NAPAHAWAK si Eton sa kanyang dibdib nang bigla `yong manikip. Bigla rin siyang nakaramdam ng matinding pananakit sa kanyang likod na para bang may mga patalim na bumaon sa kanyang katawan. Dahil sa pakabigla sa mga umatakeng sensasyon sa kanya, bigla siyang napasandal sa estante ng mga tinapay dahilan para magsibagsakan ang mga `yon sa sahig.
Napapikit siya at ang unang pumasok sa kanyang isipan ay ang mukha ni Tyrus. Dahil do’n, nakaramdam siya ng pinaghalong kaba at pag-aalala.
Tyrus…
“Eton, hijo? What’s wrong?”
Nagmulat si Eton ng mga at sumalubong sa kanya si Isabel, ang sixty three year old owner ng grocery store kung saan siya nagtatrabaho bilang part-timer. Kahit matanda na ang mortal at kulubot na ang balat, mananatiling maganda at bata ang mukha nito sa kanyang paningin. Gaya no’ng kabataan nito.
Ayaw niyang mag-alala sa kanya si Isabel kaya kahit mahirap, pinilit niyang tumayo ng deretso. Humugot na lang siya ng malalim na hininga para kalmahin ang sarili.
“I’m fine,” sagot ni Eton sa pantay na boses, nag-iwas ng tingin. Ayaw niyang titigan si Isabel sa mga mata dahil sa tuwing gagawin niya `yon, bumabalik lang sa kanyang isipin ang mga ala-ala nilang dalawa na hindi naman naaalala ng babae. “Isabel, puwede ba kong umuwi ng maaga? Pasensiya na kung hindi na ko makakatulong sa pagsasara nitong grocery store. May emergency kasi sa’min ngayon.”
“Oo naman,” mabilis na sagot ni Isabel, maririnig sa boses ang pag-aalala. “Go, go. Huwag mo nang paghintayin ang pamilya mo. Kailangan mo bang hiramin ang kotse ko?”
Hindi napigilan ni Eton ang pagngiti. Naglakas ng loob siyang tingnan muli si Isabel sa mukha. Kulay abo na maiksi at kulot na buhok, singkit na mga mata, maliliit na mga labi, kulubot sa noo at mga pisngi. Malayo na nga siguro ang hitsura nito ngayon sa ganda nito noong araw, pero ang puso at kabuting loob na meron ang babae, hinding-hindi pa rin kumukupas.
At `yon ang dahilan kung bakit habambuhay na mananatiling maganda si Isabel sa kanyang paningin.
“Thanks for the offer, but I brought my car today,” marahang sagot ni Eton. He was not a gentle person, but Isabel would always bring out his soft side. “Hayaan mo na rin ang mga tao dito sa grocery store ang magsara nito. Umuwi ka na at magpahinga.”
Nakangiting tumango si Isabel. “Yes, sir. Pauwi na po.” Napailing-iling ito na parang naaaliw sa kanya. “You’re doing it again, Eton. Kung magsalita ka na naman, parang mas matanda ka pa sa’kin. I should feel disrespected, but I don’t. I wonder why.”
Naging malungkot ang ngiti ni Eton. Wala nga talagang naaalala si Isabel sa nakaraan nilang dalawa. Kung tingnan siya nito, parang apo lang nito ang kaharap at hindi ang lalaking pinangakuan nito ng panghabambuhay na pag-ibig noon. Noon.
“Oh, I’m holding you back,” parang nabiglang bulalas ni Isabel. Bumalik ang pag-aalala sa mukha nito. “You should go, Eton. Baka kailangan ka na sa inyo. Huwag kang mag-alala sa’kin dahil susunduin naman ako ng asawa ko rito mamaya.”
Ah, ‘asawa.’ Ang salitang ilang dekada nang dumudurog sa puso niya.
Tumango lang si Eton, isinasantabi muna ang personal niyang problema. Ipinatong niya ang kamay sa balikat ni Isabel bilang pamamaalam bago siya patakbong lumabas ng grocery store.
