“Wait. Magko-cover pa ako,” protesta ni Sylvie pero di niya magawang makawala dito dahil baka marinig sila ng mga audience na nasa harap at gumawa pa sila ng eksena.
“Bakit nagpalit kayo ng nametag ni Aiona?” tanong nito.
“Di ko magagawa ang trabaho ko kung nakabantay ang fangirls mo sa akin at parang gusto akong sakalin.”
Nanlaki ang mga mata nito. “May gustong sumakal sa iyo? Ituro mo sa akin.”
Magaan niyang itinulak ang lalaki sa dibdib. “Nagtatanong-tanong na sila kanina kung ako ‘yung Sylvie sa video mo. Alam mo naman kasi na possessive ang mga fans mo, banggit ka pa rin nang banggit ng pangalan ko.”
“Okay ka lang? Di ka nila sinaktan?”
“Yes. Siguro kasi di ako si Sylvie ngayon.”
Nalathala sa mukha nito ang pag-aalala. “Look at Aiona. She’s doing just fine. Mukhang gusto niya na maging ikaw.”
“She likes the attention. Mas sasaya siya kung sa kanya naka-dedicate ang mga kanta mo. I don’t.” Ikiniling niya ang ulo. “Anong kailangan mo? A pictorial before the start of the talk?”
“I want you to wish me luck. Kinakabahan kasi ako.”
“You have all the luck in the world. Hindi mo na ako kailangan para I-good luck ka pa. Kahit magsalita ka yata ng Russian at di nila maintindihan papalakpakan ka pa rin nila.” Hindi na kailangan ni Lancelot ng good luck galing sa kanya. Itinaas niya ang camera. “Let’s get back to work.”
Ilang sandali siya nitong tinitigan bago ngumiti para sa mga camera. Pero hanggang kailan ba siya magpapanggap na Aiona? Hanggang kailan ba siya makakapagtago bilang si Sylvie? Kailan ba mawawalan ng interes sa kanya si Lancelot? Ginulo na nito ang tahimik niyang mundo.
Natatakot siya na isang araw ay gumising na siya na may kakayahan na itong pasayahin siya at saktan lang din sa huli.
“KNIGHT, totoo ba na may offer sa iyo na maging leading man para sa sarili mong novel na Mystic High? Pwede bang ako ang leading lady?” tanong ni Mindy na siyang host sa programang iyon. Di nito napigilan ang sarili na makihalo ng question and answer portion para sa talk ni Lancelot.
“Hindi! Ako dapat!” sigaw ng isang boses lalaki sa audience.
“Girl, talunin mo muna ang ganda ko,” nakaismid na sabi ni Aiona.
Mahaba ang pila ng mga fans ni Lancelot na gustong magtanong. Mukhang di naman nainip ang mga tagahanga ng lalaki na naaliw sa update sa tinatapos na libro ng lalaki at ang pagsisimula ng pelikula nito.
“Hindi naman ako artista,” natatawang sabi ni Lancelot. “Wala pang final na desisyon ang producer at direktor kung sino ang kukunin nilang bida. I am sure makakapasa ka kung mag-a-audition ka.”
“Gusto ko ring mag-audition!” sigawan ng mga kababaihan sa audience na halos magwala na sa upuan.
Hindi malalim kung sumagot sa mga tanong si Lancelot. Parang kahit sino ay pwedeng maintindihan ang mga paliwanag nito. At tumatawa ang buong auditorium sa mga joke nito. Wala itong kapormal-pormal sa katawan. Kung paano nito kausapin ang mga kaklase, gayundin ang audience nito.
Sabagay, puro mabababaw lang ang tanong kay Lancelot - tungkol sa kwento nito na karamihan ay puro papuri, kung ano ang mga paborito nito at kung ano ang gusto nito sa babae.
