Chapter Fire and Ice: 30

Her hand stilled. Hindi siya makapaniwalang tumingin dito. Naalala nito ang unang araw na nagkita sila. Kilala siya nito noon pa man. Hindi mapigilang sumagi sa isip niya ang posibilidad na gusto nga siya nito.

Sa kislap ng mga mata nito, parang in love nga ito. Pero hindi. Umiimbento lang ito ng istorya. Para naman mapaniwala nila si Jerus na ganoon na katagal ang nararamdaman nila sa isa’t isa.

“Now that she’s all grown-up, hindi mo na siya pinakalawan?” tanong ni Jerus.

Inakbayan siya nito. “Wrong. Hindi na niya ako pinakawalan pa.”

Siniko niya ito. “Mayabang ka talaga.”

“How about you, Brazile? Ngayon ka lang ba na-in love sa kanya o matagal na?”

Sinalubong niya ang tingin ni Keith. Naghihintay rin ito ng sagot. Pumikit siya at binuhay ang Brazile na pinatay niya. Ang Brazile na minsang nahumaling dito.

When she opened her eyes, she held his gaze. “The moment our eyes met, pakiramdam ko wala nang tao sa paligid ko. Hinintay ko na magkagusto siya sa akin tulad ng ibang lalaking kaedad ko pero hindi siya lumapit. Bakit naman niya ako lalapitan samantalang masyado pa akong bata? Akala ko hindi niya ako napapansin. Umiyak ako nang maka-graduate na siya. Akala ko kasi hindi na kami magkikita pa ulit.”

“Paano naging kayo pagbalik niya?” naguguluhang tanong ni Jerus. “Niligawan ka ba niya?”

“No,” maagap niyang sagot. “He courted my friend Arice.”

“At pinagtawanan mo ako nang nabasted niya ako,” akusa nito sa kanya.

Tumawa ito. “Dahil akala mo lahat ng babae magkakandarapa sa iyo.”

“Teka, awat na,” wika ni Jerus. “Baka mauwi pa iyan sa away.”

“Nang malaman niyang ako ang bago niyang boss, gusto niyang mag-resign,” natatawang sabi ni Keith. “Akala sesesantehin ko siya dahil tinukso niya akong basted.”

“Hindi yata,” kaila niya. Nakakahiya dahil ang mga bagay na para sa kanilang dalawa lang ay ipinagkakalat pa nito. “Gusto ko lang magsarili noon at…”

“At ayaw kitang pakawalan,” anito at hinalikan ang likod ng palad niya. “Kapag umalis ka sa poder ko, mapapalayo ka sa akin.”

Nahigit niya ang kanyang hininga. Sana totoo ang mga kwento nito. Gusto niyang maniwalang totoo ang lahat ng iyon. Na totoong nobya siya nito at talagang mahal nila ang isa’t isa. Na hindi pagkukunwari ang lahat.

“Hindi ako nag-resign dahil tinakot niya ako,” sabi niya.

“Hinalikan lang kita nagbago na ang isip mo,” kontra nito. “Iyon lang naman talaga ang habol mo sa akin, hindi ba?”

“Keith,” aniya sa nagbabantang tinig. Ipinaalala nito sa kanya ang kabayaran dahil sa pagpayag niyang magkunwaring nobya nito.

Napalingon sila nang magkalantugan ang mga kubyertos. Iyon ay dahil sa biglang pagtayo ni Keith. “Excuse me, kailangan ko pang pumunta sa airport sa Cauayan. Susunduin ko ang event coordinator.”

Dinampian ni Jerus ang labi ng napkin. “Sasama ako sa iyo,” anito at hinawakan ito sa kamay. Ayaw nitong mahiwalay sa nobyo.

“Don’t bother,” Conrad said curtly. “Makipag-kwentuhan ka na lang sa kanila.”

“Pero…”

Hindi na nito pinakinggan pa ang protesta ni Jerus at naglakad ito palayo. Lumukob ang lungkot sa anyo nito subalit muling nakangiti nang bumaling sa kanila. Ngunit alam niyang sa loob ay nasasaktan ito.

“Kwentuhan pa ninyo ako tungkol sa inyong dalawa.”

SINULYAPAN ni Brazile ang relong pambisig. Labinlimang minuto na siyang naghihintay subalit hindi pa rin dumarating sina Conrad at Jerus. Dapat ay dalawang session lang ang pre-nuptial pictorial nila. Pero dahil maraming magagandang lugar sa hacienda ay humiling si Jerus na kuhanan pa nila ang iba.

Pumulot siya ng bato at ihinagis sa ilog. May kalayuan iyon sa villa kaya naiintindihan niya kung matatagalan ang mga ito. Nagpahatid lang siya sa pick up at sila Jerus na ang bahalang magbalik sa kanya sa villa.

Luminga siya nang may kumaluskos. Baka dumating na ang mga ito. Napatayo siya nang makita si Keith. Nakasuot ito ng cowboy hat, checkered na polo, pantalong maong at riding boots. Kailangan lang nitong maglagay ng hibla ng damo sa bibig at pwede na itong modelo ng Marlboro.

Matamis siyang ngumiti at sinalubong ito ng yakap. “Kanina pa kita hinihintay,” malambing niyang sabi. Lagi silang sweet sa isa’t isa lalo na’t nasa paligid si Conrad. Guwardiyado siya ni Keith para matiyak na hindi siya malalapitan nito.

“Na-miss mo na naman ako,” ngingiti-ngiting sabi nito. “Babawi na lang ako.”

Hinawakan nito ang baba niya at iniangat. Nang dahan-dahang bumaba ang mukha nito ay hinila niya ito sa batok. Parang hindi siya makapaghintay na maglapat ang labi nila. It was all an act, she knew. Pero masyado na siyang nasasanay sa mga halik nito. And she found his kisses addictive.

She lost track of time. Subalit para sa kanya ay napakahabang sandali na nitong inaangkin ang labi niya. He was kissing her slowly. Na parang hawak nito ang lahat ng oras sa mundo para halikan siya.

“That’s enough,” bulong niya habang naghahabol ng hangin. Tumingin siya sa likuran subalit wala ang mga inaasahan nilang audience. “Nasaan sila?”

“Sinong sila?” tanong nito at pinaliliguan ng halik ang mukha niya.

“Sina Conrad at Jerus, sino pa?” bahagyang paangil niyang tanong.

Hinalikan nito ang talukap ng mata niya. Napapikit siya. May kapangyarihan ang halik nito na dahan-dahang tunawin maging ang katinuan niya at ang proteksiyong ibinalot niya sa sarili.

“Sila ba?” tanong nito at hinapit siya palapit habang patuloy sa pagkikintal ng mumunting halik sa kanya. “Hindi na daw sila pupunta dito. May mga bisitang dumating.”

Napadilat siya at itinulak ito palayo. “Bakit hinalikan mo ako kung wala sila dito?”

Ngumiti ito. Nangingislap ang mga mata sa panunukso. “Hindi ka ba nagsasawa na may audience? Minsan dapat may privacy tayo.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.