Chapter ACWTK: 32

“HARAP na lang ng main building ang gamitin natin para sa pictorial mo,” suhestiyon ni Sylvie habang naglalakad sila ni Lancelot sa pathwalk na papunta sa main building kung saan nagkaklase ang mga elementary students.

Hindi nagtagal ang interview nito dahil pwede naman daw itong mag-online interview na lang kay Kitty. Priority daw nito ang pictorial.

Tumuro siya sa gusali. “Gusto kong ma-capture ‘yung clock sa taas ng building. Iyan kasi ang nai-imagine ko nang I-describe mo ‘yung Mystic High sa kwento mo.”

Gawa sa pulang adobe ang gusali na Victorian ang arkitektura. University of Livingpool daw ang inspirasyon sa naturang gusali. Bantog din ang tower ng gusali at ang relo na may apat na mukha katulad ng Big Ben sa London. Parang nasa Europa sila nang mga oras na iyon.

Dahil Sabado, wala halos estudyante sa campus. At solo nila ni Lancelot ang main building kaya walang photobomber sa pictorial nila.

Tumigil ang dalaga sa paglalakad at hinayaang mauna si Lancelot. Matangkad ito at laid-back ang kilos. Na parang narito ang lahat ng oras sa mundo. Nakasukbit sa likod nito ang bag nang bigla itong lumingon. Mabuti na lang nakahanda na ang camera niya dahil kusa niya iyong napindot. “Pwede ka nang tumayo diyan sa gitna at mag-pose.”

Namaywang ito sa gitna ng pathwalk pero nilingon nito ang gusali sa likuran. “Ganito nga halos ang description ko sa libro dahil ito ang inspirasyon ko. Naalala ko nang unang beses akong pumunta dito para sa high school entrance exam. My dad gave me hell everytime I fail the exam. Kaya nang maisip ko ang Mystic High, ito ang naiisip ko.”

“Pero mukhang nasa langit ka na ngayon dahil nakapasok ka na sa eskwelahan na pangarap ng papa mo sa iyo. Masaya siguro siya na nakapasok ka na.”

Tipid itong ngumiti at ikiniling ang ulo habang nakatitig sa camera. “Sana nga masaya na siya.”

Parang may mga kamay na dumukot sa puso niya at pumiga. Ngayon lang niya ito nakita na ganoon kalungkot. Parang maraming kwentong nakapaloob sa kalungkutan ng mga nito para sabihin na parang impyerno para dito tuwing nadidismaya nito ang ama. At bakit parang di ito sigurado kung napasaya pa nito ag ama kahit na natupad na ang gusto nito.

“Sino namang magulang ang di matutuwa sa mga nagawa mo sa buhay?” tanong niya matapos itong utusang umupo sa metal bench. “Nasa estado ka na pinapangarap pa lang ng ibang estudyante o kaya ‘yung mga professionals at graduate na pero di pa rin nila naaabot ang mga pangarap nila. Baka di lang showy ‘yung tatay mo. May ganoon naman.”

Tumitig ito sa camera nang kuhanan ulit niya ito ng picture habang nakasandal sa bench. “Ikaw ba masaya na nandito ako? Nakita mo na ba ‘yung video na gawa ko? Nagustuhan mo ba?”

Bumuntong-hininga ang dalaga. Sabi na nga ba’t doon din mauuwi ang usapan nila. “Hindi mo na kailangang gawin iyon. Tapos na ‘yung project natin.”

“Gusto ko lang talagang makabawi. Ito lang ang paraan na alam ko.”

Tumaas ang kilay niya. “Nasabi ko bang di iyan makakatulong sa grades ko?”

“But I believe in your cause. Gusto kong makita ng ibang kabataan kung gaano kaganda ang musika dati. Iyon ang gusto mo, di ba? Kaya ginagawa ko na. Hindi lang isang kanta ang gagawin ko kundi may iba pa kaming ilalabas na cover. At maraming readers ko ang nagkaka-interes sa kanya nila. Kung may gusto ka pang I-promote na artists, sabihin mo lang sa akin.”

Mukhang naplano na ng lalaki kung paano makukuha ang loob niya. Aaminado siya sa sarili na nakakakilig ang ginagawa nito para sa kanya. Pero hindi siya pwedeng magpadala dito. Nasaktan na siya nito minsan. Di pa ba siya madadala?

Iwinaksi ni Sylvie ang kamay. “Ituloy mo lang iyan pero sana di para sa akin. Gawin mo para sa musika at para sa Mother Earth at sa kung anumang advocacy. Hindi mo na ako kailangang banggitin sa video mo. Panggulo lang ako.”

