Chapter BAD ROMANCE CHAPTER 4

“NASASAKTAN na ko, Finn,” reklamo ni Denim habang hinihila siya ng lalaki pababa sa isang mala-secret chamber sa underground ng mansiyon kung saan siya nito dinala.

Sa totoo lang, hindi siya nagkaro’n ng chance para matitigan man lang ang malaking bahay dahil napakabilis kumilos ni Finn. Binaba lang siya nito no’ng nasa hagdan na sila pababa nga sa underground. Sobrang classic ng hitsura no’n dahil may hilera ng mga torch sa isang panig ng dingding.

“Para namang chamber ito ng mga natutulog na old vampire na napanood ko noon sa lumang horror film,” nakalabing reklamo pa rin ni Denim. Sa daldal at lakas ng boses niya, nag-e-echo sa buong chamber ang mga sinasabi niya. “Ano bang meron dito, Finn?”

“Natutulog na old vampire,” sagot ni Finn sa pinakasarkastikong boses.

Magnus Cadmus Stratton.

Pinabigat ni Denim ang katawan niya nang marinig niya sa isipan niya ang pangalang `yon. Malakas ang kutob niya na hindi nagbibiro si Finn at nang sabihin nitong “old vampire,” sigurado siyang si Magnus ang tinutukoy nito. “Gusto mo ba kong mabaliw, Finn?”

Sa wakas, huminto rin si Finn sa paglalakad at pagkaladkad sa kanya. Kunot-noong pumihit ito paharap sa kanya. “May ginawa o sinabi ba silang masama sa’yo habang nasa poder ka nila?”

Marahas na binawi ni Denim ang kamay niya mula sa pagkakahawak ni Finn. Mukhang nakita nito kung gaano siya kaseryoso kaya pinakawalan siya nito. “Wala silang ginawa o sinabing masama sa’kin. Ikaw ang dahilan kung bakit malapit na kong mabaliw, Finn.”

Kumunot ang noo ni Finn sa pagtataka.

“Tingin mo ba gano’n lang kadali para sa’kin na kalimutan ang involvement mo sa pagkamatay ng maraming babae at mga baby?” puno ng disgustong tanong ni Denim dito. “In my heart, I believe that you have a valid reason for being a part of this mess. Jina-justify ko ang mga nagawa mo kasi naniniwala akong napilitan ka lang gumawa ng masama. Sigurado naman akong napasama ka dahil sa kagustuhan mong protektahan ako. Pero bakit kung kailan inaaya na kitang tumakas sa lahat ng `to, hindi ka pa rin nakikinig sa’kin? Huwag mong sabihing kusang-loob kang nagpaalipin sa Magnus na `yon?”

“Hindi madaling umalis ng gano’n-gano’n lang, Denim,” frustrated na paliwanag ni Finn.

“Nahihirapan na kong magbulag-bulagan sa mga ginagawa mong mali, Finn,” naiinis na sabi naman ni Denim. “Gusto kitang intindihin. Ipinagtatanggol kita sa lahat ng nag-ja-judge sa’yo. At kahit natatakot na ko sa’yo, ikaw pa rin ang pinili kong kampihan. Because this time, I want to be the one to save you. But you’re making it hard for me to stay with you.”

Bumuga ng hangin si Finn. Dahil mas mababa ang baitang na kinatatayuan nito, ito ang tumingala sa kanya. Kinulong nito ang mukha niya sa mga kamay nito. “Mas makakabuti ba sa’yo kung iniwan na lang kita sa poder ni Ethan?”

“Gusto kong mag-stay sa tabi ni Eton,” matapat na sagot ni Denim dahil alam naman niyang nababasa ni Finn ang damdamin sa mga mata niya. “Pero hindi kita kayang iwan, Finn. Hindi ko magagawang maging masaya kung alam ko namang hindi ka okay.”

Inalis ni Finn ang mga kamay nito sa mukha niya. Naging blangko na naman ang mukha nito. “You’re cruel, baby. Hindi mo ko mahal bilang lalaki, pero hindi mo rin ako kayang iwan.”

“Pinapaasa ba kita?” nag-aalalang tanong ni Denim. “Masyado na ba kong selfish? Mas makakabuti ba sa’yo kung iiwan na lang kita? Mas nasasaktan ba kita kapag nasa tabi mo ko?”

