Chapter Kabanata 18

Ang Journal ni Allen Chen

Ang pangalan ko ay Chen Allen at ulila na akong lubos. Isa akong Tsino at tagapaglakbay. Maraming lugar ang aking narating at maraming tao ang aking nakilala. Paiba-iba rin ang gamit kong pangalan sa tuwing ako'y nasa iba't-ibang bansa. Paano ako nakakarating sa ibang bansa? Haha, ganito kasi iyon...

Bago namatay ang aking magulang, may ibinigay sila sa akin na isang maliit na baul. Ang sabi nila, bubuksan ko lamang iyon kapag may nangyaring trahedya sa kanila. Hindi ko alam na mamamatay sila pagkalipas ng ilang buwan, basta na lamang sila hindi nagising isang araw. Hindi ko alam ang aking gagawin. Hanggang naalala ko ang ibinigay nilang baul, at halos mahulog ang puso ko sa sahig. Hindi ko inasahan ang aking makikita! Mga ginto ang laman niyon at mga mamahaling alahas. Hindi ko alam kung saan iyon napulot nina ama't-ina subalit iyon ang naging pantaguyod ko sa buhay. Batid ko ang panganib na maidudulot sa akin ng mga kayamanang iyon kaya naman kahit kailan ay hindi ako nagsuot ng mamahaling damit at sapatos kahit kaya ko iyong bilhin. Nagmukha pa nga yata akong palaboy sa aking palagay. Haha. Sino nga naman ang mag-iisip na ako'y pagnakawan ganoong iisipin ng magnanakaw ay mas mayroon pa sila kaysa sa akin. Madungis din ako at napakapobre kong pakakatitingnan.

Tahimik lamang ako habang sumasakay sa iba't-ibang bus, tren, o kaya naman barko. Nagtataka man sila kung paanong may pambayad ako, wala naman silang magagawa kundi pasakayin ako dahil may pambayad naman. Hanggang napadpad ako sa Russia. Nagandahan ako sa lugar kaya naman naisipan kong mamalagi doon. Disenuwebe anyos pa lamang ako. Nakilala ko at naging kaibigan sina Henry Nelson, Larry Han, at Gerold Su. Mga mahihirap lamang din sila at mga ulilang katulad ko. Kaya naman mas naibigan kong manatili sa Russia. Dalawang taon na akong naroroon ng mabalitaan namin ang pagkakaroon ng palihim na pagmimina sa natagpuang isang kuweba sa gawing silangan ng Russia.

Ang sabi ay mayroong na-detect na ginto sa loob ng yungib na iyon. Dahil alam ko kung gaano kahalaga ang ginto at paubos na rin ang mga kayamanang naiwan sa akin ni ama't-ina, hinimok ko silang sumama sa pagmimina. Dahil malalaki naman ang aming mga katawan at matatangkad, hindi kami nahirapan. Pumasa kami bilang trabahador ng tagapamunuan ng mina. At dahil lihim lamang iyon, nasa trenta katao lamang siguro kami. Ilang araw at gabi kaming naghukay ng naghukay subalit wala kaming natagpuang ginto. Naisip ko noon, ganito pala kahirap maghanap ng ginto, sana'y hindi ko na lamang sinayang ang iniwan sa akin ng aking magulang at ginamit ko na lamang sana sa pagnenegosyo. Huli man ang pagsisisi ay wala na akong magagawa.

Nagpatuloy ang nakakapagod na mga araw, sinisi rin ako ng tatlo kong kaibigan dahil sa hirap na dinaranas din nila. Wala naman akong magagawa kundi tumahimik at tanggapin ang masasakit nilang salita laban sa akin. Nagkamali ako, at walang magagawa kahit sisihin pa nila ako ng pauli-ulit. Subalit sa makalipas ang halos tatlong buwang paghuhukay, nakatagpo ako ng ginto! Napakarami noon na parang mumunting bato, singlalaki lamang ng kuko sa aking palasingsingan ang laki noon. Tinawag ko ang tatlo kong kaibigan sapagkat nagbunga rin sa wakas ang aming paghihirap subalit nagkamali ako sa aking ginawa.

Pinagtulungan nila akong saktan ng makita nila ang mga ginto at walang itinira sa akin. Halos mawalan ako ng ulirat dahil sa tindi ng mga tinamo kong suntok at sipa. Noong mapansin ng iba pang trabahador na may lumitaw ng ginto, isa isa silang nagkasakitan habang ako'y nasa isang sulok na lamang at halos hindi ko na maidilat ang aking mga mata. Dahil sa mga gintong iyon, naging ganid ang bawat trabahador at nagpatayan sila upang makuha ang ginto.

