bago sa kanya ang mga admirer ni Knight na naglisaw sa labas ng classroom nila. Pasimoy-simoy lang ang iba at masaya nang kiligin kapag dumadaan sa room nila. May mga kumakaway at tumatawag kay Knight na masaya nang makawayan at mangitian nito. May malalakas naman ang loob na kinakausap pa ang lalaki kapag may bakanteng oras.

“Bakit di na lang ikaw ang direktang magbigay sa kanya, Miss? Mukhang close naman kayo," aniya sa malumanay na boses.

Yumuko ito. “Nahihiya kasi ako. Saka baka bakuran na naman siya ng Sassy. Please?”

“Okay. Ako na ang bahala.” usal niya at kinuha ang kahon mula dito.

Niyakap siya ng babae. "Salamat talaga. Sabi na nga ba mabait ka. Di tulad ng mga Sassy. Sabi nila papayat daw muna ako kung gusto kong mapansin ako ni Knight. Ganoon ba talaga iyon?"

Umiling siya. "Huwag mong pansinin ang mga iyon. You are okay. Wala kang kailangang baguhin sa sarili mo dahil lang iyon ang gusto ng iba at para lang makalapit ka sa isang lalaki."

"Kahit naman ano gagawin ko para kay Knight. Sana nga katulad siya ng sinasabi mo. Nakikita ko kasi puro magaganda at guwapo lang ang nakapaligid sa kanya."

"Basta ibibigay ko ito sa kanya," sabi niya at tumuloy sa kuwarto.

Hindi niya dapat kinukunsinti ang kabaliwan ng babae kay Knight. Ang totoo, di naman niya ginagawa iyon para kay Knight. Ginagawa niya iyon para kay Patty. Hindi niya gusto na binabakuran ng Sassy si Knight at ang pinalalapit lang dito ang mga ka-close lang nito. Kung tutuusin di naman snobb si Knight. Parang karinderya nga ito na bukas para sa lahat. Bakit kailangang mga pumapasa lang sa standard ng Sassy ang makakalapit dito? Ayaw niyang maramdaman ni Patty na di ito sapat o karapat-dapat para sa tulad ni Knight.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.