“Hindi naman ako nahihiya na banggitin ka. Iyon lang ang paraang alam ko para pansinin mo naman ako.”

“Napansin na kita. Masaya ka na ba?” tanong niya at sarkastikong ngumiti.

Tumayo ito at hinawakan ang dalawang kamay niya. Parang may Christmas light ang mga mata nito na nagniningning sa saya. “Ibig sabihin okay na tayo? Pwede ka nang ngumiti sa akin kapag nagtatama ang mga mata natin? Di ka na iiwas kapag nagkakasalubong tayo?”

Umikot ang mga mata niya. “You are asking too much. Di ko nga maintindihan kung bakit inaaksaya mo sa akin ang oras mo.”

“Hindi naman pag-aaksaya ng oras iyon kung alam kong napapasaya kita.”

“Alam mo kung ano ang magpapasaya sa akin? Kung hahayaan mo akong mag-isa,” aniya at binawi ang kamay dito.

“Malungkot kapag walang taong n nagpapangiti sa iyo. Gusto mo talaga iyon?”

Sanay na siya na walang nagpapasaya sa kanya. Kaya di niya alam kung bakit kinukulit pa siya nito at ipinagsisiksikan ang sarili sa kanya.

Namaywang siya. “Mukhang bang natutuwa ako sa iyo? Hindi mo ba naiisip na naiirita ako sa iyo?”

“The more you hate, the more you love,” tukso nito.

Itinaas niya ang dalawang kamay. “Okay. That’s enough. This session is over.”

Magaganda na ang pictures na nakuha niya dito. Mabuti na lang photogenic ang lalaki. Kahit na gusto na niya itong sakalin sa inis, gusto naman ito ng camera niya.

“Magaganda ba ang shots mo sa akin?” tanong nito na nakabuntot agad sa kanya. Na parang wala silang pinag-awayan kanina.

“You are photogenic. You should be glad. The camera likes you,” aniya at itinago na ang camera sa bag niya.

“Isang araw, aaminin mo rin na gusto mo ako, Sylvie,” puno ng kompiyansang sabi nito. “Hindi ako titigil hangga’t di mo inaamin.”

Inilabas niya ang dila niya na parang bata. “Asa ka naman.” Saka siya naglakad palayo. Mabuti na lang tapos na ang pictorial niya. Matatahimik na siya.

“Kahit habambuhay maghihintay ako sa iyo. Kahit pa maglaho ang mundo,” kanta nito.

Natigilan siya sa paglalakad at nilingon ito. “What?”

“Kahit habambuhay maghihintay ako sa iyo. Asahan mong hindi magpapalit itong damdamin ko.” At inilapat ang palad sa dibdib.

Emote na emote pero di niya alam kung saan niya narinig ang tula nito. Parang pamilyar kasi sa kanya. Natapik ni Sylvie ang noo nang ma-realize na kumakanta pala ito ng Kahit Habambuhay ng Smokey Mountain. Hindi pala ito tumutula.

“Huwag mo ngang kantahin iyan.”

“Ayoko nga. Freedom of expression. Kahit kantahin ko pa nang paulit-ulit, hinding-hindi ako magsasawa basta para sa iyo.” At nagpatuloy na naman ito sa pagkanta pero sa tono ng Balagtasan.

Patuloy pa rin ito sa pagkanta habang nakasunod sa kanya. Kahit anong gawin niya, di siya makakaiwas dito. Hinayaan lang niya ito na sumunod sa kanya. Tinawagan niya ang driver na si Manong Udo. “Manong, malapit lang po ako sa main building. Pakidaanan na lang po ako sa pick up area.”

“Sige. Nakapasok na ako ng gate,” sagot ng family driver nila.

“Pwede ko bang I-check ang poster bago ninyo I-post? Di ba ako pwedeng mamili kung ano ang magandang shot?” tanong ng lalaki.

“Ie-email ko na lang sa iyo,” aniya at nagmamadaling maglakad.

“Di ba pwedeng ngayon na lang? Maaga pa naman.”

Nakangisi niya itong nilingon. “Nandiyan na ang sundo ko.” Saka siya tumakbo papunta sa pick up area at kinawayan ang paparating na kotse na parang pumapara lang taxi o jeep. “Gusto na talaga niyang makalayo doon.”

Nakangiti agad ang matandang lalaki nang makita si Lancelot. “Sasabay ka bang umuwi sa amin, Sir Knight?”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.