Subalit may kagila-gilalas na nangyari. Ako lamang marahil ang nag-iisang saksi sapagkat abala silang lahat sa paglalaban. Nakita ko ang paglitaw ng isang batang mahaba ang buhok na kulay pilak, mahaba din ang kanyang puting kasuotan. Kumikinang siya sa hindi ko maintindihang kadahilanan. Pinagmasdan niya ng may mabalasik na tingin ang mga trabahador na patuloy sa pagpapambuno sa isa't isa.

Nakita ko ang galit sa kanyang mga mata at nakita ko rin kung paanong nagbago ang kulay noon! Kulay pilak na mga mata na naging maningas na parang apoy. May apoy ding lumitaw sa kanyang mga kamay at galit niya itong itinapon sa mga ginto! Nagkagulo silang lahat na mga trabahador sapagkat nagkalat sa iba't-ibang dako ang mga piraso ng ginto. Sa katunayan, may tumalsik na maraming piraso sa aking tabi. Sa aking paglingon, hindi ko na nahagilap ang batang iyon.

Sa kabila ng paghihirap na dinaramdam ko, pinilit kong sinupin ang mga piraso ng ginto sa aking tabi, hindi ko alam subalit tila hindi napansin ng iba na mayroong napadpad sa aking tabi. Nagkakagulo pa rin silang lahat. Nagtago ako sa likod ng nakausling malapad na bato at pinunit ko ang aking damit at ginawa kong lalagyanan ng mga gintong iyon, matapos ay maigi kong itinago sa loob ng aking pantalon.

Nakarinig ako ng malakas na pagsabog, hindi ko alam kung saan nanggagaling subalit tila hindi malayo sa aking kinalalagyan. Dahan-dahan akong naghanap ng daan palabas sa kuweba kahit hirap na hirap ang aking katawan. Doon ko napansing gumuguho pala ang kuweba! Dahil naroroon na ako sa masikip na lagusan, hindi ko na naiwasang ang pagbangga sa akin ng mga nagmamadaling tauhan upang iligtas ang kanilang sariling buhay. Sapagkat hindi maglalaon ay tiyak na guguho ng tuluyan ang loob ng kuweba.

Subalit hindi pa ako minalas ng husto, nadaanan ako ni Larry Han at hirap man ay pinilit niya akong mailigtas at maisama palabas ng yungib. Pagkalabas na pagkalabas namin ng kuweba, gumuho na ng tuluyan ang daanan papasok at ang mga naroroon pa sa loob ay tiyak na hindi na makakaligtas pa!

Pero akala ko'y ligtas na ako, hindi pa rin pala. Hinang-hina na ang aking pakiramdam. At ang iilang nakalabas at nakaligtas sa loob ng kuweba ay may pagmamadaling nagsipagtakbuhan palayo, marahil ay may mga ginto sa kanilang kamay. Habang ako, napahiga na lamang sa damuhan. Dahil marahil sa pagmamadali, napunit pala ang aking kasuotan ng hindi ko namamalayan. At naroon pa rin pala sa isang tabi si Larry Han na sugatan din, marahil dahil sa pakikipagpambuno para sa ginto.

Nakita ni Larry Han ang ginto sa napunit kong kasuotan at kahit hirap na rin ang kanyang katawan ay pinilit niya akong saktan. Hindi na ako nakagulapay pa hanggang nagdilim na ang aking paningin, subalit naramdaman ko ang pag-angat ng aking katawan bago ako tuluyang nawalan ng ulirat.

Nagising ako sa hindi pamilyar na lugar. Napakagara at napakaganda, wala na ring masakit sa aking katawan!

“Ginoo, kumusta na ang iyong pakiramdam?”

May narinig akong nagsalita, sa aking paglingon, nasilayan ko ang batang may pilak na buhok at may maamong mukha. Papalapit siya sa akin galing doon sa gintong upuan sa loob ng silid. Wala akong masabi.

“Ginoo, masama pa rin ba ang iyong katawan? Nakakapagtaka iyon, ginawa ko naman ang lahat upang iligtas ka.”

Doon ko nakuhang sumagot, “Maayos! Maayos ang aking pakiramdam. Nasaan ako at sino ka?” magalang ko siyang tinanong.

“Ang pangalan ko ay Ezekiel. Narito ka sa aming kaharian. Subalit itinago lamang kita sapagkat magagalit si Haring Ama kapag nakita niyang nagdala ako ng tao dito sa palasyo,” nahihiyang tugon sa akin ng batang prinsipe pala.

“Kaharian? Palasyo? Kung ganoon ay ano ang lugar na ito? Ang pangalan mo ay napakaganda.”

