Chapter BAD ROMANCE CHAPTER 2

“I CAN’T break the damned barrier.”

Tinapik ni Lilac ang balikat ni Tyrus para i-console ito mula sa frustration na kanina pa nito nararamdaman. Ginamit na nito ang superhuman strength, apoy, at Bloodlust nito pero wala pa rin itong nagawa para sirain ang mga pinto, pader, o bintana man lang sa kuwartong `yon.

Yep, they were trapped inside.

“Hindi ganito kalakas `yong nararamdaman kong harang dito kanina,” komento ni Lilac, saka niya nginuso ang ginawa niyang malaking butas sa pader. “Nagawa ko nga `yon, eh. Pero ngayon, hindi ko na maulit.” Hinilot niya ang sentido niya. “Nawala na naman ba ang ability ko sa paggawa ng salamangka?”

Marahang umiling si Tyrus, nakakunot pa rin ang noo. “Hindi, Lilac. Mas lumakas lang talaga ang Bloodlust sa buong mansiyon. If I’m not mistaken, this is Cerise Alessandra Stratton’s.”

“Bloodlust?” gulat na tanong ni Lilac. “Bloodlust can create a very strong barrier like this? Akala ko, pang-offense lang ang Bloodlust.” Siguro, Bloodlust naman ni Magnus `yong barrier na naramdaman nila sa condo ni Denim no’ng nakaraang na-trap din sila.

“Sinabi ko na sa’yo noon na napakalakas ng mga Nobleblood, lalo na ang dugo nila na nagagawa ang imposible,” sagot ni Tyrus, nakasimangot pa rin. “Kahit hindi na sila umiinom ng dugo ng tao ngayon, napanatili nilang malakas ang kapangyarihan nila. Nakakatakot ang mga purong bampira. No wonder the king and the queen wanted their kind to totally vanish from existence. Kung sasakupin nga naman ng lahi ng mga purong bampira ang lahi ng mga purong mortal, wala kayong magiging laban.”

“Thanks,” sarkastikong sabi naman ni Lilac.

Napangiti si Tyrus. It was an apologetic smile though. “I didn’t mean to offend you, mortal. I’m sorry.”

Ngumiti lang din si Lilac habang iiling-iling. Ngayong ganito na uli si Tyrus, siguradong-sigurado na siya na bumalik na ito sa dati. Nakabawas `yon sa pag-aalala niya. “Kung mauulit ko lang sana `yong ginawa ko kanina, baka makalabas tayo rito…”

“Tama na, Lilac,” marahang saway ni Tyrus sa kanya. “Ang salamangka ay para sa mga salamangkera. Baka may maging masamang epekto ang paggamit mo niyan gayong purong tao ka. You’re not even supposed to have the ability to create sorcery.” Kumunot ang noo nito na parang nag-iisip. “Ganito ba talaga ka-espesyal ang mga mortal na ipinanganak nang may kakaibang pangyayari sa buwan?”

“Tinawag akong Mortal Vessel ni Cerise kanina, at gano’n din daw si Marigold,” nagtatakang pagkukuwento naman ni Lilac na nagpalaki sa mga mata ni Tyrus. “What? Alam mo kung ano `yon?”

Nagtagis ang mga bagang ni Tyrus, saka ito tumango. “Mortal Vessel ang tawag sa mga taong ginamit ni Mayumi para pagsalinan ng nag-uumapaw niyang kapangyarihan. Nang isilang kasi siyang muli, nakulong ang kaluluwa niya sa katawan ng isang batang mortal na hindi kayang i-contain ng buo ang malakas na salamangkang taglay niya noon. Dalawang Mortal Vessel pa lang ang nakikilala namin noon. Sina Jinny Lopez-Giordano at Rhythm Ferrera. At ngayon, kayo ni Marigold.”

“Madami ba kami?”

