Chapter BAD ROMANCE CHAPTER 3

KINABAHAN naman si Lilac dahil alam niyang ang mga kalaban ang tinutukoy ni Tyrus kanina kaya naging ganito ito kaalerto ngayon. Gaya ng gusto nito, hindi na siya nagtapang-tapangan at nagtago na lang siya sa likuran nito. Matangkad ang lalaki at malapad pa ang likod. Hindi siya umabot sa mga balikat nito kaya wala siyang makita sa harapan niya. Still, she felt safe with him.

Mayamaya, narinig niyang bumukas na ang pinto. Nang tumingkayad siya para silipin kung sino ang mga dumating, sumalubong sa kanya sina Cerise at Miguel na may kasunod na dalawang babaeng Bloodsucker na parehong mukhang female rockstar dahil sa outfit at lipstick na purong itim. Para ngang choker lang ang barcode ng mga ito sa leeg.

“It’s time, Lilac Alonzo,” deklara ni Cerise sa gentle pero may diing boses. “Your Lord Magnus wishes to see you now.”

Lord Magnus?! Asa ka pa, girl!

Mukhang hindi rin `yon nagustuhan ni Tyrus na umangil ng malakas. Sigurado siya na sa pagkakataong `yon, lumabas na ang physical manifestation ng pagiging kalahating bampira nito: pulang mga mata, matatalas na pangil, mahahaba at matitigas na kuko. Naglalabas na rin ng Bloodlust ang Bloodkeeper dahil sa malakas na enerhiyang pinapakawalan ng katawan nito.

Napahawak si Lilac sa baywang ni Tyrus nang lumakas ang hangin sa paligid nila. Ang hangin na `yon ay parang patalim dahil nahiwa niyon ang balat ng dalawang babaeng Bloodsucker na humarang para protektahan sina Cerise at Miguel. Halatang nagalit ang mga bampira dahil sabay umangil ang mga ito.

They really value physical beauty, huh?

“Enough, Bloodkeeper!” mariing saway ni Cerise kay Tyrus, kasabay ng paglabas ng mas malakas na enerhiya sa katawan ng Nobleblood.

Cerise’s very strong Bloodlust easily overpowered Tyrus’. Bigla na lang kasing nawala ang malakas na enerhiyang lumalabas kanina sa katawan ng lalaki.

Unti-unting napapaluhod si Tyrus na para bang may malakas na puwersang pumipilit dito na yumuko. Pero nilabanan nito `yon dahil sumigaw ito at pinilit tumayo uli ng deretso. At nang nagtagumpay ito sa pagtayo, mabilis naman itong sumugod kay Cerise. May maliit at mapusyaw na apoy na rin sa magkabilang palad ng Bloodkeeper. Siguro, sinugatan nito ang sarili sa mabilis na paraan kaya hindi niya napansin.

Si Cerise naman, tumingala lang at pinaningkitan ng mga mata si Tyrus. Kasabay niyon ay ang paglabas ng mas malakas na enerhiya mula sa katawan ng bampira na isang direksyon lang ang tinahak at pinuntirya sa pagkakataong `yon– ang Bloodkeeper.

Mabilis na humagis si Tyrus sa dingding na nabiyak agad sa pagtama ng katawan nito.

“Tyrus!” nag-aalalang sigaw ni Lilac at tatakbo sana siya papunta kay Tyrus, pero sa isang iglap ay hawak na siya ng dalawang female Bloodsuckers sa magkabilang-braso. “Let me go, bitches!”

Siyempre, hindi nakinig sa kanya ang mga Bloodsucker na kinaladkad siya palabas ng kuwarto. Kahit anong pagpapabigat ng katawan ang gawin niya, hindi pa rin natinag ang mga ito. Pinagsisisipa rin niya ang dalawang bampira, pero para lang tumama sa bakal ang mga paa niya.

“Lilac!” sigaw ni Tyrus.

