Usapan niya ay magha-half day siya. Alam nitong hindi pa siya pwedeng um-absent dahil hindi pa nakakabalik sa trabaho ang associate editor niyang si Gracie na hindi pa umuuwi mula sa Singapore. Mamayang gabi pa ang dating ng flight nito.
Ginagap nito ang kamay niya. His thumbs creating erotic circles at the back of her hand. “Forget about your job for a while. Ngayon lang tayo magkakapagsolo. Hindi ka na nga sumama sa amin sa biyahe, magpapakamatay ka pa rin ba sa trabaho?”
Pinilit niyang ignorahin ang sensasyon na unti-unting tumitindi sa bawat sandaling hawak nito ang kanyang kamay. “Siege, kailangan ako sa publication. At ikaw, kailangan mo ring bumalik sa bahay mo. You need to tell your mom that you are home. Baka nag-aalala na siya sa iyo.”
“Alright!” sumusukong sabi nito. “Pero kailangang may kapalit.”
Pinanlakihan niya ito ng mata nang makita ang panunudyo sa mga mata nito. “Ano ang kapalit?”
“Have dinner with me tonight,” halos pabulong na sabi nito. Inangat nito sa labi ang kamay niya at hinalikan. “Susunduin kita sa opisina mamaya.”
“Okay,” sang-ayon niya.
Nagawa siyang akitin ng mga titig nito. Hindi niya magawang tumutol. Ngayon pa lang ay excited na siya habang iniisip kung saan siya nito dadalhin.
“Meredith, nagri-ring yata ang cellphone mo,” anito at pinisil ang kamay niya. Parang ginigising siya sa kanyang pagpapantasya.
“Ha?” aniya at mabilis na kinuha ang cellphone. Mabilis niyang sinagot iyon. “Hello, Ma? Bakit po kayo napatawag?”
“Sumunod ka sa Cardinal Santos. Naaksidente sina Emer at Corrine.”
“DAHIL ito sa sumpa, Mama. Ayaw kasi ninyong maniwala sa akin,” may halong paninising sabi ni Meredith sa kanyang inang si Maristella. Nasa isang private room sila sa Cardinal Santos at binabantayan ang natutulog na si Corrine.
Nang matanggap niya ang tawag ay nagmamadali siyang pumunta sa ospital. Ihinatid siya ni Siege dahil may tawag ito mula sa publication. Babalik na lang daw ito para kumustahin siya.
“Magtigil ka, Meredith!” saway nito habang kampanteng nakaupo. Ganoon naman ang kanyang Mama. Hindi mahilig mag-panic. Lagi itong cool. “May blind curve sa dinaanan nila. Accident prone talaga ang area na iyon. Marami nang nadisgrasya. Huwag ka nang mataranta diyan dahil ligtas na ang kapatid mo.”
Parang himala dahil walang masyadong tinamong pinsala si Corrine. Maliban sa ilang gasgas at sugat. Subalit si Emer ay nasa operating room at malubha.
Pinagsalikop niya ang nanlalamig na kamay. “Narinig ninyo ang sabi ng doktor kanina. Fifty-fifty ang tsansa niyang mabuhay. Kung ganoon ay totoo ang sumpa. Maaring mawala si Emer kay Corrine.”
“Tumigil ka na,” mariing saway nito. “Hindi totoo ang sumpa. Aksidente lang ang lahat. Natural lang na malapit sa disgrasya ang ikinakasal.”
Napapalatak ang kanyang bunsong kapatid na si Christian. “Kita mo itong si Mama. Hindi daw kuno naniniwala sa sumpa pero naniniwala naman sa pamahiin. Pareho lang iyon.”
“Ikaw, Christian. Huwag kang sumabat sa usapan dahil hindi ka kasali.”
Nagkibit-balikat ito. “Opo, Mama.”
Tumayo siya at ipinunas ang nilalamig na palad sa palda. Gusto niyang makatulong subalit hindi niya alam ang gagawin. Natatakot siya sa epekto ng sumpa. Noon ay hindi pa siya lubusang naniniwala. Subalit ngayon ay kitang-kita niya ang ebidensiya. May kamalasan sa pag-ibig ang babae sa pamilya nila.
Napapitlag siya nang bumukas ang pinto. “Good evening po,” bati ni Siege na may dalang bulaklak at basket ng prutas.
Sa halip na salubungin ito ng yakap at halik subalit lumayo siya dito. Hindi ito ang tamang oras para makita niya ito. Masyado siyang maraming iniisip.
“Salamat sa pagdalaw, Siege.” Niyakap ito ng kanyang Mama. Ilang beses na ring nakilala ng pamilya si Siege dahil imbitado ang kanyang pamilya kapag may mga okasyon sa kompanya. “Pasensiya ka na kung kailangang maputol ang trabaho ni Meredith. Napasugod tuloy siya dito nang wala sa oras.”
“Naiintindihan ko naman po.” Inilapag nito ang mga dala-dala sa mesa sa tabi ng kama. “Kumusta na po sila Corrine?”
“Maayos na si Corrine. Sabi ng mga doktor ay kailangan lang niya ng kaunting pahinga. Kaunti lang ang sugat na natamo niya. Hopefully walang internal damage. Pero si Emer nasa operating room pa rin.”
“Sana po maayos na ang lahat. Lalo na’t nalalapit na ang kanilang kasal,” sabi ni Siege na labis ang simpatya.
“Hindi maayos ang lahat.” Niyakap niya ang sarili at nagpalakad-lakad. “Dapat noong una pa lang sinabihan ko na si Corrine. Sana naiwasan niya ang disgrasyang ito.”
“Tama na iyan, Meredith,” mariing saway ng kanyang Mama at pinigilan siya sa balikat. “Nakakahiya sa boss mo. Baka akala nababaliw ka na.” Nakangiti nitong binalingan si Siege. “Pasensiya ka na sa anak ko.”
“Baka po nag-aalala lang siya sa kapatid niya.” Nilapitan siya ni Siege at hinawakan sa magkabilang balikat. “Huwag na lang nating ituloy ang dinner natin. Sa tingin ko mas makakabuti sa iyo ang magpahinga.”
“Mawalang-galang na, hijo,” sabi ng kanyang Mama. “Kung may pupuntahan man kayo ni Meredith, aba’y isama mo na siya.”
“Mama!” aniya sa labis na pagkagulat. “Hindi ako aalis. Dito lang ako. Kailangan ko pong bantayan si Corrine.”
Hindi niya maaring iwan ang kanyang kapatid. Ngayon siya nito kailangan.
“Maayos na ang kapatid mo,” anang si Maristella. “Nandito kami ni Christian. Isa pa, dagdag ka lang sa alalahanin ko. Baka kapag nagtagal ka pa dito ay magka-nervous breakdown ka. Pati ako nakukulta sa mga iniisip mo. Baka mabaliw na rin ako.”
Naipadyak niya ang isang paa bilang protesta. “Pero totoo naman po ang…”
Itinulak siya nito palapit kay Siege. “Sige, hijo. Utang na loob, isama mo na sa kung saan mo man gustong dalhin itong si Meredith. Sa tingin ko kailangan niya ng sariwang hangin. Tatawagan ko na lang siya kapag may problema.”