Napaupo si Allen sa sahig na hindi malaman ang gagawin. Tulala siyang pinagpawisan ng malapot.
Iisa lamang ang ibig ipahiwatig noon, delikado siya sa mga magnanakaw at sa lahat ng uri ng mga sanggano. Kaya naman ilang araw siyang hindi lumabas ng kanilang tahanan sa takot na mayroon pang ibang nakakaalam ng kayamanang iyon at pagtangkaan ang kanyang buhay.
Pabalik-balik sa loob ng maliit na silid, marami siyang iniisip na gagawin upang mapabuti ang kanyang buhay nang walang nakakatuklas ng hawak niyang kayamanan.
Kaya nga lamang ay paano?
Mahigit dalawang linggo bago niya napagpasyahan ang gagawin. Mabilis siyang nagbalot ng ilang pirasong damit at nagdamit ng mga lumang kasuutan. Sa sobrang luma ay kupas na ang tela ng kamesita ganoon din ang pantalon. Mayroon pa ngang maliliit na butas sa ilang parte ng kasuutan.
"Tama! Kailangan kong magmukhang dukhang-dukha upang hindi ako mapagkamalang may mga kayamanan."
Sa isang sanlaan ay ipinagpalit niya ang ilang piraso ng mga alahas upang magkaroon siya ng salapi nang sa ganun ay makapaglakbay siya.
Iyon ang tanging paraan na kanyang naisip upang makaiwas sa mga kawatan. Dahil sa mayroong salapi ay hindi siya nahirapang sumakay sa ilang barko. Isa pa, may pambayad siya kaya naman kahit dukhang tignan ay nakakapasok siya sa mga barko at daungan. Mula sa Tsina ay nakarating siya sa isang bansa. Walang eksaktong plano kung saan tutungo at kung ano ang gagawin.
Isang araw ay napadpad siya sa isang nayon sa Tibet. Mahirap ang lugar na iyon at napakainit taliwas sa lugar na pinanggalingan. Sa umpisa ay inisip niyang magtayo ng mapagkakakitaan doon subalit napagtanto niyang hindi niya kakayanin ang klima. Isa pa ay hindi marunong ng salitang English ang mga tao kaya naman makalipas lamang ang isang linggo ay naglakbay siyang muli.
Subalit nagkaroon ng aberya sa laot habang nasa barko siya patungo sa kung saang bansa. Ang paglalakbay nila ay nasa isang buwan na subalit nasa gitna pa lamang sila ng karagatan.
"Diyos ko! Kamatayan yata ang kahahantungan ko sa lugar na ito!" Takot na takot si Allen na nagsumiksik sa loob ng maliit na silid para sa kanya.
Ang malakas na hagupit ng hangin at mga alon sa karagatan ay damang-dama ng barko dahilan sa pagewang nito. Lalo siyang natakot at nawalan ng pag-asa.
Pagsisisi lamang ang kanyang tanging nagawa.
"Ina, ama, sana'y hindi ko na lamang kayo iniwan sa ating lugar. Dahil sa kayamanan ay nasilaw akong mawalan at hindi ko naisip ang mas higit pang panganib kagaya nito. Huhu!"
Samantalang sa labas ng silid ay dinig na dinig niya naman ang mga hiyawan ng tao dahil sa matinding takot. Sa kasagsagan ng sakuna ay may pumutok na kung ano sa unahang bahagi ng barko kasunod ang biglaang pagkawala ng mga ilaw.
Nanginginig ang buong katawan ni Allen at halos mabaliw siya sa takot na nararamdaman. Hindi niya mawari subalit tila may kakaibang naganap bigla sa paligid. Ang katawan niya'y tila nilamon ng maitim na karimlan at ramdam niya ang pagbulusok ng kanyang katawan na tila galing siya sa isang mataas at mahabang tunnel. Sobrang dilim at halos mapugto ang kanyang hininga sa matinding paghiyaw. Takot at pagkasindak ay kulang upang mailarawan ang nararamdaman.
Isa lamang ang alam niya sa mga oras na iyon, kamatayan ang nasa dulo ng mahabang paglalakbay niya sa karimlan, at maaaring sa pusod ng dagat ang huli niyang kahahantungan. Subalit nawalan siya ng ulirat bago pa man humantong sa patutunguhan.
Nagkamalay siya sa isang dampa sa tabi ng dalampasigan, may matandang nakaupo sa maliit na upuang kahoy at nagmamasid sa kanya.
"Sino ka?" mahinang tinig ang pumatlang sa tahimik na kapaligiran. Namamaos ang kanyang tinig.
"Ako si Lucas. Marahil ay nanggaling ka doon sa lumubog na barko at dito ka ipinadpad ng mga alon. Salamat sa Dios at buhay ka pa nang matagpuan ko."
Namutla si Allen sa narinig. Lumubog ba kamo?
"Lumubog??!"
"Oo. Inabot nang matinding bagyo ang inyong paglalakbay. Sa wari ko ay iilan lamang ang nabuhay o baka ikaw lamang ang tanging nakaligtas. Wala akong kaalaman sapagkat ilang araw ng naghahanap ang otoridad subalit walang matagpuan. Ang totoo niyan ay hindi nalaman kaagad ang paglubog ng barko sapagkat tatlong araw na walang humpay ang ulan."