Nilingon ni Lilac si Tyrus. Nakita niya ang matinding pag-aalala sa mukha nito at ang desperasyon nitong habulin siya. Pero sa kasamaang palad, humarang si Cerise sa daan nito. Hindi na rin niya nakita ang sumunod na nangyari dahil humarang naman si Miguel sa line of vision niya. Sinara kasi ng matandang lalaki ang double doors ng kuwartong pinanggalingan nila. “Tyrus, don’t worry about me. Labanan mo si Cerise, at lalabanan ko naman si Magnus.”

Tumawa ang dalawang Bloodsucker na may hawak sa kanya.

“Ay, hindi joke `yon, mga bitchesa,” sarkastikong sabi ni Lilac dahil alam naman niyang pinagtawanan siya ng mga babaeng bampira dahil hindi naniniwala ang mga ito na kaya niyang labanan ang isang Nobleblood. “Gusto niyo ng sample?”

Walang sabi-sabi na huminto siya sa paglalakad, saka niya sabay na siniko sa dibdib ang mga Bloodsucker na may hawak sa kanya. Ewan ba niya pero nang kinondisyon niya ang isipan niya sa pakikipaglaban ay nakaramdam siya ng pagdaloy ng kakaibang lakas sa buong katawan niya.

Ang salamangka ng batang may pulang buhok sa katawan ko, tinutulungan akong lumaban…

Dahil sa panibagong lakas niya, nabitawan siya ng dalawang bampira na parehong napahawak sa nasaktang dibdib ng mga ito. Mabilis siyang pumihit paharap sa mga Bloodsucker, saka niya binigyan ng tig-isang flying sidekick sa mukha ang mga ito. Napatunayan niyang nagkaro’n nga siya ng kakaibang lakas nang tumilapon sa dulo ng pasilyo ang mga babaeng bampira na may kasamang malakas na hangin na mula sa pag-atake niya. Nawalan din ng malay ang mga Bloodsucker nang bumagsak sa sahig. Tumama siguro ng malakas ang mga ulo sa dingding na nagkaro’n pa ng mahabang biyak.

Nice one, Lilac Alonzo! puri niya sa sarili. Your body finally remembered the real combat skills you learned from the witches when you were a teenager.

Narinig niya ang mahinang pagtawa at pagpalakpak ni Miguel. “You fight just like your twin sister.”

Nanigas si Lilac nang marinig ang nakakakilabot na boses na `yon. Nakakakilabot in a sense na parang dalawang nilalang ang nagsalita ng sabay. `Yong isang boses, sigurado siyang kay Miguel. Samantalang `yong mas malalim at mas malamig na tinig, nakilala niya bilang ang boses mula sa voice recorder na iniwan ni Marigold para sa kanya.

Magnus!

Mabilis na pumihit siya paharap kay ‘Miguel’ na malaki na ang pagbabago sa pisikal na anyo. Gaya no’ng sa condo, magkaiba na naman ang kulay ng mga mata nito. Light shade sa kaliwa kaya posibleng light brown o puwede ring amber ang kulay niyon. Dark shade naman ang kanan kaya tingin niya, pula `yon na kulay ng mga mata ng bampira kapag lumalaban. May pangil na rin ang matandang lalaki ngayon. At `yong kulay ng dugo nito, nalalamangan na ng kulay ng dugo ng mga full vampire.

“Mas malala na ang pag-possess mo sa katawan ni Miguel Lorenzo Benitez ngayon,” nakasimangot na deklara ni Lilac, pilit na nilalabanan ang nakakatakot na aura na nagmumula sa lalaki. “`Yong kulay asul na simbolo ng pagiging tao niya, nagiging itim na. Nalalason ng dugong bampira mo ang dugong mortal niya. Hindi na niya kakayanin kung mas maraming dugo mo pa ang papasok sa sistema niya sa susunod na agawin mo ang katawang `yan.” Naikuyom niya ang mga kamay. “The host will die, you douchebag!”