Pagsakay pa lang niya sa kanyang kotse, tinawagan agad niya si Tyrus pero hindi ito sumasagot. Gano’n din si Lilac. Dumoble tuloy ang kaba niya. Nang hindi niya ma-contact ang kakambal, tumawag na siya kay Hyacinth na naiiwan sa mansiyon para bantayan ang kampo nila.
“Hyacinth, ipadala mo sa’kin ang address ng condominium building kung saan nakatira si Denim Blue Benitez,” utos agad ni Eton kay Hyacinth pagkasagot nito ng phone. “Hindi ko ma-contact sina Captain Tyrus at Lilac pagkatapos nilang pumunta sa condo ng mortal.”
“Wala pa rin sila rito sa mansiyon, Vice-captain,” pormal pero halatang nag-aalalang pagbabalita ni Hyacinth. “Come to think of it, hindi pa rin bumabalik ang mga kasamahan natin. Si Onyx, siya ang nagbabantay kay Miguel Lorenzo Benitez. Si Saffron naman ang sumusunod at naghahanap kay Finn Lee Mancini. Dalawang oras na ang lumilipas simula nang natanggap ko ang huling report mula sa kanila.”
Napamura si Eton sa isipan. Ang ‘bantayan’ si Denim ng isang oras para magawa nina Tyrus at Lilac ang kailangan ng mga ito sa condo ng babae ang trabaho niya para sa araw na `yon, kaya nga nagpunta siya sa Isabel’s Mart kahit bihira na lang niyang gawin `yon ngayon dahil sa misyon nila.
Mahigit isang oras na simula nang umalis si Denim sa grocery store. Dapat ay nakabalik na sina Tyrus at Lilac sa mansiyon. O tumawag man lang sana sa kanya ang kakambal niya.
Something seems to be off.
“Subukan mong tawagan sina Onyx at Saffron,” utos uli ni Eton kay Hyacinth. “Pupuntahan ko ang condo ni Denim Blue Benitez at aalamin ko ang nangyari do’n. Kapag may narinig ka na mula sa mga kasamahan natin, mag-report ka agad sa’kin. I might need back-up. Is that clear?”
“Yes, Vice-captain,” magalang na sagot ni Hyacinth. “Malinaw ang utos niyo.”
Pinutol na ni Eton ang tawag. Hinagis niya ang phone niya sa passenger seat, saka niya binuhay ang makina ng kanyang kotse. Pinaharurot niya ang sasakyan agad-agad.
Dahil kambal sila ni Tyrus, may kakaibang koneksyon sila na pinalakas ng kanilang dugong bampira. Nararamdaman nila kapag nasa panganib ang buhay ng isa’t isa. Ngayon na lang niya uli naramdaman ang sakit na posibleng pinagdadaanan ni Tryus ng mga sandaling `yon.
Nang humina si Tyrus dahil sa hindi pag-inom ng dugo ng mga tao, humina na rin ang kapangyarihan nito bilang kalahating-bampira. `Yon din ang posibleng dahilan ng paghina ng koneksyon nila.
Kung nararamdaman niya ngayon ang sakit ni Tyrus, malamang ay nasa malubhang sitwasyon ito.
Umangil si Eton sa galit nang ma-stuck siya sa traffic jam. Naiinis na hinampas niya ang kamay sa manibela dahilan para mag-ingay ang busina ng kanyang kotse. Shit! Don’t you dare die on me, brother. You can’t, okay? You can’t.
NAGISING si Denim dahil sa mabigat na bagay na nakadantay sa kanya.
Hindi na siya nagulat o nagtaka sa posisyon nila ni Finn sa kama: nakayakap ang lalaki sa kanya mula sa likuran, nakayakap ang braso nito sa kanyang baywang habang ginagawa naman niyang unan ang isa, at nakasubsob ang mukha nito sa pagitan ng kanyang leeg at balikat.
Spooning position might be intimate, but it wasn’t like it happened all the time.
Marahang tinapik ni Denim ang braso ni Finn na nakayakap sa kanya. “Hey, you’re heavy,” reklamo niya kahit sanay na siya sa bigat ng katawan nito. “I can’t breathe.”
Hindi pa rin kumilos si Finn.