“You and your endless questions,” magaang na reklamo ni Finn habang iiling-iling. Pero naging seryoso rin ito at hinawakan ang mga kamay niya. “Stay with me, Denim. Umalis ka man o manatili sa tabi ko, masasaktan pa rin ako. Pero mas kakayanin ko ang sakit basta kasama kita. Hindi ko kaya kapag nawala ka. Kaya puwede bang sa huling pagkakataon, magbulag-bulagan ka sa gagawin ko?”

“Depende sa gagawin mo,” sagot ni Denim. “Naririnig ba tayo ng old vampire na natutulog sa chamber na `to ngayon?”

Marahang umiling si Finn. “Walang kahit sino ang nakakarinig sa’tin ngayon. Protektado ng Bloodlust ko ang lugar na `to. Alam mo namang kayang itago ng dugo ko ang presensiya ng kahit ano at kahit sino.”

Tumango si Denim. “Kung ganyan pala, puwede mo bang sabihin sa’kin kung ano ang gagawin mo na gusto mong palagpasin ko?”

“Dadalhin ko ang tunay na katawan ni Magnus Cadmus Stratton kung nasaan si Lilac Alonzo.”

Binawi ni Denim ang mga kamay niya mula kay Finn. “Hindi ko kayang palagpasin `yan, Finn. Napatawad kita no’ng iutos mo sa mga Bloodsucker na patayin si Eton dahil alam kong mahihina lang `yong mga kasama mo. Kung talagang balak mo siyang ipapatay, `yong old friend mong ai Jett sana ang sinama mo kasi mas malakas siya kaysa sa mga bampirang `yon.”

Napangiti bigla si Finn. “How come you know me so well?”

“Not really,” malungkot na kontra naman ni Denim. “Lately, hindi na kita kilala. Hirap na hirap na kong basahin ang isip at susunod mong move kasi ang dami mong tinatago sa’kin. `Yong kilala ko bang Finn, magagawa `to? `Yong best friend ko bang si Finn, magagawang saktan ako? `Yong Finn ko ba, ano ang iniisip ngayon?” Umiling-iling siya. “Hindi mo alam kung ilang beses ko `yang tinatanong sa sarili ko.”

“Hindi masasaktan si Lilac Alonzo,” marahang sabi naman ni Finn at muling hinawakan ang mga kamay niya. “Denim, nandito si Tyrus. Nararamdaman ko ring nandito na sina Ethan at ang squad niya. Bago pa may magawa si Magnus kay Lilac, darating na ang mga Bloodkeeper. Ang kailangan ko lang gawin, dalhin si Magnus do’n para mahuli na rin ng mga bago mong kaibigan ang totoo niyang katawan.”

Nanlaki ang mga mata ni Denim. “That’s your plan?”

Tumango si Finn. “Habang nagkakagulo sila, tatakas na tayo. Sinabi ko na sa’yong mahirap tumakas kay Magnus, pero kung may darating na distraction, mas malaki ang posibilidad na makaalis tayo ng walang problema. Ang tanong lang, handa ka na ba?”

Bumitiw si Denim sa mga kamay ni Finn. “Maiiwan sina Aunt Cerise at Uncle Miguel…?”

“They can protect themselves,” pag-a-assure ni Finn sa kanya. “Hindi sila papatayin ni Magnus dahil malaki pa ang pakinabang niya kina Lady Cerise at Miguel. Isa pa, umasa tayo na magtatagumpay sina Tyrus na mahuli si Magnus ngayon.”

“Hindi ko gets kung bakit sumunod ka pa kay Magnus noon kung ipapahuli mo rin pala siya ngayon.”

“Baby, ipapaliwanag ko sa’yo ang lahat kapag malayo na tayo rito,” sabi ni Finn. “Sa ngayon, gawin muna natin `to para matapos na ang lahat.”

Tumango si Denim. Kahit paano naman, nakampante na siya sa plano ni Finn. “Okay.”

Ngumiti lang si Finn. Hinawakan nito ang isang kamay niya at hinila siya pababa.

Hinayaan na lang ni Denim na akayin siya ni Finn papunta kung saan. Pagdating nila sa pinakadulo ng hagdan, nagulat siya nang may makita kung anong bagay ang nasa pinakagitna ng silid na `yon na parang simpleng basement lang. Pero gawa sa bakal ang apat na dingding.