“Hindi namin alam, Lilac,” iiling-iling na sagot ni Tyrus. “Masyadong magaling magtago sina Rynona at Mayumi.” Ipinatong nito ang kamay sa ibabaw ng ulo niya. “Pero kung totoo ngang isa ka ring Mortal Vessel, masaya ako para sa’yo. Kasi ibig sabihin no’n, magagawa mong protektahan ang sarili mo. Kapag nakagawa ako ng daan palabas, gusto kong gamitin mo ang salamangka mo para tumakas.”

“Gagamitin ko `yon para makatakas tayong dalawa,” giit naman ni Lilac. “Hindi kita iiwan dito kahit ilang daan palabas pa ang gawin mo para sa’kin.”

Nakasimangot na inalis ni Tyrus ang kamay nito sa ibabaw ng ulo niya. “Bakit ba ang tigas ng ulo mo?”

Hinawakan ni Lilac ang kamay ni Tyrus na halatang ikinagulat nito. Siya rin naman, nagulat sa sarili niya. Nag-iinit nga rin ang mga pisngi niya, pero hindi siya nagpatalo sa pagkapahiya. It was now or never. “Hindi natin masasabi ang mangyayari sa sitwasyon natin ngayon. Ayokong may mawala na namang mahalagang tao sa’kin nang hindi ko sinasabi ang feelings ko. That’s why I’ll be honest now. Gusto kita, Tyrus. Gustung-gusto. Kaya hindi ako papayag na may masamang mangyari sa’yo.”

“Dummy,” sabi naman ni Tyrus sa magaang na boses. He squeezed her hand before entwining their fingers together. His face may appear blank as usual, but his eyes softened up. “I like you more than you like me, Lilac. Kaya `yong takot mo na may masamang mangyari sa’kin, doble no’n ang takot na nararamdaman ko ngayon para sa kaligtasan mo. So please, bawasan mo ang pag-aalala ko. Mapapanatag ako kung ipapangako mong makikinig ka sa lahat ng sasabihin ko.”

Nakagat ni Lilac ang ibabang labi para pigilan ang kilig niya. Nasa early twenties na siya kaya hindi naman yata okay kung titili pa siya sa sobrang pagkakilig. “Ang cool mo mag-confess, Tyrus. Sobrang suave.” Binigyan niya ito ng nagdududang tingin. “Baka naman pick up line mo `yan sa mga babae?”

Tyrus snorted at that. “Ilang dekada akong na-trauma sa mga babae dahil sa ex ko. Tingin mo gano’n kadali akong magmamahal uli? It takes a woman as amazing as you are to move my heart. And you did.”

“That’s so smooth, lover boy,” natatawang komento ni Lilac sa banat ni Tyrus na kahit poker-face at pantay ang boses ng lalaki ay nakakakilig pa rin.

Tryus just gave her a sexy half-smile. Pero mabilis ding nawala ang ngiti nito at lumagpas sa kanya ang tingin nito. Pagkatapos ay marahan siya nitong hinila hanggang sa nakatago na siya sa likuran nito. “They’re here.”

“BAKIT kanina ka pa tahimik?”

Nanatiling nakatingin si Denim sa labas ng bintana. Narinig niya ang tanong ni Eton, pero hindi pa rin niya nilingon ang lalaki na kasalukuyang nagmamaneho. “Kung kelan naman hindi ako nagpapa-cute, saka mo ko pinapansin. Why don’t you just ignore me now like you did for the past seven hours?”

“You’re a valuable informant to our squad. And you’re a mortal. I have to be concerned about your mental health because I know that this is not easy for you.”

“You should be more concerned of my heart than my mental health,” bulong ni Denim.

“What’s wrong with your heart?”

Naiinis na nilingon ni Denim si Eton na gaya ng madalas, deretso lang ang tingin sa kalsada. “Bago tayo lumabas ng city kanina, dumaan ka pa sa Isabel’s Mart. Tinulungan mo si Lola Isabel na magbukas ng grocery store niya kahit may iba naman siyang kasama. Tapos niyakap mo pa siya ng sobrang higpit.”