Bumuga na lang ng hangin si Denim. Inangat niya ang mabigat na braso ni Finn, saka siya mabilis na bumangon at maingat na binaba sa kama ang braso nito.
Nang nakaupo na siya sa gilid ng kama, pinagmasdan niya si Finn. Kilalang-kilala niya ang lalaki kaya sigurado siyang totoo ang mahimbing nitong pagtulog. Kung gising ito o may malay kahit paano, siguradong yayakapin siya nito pabalik sa tabi nito. Gano’n ito ka-clingy.
Ngayon lang uli nakatulog si Finn. I wonder what happened. He looks really tired.
Napahawak si Denim sa leeg niya, sa parte kung saan siya kinagat ni Finn kanina. Sobrang dami rin ng sinipsip niyang dugo ko.
`Yon ang dahilan kung bakit nakatulog siya kanina. Nang ihagis siya ni Finn sa kama at kumubabaw ito para kagatin siya, halatang nagmamadali ito dala siguro ng sobrang gutom. Hindi na niya ito napigil nang napaparami na ito sa sinisipsip na dugo mula sa kanya. Hinayaan na lang din niya dahil bukod sa panghihina at antok, wala naman nang ibang masamang epekto sa kanya `yon.
Simula no’ng fifteen years old siya, hinahayaan na niyang inumin ni Finn ang dugo niya. Madalas kasi ay mapanganib ang misyon nito na umuubos sa lakas nito, kaya madalas din itong nangangailangan ng dugo. Bilang Helper, tungkulin niyang ibigay sa Bloodkeeper ang kailangan nito. And she also offered her blood to him as a token of gratitude for always being there for her since she was a child.
He looks like a normal guy in his early twenties when sleeping.
Hahaplusin sana ni Denim ang pisngi ni Finn, pero natigilan siya nang makita ang nakasabit sa leeg ng lalaki. Napasimangot siya. Ano bang meron sa unicorn necklace na `yon?
Hindi talaga siya mapakali na makita ang kabaduyan na `yon. Isa pa, nag-aalala siya para sa career ng best friend niya. Nasa peak ito ng kasikatan ngayon kaya lahat ng mga mata, nakatutok dito ngayon. Ano na lang ang sasabihin ng mga tao kapag nakita ng mga ito si Finn na suot ang kuwintas na `yon?
Nagpunta siguro si Finn sa condo ko para kunin na naman ang necklace na `yon!
Maingat na pinatong ni Denim ang kamay sa leeg ni Finn. Kumunot ang noo ng lalaki, pero wala naman itong ibang naging pagkilos kaya dahan-dahan naman niyang hinawakan ang unicorn pendant. Nang masiguro niyang tulog pa rin ito, mabilis na hinila niya ang kuwintas. Pero napalakas yata ang paghila niya dahil napaungol sa reklamo ang best friend niya.
Mabilis niyang binulsa ang kuwintas nang gumalaw na si Finn at mula sa patagilid na paghiga, humiga na ito nang nakalapat ang likod sa kama.
A few seconds later, Finn opened his chinky eyes. Napako agad ang tingin nito sa mukha niya. Tumaas ang kilay nito. “Bakit nandito ka sa kama ko? Ginagapang mo na ba ko?”
Ipinaikot ni Denim ang mga mata. May mga pagkakataon naman na nakakalimutan ni Finn ang mga nagagawa nito kapag sobrang gutom ito. “FYI, you messed up my place.” Nginuso niya ang pinto ng adjacent door na nagkokonekta ng condo niya sa condo ni Finn. “Tapos gutom na gutom ka pa kanina. Hindi mo rin siguro ma-take ang amoy ng dugo sa unit ko kaya dito mo ko dinala sa unit mo.”
Kumunot ang noo ni Finn na parang inaalala ang mga pangyayari na hindi nito matandaan. Pagkatapos, napatango-tango ito. “Ah. Now I remember.”
“What happened, Finn?” nag-aalalang tanong ni Denim. Sanay na siyang makakita ng dugo dahil madalas, umuuwi si Finn na sugatan at naghihingalo. “Ano ba ang misyon mo ngayon at biglang naging mala-scene of the crime ang condo ko?”