“Ah, mas espesyal ka nga kaysa sa kakambal mo,” nakangising sabi ni Miguel, tinatago ang mga kamay sa likuran na parang bata habang nakakiling ang ulo sa isang direksyon. Halata sa boses at mga mata nito ang pagkaaliw sa kanya. “Wala siyang kakaibang abilidad na gaya ng iyo. Pero masasabi kong mas pulido naman ang combat skills niya kaysa sa’yo dahil mas malakas ang paggamit niya ng salamangka. In fact, nabalian nga niya ng tadyang `yong totoo kong katawan. That was a huge feat for a mortal. Marigold Hamilton was an amazing woman, you know.”

Sumigaw si Lilac para ilabas ang galit na namuo sa dibdib niya. Humapdi ang mga mata niya dahil sa mga luha, pero nanatiling masama ang tingin niya kay Miguel. O Magnus. “Huwag na huwag mo na uling babanggitin ang pangalan ng kakambal ko!”

“Aw, that’s cold,” parang batang reklamo ni Miguel. “I almost became your brother-in-law, Lilac. Muntik ka na rin sanang magkaro’n ng pamangkin dahil sa’kin. We are family.”

Naramdaman ni Lilac ang pag-iinit ng nakakuyom na mga kamay niya na parang sumasabay sa pagkulo ng galit sa dibdib niya. Kasabay ng isang sigaw, tumakbo siya pasugod kay Miguel na tumawa pa. Binigay niya ang lahat ng lakas niya sa pinakawalan niyang suntok, pero sa kasamaang palad, nasalo `yon ng palad ni Miguel na para bang hindi man lang ito nasaktan.

“I don’t want to hurt you,” sabi ni Miguel sa eksaheradong sympathetic na boses. “Let’s not fight, Lilac. I don’t want to accidentally kill you. Alam mo bang wala rin naman akong balak na patayin si Marigold ng gabing `yon? Pero ginalit niya ko. Gusto mo bang gano’n din ang mangyari sa’yo?”

Tuluyan nang pumatak ang mga luha ni Lilac dala ng matinding galit at sakit. Nakaka-frustrate din na nasa harap na niya ang nilalang na pumatay kay Marigold, pero wala siyang sapat na lakas para labanan ito. Pinilit niyang bawiin ang kamay niya pero mas lalo lang hinigpitan ni Miguel ang pagkakahawak sa kamao niya. “What did you kill my sister for?”

“I adored her, Lilac. I really did. That’s the closest thing to love that I could possibly feel for a mortal,” seryosong sagot ni Miguel. “Pero mas pinili niyang tapusin ang sanggol na sinilang niya kaysa ang tulungan ako. She died because she defied me.”

Kumunot ang noo ni Lilac sa pagtataka. “Bakit naman pipiliin ng kakambal kong patayin ang anak na mahal na mahal niya?”

“Bad Blood,” nakangising sagot ni Miguel. The solemn look on his face when he said he adored Marigold was suddenly replaced by a crazy one. “`Yon ang tawag sa proseso ng pang-aagaw ng katawan ng ibang nilalang. Gaya ng nakita mo kanina, nilalason ng dugo ko ang sistema ng mortal na `to para tuluyan ko nang maangkin ang katawang ito.” Pinatong nito ang libreng kamay sa dibdib nito. “Naililipat ko ang diwa at maliit na parte ng kapangyarihan ko sa katawang ito sa pamamagitan lang ng dugo ko. Pero ang mortal na `to ay masyadong mahina para sa tulad kong isang napakalakas na Nobleblood. Ang kailangan ko ay `yong katawang mas bata at mas malakas, `yong may mga ugat na kayang daluyan ng napakalakas kong dugo.” Tumawa ito na parang nababaliw na. “Ano sa tingin mo ang mas epektibong sisidlan ng kapangyarihan at dugo ko kaysa sa sarili kong laman at dugo?”