“What about it?”

Napayuko si Denim at nilaro ng mga kamay ang laylayan ng suot niyang checkered polo na pinahiram ni Hyacinth sa kanya kanina. Pati ang bagong panloob at maong shorts niya ngayon, galing sa babae.

Hanggang ngayon, hindi pa rin niya maalis sa isipan niya ang kakaibang saya sa mukha ni Eton habang “nagpapaalam” ito kanina kay Lola Isabel. `Yon ang dahilan kung bakit hindi siya bumaba ng kotse para magpaalam din sa matanda. Para ba kasing makakaistorbo siya sa dalawa kung ginawa niya `yon.

That was when she realized that the longing she saw in Eton’s eyes while staring at Lola Isabel meant something more.

“I saw how you looked at her, Eton,” pabulong na paghihinanakit ni Denim. “Hindi lola ang tingin mo sa kanya. Kung tingnan mo siya, parang siya ang pinakamagandang babae sa mga mata mo.”

“Isabel is.”

Nasaktan na agad si Denim, pero ginusto pa rin niyang makumpirma ang kanina pa niya hinala. “Ex-girlfriend mo ba si Lola Isabel?”

“Oo.”

“Bakit kayo nagkahiwalay?”

Matagal bago sumagot si Eton. Nang nagsalita ito, may pag-aalinlangan pa sa boses na para bang napilitan lang itong magkuwento. “Marami akong kaaway dahil sa misyon kong tugisin ang mga traidor na Nobleblood. `Yong isa sa mga Bloodsucker na tinutugis ko para matunton ang pinagtataguan ng kalaban namin noon na si Francis Armulo de Leon, nalaman na kasintahan ko si Isabel. The bastard kidnapped her during that time. Ang mas masakit pa, tinatawagan ako ni Isabel ng oras na hinahabol siya ng Bloodsucker. Pero hindi ko nasagot ang tawag niya dahil nag-re-report kami no’n ni Tyrus kay Lord Nicholas.”

Nilingon ni Denim si Eton. How could she be curious and hurting just like this? “What happened next?”

“Sinugod ko ang Bloodsucker sa kampo kung saan niya tinago si Isabel,” pagpapatuloy ni Eton sa mapait na boses. “She was almost dead when I got there. `Yong lintik na bampira, sinaksak siya malapit sa puso. Mabuti na lang, naagapan pa siya ng mga mortal na doktor. Dahil kung hindi, baka binago ko na siya para lang mabuhay siya.”

“Bakit hindi mo na lang siya binago?” nagtatakang tanong ni Denim.

“The experience scarred her,” malungkot na sagot ni Eton. “Natakot si Isabel sa klase ng mundo na meron ang tulad ko. Isang simpleng babae lang siya na gusto ng tahimik na buhay. Ayaw na niyang maulit `yong nangyari sa kanya kaya nakiusap siya sa’kin na burahin na lang ang mga alaala niya.”

Napasinghap si Denim. “Pinili ni Lola Isabel na kalimutan ka at ang lahat ng memories niyo?”

“Para rin naman `yon sa kabutihan niya kaya sinuportahan ko ang desisyon niya. Mas gugustuhin ko nang makalimutan niya ko kaysa naman mawala siya sa’kin habambuhay. Kuntento na kong mabantayan siya sa malayo. Makita ko lang na masaya si Isabel sa buhay, wala na kong mahihiling pa.”

Nangilid ang mga luha ni Denim. Naramdaman niya ang matinding pagmamahal ni Eton para kay Lola Isabel. “Did you watch her fall in love with someone else?”

Eton half-smiled and half-smirked in a bitter way. “I was also there during her wedding day. Kinailangan pa kong bantayan ni Tyrus para siguraduhing hindi ko sisirain ang kasal ni Isabel.” Umiling-iling ito. “I almost did, Denim. I almost did.”