“Naririto ka sa kaharian ng mga engkanto.”

Doon ko nalamang engkanto siya, hindi tao kundi batang immortal. Hindi ko na nalaman ang nangyari sa labas ng palasyong iyon, maging ang nangyari sa aking mga kasamahan. Ang sabi sa akin ni Ezekiel ay iniligtas niya ako sa kamay ng isang tao. Marahil ay kay Larry Han. Naging ganid siya upang makuha ang mga ginto kahit katumbas iyon ng aking kamatayan.

Wala akong paroroonan at nagustuhan ko na rin sa lugar ng mga engkanto kahit nga nakatago lamang ako doon. Matuling lumipas ang napakaraming araw at mga buwan. Payapa lamang akong namuhay sa loob ng palasyo, gamit ang maraming engkantasyon, ginawa ni Ezekiel ang lahat upang maitago ang aking pagkatao sa loob ng palasyo at pinagsilbihan ko siya ng buong puso. Umikot ang buhay ko sa kanya. Inaral ko rin ang kanyang mga salita maging ang mga titik na gamit niya. Hindi ako isang mangmang at hindi iyon naging mahirap para sa akin. Ang kanyang lengguwahe ay kakaiba, subalit alam ni prinsipe Ezekiel ang mga lengguwahe sa lupa sapagkat inaral niya iyon sa maraming taon.

Nakita ko ang kanyang paglaki, ang mga pag-aaral niya ng iba't-ibang sandata katulad ng palaso, espada at marami pang iba pa. Nakita ko kung paano siya nagbinata. Napakagandang lalake at napakamaunawain. Hindi siya mabait, subalit makatao, engkanto pala, paano ko ba iyon ipapaliwanag. Haha. Hanggang naging magkasinglaki na kami habang ako naman ay tumatanda. Subalit ang pagtanda ni Ezekiel ay huminto noong umabot siya sa edad bente sais. Hindi na siya tumanda mula noon at nanatiling ganoon sa napakaraming taon. Mabilis ang pagdaan ng mga panahon, subalit tahimik lamang akong nagsisilbi sa kanya. Iyon lamang ang kaya kong gawin upang mabayaran ang pagligtas niya sa akin.

Subalit hindi natapos doon ang kagila-gilalas na pangyayari. Ang tila panaginip kong buhay ay hindi kasing payak ng lahat.

Isangdaang taon ang matuling lumipas, matanda na ako, hindi sinasadyang pumunta ang tagapagsilbi ng Hari sa silid ni prinsipe Ezekiel. Kailanman ay hindi ko siya nakita roon at sobra akong nagulat ng makilala ko siya! Siya ay si ina! Tinawag ko siya at kinausap, nagpakilala ako sa kanya. Sobra siyang nagtaka matapos ay umiyak. Ang sabi niya sa akin, ginawa nilang lahat ni ama ang lahat upang magkaroon ako ng tiyak na magandang buhay sa lupa, kapalit ng kanilang kaluluwa, ay ang mga mamahaling ginto na inilaan nila para sa akin! Halos manghina ako sa aking nalaman. Sinayang ko lamang pala ang kanilang paghihirap. Huli na ang lahat.

Kinausap ko si prinsipe Ezekiel, at sinabi ko ang aking natuklasan. Tinanong niya ako kung ano ang nais kong gawin. Sinabi ko sa kanyang nais kong magbalik sa lupa, kung mayroon pang pagkakataong maibalik ko sa aking magulang ang kanilang paghihirap. Matagal nag-isip ang prinsipe. Hindi ko alam kung ano ang kanyang iniisip ng sabihin niya sa aking, “Magagawa kitang palayain at ibalik sa lupa subalit may batas ang aming kaharian, ano ang iyong ipapalit sa akin katumbas ng iyong kalayaan?”

Ano nga ba ang aking maibibigay?

Ilang araw at gabi ang nagdaan subalit hindi ko maisip ang maari kong ibigay sa mahal na prinsipe. Nakita ko rin ang kalungkutan sa kanyang mga mata.

Hanggang kinausap ko siyang muli. Buo na ang aking pasya.

“Mahal na Prinsipe, alam ko na ang aking iiwanan saiyo.”

Matagal niya akong pinagmasdan na walang sinasabi. Walang emosyon ang kanyang mga mata. Unang beses ko iyong napansin sa kanya.

“Sabihin mo, Allen.”

“Nais kong iwanan saiyo ang aking puso mahal na Prinsipe.”

“Ano ang ibig mong sabihin, Allen?”

“Humahanga at iniibig ko ang aking Prinsipe mahirap man iyong intindihin. Iiwan ko saiyo ang aking pag-ibig.”

