Chapter Kabanata 28

Naging palagay ang loob ni Allen sa pagtambay sa ilalim ng punong akasyang iyon at hindi na siya natatakot sa tuwing may kakaibang nagaganap doon katulad nang kusang pagsusulat ng kanyang lapis o bolpen, o kaya naman ang mahinang tinig ng pag-awit sa kanyang tabi. Subalit kailanman ay hindi nakipag-usap sa kanya ang kung sino mang naroroon. Nagkakaintindihan lamang sila kapag tumutugon ang hindi nakikita sa pamamagitan ng pagsusulat sa papel.

Para sa kanya ay nagkaroon siya ng munting kaibigan sa pamamagitan nun. Hindi na baleng hindi niya iyon nakikita kung mayroon naman siyang mapagsasabihan ng kanyang mga hinaing sa buhay.

Lumipas ang maraming araw, linggo, buwan at taon sa ganuong tagpo at naging palagay ng husto ang kanyang kalooban. Umiikot ang kanyang buhay sa kanilang bahay, bukid, at paaralan kung saan nagkaroon siya ng kamangha-manghang mga karanasan dahil sa hindi nakikitang kaibigan.

Araw ng byernes, katulad sa nakasanayan ay nagmamadaling naupo si Allen sa ilalim ng punong akasya. Malapit na ang kanyang kaarawan at iniisip niya kung ano ang matatanggap na regalo buhat sa kanyang mga magulang. Noong nakaraang taon ay nakatanggap siya ng may kamahalang damit. Oo, para sa katulad nilang mahirap lamang ay mahal na ang isang damit na katumbas ang halaga sa buong kita nila sa loob ng dalawang-araw. Talagang pinag-ipunan iyon ng kanyang mahal na ama't ina.

Mabilis niyang ipinatong ang kuwaderno sa ibabaw ng bato at nagwika, "Kaibigan, kaarawan ko na bukas. Ano kaya ang ihahandog sa aking regalo nina ama't ina? Ah, nasasabik talaga ako nang husto! Haha!"

Hindi na siya nagtaka nang biglang bumukas ang kuwaderno at gumalaw ang ballpen. Unti-unting nabuo ang mga titik sa papel na kanya ring binigkas, "Ikinagagalak kong batiin ka sa iyong kaarawan, Allen. Bilang regalo, napagtanto kong dapat mong malaman ang aking pangalan matapos ang mahabang panahon. Huwag mong kalilimutan, ang pangalan ko ay Ezekiel at binabansagan nila akong Zeke sa aming kaharian. Isa akong Prinsipe ng mga Engkanto."

Natulala siya matapos uliting basahin ang mga katagang lumitaw sa papel. Nang makahuma ay saka pa lamang siya muling nakapagsalita, "Sa wakas kaibigan! Nalaman ko na rin ang iyong pangalan. Maligayang-maligaya ako sa iyong regalo!"

Subalit hindi doon nagtapos ang regalo ng kaibigang hindi nakikita! May lumitaw na kahong gawa sa ginto sa ibabaw ng kuwaderno at sa ibaba nito'y muling lumitaw ang mga titik.

"Ito ang aking regalo sa iyo, Allen. Huwag mong iwawala at huwag mong ipagsasabi kung saan nanggaling. Higit sa lahat ay huwag mong ipagsabi ang aking pangalan. Ang hindi pagsunod ay may katumbas na kaparusahan."

"Haha. Makampante ka kaibigan! Itatago ko sa aking sarili ang lahat ng ito. Maraming salamat sa iyo!"

Binuksan niya ang kahon at tumambad sa kanyang paningin ang isang magarang kwintas na gawa sa ginto at may pendant na diyamante! Nanlalaki ang mga matang napatitig siya sa mamahaling bagay na iyon!

"Ang tindi! Isa na akong mayaman! Hahaha!"

Tuwang-tuwa si Allen habang pinagmamasdan ang magarang kwintas. Nang bigla itong lumutang sa hangin at mag-isang gumalaw patungo sa kanyang leeg.

'Ang astig talaga!' piping wika niya.

Halos hindi niya inaalis ang atensiyon sa kwintas na iyon hanggang matapos ang maghapon at makauwi siya. Maging hanggang sa kanyang pagtulog ay hawak niya ang kanyang leeg upang tiyaking naroroon pa rin ang mamahaling kuwintas.

Masayang-masaya siyang gumising kinaumagahan. Kaarawan niya at nais niyang malaman ang regalo ng ama't ina. Subalit nahihiya siyang ipakita iyon kaya naman nagpanggap siyang kampante lamang na nagtrabaho sa loob ng bahay at bakuran na may mga pananim nang tahimik lamang.

Kinagabihan, nagluto ng pansit at biko ang kanyang ina habang nagkatay naman ng pabo ang ama at ginataan iyon. Masaya silang nagsalo sa hapunang iyon.

"Maligayang kaarawan sa'yo anak. Hangad kong makamit mo ang iyong mga pangarap sa buhay," bati ng kanyang ina.

May inabot sa katabing mesa ang ama na nakabalot sa tela na may kalakihan din. Hindi mawari ni Allen kung ano ang laman niyon.

"Maligayang kaarawan din saiyo anak. Ito ang handog naming regalo ng iyong ina. Subalit may kaakibat na kundisyon ang regalong ito. Maaari mo lamang itong buksan sa oras nang pangangailangan. Sa oras na may mangyaring hindi maganda sa amin ng iyong ina."

Nagulat si Allen at nakadama ng magkahalong takot at pagkadismaya.

