Chapter ACWTK: 14

"Basta ibibigay ko ito sa kanya," sabi niya at tumuloy sa kuwarto.

Hindi niya dapat kinukunsinti ang kabaliwan ng babae kay Knight. Ang totoo, di naman niya ginagawa iyon para kay Knight. Ginagawa niya iyon para kay Patty. Hindi niya gusto na binabakuran ng Sassy si Knight at ang pinalalapit lang dito ang mga ka-close lang nito. Kung tutuusin di naman snobb si Knight. Parang karinderya nga ito na bukas para sa lahat. Bakit kailangang mga pumapasa lang sa standard ng Sassy ang makakalapit dito? Ayaw niyang maramdaman ni Patty na di ito sapat o karapat-dapat para sa tulad ni Knight.

Naabutan niya ang lalaki na kasama ang mga kaibigan nito. Kanya-kanyang upo ang mga ito sa upuan, kumakanta ng Perfect ni Ed Sheeran at ang kaklase nilang si Paolo ang naggigitara. They called themselves Mystic Boys. Pawang mukhang myembro ng boyband ang mga ito sa kaguwapuhan at counterpart ng Sassy pagdating sa talento at pagkanta. Magagaling ang nasa grupo at may mga followers na sa Youtube dahil sa cover ng mga kanta. Isinali lang ng mga ito si Knight para sumikat kahit na wala namang talent sa pagkanta o sa paggamit ng kahit anong instrumento. Nasa grupo lang ito para maging cute at humakot ng followers.

"Sylvie, good morning!" pasigaw na bati ng lalaki sa kanya at kumaway.

Palagi itong ganoon na ipinagsisigawan sa lahat na dumating na siya. Di naman ito ganoon sa iba nilang kaklase. Simpleng ngiti at "good morning" lang sapat na. Sanay na siyang tahimik na pumapasok ng klase. Matapos batiin ng ibang kaklase, animo'y invisible na siya sa lahat. Pero sa ingay ni Knight, nakatuon sa kanya ang atensyon ng lahat. Simpleng kaway lang o ngiti ang bati niya sa lalaki noon. Hangga’t maari ay umiiwas siya dito. Madali lang iyon dahil napapaligiran ito ng mga “cool” nilang kaklase na mga sikat din gaya nito.

Lumapit siya sa grupo at inabot ang kahon sa lalaki. “Knight, para sa iyo.”

Nanlaki ang mata nito. “Wow! Cupcakes.” Inilabas agad ng lalaki ang isang piraso at kinagatan. “Thank you! Ang sweet mo talaga sa akin.”

“Hindi naman sa akin galing iyan. Ipinaabot lang. Ayan o! May sulat pa.” At itinuro niya ang sobre na sigurado siyang may lamang love letter para dito. “Hindi naman yata patas para sa babaeng nagpakahirap ipag-bake ka at gawan ng love letter kung ipapasa sa iba ang pinaghirapan niya. I-recognize mo sana ‘yung effort ‘nung tao.”

“Akala ko lang kasi ikaw ang nagbigay.”

“Bakit naman kita bibigyan? Kahit nga si Mark Andrew di ko pinagbe-bake dati,” mahina niyang usal habang nakahalukipkip. “Pasalamat ka na lang doon sa nagbigay. Excuse me.”

Tinalikuran niya ang lalaki at nagpunta sa upuan niya. Pero mukhang di pa rin tapos si Lancelot dahil sinundan siya nito hanggang sa upuan niya. Hinatak nito ang bakanteng upuan at umupo sa harap niya. “How sweet of you. Kung ibang babae iyan, di na makakarating sa akin,” anang lalaki.

“Bakit ko naman gagawin iyon?”

“Sa selos.”

Tumaas ang kilay niya. “Pagseselosan kita? Nagpapatawa ka ba?” Igagaya naman siya nito sa mga babaeng baliw na baliw dito. Don’t me! Wag ako.

“No. I think you are matured. And I like that about you.”

“Ah! Thank you, ha? Unfortunately, the feeling is not mutual. Hindi naman ikaw ang type ko.” Inilabas niya ang libro para ipakita dito na may mas importante siyang gagawin kaysa makipag-utuan dito.

“Habang nagde-deny ka na gusto mo ako, lalo kitang nagugustuhan,” may kalakasan nitong sabi.

Nataranta si Sylvie nang magtinginan sa kanya ang ibang kaklase lalo na ang grupo ng Sassy. Matalim ang tingin nito sa direksyon niya.

“Shhh!” saway niya dito. “Bumalik ka na nga sa mga kasama mo. Doon mo na kainin ‘yang cupcake mo. Magre-review pa ako.”

“Ganyan ang gusto ko sa babae. Masisipag mag-aral.”

Itinaas ni Arianne ang kamay. “Me! Masipag akong mag-aral.” Ibinaba nito sa make up kit ang hawak na lip gloss at inilabas ang libro. “Heto nagre-review na.” At kanya-kanyang buklat na rin ng libro ang iba nilang kaklase na kunyari ay sipag-sipagan sa pag-aaral para lang ma-impress si Lance.

Nailing na lang si Sylvie. Bakit ba di na lang totoong mag-focus sa pag-aaral ang mga kaklase niya kaysa nagsisipag-sipagan para lang ma-impress ang isang lalaki?

Para namang gusto talaga ako ni Knight dahil masipag akong mag-aral. Siya nga mismo tamad magbasa-basa ng lesson. Para namang kikiligin ako sa pagpabor niya sa akin.

Pero kung ordinaryong babae lang siya, baka magustuhan din niya ito. Suwabe itong gumalaw. Parang alam nito kung ano ang gustong marinig ng isang babae. Alam nito kung ano ang good points niya at iyon ang binibigyang-diin nito. Parang ipinaparamdam nito na lahat ng babae maganda at pwede nitong magustuhan. Sa madaling salita, lahat ng babae ay tipo nito. Walang itinatangi. Hindi rin ito mag-I-stick sa isang babae. Lalong di sa kanya iyon.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.