Nasasaktan si Denim, pero mas nasasaktan siya para kay Eton sa sobrang lungkot ng boses nito. “Pinagsisisihan mo ba na hindi mo sinira ang kasal ni Isabel?”

“May mga pagkakataon na, oo, pinagsisisihan ko,” sagot ni Eton sa pabulong na boses. “Pero kilala ko ang sarili ko kaya alam ko ring hindi ko kayang maging makasarili pagdating kay Isabel. Nakita kong naging masaya siya sa mortal na asawa niya. Hanggang ngayon naman, eh. Mas lalong naging masaya ang buhay niya nang magkaro’n sila ng mga anak at mga apo. Sapat na `yon para mabura ang pagsisisi ko. Kung ako ang pinili niya noon, hindi siya magkakaro’n ng tahimik na buhay-pamilya.”

Natahimik si Denim. Tumingin na lang uli siya sa labas ng bintana para itago mula kay Eton ang sakit na nararamdaman niya. Alam niyang walang pakialam ang lalaki sa damdamin niya, pero ayaw naman niyang masyadong magmukhang kawawa.

In fairness, na-distract naman siya sa nakikita niyang mga puno habang paakyat sila ng bundok. Sobrang kaldag nga lang ng sasakyan dahil sa malubak na daan. Mukhang inasahan na `yon ni Eton kaya pick-up truck ang ginamit nila ngayon himbis na luxury car.

Nanghinayang siya na hindi niya nakita ang Mayon volcano dahil gabi na nang nakarating sila ng Bicol. Hindi rin siya sigurado kung aabutin pa siya ng liwanag. Kanina pa siya kabado na para bang may masamang mangyayari sa kanya. Delikado ang sitwasyon kaya alam niyang magiging mahaba ang gabing `yon para sa lahat ng involved sa nangyayaring gulo.

Naputol lang ang pagmumuni-muni ni Denim nang may makita siyang mabilis na dumaan sa gilid. Hugis tao na sobrang bilis kumilos. Nanlaki ang mga mata niya nang may na-realize siya. “Eton!”

Bigla namang nagpreno si Eton.

Napabuga ng hangin si Denim para ilabas ang kabang namuo sa dibdib niya dahil sa biglaang paghinto ng sasakyan. Sobrang thankful talaga siya sa kung sino mang naka-imbento ng seatbelt.

“Are you okay?” seryosong tanong ni Eton sa kanya.

Tumango lang si Denim, saka siya tumingin sa harap nila. Parang sasabog ang dibdib niya sa lakas ng tibok ng puso niya nang makitang si Finn ang nakaharang sa daan. Like the last time she saw him, he wore black from head to toe which perfectly suited his dark aura. It was as if he was ready to kill anytime.

“Your friend brought company,” mayamaya ay sabi ni Eton. “What a warm welcome.”

Napalunok si Denim nang mapansin niyang hindi nga nag-iisa si Finn. Napakadami nitong kasamang Bloodsucker na alam niyang nakatago lang sa kadiliman ng kakahuyan. Kahit siya na mortal, ramdam ang presensiya ng mababangis na bampira. Dinig din niya ang mahinang pag-angil ng mga ito. Kung hindi rin siya nagkakamali, mga mata ang napansin niyang ginintuang kislap sa madilim na paligid.

Bago pa magbago ang isip niya, mabilis na siyang bumaba ng sasakyan sa kabila ng pagtawag sa kanya ni Eton. Na sa mabilis din namang sandali ay nakatayo na sa tabi niya.

“Hanggang dito ka na lang, Ethan Albert Rousell,” deklara ni Finn sa malamig na boses. “Mula rito, kaya mo nang pumunta sa mansiyon ng mag-isa. Kaya kukunin ko na si Denim gaya ng usapan.”

Humugot ng malalim na hininga si Denim. Alam naman niyang siya ang kapalit ng impormasyong sinabi ni Finn, kaya handa na siya. Humakbang siya, pero hinarang ni Eton ang isang braso sa daan niya dahilan para umangil ng malakas si Finn.