"Ano ba namang klaseng regalo iyan ama?! Ina? Hindi ko na lamang iyan bubuksan kong ganun! Hindi na baleng wala akong regalong matanggap!" galit niyang wika.

Tinapik ng ama ang kanyang balikat at malumanay na nagpaliwanag. "Allen, anak. Makakatulong saiyo ang bagay na ito kaya naman pakinggan mo ang aming bilin."

Nakangiti namang hinawakan ng ina ang kanyang kamay. "Allen, hangad kong makamit mo ang tagumpay pagdating ng panahon. Maligayang kaarawan anak."

Ang nag-aalab niyang puso ay tila binuhusan ng malamig na tubig. Hinawakan niya rin ang kamay ng ina at masuyong hinaplos. "Makakamit ko iyon ina, ama. Maraming salamat sainyo," malumanay niyang wika.

Inilagay niya ang handog na regalong may kabigatan sa ilalim ng kanyang papag na hinihigaan matapos ang kanilang masayang hapunan. Susundin niya ang bilin nang magulang na huwag iyong bubuksan. Puno man nang kasabikan ay batid niyang para iyon sa kanyang kabutihan.

Kaya naman hindi niya na lamang inisip kung anu man ang laman niyon. Hinayaan niyang lumipas ang mga araw katulad ng dati.

Hanggang sa dumating ang araw ng pagtatapos, dalawang buwan pakatapos ng kanyang kaarawan. Walang pagsidlan ang kanyang kaligayahan. Mayroon siyang medalya at honor.

Nang gabing iyon ay masaya ang kanyang buong pamilya. Nagsalo sila sa isang masaganang hapunan at puno ng mga pangarap ang kanyang magulang para sa kanya.

Subalit kinabukasan...

Maagang nagising si Allen ngunit walang kaingay-ingay sa loob ng kanilang tahanan. Akala niya'y nasa bukid ang mga magulang upang magtanim ng gulay at anihin naman ang ibang mga prutas. Subalit nagkamali siya.

Dahil sa kanyang pagsilip sa silid ng mga magulang ay naroroon sila at payapang natutulog. Nagtataka man ay hindi niya na lamang inistorbo ang pamamahinga ng mga magulang, marahil ay sobrang pagod lamang nila kaya naman siya ang nagtungo sa bukid.

Sa kanyang pag-uwi pagkapananghali ay saka siya nabahala nang maabutang nasa parehong posisyon ang mga magulang kagaya ng kanyang iniwan ng umaga.

Ginising niya ang mga ito at saka niya namalayang malamig na ang dalawang katawang nakahiga sa papag na iyon. Tila mga natutulog lamang na may payapang mukha subalit walang mga buhay.

"Ina!!"

"Ama!!"

"Gumising kayo parang awa niyo na! Mga kapitbahay tulungan niyo kami!"

Humagulhol si Allen na parang baliw. Hindi niya malaman ang gagawin. Sinisisi niya ang sarili sapagkat iniwanan niya ang mga magulang kaninang umaga. Kung sana'y ginising niya ang mga ito ay baka buhay pa sila.

May mangilan-ngilang dumating upang sumaklolo subalit wala nang magawa ang lahat. Wala na ngang buhay ang kanyang mga magulang.

Tila isang panaginip lamang. Naglahong bigla ang mga taong pinagkakautangan niya ng buhay. Kahapon lamang nang siya ay magtapos sa pag-aaral at masaya sila. Subalit bakit ngayon ay trahedya?!

"Ano na ang aking gagawin, Ina? Ama? Huhu!"

"Allen, palakasin mo ang iyong kalooban. Lumaban ka para sa ikapapayapa ng kanilang kalooban. Marahil ay hindi naman nila ginusto ang nangyari at tiyak na malulungkot sila saan man naroroon kapag pinabayaan mo ang iyong sarili," wika ng isang babaeng nakisimpatya sa mga huling labi ng kanyang magulang.

Ang mga kataga nito'y tila hindi pumasok sa kanyang kaisipan. Nasasaktan siya ng labis dahil sa pag-iwan sa kanya.

"Bakit hindi niyo na lamang ako isinama? Ano ang aking gagawin?"

Matapos ang payak na libing ay nagtungo siya sa paaralan, sa ilalim ng punong akasyang naroroon bitbit ang ballpen at papel.

"Kaibigan, isa na akong ulila ngayon. Hindi ko alam ang aking gagawin. Baka hindi na rin ako makapunta nang palagian dito sapagkat kailangan kong magtrabaho upang mabuhay."

Ilang minuto siyang naghintay ng kasagutan subalit walang anumang senyales ng pagtugon ang naganap. Nalungkot siya, "Iiwan mo rin ba ako kaibigan?"

Nang walang matanggap na kasagutan ay nagpasya na lamang siyang umalis doon. Guni-guni niya na lamang yata ang tila iyak na kanyang narinig mula sa kung saan pagka-alis niya sa ilalim ng puno.

Pagdating sa bahay ay mabilis siyang yumuko sa ilalim ng papag at hinila ang regalong natanggap buhat sa mga magulang.

Tila magigiba ang dibdib niya habang inaalam ang iniwanang bagay sa kanya. Kung bakit hinabilin ang pagbubukas niyon kapag may nangyaring masama sa kanila.

Tulalang napaisip si Allen.

"Hindi kaya'y alam niyong mayroong masamang magaganap sainyo?"

Mas lalo siyang natulala nang mapagbuksan ang baul na siyang nababalutan ng makapal na tela.

Sapagkat napakaraming ginto, alahas, at mamahaling bato ang tumambad sa kanyang mga mata! Pumupuno sa baul na kanyang tangan.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.