No’ng una ay nakakunot lang ang noo ni Lilac, hanggang sa unti-unting nanlaki ang mga mata niya sa realisasyong nabuo sa isipan niya. Nang bawiin niya uli ang kamay niya, pinakawalan na siya ni Miguel. Hinawakan niya ang nasaktang kamao, saka siya dahan-dahang naglakad paatras. “Balak mong agawin ang katawan ng baby niyo ni Marigold? Ipagpapalit mo ang katawang Nobleblood mo para sa katawan ng isang sanggol na Bloodkeeper? Pero bakit naman?”

That was so crazy! Kahit mali, bigla niyang naintindihan ang desisyon ni Marigold na tapusin ang sarili nitong anak dahil gano’n din pala ang magiging kapalaran ng sanggol sa mga kamay ng ama nito.

Walang puso ang baliw na bampirang `to!

“Para makainom uli ako ng dugo ng tao,” sagot ni Miguel, wala na ang baliw na ngisi. Pinaraan nito ang dila sa ibabang labi at tiningnan ang leeg niya na para bang gutom na gutom ito at gusto siyang sakmalin. “Isang siglo na kong nagtitiis sa dugo ng mga hayop dahil sa lintik na sumpa ni Mayumi. Pero kung lilipat ako sa katawan ng isang malakas na Bloodkeeper na nagdadala ng dugo ko, mabubuhay ako bilang kalahating mortal at kalahating bampira na ligtas mula sa sumpa.” Muli na namang bumalik ang ngisi nito nang mag-angat ng tingin sa kanya. “Mabilis namang lumipas ang mga taon para sa mga Bloodkeeper. Maiksing panahon lang ang hihintayin ko hanggang sa magkaro’n ako ng sapat na kakayahan para sakupin ang lahi ng mga tao. Pero bago `yon, kailangan kong magkaro’n ng panibagong anak.”

Kinilabutan si Lilac nang maging malagkit ang tingin sa kanya ni Miguel. Sinubukan niyang tumakbo pero sa isang kisap-mata lang, nasa harap na niya ang matandang lalaki. Nilayuan niya ito pero dumikit lang ang likod niya sa malamig at matigas na dingding.

Itinukod naman ni Miguel ang mga kamay sa magkabilang-gilid niya para hindi siya makawala. Pagkatapos ay yumuko ito na parang may masamang balak.

Mabilis na iniwas ni Lilac ang mukha niya sa mukha ni Miguel na dumikit ang tungki ng ilong sa pisngi niya. Nakakadiri! “Hindi mo ko makukuha.”

“It’s not your call, woman,” bulong ni Miguel sa tapat ng tainga niya sa nang-aakit na boses. Sa pagkakataong `yon, mas lamang ang malalim at malamig na tinig ni Magnus. “Alam mo ba kung ano pa ang isang espesyal na bagay na taglay ng dugo ko?”

Hindi sumagot si Lilac. She wouldn’t entertain this lunatic.

Tumawa si Miguel sa tapat ng tainga niya at sa playful na boses nito bilang Magnus, sinagot din nito ang sariling tanong. “Aph-ro-di-si-ac.”

NANGHINA lalo si Tyrus sa narinig niya mula sa usapan nina Lilac at Magnus (na gamit ang katawan ng mortal na si Miguel).

Tama ang hinala niya na Bad Blood nga ang ginagamit na proseso ni Magnus para makontrol at agawin ang katawan ni Miguel. Pero ni minsan ay hindi sumagi sa isipan niya na ang Bad Blood din ang dahilan kung bakit kailangan ng traidor na Nobleblood na magkaro’n ng sariling anak sa isang mortal.

At alam na rin niya kung anong klase ng pang-aakit ang ginagawa ni Magnus para mambiktima ng mga mortal na babae.

“Aphrodisiac,” angil ni Tyrus.

A kind of “drug” that stimulated sexual desire. Mortal man o bampira. Baka nga mas malakas ang epekto niyon kung nagmula sa dugo ng isang Nobleblood.