Hinawakan ng Prinsipe ang nanlalamig kong mga kamay at malungkot siyang nagtanong, “Paano ko makakamit ang iyong pag-ibig kung ako'y iyong iiwanan?”

“Mahal na Prinsipe, pipilitin kong mabuhay at maisilang sa ibang panahon at magbabalik saiyo. Wala akong ibang pakaiibigin kundi ang aking Prinsipe Ezekiel lamang.”

Hindi siya sumagot. Hindi ko alam kung siya'y naniwala doon. Suntok iyon sa buwan sapagkat paano nga ba ang maisilang muli sa ibang panahon? Subalit totoo ang aking damdamin sa kanya. Ako'y isang lalakeng normal, hindi iyon kailangang kuwestuyunin, ang tanging alam ko lamang sa mga oras na iyon ay walang seksuwalidad na pinipili ang pag-ibig.

Hanggang sa...

“Baunin mo ito sa lupa at mag-iingat ka. Aasahan ko ang iyong pangako libong taon man ang aking hintayin,” walang emosyong wika ng Prinsipe.

Binigyan niya ako ng maraming ginto at may binigkas siyang engkantasyon.

Unti-unti siyang naglaho sa aking paningin at nagbago ang aking kapaligiran. Natagpuan ko ang aking sariling nakatayo sa tabi ng napakalaking puno sa kakahuyan. Maigi kong itinago ang mga ginto sa aking kasuotan at naglakbay ako ng naglakbay, walang patutunguhan. Nakatagpo ako ng batis, nuong sumalok ako upang uminum, doon ko napagtantong hindi pa ako isang matanda base sa aking repleksiyon sa tubig. Maraming katanungan sa aking isipan. Hindi ba't isangdaang taon na ang lumipas doon sa kaharian?

Napadpad ako sa isang maliit na baryo hanggang natukoy ko ang patungong bayan. Mula noon, sininop ko ang paggamit ng ginto sapagkat alam ko na ang halaga noon. Napag-alaman ko ring sampung taon pa lamang sa lupa ang nagdaan, iyon ang katumbas ng isangdaang taon sa kaharian ng mga engkanto. Nagpalit din ako ng pangalan upang hindi na ako matagpuan pa ng mga ganid na mga taong iyon noong mapag-alaman kong pinaghahanap pala ako bilang isang wanted na magnanakaw ng ginto. Pambihira!

Ako na ngayon si Aster Wang.

Mula noon ay hindi ko na nakita pa ang Prinsipe Ezekiel subalit kahit na kailan ay hindi ko siya nakalimutan. Hindi ko alam kong ako'y kanya pa ring natatandaan. Nagtungo ako sa America at nagsimula ng aking buhay. Nagtayo ako ng mga negosyo at pinag-igihan ko iyon ng husto, ayaw kong masayang ang sakripisyo ng aking magulang at ang pagbibigay pagkakataon sa akin ng Prinsipe.

Subalit naisipan kong mag-asawa hindi katagalan. Hindi upang kalimutan ang damdamin ko sa Prinsipe kundi upang mayroon akong pagpapamanahan ng lahat kong pinaghihirapan. Walang dapat na masayang gabutil man sa pawis na aking isinugal. Iyon ay pagbibigay respeto ko sa aking mga magulang at sa pinakamamahal kong Prinsipe.

Ikalawang Journal

Ako ay si Aster Wang.

Matagal na akong hindi nagsusulat subalit sa oras na ito ay wala akong maisip na gawin kundi isulat ang aking damdamin. Puno ng kalungkutan ang aking dibdib. Nais kong bumalik sa paraiso ng Prinsipe subalit wala ng pagkakataong mangyari iyon.

Mayroon na akong pamilya sa edad kong kuwarenta y dos. Isinilang ang aking panganay makalipas ang isang taon. Siya ay si Jonas. Makalipas naman ang anim na taon ay isinilang naman si Johnson. Subalit nawawala ngayon ang mahal kong si Jonas. Hindi ko alam ang aking gagawin.

Nais kong humingi ng tulong kay Prinsipe Ezekiel subalit hindi ko alam kung paano ko siya tatawagin. Hindi ko alam ang aking gagawin. Nahihirapan akong lubos sa pagkawala ni Jonas. Halos hindi ako makatulog at para akong mababaliw sa kaiisip.

Mamamatay yata akong hindi na masisilayan pa ang aking anak. Sa aking puso ay kailanman hindi kita makakalimutan, mahal kong Jonas.

Huling pahina.

Ako'y malapit ng lumisan...

Kapag ako'y muling isinilang, sana'y muli kitang matagpuan...

Mahal kong Ezekiel...

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.