Ibang-iba kay Mark Andrew kapag ito ang nagsasalita. May commanding presence ang dating nobyo. Nakakailang nga daw ang aura nito. Kahit na bata pa ito, bakas na ang talino nito. Di ito naiilang na humanay at makipagpalitan ng kaalaman sa mga akademiko, mga propesor, mga pinuno sa bansa at kahit pa sa ibang bansa. Pinakikinggan at pinararangalan ito ng mga kilalang tao.
Pero pagdating sa mga kaedad niya, parang walang pakialam ang mga ito sa sinasabi ni Mark Andrew kahit doon pa nakasalalay ang pag-unlad ng mundo. At ganitong klaseng usapan ang kinahuhumalingan ng mga ito?
Gusto na niyang mag-walk out. Hindi ganitong klaseng diskurso ang nakasanayan niya sa Bright Minds Academy. Nagpapalitan sila ng mga ideya. Intelehenteng ideya. May natututunan siyang bago. Sa ngayon wala pa siyang bagong napupulot. Nakikita niya na nalulusaw na ang magandang reputasyon ng Bright Minds Academy bilang mga intelehenteng estudyante na magaling sa matalinong talakayan. Wala bang magtatayo ng bandera nila?
Nasilayan ni Sylvie ang pag-asa nang makita ang susunod na magtatanong - si Teddy na isa sa pambato ng Bright Minds Academy sa debate. Naalala niya kung gaano ito kakritikal kay Roumel noon. Sa wakas may panlaban na. Tiyak niyang nabasa nito ang libro ni Lancelot at di ito matatakot na sabihin ang mali sa kwento.
Inayos ni Teddy ang salamin at tumikhim. “Seryoso ang tanong ko na ito. Sana masagot mo. Bilang isang sikat na social media personality…” Malakas ang kaba sa dibdib ni Sylvie. Nasasabik na siya sa karugtong na tanong at kung paano iyon sasagutin ni Lancelot. “…effective ba ‘yung panghaharana mo sa internet?”
Umugong ang hiyawan sa auditorium. Natawa lang si Lancelot. “Bakit mo naman naitanong? Manliligaw ka rin ba?”
“Gusto ko sanang subukan sa babaeng gusto ko. Baka effective. Sinagot ka na ba ng hinarana mo?” tanong ni Teddy at ipinahid ang palad sa pantalon nito na parang kinakabahan pa rin. “Magpapaturo kasi sana ako kung paano manligaw ng babae.”
“Hindi pa ako nanliligaw. I just want her to like me.” Hindi “pa” daw ito manliligaw. Ibig sabihin may plano ito.
Nakatuon ang mga mata ni Lancelot kay Sylvie. Hindi kay Aiona na nasa kabilang bahagi ng auditorium. Parang gusto nang sumapi ng dalaga sa pader nang mga oras na iyon. Para saan pa ang pakikipagpalit ng nametag kay Aiona kung ibubuko lang din naman siya ni Lancelot?
Ibinalik ng lalaki ang atensyon kay Teddy. “Kapag nanligaw na ako, sasabihin ko sa iyo. Pero sa ngayon, gusto ko munang mag-focus sa pag-aaral ko at sa pagsusulat. Marami pa akong gustong patunayan bago ako manligaw.”
“Ako na lang, Knight. Hindi ka magdadalawang-salita sa akin,” sabi ng isang estudyante ng Holy Grail Academy.
“Ako na lang ang manliligaw,” tili ng junior high school student ng Bright Minds Academy. “Wala ka nang kailangang patunayan.”
“Maghihintay ako sa iyo,” sabi naman ni Ariane.
Habang ngingisi-ngisi naman si Aiona sa tabi nito. “He is mine, girl.”
“Okay. Settle down, everyone. We have one last question before the meet and greet,” anunsiyo ni Roumel na host ng programa.
Huling tanong na pero wala man lang magtatanong sa mga grammatical error sa kwento nito o sa mali-maling spelling? O kaya sa mga loophole na napakadali namang I-detect kung tutuusin. Wala na siyang maasahang iba.
Itinaas ni Sylvie ang kamay. “Ako ang magtatanong!”