Ngumiti ng malungkot si Cerise. “Tama ka, Tyrus. Pero alam naman nating lahat na hindi na kailangan ng mga bampira ng aphrodisiac dahil sa pisikal na anyo pa lang natin, naaakit na natin ang mga mortal. Pero nakatulong `yon kay Magnus para mabilis na makaramdam ng matinding pagnanasa ang mga babae na isilang ang kanyang magiging unang anak.”

Ngumisi ng mapait si Tyrus. “Ngayon ay naiintindihan ko na kung pa’no nakakatakas sa mabigat na parusa si Magnus noon sa kabila ng mabibigat na kasalanan niya laban sa royal family.”

Hindi na sumagot si Cerise.

“Ang pag-inom lang ba ng dugo ng tao ang dahilan ni Magnus para sa plano niyang lumipat ng katawan ng ibang nilalang?” nagdududang tanong ni Tyrus kay Cerise na nakatayo sa tapat ng pinto. “Sa oras na makumpleto ang proseso ng Bad Blood, mamamatay na ang tunay niyang katawan at hindi na siya makakabalik kahit kailan. Isa siyang Nobleblood at karamihan sa inyo, mababa ang tingin sa mga Bloodkeeper. Kaya bakit gugustuhin niyang lumipat sa katawan ng uri na pinandidirihan ng tulad niyo?”

Nanatiling tahimik si Cerise at halatang walang balak sumagot.

Kumunot naman ang noo ni Tyrus sa pagtataka. Sigurado siyang may mas mabigat pang dahilan si Magnus para gustuhing iwanan ang tunay nitong katawan. Sa kakaisip niya, naalala niya ang usapan nila ni Lilac noon…

“Huli naming nakita si Magnus sa France no’ng maglaban sila ng Nobleblood na si Francis... Malala ang pinsala ni Magnus nang matakasan niya kami, at simula no’n, nawala na siya sa radar namin.”

Napasinghap si Lilac. “Posible kayang namatay siya dahil sa injuries niya?”

Nanlaki ang mga mata ni Tyrus nang may na-realize siya. “Tama. Huling nakita si Magnus sa France kung saan napatay man niya si Francis Armulo de Leon ay nagtamo naman siya ng malalang pinsala. Ni hindi na nga niya kami nagawang labanan ni Ethan noon.” Umangat ang sulok ng mga labi niya para sa isang mayabang na ngisi. “Hindi man namatay si Magnus sa engkuwentrong `yon, malamang ay nagkaro’n naman siya ng malubhang injury na kahit sampung taon na ang lumilipas ay hindi pa rin siya nakaka-recover. Bumagal din ba ang paggaling ng mga Nobleblood dahil wala na kayong kakayahang uminom ng dugo ng mga tao? O posible bang napinsala ni Francis ang puso ni Magnus sa labanan na `yon?”

“Mukhang nawala na `yong tahimik na batang Tyrus Hector Rousell na nakilala ko noon,” nakangiti pero malungkot na sabi ni Cerise. “I don’t want to kill you, young Bloodkeeper. Si Lilac Alonzo lang naman ang kailangan ni Magnus kaya kung susuko ka na at aalis ng hindi gumagawa ng gulo, hindi kita papatayin. Pero kung pipilitin mong iligtas ang mortal, mapipilitan din akong labanan at tapusin ka.”

Umangil si Tyrus at inangat ang mga kamay niya. Inutusan niya ang dugo na umaagos mula sa sugat sa mga palad niya para maging apoy. Mas lalo siyang nakaramdam ng matinding pag-aalala para kay Lilac nang marinig niyang napasinghap ito at humina na ang paghinga. Malamang ay pinatulog ito ni Magnus.

Damn that old lunatic vampire.

Umangil si Tyrus dala ng galit. “Babawiin ko si Lilac kahit pa kinakailangan kitang patayin!”

At kasabay ng deklarasyon niyang `yon ay ang pagkabasag ng mga salaming bintana sa likuran niya.

Now what?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.