Hindi makabubuti para sa kanya kung ito pa ang mauunang magso-sorry. Na sasabihin nitong mali ang ginawa nila at pinagsisisihan nito ang nangyari. Maari na itong tumigil sa pagkukunwari na parang normal lang ang lahat.
Hinawakan nito ang kanyang baba at itinaas. Sinalubong nito ang tingin niya. Puno ng emosyon ang mga mata nito. Emosyon na noon lang niya nakita.
“Sino ang may sabi sa iyo na magso-sorry ako sa nangyari? Walang mali, Meredith. Dapat matagal na iyong nangyari ito kung hindi lang ako masyadong mabagal.” Hinapit nito ang baywang niya at dahan-dahang bumaba ang mukha nito sa kanya. Hanggang halos wala nang pagitan ang kanilang mga labi. “And I’m glad you are mine, my Summer Rose.”
NAMASA ang mga mata ni Meredith nang marinig ang sinabi ni Siege. Tuluyang nawala ang lahat ng negatibong nararamdaman niya lalo na ang selos.
“Tinawag kitang Summer Rose dahil ikaw ang pinakamagandang babaeng nakilala ko. Nasa iyo ang lahat ng hinahanap ko sa isang babae. You are beautiful inside and out. I want you to be mine since you were eighteen. Unang pagtapak mo pa lang sa Torch Publication, nakuha mo na ang atensiyon ko. And I waited for ten long agonizing years to have you.”
Summer Rose. Hindi siya makapaniwalang iisa lang sila ng babaeng kinamuhian niya. “Ibig sabihin, sarili ko lang pala ang pinagseselosan ko?” nausal niya.
Ayaw niyang umasa na siya ang babaeng itinatangi nito. Ayaw kasi niyang mabigo. Mas pinili niyang ipagpalagay na ibang babae ang gusto nito at pinatay na lang niya ang kanyang sarili sa labis na selos.
“Kaya ko nga inipit sa folder mo ang note na niyaya kitang mag-date. Simula na sana iyon ng panliligaw ko sa iyo. Nagulat na lang ako nang sumugod ka sa opisina ko at inaaway ako dahil sa note na iyon. Iyon pala nagkamali ka ng hinala.”
Namumula niya itong hinampas sa dibdib. “Nakakainis ka!”
“Ayoko ngang sabihin ang totoo. Baka lalo kang magalit.”
Naningkit ang mga mata niya. “Galit ako noon dahil nainsulto ako. Pero hindi ako magagalit kung sinabi mo sa akin ang totoo. Akala ko ikaw ang nagkamali.”
Tumawa lang ito at kinintalan siya ng halik sa labi. “Sasabihin ko na sana ang totoo pero nagbago ang isip ko. Gusto ko kasing makita kung paano ka magselos.”
Tiningnan niya ito ng matalim. Naiinis siya dahil pinagtatawanan siya nito. “You already had your fun. Napagkatuwaan mo na ako.”
Masuyo nitong pinisil ang pisngi niya. “Huwag ka nang magalit. Ikukumpisal ko pa ang isa kong sekreto sa iyo.”
Naguguluhan niya itong tiningala. “Anong isa pang sekreto?”
“Alam ko kung sino ang nagbibigay ng rose sa iyo araw-araw.”
“Talaga?” aniyang nakataas na ang kilay. “Paano mo naman nalaman na may nagbibigay ng rose sa akin araw-araw? Paano mo rin nalaman kung sino?”
Ibinilin niya kina Brazile at Kristine na huwag sasabihin kahit kanino na may misteryoso siyang admirer. Hindi niya inaasahang makakarating iyon pati kay Siege.
Mula sa bed tray ay kinuha nito ang pulang rosas na nasa maliit na vase at inabot sa kanya. “Dahil ako ang naglalagay ng rose doon.”
Tinanggap niya ang rosas at tinitigan. Ganoon din ang uri ng pulang rosas na natatanggap niya araw-araw. “Ikaw ang secret admirer ko?”
“Noong una, wala akong balak na sabihin sa iyo. Hindi ko pa alam ang magiging reaksiyon mo. Sumunod naman, iyong sulat kay Summer Rose. Akala ko naman kasi makakahalata ka nang ako ang nagpapadala ng rose sa iyo.”
Hindi niya masyadong napansin o sadyang ayaw niyang tingnan ang posibilidad. Nang may nagpapadala ng bulaklak sa kanya ay saka ito maagang pumasok sa opisina. Akala niya noong una ay seryoso lang ito sa trabaho bilang publisher at dinidibdib ang trabaho. Iyon pala ay gusto nitong ito mismo ang maglagay ng bulaklak sa opisina niya.
“This day is full of surprises,” komento niya at ihinilig ang ulo sa dibdib nito. “May kailangan pa ba akong malaman?”
“I have one more confession to make.”
Tiningala niya ito. Subalit seryoso na muli ang anyo nito. “Ano pa ang isang sekretong hindi mo pa nasasabi sa akin?”
Ikinulong nito ang kanyang mukha sa palad nito. “Meredith, I love…”
“Shhh…” putol niya sa anumang sasabihin pa nito. Maagap niyang pinigilan ng daliri ang labi nito. “Ayoko nang makarinig ng anumang salita sa ngayon. I already had enough of your secrets,” anas niya.
Inalis niya ang daliri sa labi nito at pinalitan ng labi niya. Ayaw niyang marinig ang salitang ‘I love you’ mula dito. Hindi ngayon. Masisira lang ang mahikang mayroon sila. Dahil kapag wala na ang mahika, kailangan nilang harapin ang katotohanan. Dapat niyang sabihin dito na hindi siya nito maaring mahalin.
NATIGIL sa pagsubo ng cake si Meredith nang mahuling nakatitig sa kanya si Siege. Nasa isang restaurant sila at nanananghalian. Sa labas sila kumain sa kabila ng protesta nito. Lumamig lang ang iniluto nitong agahan. At kung doon na naman sila sa condo niya manananghalian ay tiyak na ganoon muli ang mangyayari. Wala na nga siyang sapat na lakas ay mamamatay pa siya sa gutom. Ayaw niyang ma-ospital.
“Siege Matthews, stop staring at me and eat your food,” utos niya.
He had that hungry look in his eyes again. Alam niya ang tumatakbo sa isip nito. Mga ideya na ayaw niyang I-entertain nang mga oras na iyon. Hindi sa loob ng isang mataong restaurant.
Tinapos nito ang pagkain at hindi pa rin inaalis ang tingin sa kanya. “Meredith Garces, I’m already full. You’d better finish your food so we can go back to your condo.”
“T-Teka, hindi ba dapat papasok na ako sa trabaho?”