“I’m okay, Baby E,” nakangiting pag-a-assure ni Denim kay Eton na kunot-noo siyang binalingan. Alam niyang kahit paano, nag-aalala ang lalaki sa kanya. Marahan niyang tinapik ang braso nito dahilan para bumaba `yon sa gilid nito. “Finn won’t hurt me. Sana mailigtas mo sina Lilac at Tyrus.”

Kitang-kita ang pag-aalinlangan sa mukha ni Eton, pero humakbang din naman ito paalis sa daan niya. He didn’t need to say anything because the way he looked at her already told her that he wanted her to take extra careful.

Tumango lang si Denim, saka siya naglakad papunta kay Finn na mabilis naman siyang sinalubong at niyakap ng mahigpit. Kahit naguguluhan siya sa sitwasyon niya, nakaramdam pa rin siya ng relief ngayong kasama na niya uli ang best friend niya. “I’m not hurt, Finn.”

“You’re about to be, baby.”

Kumunot ang noo ni Denim sa pagtataka. Sinubukan niyang mag-angat ng tingin kay Finn pero pinigilan siya ng kamay nito sa likod ng ulo niya. Kinabahan tuloy siya. “Finn?”

“Kill Ethan Albert Rousell, Bloodsuckers,” utos ni Finn sa mga tauhan nito, saka siya mabilis na binuhat na parang asawa nito.

Napasinghap na lang si Denim nang maramdaman niyang nasa ere na siya habang nagtatatalon si Finn sa matataas na puno at buhat-buhat siya. Narinig niya ang utos nito sa mga tauhan nito pero hindi na siya nagulat. In fact, inasahan na niya `yon kaya nga nag-iwan siya ng “fruit salad” sa squad ni Eton.

“You’re unusually quiet,” mayamaya ay komento ni Finn no’ng tumatakbo na lang ito at hindi na nagpapalipat-lipat sa mga puno. “Do you hate me for giving the order to kill Ethan?”

“He’s a strong Bloodkeeper,” giit ni Denim. “Hindi ako nag-aalala dahil alam kong walang binatbat sa kanya ang mga Bloodsucker mo, kahit ga’no pa sila karami. Eton won’t die because of your petty order. Your little army won’t even scathe him.”

Inangilan siya ni Finn, halatang galit.

“Alam kong hindi ka tutupad sa kasunduan dahil alam kong wala ka namang pakialam kina Tyrus at Lilac,” galit naman na sumbat ni Denim kay Finn. “Gusto mo lang akong mabawi mula kay Eton. Kilala kita kaya alam ko nang mangyayari `to.” Hinaplos niya ang pisngi nito na halatang ikinagulat nito dahil bumagal ang takbo nito. “Let’s just escape from all of this, Finn.”

Tuluyan nang huminto sa pagtakbo si Finn pero hindi pa rin siya nito binaba. “What do you mean by that, baby?”

“Nag-iwan ako ng message sa squad ni Eton at sinabi ko ang address na binigay mo para makasunod sila rito,” deklara ni Denim, nakatingin ng deretso sa mga mata ni Finn na halatang nasaktan. “Siguradong papunta na sila rito kaya please lang, `wag na tayong makigulo sa kanila. Ayokong may kampihan sa inyo ni Eton, pero ayoko ring may masaktan na kahit sino sa inyo. I’m trying to save both of you here, you know. Kaya takasan mo na ang Magnus na `yon. I’ll go with you anywhere if you promise to end ties with that vampire. Kung wala ka sa side niya, baka magkaro’n ng mas malaking chance sina Eton na mahuli ang bampirang `yon. I can settle with that kind of outcome.”

Nagdilim bigla ang anyo ni Finn at matigas itong umiling. “I’m sorry to say this, but I’ve already reached the point of no return, Denim.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.