Nagulat si Allen at napaisip. "Kung ganun, ilang araw po akong walang malay?"
Tumayo ang matanda at hinaplos ang kanyang ulo. "Bumaba na ang iyong lagnat. Limang araw kang wala sa sarili."
"Limang araw?! Ang huli kong natatandaan ay tila lumubog ako sa umiikot na karimlan! Kung ganun ay paano akong nakaligtas?"
Tumalikod ang matanda saka mahinang sumagot, "Hindi ko alam ang sagot sa iyong katanungan. Maaaring hindi pa iyon ang iyong katapusan."
"Salamat naman sa Dios kung ganun," mahina niya ring tugon nang maalala ang kanyang mga kagamitan.
"Ang mga kagamitan ko!" Nanlulumo ang kanyang pakiramdam. Nawala ang lahat sa kanya dahil sa maling pagpapasyang nagawa. Pumatak na lamang ang kanyang mga luha.
Binuksan ng matanda ang maliit na aparador na gawa sa kawayan at may kinuha itong...
"Ang bag ko!"
Nagulat si Allen nang makitang tangan ng matanda ang kanyang bag na daladalahan sa kanyang paglalakbay.
"Kasama mo itong napadpad sa lugar na ito. Sa iyo marahil ito."
Mahilo-hilong bumaba siya sa kinahihigaan subalit sinaway siya ng matanda. "Huwag ka munang gumalaw ng mabilis. Baka mahilo ka dahil sa naging trangkaso mo."
Lumapit ang matanda at iniabot sa kanya ang bag na mabilis niyang binusisi. Nanlalaki ang mga matang natulala siya sapagkat naroon at kumpleto ang kanyang mga kagamitan maging ang mga kayamanang laman niyon. Nakakagulat subalit hindi nga ba talaga tinignan ng matandang ito ang laman ng kanyang bag?
Napapalunok na nilingon niya ang matanda. Nagdadalawang-isip kung babahagian ng kayamanan. Subalit naisip niyang walang silbi ang yaman kung wala siyang buhay kaya naman dumakot siya ng ilang pirasong ginto at alahas at ibinigay sa matanda.
"Kaibigan, maraming salamat sa iyong pagligtas sa akin. Tanggapin mo sana ang gantimpalang ito."
Ngumiti ang matanda at iwinasiwas ang kamay sa hangin. "Hindi ko kakailanganin ang mga iyan. Salamat. Gamitin mo na lamang iyan upang mapabuti ang iyong kalagayan. Siyanga pala, naririto ka sa Europa."
Kagulat-gulat! Tinanggihan nga ba ang kayamanan ng matandang ito?
"Kaibigan, nasa matino ka bang pag-iisip? Marami ang nagpapatayan upang magkaroon ng ganitong yaman subalit iyo lamang tinatanggihan?"
"Haha. Alam mo bata, ang totoong yaman ay narito..." Inilagay ng matanda ang kanyang palad sa tapat ng puso bago nagpatuloy, "...pag-ibig na totoo ang tanging yaman sa mundo.
"Ehehehe. Siguro ay umiibig kayo kaibigan. Haha."
"Aba syempre naman! Kung wala akong pag-ibig, marahil ay wala rin akong kaligayahan sa ngayon!"
Napaisip si Allen, "Kung ganun, maaari ko bang makilala ang iyong sinisinta bago man lang ako magsimulang maglakbay muli?"
Umiwas ng tingin ang matanda at mahinang tumawa, "Ang totoo, ako lamang ang umiibig sa kanya. Hindi niya ako kilala sapagkat sa malayo ko lamang siya tinatanaw."
Naguluhan si Allen. "Paanong nagiging maligaya kayo kung ganun?"
"Kapag umibig ka, saka mo iyon mauunawaan."
"Ang gulo niyo kaibigan. Haha. Paano nga ba ang umibig? Wala akong karanasan sa larangang iyan ng buhay."
"Ang umibig ay iyong..." Ngumiti sa kanya ang matanda at saka niya napansin ang kulay pilak nitong mga mata. Tumibok ang puso niya nang mabilis.
"Maging maligaya makita lamang siya. Maging mapayapa matanaw lamang siya. Ang maging sapat kahit hindi karapat-dapat," dugtong ng matanda.
"Wala akong naunawaan."
"At maging malungkot na tila katapusan na ng lahat kung iiwanan mo o iiwan ka ng taong iniibig mo."
Maging napakalungkot...
Kagaya ng tinig ng matanda.
Yumuko si Allen. Mahapdi ang kanyang dibdib. Wala siyang sugat sa parteng iyon subalit...
Ezekiel...
Iniwanan ko ang nagngangalang Ezekiel.
Sa hindi malamang kadahilanan ay pumatak ang kanyang luha. Ang pasisisi ay kulang upang ilarawan ang nararamdaman niya.
'Hindi kaya'y tinig niya ang narinig kong umiiyak nang ako'y magpaalam?'