“Ang mga Helper na sa building na `to ang bahalang maglinis ng kalat sa condo mo bukas ng umaga,” paiwas na sagot ni Finn. “Wala ring ibang makakaalam ng nangyari kaya huwag kang mag-alala na baka maeskandalo ka. I won’t let that happen.”
Sumimangot si Denim. Hindi `yon ang gusto niyang marinig. “I know you fight bad vampires, Finn. Pero hindi ko na kayang palagpasin ang lahat ng nangyayari sa’yo ng wala kang in-e-explain ng maayos. Ano ba talaga ang misyon mo? Ano ba ang gusto ng mga bad vampire mula sa’yo? Si Aunt Cerise ba talaga ang pinoprotektahan mo o may ibang bampira ka pang pinagsisilbihan?”
“Paano mo naman nasabi `yan?” kunot-noong tanong ni Finn.
Nakagat ni Denim ang ibabang labi.
Tumalim ang tingin ni Finn sa kanya. “Denim Blue Benitez.”
Bumuga ng hangin si Denim. Wala rin namang saysay na magsinungaling kay Finn kaya nagsabi na siya ng totoo. “No’ng nakatulog ako sa tabi mo do’n sa kuwarto mo sa mansiyon ni Uncle Miguel, nagising ako ng madaling-araw dahil may narinig akong boses na tumawag sa’yo. Hindi ko kilala kung sino pero sigurado akong hindi siya tao at hindi rin ordinaryong Bloodkeeper. Boses pa lang niya, nanginig na ko sa takot. `Tapos ikaw naman, nagmamadaling umalis para sumunod sa nilalang na `yon.”
Mabilis na bumangon si Finn at ipinatong ang kamay sa ulo niya.
Mabilis ding tinapik ni Denim ang kamay ng lalaki para hindi nito matuloy ang alam niyang pina-plano nito. “Bakit buburahin mo ang memory ko tungkol sa boses ng bampirang `yon? Sino ba siya, ha?”
Nagtagis ang mga bagang ni Finn, halatang galit. Pero alam niyang hindi sa kanya nakadirekta `yon. “Baby girl, you can’t get involved with that vampire. Kung ayaw mong burahin ko ang alaala mo tungkol sa boses na narinig mo, ipangako mong hindi mo na uli babanggitin ang tungkol sa bagay na `yan.”
“Pero–”
“At hindi ka na rin magtatanong tungkol sa kanya,” mariing dagdag ni Finn.
Gusto pa sanang magreklamo ni Denim, pero natahimik siya nang makita kung gaano kaseryoso si Finn ng mga sandaling `yon. “You’re doing this to protect me, aren’t you?”
Tumango si Finn. “Everything I do, I do it to protect you.”
Paano pa makakapagreklamo si Denim kung ganito ka-sincere si Finn sa damdamin nito para sa kanya? Hindi man nagsasabi sa kanya ang lalaki tungkol sa trabaho nito, tiwala naman siya na wala itong gagawin na alam nitong hindi niya magugustuhan. “Isang tanong na lang.” Tumango lang si Finn kaya nagpatuloy siya. “You’re not killing innocent people just to protect me, right?”
Bumuntong-hininga si Finn, pagkatapos ay hinila siya nito hanggang sa mapahiga siya sa kama. Bago pa siya makapagreklamo, “dinaganan” na siya nito. Nakadantay ang isang braso nito sa baywang niya habang nakasubsob ang mukha sa leeg niya. “Kung papayag kang baguhin kita at magpakasal sa’kin, sasabihin ko sa’yo ang lahat ng gusto mong malaman.”
Natawa si Denim habang marahang tinatapik-tapik ang likod ni Finn. “Alam na alam mo talaga kung paano ako papatigilin sa pagtatanong `no?”
Naramdaman niya ang pagngiti ni Finn nang dumikit ang mga labi nito sa leeg niya. Mayamaya, nagsalita ito sa pabulong na boses. “I will if I have to, Denim.”
Unti-unting nawala ang ngiti ni Denim. Ah, ngayon ay naaalala na niya kung bakit natatakot siya sa nararamdaman ni Finn para sa kanya.