Chapter ACWTK2: 21

“Oo naman. Si Mama ang huling kailangan mong problemahin. Walang masamang tinapay kay Papa.”

“Lancelot, tumawag sa akin ang bagong editor-in-chief ninyo. Siya daw ang makakaharap mo sa meeting at siya mismo ang magha-handle ng reprint ng first book mo at ng second book,” anang ina ng binata.

“Si Rojana Madrid po mismo?” nanlalaki ang matang bulalas ng binata at nagbutil ang pawis sa noo kahit na malakas naman ang aircon.

Biglang hinaklit ni Sylvie ang manggas ng uniform ni Lancelot. “OMG! Alam mo ba kung sino siya?”

Umiling ito. “Hindi masyado.”

“Three-time Palanca awardee iyon. Magaling iyon. I am a fan actually.” THE ROJANA Madrid na paborito na manunulat ni Mark Andrew. Kaya naman nadamay din siya sa hilig ng dating nobyo sa babae. Ang alam nga niya ay nagsusulat ito dati sa publication nila Lancelot. “Hindi ko alam na editor-in-chief ninyo siya.”

“Ngayong linggo lang daw at nagulat ang ibang co-author ko nang ipatawag sila sa office para kausapin. Saka mahigpit daw. Nakaaway nga isa kong kasamahan kong writer kasi ang dami daw revisions na gustong ipagawa sa kanila. Kasi tinanggap naman ang gawa namin at tinangkilik ng mga tao tapos babaguhin.”

“Anong masasabi mo sa pagre-revise?” tanong niya.

Nagkibit-balikat ang lalaki at uminom ng tubig sa water canister. “Hindi ko pa alam. Gusto ko munang makausap ang bagong editor-in-chief namin. Pero ang totoo kinakabahan ako. Paano kung hindi siya magandahan sa kwento ko o ipabago niya pero di magugustuhan ng readers ko?”

Hindi niya masisisi ang binata. Nang pasukin nito ang mundo ng pagsusulat, sumikat ito nang di sumusunod sa mga patakaran. Naging malaya ito. Na-publish ang libro nito sa kanila ng mga mali at di tugmang eksena.

Tinapik niya ang kamay ni Lancelot. “Huwag kang mag-alala. Siguro naman professional ‘yung editor-in-chief ninyo lalo na kung Palanca awardee pa. Trabaho ng editor na I-guide ka. Malay mo marami ka pang matutunan sa kanya.”

“Paano kung gusto niya pang-Palanca rin ang isulat ko? Alam ko naman na di ako pang-ganoong level.”

Pinisil niya ang kamay nito. “Kumalma ka lang. You will be fine. Makinig ka muna sasasabihin niya.”

Hindi niya alam kung ang pagkompronta niya dito sa talk nito ang unang beses nitong nakarinig ng kritisismo. Ni hindi nga ito natakot sa kanya. Malakas ito sa mga mambabasa nito. Comfort zone nito ang publication at tagahanga. Pero ibang usapan na kapag nayayanig na ang comfort zone nito at nagbabanta ang pagbabago. Ayaw niyang sumuko ang lalaki sa pagsusulat kung sakaling may mapuna man ang bagong editor sa gawa nito o may ipabago.

Nakatulala lang si Sylvie nang makaharap na ang iniidolo niyang si Rojana Madrid. May aura ito na mukhang kagalang-galang. Ang alam niya ay professor ito sa isang unibersidad sa edad na dalawampu’t anim. Mukhang matangkad pa nga siya dito at nakatingala ito sa publisher ni Lancelot na si Sir Trevor.

Nagulat siya nang tapikin ng ina ni Lancelot na si Gracia ang braso niya. “Sylvie, kanina ka pa kinakausap nina Sir Trevor at Miss Rojana.”

Kumurap siya at nakita na nakalahad ang kamay ng publisher. “Nice meeting you po,” aniya at kinamayan ang dalawang kaharap.

“Ngayon lang kita nakitang natulala,” namamanghang sabi ni Lancelot.

Sinapo ng dalaga ang dibdib. “Na-starstruck po kasi ako kay Miss Rojana. Fan po ako ng book niya. H-Hindi ko lang po nadala para papirmahan. Inaabangan ko nga po ang susunod na isusulat ninyo.”

“We will get there. Pero sa ngayon, tinutulungan niya kami para mai-guide ang mga batang writers namin at ma-improve pa ang quality ng publication.” Tumango si Sir Trevor. “Naiintindihan ko na ngayon kung bakit palaban at opinionated ka. Let’s start the meeting.”

Tahimik ang ang ina ng binata. Sinabi nito na di ito nakikialam sa usapan ng publication at ni Lancelot. Naroon lang ito kapag kailangan ng advice ng binata o kung tingin nito nadedehado ang lalaki.

Nanigas si Lancelot sa tabi niya. Malamang ay kinakabahan ito sa pakikipagharap sa bagong editor. “Miss, marami po ba akong kailangang baguhin sa reprint ng libro ko at sa second book?”

“Sabi sa akin ng dati mong editor, ipina-hold mo daw ang printing ng libro mo dahil gusto mong mag-revise. Nakita ko ang mga pointers na gusto mong baguhin at sumasang-ayon ako sa mga gusto mong baguhin. Dahil kung hindi mo ire-revise, iyon mismo ang magiging comment ko sa kwento.”

Napigilan ni Sylvie ang paghinga at nilingon ang lalaki. Magre-revise si Lancelot bago pa man nalapitan ang editor nito. Paanong nangyari iyon?

“Thank you po, Miss. Ang totoo gusto ko pong magpasalamat kay Sylvie. Kundi dahil sa kritisismo at komento niya sa akin, di ko maiisip na I-revise ang kwento ko. Na pwede ko pang itama ang mga mali ko,” magalang na sabi ni Lancelot.

“Do not correct a fool or he will hate you; correct a wise man and he will appreciate you. And you are a smart young man, Knight,” nakangiting papuri ni Rojana. “Kinuha mo siyang admin mo, tama? Napansin ko ang improvement sa page mo. Nagdi-discuss ka rin ng mga social issues, which is good. Pati readers mo nagkakaroon ng mas makabuluhang diskusyon. Pwedeng ma-entertain ang mga tao habang natututo. Kailangan mo lang silang hainan ng masustansiyang putahe.”

Pinagkiskis ni Lancelot ang mga palad. “Sa palagay po ninyo okay lang talaga at kakayanin ko na mag-revise?”

“Of course. May potential ka, Knight. Nakikita ko kahit sa mga unang sulat mo saan mo gustong dalhin ang kwento mo. Maganda ang intensyon pero nagkakaproblema sa execution. Naa-appreciate ko rin na di sarado ang isip mo sa revision at tanggap mo na may kailangan pang baguhin sa kwento mo. Malayo ang mararating ng mga katulad mo sa industriya.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.