Namula siya sa inis at pagkahiya. “Ipinaalala ko na hindi mo ako totoong girlfriend. This is all a ploy. Ginagawan lang kita ng pabor.”
“Ginagawan lang din kita ng pabor. You looked at me as if you were asking to be kissed. I don’t want to disappoint you.”
Sayang lang ang pag-arte niya kanina. At kung makatingin daw siya ay parang gusto niyang magpahalik. Magaling lang siyang umarte. At inutakan siya nito.
“Kayo talagang mga lalaki, mga manlilinlang,” gigil niyang bulong at hinakot ang mga gamit. Inirapan niya ito nang humarang ito sa kanya. “Hindi ka na makakaulit!”
“Saan ka pupunta?” tanong nito.
“Babalik sa villa. Wala naman akong trabaho dito.”
Pinigilan siya nito sa braso. “Bago ka umalis, tumingin ka muna sa paligid mo.” Nakasimangot niyang inilibot ang mata sa paligid. Maganda ang lugar na iyon. Hindi niya masyadong ma-appreciate dahil puro trabaho ang nasa isip niya.
Berde ang kawayanan sa tabing-ilog. Bughaw din ang langit dahil alas otso pa lang ng umaga. Hindi pa gaanong mainit sa balat ang sikat ng araw. Pumapagaspas ang hangin dahil sa mga puno sa paligid nila.
Hinawakan siya nito sa balikat. “Minsan, kailangan mong tumigil sa ginagawa mo at tingnan ang magagandang bagay sa paligid mo. Hindi pwedeng buong buhay ay gugugulin mo sa galit.”
Napatitig siya sa mabining agos ng tubig sa ilog. Kalahati ng buhay niya ay nabuo nang naniniwalang walang magmamahal sa kanya. Lalo na ang mga lalaki na walang ginawa kundi saktan siya. Isinara niya ang kanyang puso. Wala siyang tiningnan kundi kung ano ang masamang idudulot ng mga ito kapag pinapasok niya sa puso niya.
Katulad ng kanyang Papa. Mas pinili nito ang kapatid na lalaki. Subalit nang hindi nabuhay ang bata, pilit itong bumabalik sa kanya. Hinihingi muli ang kanyang pagmamahal. Namatay ito nang hindi niya napapatawad. Pinangibabaw niya ang galit sa kanyang puso. Kung tinanggap kaya niya ito, naging mas magiging masaya ba siya?
At si Keith. Minsan ay nagkaroon ito ng puwang sa batang puso niya. Puso niya na matagal na niyang inilibing. Kung mabubuhay kaya ang puso niyang marunong mangarap at magmahal, mas magiging masaya rin kaya siya?
Tinalikuran niya ang magandang tanawin nang maramdaman ang pamamasa ng mga mata. Ibang usapan ang kay Keith. Wala itong nararamdaman para sa kanya. Lahat ng ipinapakita nito sa kanya ay pawang balatkayo. Pagkatapos ng kasal nina Conrad at Jerus, matatapos na rin ang kanilang relasyon. Babalik na naman sila sa dati. Siya pa rin ang babaeng mababa sa paningin nito.
“Brazile…”
“Gusto ko nang bumalik sa villa,” walang emosyon niyang sabi.
Mas gugustuhin niyang ibaon sa galit ang sarili. Kaysa ang magmahal at muling masaktan. Iyon ang makabubuti para sa kanya.
SAGLIT na tumigil si Brazile sa pagkuha ng litrato. Sumisigid ang sakit sa kanyang ulo. Ngunit kailangan niyang ituloy ang trabaho. Akmang kukuha muli siya ng litrato nang may humarang sa kanya.
Namaywang siya. “Keith!” angil niya.
“Tama na raw ang trabaho, sabi ni Jerus. Hindi naman daw kasama ang event na ito sa package deal ninyo.”
“Anong gagawin ko kung hindi ako magtatrabaho?”
“Magpahinga ka.” Kinabig nito ang ulo niya at ihinilig sa dibdib nito. “Kanina ka pa namumutla. May masakit ba sa iyo?”
“Ulo ko,” sabi niya at ipinikit ang mata.
Ang totoo ay mas nais niyang ituon ang atensiyon sa trabaho dahil dalawang araw na lang ay ikakasal na si Jerus. Pagkatapos ng kasal ay maghihiwalay rin sila ni Keith. Ayaw niyang masanay sa pagpapanggap na nobya nito.
Natatakot siya na ang kanilang pagkukunwari ay nagiging natural. Natural din sa kanya ang mga halik nito. Hindi niya maaring hayaan ang sarili na madala sa bawat matatamis na salita nito, kahit gusto niyang maniwalang totoo iyon minsan.
“Magpahinga ka muna sa taas. Hindi mo na kailangang magtrabaho sabi ni Jerus. Susunod ako sa taas at dadalhan kita ng gamot.”
“Pero hindi ba kausap mo si Mr. Legaspi?” tukoy niya sa businessman na planong makipag-deal kay Keith.
“Basta. Mauna ka na sa kuwarto mo. Kailangan mong magpahinga.”
“Pero…”
Nilunod nito sa halik ang protesta niya. He kissed her leisurely not caring about the people around them. Gaya noong una ay nagpatangay na naman siya. The party is on a romantic atmosphere dahil maraming magkapareha sa paligid.
Natigil siya sa pagtugon sa halik nito nang maramdamang may mga matang nakatingin sa kanya. Nang lingunin niya ay naroon si Conrad. Matiim ang tingin sa kanila ni Keith. Hangga’t hindi ito nakakasal, magsisilbi pa rin itong banta sa kanya.
“Sige, aakyat na ako,” nakangiti niyang sabi nang ibalik ang tingin kay Keith.
“Good,” bulong nito at muling inangkin ang labi niya.
“Keith,” ungol niya nang dahan-dahang siyang nalulunod sa halik nito. “How long will this last?”
“Our kiss?”
“The charade,” pagtatama niya.
Bahagya siya nitong inilayo subalit hawak pa rin siya sa balikat. Puno ng pagtatanong ang mga mata nito. Na parang kahit ito ay hindi alam ang sagot.
Hinaplos nito ang pisngi niya. “As long as I need you.” Ngumiti ito. “Umakyat ka na sa taas. Babantayan kita mamaya.”
Humiga siya at naisip si Keith. Natatakot siyang baka hindi na makatagal ang puso niya. Kailangang malaman niya hanggang kailan niya pipigilan ang puso. Kapag kasama niya ito, bumabalik siya sa dalagitang Brazile. Ang bata niyang puso na nahumaling dito noon ang siyang tumitibok tuwing niyayakap at hinahalikan niya ito.
Isang batang pangarap na nagkatotoo. Na ito ang nabuhay na prinsipe sa mga Mills and Boon pocketbook na nababasa niya noon.
“Set yourself free, Brazile. You are in love with him,” bulong niya sa sarili.
Naipilig niya ulo. Isang kahangalan na hayaan ang emosyon na iyon na mamayani sa puso niya. Natigil siya sa pag-iisip nang may kumatok.
Binuksan niya ang pinto. “Keith, ikaw na ba iyan?” Natigilan siya nang makitang hindi si Keith ang nakatayo doon. “Conrad?”