Chapter ACWTK2: 20

“ANO sa palagay mo ang ginagawa mo?”

Naputol ang tahimik na pag-I-sketch ni Sylvie at dali-daling isinara ang drawing pad. Breaktime nila at nasa garden siya para magmiryenda at tahimik na nagda-drawing. Itinutuloy niya ang sketch ni Lancelot sa ampunan nang nakaraang araw. At tama ang binata dahil nagdadala iyon ng saya sa kanya. Pero gusto muna niyang manatiling sekreto ang lahat. Di pa bumabalik ang dating galing niya. Kinalawang siya dahil isang taon mahigit din siyang di nagpinta. Gusto muna niyang mag-sketch hanggang sa palagay niya ay handa na siyang isalin ang artwork niya sa canvass. Si Lancelot ang inspirasyon niya sa ngayon.

Guilty niya itong tiningnan. “W-Wala,” kaila niya.

Bakit parang galit ito? Nakita ba nito na ini-sketch niya ito? Paano nangyari iyon samantalang di naman siya basta-basta nag-I-sketch nang may tao sa paligid. Kahit nga sa bahay di niya iniiwan na nakakalat ang sketch pad at itinatabi niya para hindi makita ng iba. Gusto niyang isekreto ang ginagawa.

“Bakit hindi mo tinanggap ‘yung allowance para sa pagiging admin mo?”

Saglit tumigil sa pagtibok ang puso niya. Akala naman niya nakita nito na ini-sketch niya. Pero mukhang dinidibdib nito ang di niya pagtanggap ng allowance mula dito. “Lance, sa palagay ko di naman ako deserving sa allowance. ‘Yung mga admin ng page mo mo, naging admin mo dahil suportado ka nila sa career mo sa simula pa lang. Samantalang ako bumabawi sa iyo dahil may atraso ako.”

Humalukipkip ito at mukhang nakakailang ang masamang tingin nito sa kanya. Matangkad ito at nakaupo pa siya kaya naman natatakot ang anyo nito habang natatakpan ng liwanag ang mukha nito. “Parte ka ng team ko. At kaya tumatanggap kayo ng allowance dahil nagtatrabaho kayo. Pinaglalaanan ninyo ng pagod, oras at talento ang pagpapatakbo sa page ko kaya tumataas ang interaction at may benta ang libro at merchandise ko. Kumikita naman ako. O iniisip mo na di ka parte ng team ko?”

Saglit na napipilan ang dalaga minsan dahil pakiramdam niya ay outsider pa rin siya. Alam naman niya na ilag pa rin ang ibang admin ni Lancelot pero sinisikap naman nilang pakisamahan ang isa’t isa. At di siya karapat-dapat sa allowance.

“Hindi sa ganoon. May pera naman kasi ako. Kung gusto mo, I-donate mo na lang sa mga bata sa ampunan. Mas kailangan nila iyan kaysa sa akin. Pero naa-appreciate ko talaga na pantay lang ang trato mo sa akin pati sa ibang admins.” Kahit na hindi sila BFFs ng binata gaya ng ibang admin.

Nakakantiyawan pa nga si Lancelot minsan na paborito siya nito dahil malaki ang tiwala nito sa kanya kaysa sa dati nang mga kaibigan. Tinatanong na nga siya nila Breanna kung nililigawan siya ni Lancelot dahil sa special treatment nito sa kanya. Maliban sa panunukso nito, di naman ito nanliligaw. Kaya rin di niya matanggap ang allowance galing dito para di mabahiran ng malisya.

Umupo ito sa tabi niya sa bench. Hindi pa rin maipinta ang mukha nito. “Sige. Papayag ako sa gusto mo. Ido-donate ko na lang sa orphanage ang allowance mo.”

“Really? Salamat kasi naiintindihan mo ako.”

“Gagawin ko iyon kung sasama ka sa akin sa meeting sa editor ko mamayang hapon. Wala ka namang gagawin mamaya ‘ di ba?”

“Oo. Pero…”

Tumayo ang binata at di pinansin ang tangkang pagkontra niya. “Okay. Ipagpapaalam kita kay Tita Meldy. It’s a date.”

At naglakad na ito papunta sa Mystic Boys na nagkakantahan. Ni hindi na pinansin ng binata si Sylvie kahit anong tawag niya. Ibig sabihin ay tapos na ang usapan at hindi na siya pwedeng umapela pa.

Hindi komportable si Sylvie na sumama kay Lancelot sa publication nito. Di naman kaila sa kanya na di siya gusto ng assistant ng publisher na si Frecy. Malamang ay ganoon din ang sentimyento ng ibang staff doon lalo na’t parang minaliit niya ang kakayahan ng mga ito nang punahin niya ang mga mali sa libro ni Lancelot.

Abala ang lahat noong charity event pero di nakaligtas sa kanya ang pagtaas ng kilay ng assistant ng publisher nang makitang kasama siya. Hindi pa sila nagkakausap tungkol sa pagsita niya sa error ng publication sa libro ni Lancelot. Alam niyang na-offend ito pero di iyon personal. Oras na siguro para harapin niya ang publication para maging klaro na ang lahat sa kanila bilang admin ni Lancelot.

Kinalma ni Sylvie ang sarili habang papatapos na ang Math subject nila. Si Lancelot lang ang rason kaya sasama siya. Di naman ako writer. At di ako magsasalita malibang tanungin. I will behave.

Pagkatapos ng klase, napansin niya na si Lancelot naman ang tahimik. Dumating ang ina nitong si Gracia na mismong nagmaneho ng kotse. “Mama, akala ko po si Papa ang kasama ko sa publication,” anang binata nang salubungin ang ina.

“Sabi niya may importante siyang meeting. Kaya ako na lang ang sasama. I hope you don’t mind.”

“Ma, lagi naman pong kayo ang kasama ko.” Lumingon ang binata sa kanya at inakay siya palapit. “Sasama po si Sylvie sa atin.”

“Pinilit po ako ni Lancelot,” paglilinaw ng dalaga.

“Mabuti naman na may kasama ang anak ko na may alam sa sulat niya. I must admit that I am not into horror or thriller stories. Sa bungad pa lang natatakot na ako,” sabi ni Tita Gracia at magaang tumawa. “Magtabi na kayo ni Lancelot sa likod.”

“Okay lang ba talaga sa mama mo na kasama mo ako ngayon?” tanong ni Sylvie kay Lancelot.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.