Kung sino pala ang dapat na sinabi niya. Isang guwapong lalaki na tulog habang nakaupo sa wheelchair. Sa kabila ng kulay pilak nitong buhok na umabot hanggang sa baywang nito, parang nasa late twenties to early thirties lang ito sa edad ng mga mortal. Idagdag pa na medyo malaki din ang bulto ng pangangatawan nito. Maganda pa ang features ng mukha: mahaba ang pilik, matangos ang ilong, at maganda ang korte ng mga labi nitong walang kulay na para bang dehydrated ito. Sobrang putla rin nito at mas lalo itong naging maputi dahil sa suot nitong black trenchcoat, black pants, at black combat shoes.

Kahit nakaupo ang bampira at walang malay, maganda pa rin ang tindig at postura nito. Higit sa lahat, napakabigat ng presensiya nito. Para bang handa pa ring lumaban kahit natutulog.

“Magnus Cadmus Stratton?” gulat na tanong ni Denim, napaatras pa.

Marahang pinisil ni Finn ang kamay niya, saka siya nito hinila palapit kay Magnus. “Wala siyang malay, Denim. Hindi ka niya masasaktan. Ni hindi nga niya alam kung ano ang nangyayari sa kanya ngayon.”

“Hindi mo ba kayang bigyan siya ng malalang injury habang tulog siya?”

“Kapag nasaktan ang totoo niyang katawan, babalik agad ang diwa niya at magigising siya,” sabi ni Finn, saka ito tumayo sa likuran ng wheelchair. “Hindi ko siya kayang labanan bilang Magnus.”

Mabilis namang kumapit si Denim sa braso ni Finn. Para kasing kahit natutulog si Magnus ay kaya pa rin nitong bigla na lang siyang hablutin o sakmalin.

“I’ll protect you from him,” bulong ni Finn, saka inapakan ang pulang buton sa sahig.

Impit na napatili si Denim nang biglang umangat ang sahig. Mas lalo siyang sumiksik sa tabi ni Finn. “Anong nangyayari?”

“Papunta na tayo sa kuwarto kung nasaan si Lilac Alonzo.”

Kumalma na si Denim nang lumipas ang ilang segundo at hindi pa rin naman kumilos si Magnus mula sa matigas nitong pagtulog habang nakaupo sa wheelchair.

Isa pa, mabilis din namang umangat ang sahig hanggang sa makulong sila sa malaking kahon sa sing laki ng elevator. Gaya ng nakasanayan niyang mga elevator, steel wall din ang nasa paligid. A few seconds later, the door opened and a spacious room greeted them.

Gano’n din ang galit na sigaw ni Lilac.

Nanlaki ang mga mata ni Denim nang makita si Lilac na nakahiga sa malaking kama habang may nakaturok na dextrose sa kamay nito. At ang dextrose na `yon ay nakakabit naman sa plastic bag na pulang likido ang laman. Napasinghap siya nang ma-realize na dugo iyon. “Lilac…”

Kaya naman pala nagwawala si Lilac. Pero halatang nanghihina ito. Hawak pa ni Uncle Miguel ang braso ni Lilac kung saan nakaturok ang dextrose na pilit inaalis ng babae sa katawan nito.

“Ah, mabuti naman at dumating na kayo,” halatang iritado namang sabi ni Uncle Miguel. “Kailangan ko ng tulong dahil kapag ginamitan ko ng lakas ang babaeng ito, baka aksidente ko siyang mapatay.”

“Nandito na ko, Lord Magnus,” magalang na sabi ni Finn, saka nito binitawan ang kamay niya para itulak palabas ng elevator ang wheelchair kung nasaan ang totoong katawan ni Magnus. Itinabi ni Finn ang wheelchair sa kabilang gilid ng malaking kama. Pagkatapos ay may kinuha itong malaking injection na nakapatong sa ibabaw ng night table. “Ihahanda ko na ang pampatulog.”

Parang nanigas naman si Denim sa kinatatayuan nang makita ang “Uncle Miguel” niya na sobrang iba na ang hitsura. Kulay light brown ang kaliwang mata nito na original eye color ng tiyuhin niya samantalang pula naman ang nasa kanan. Kakaiba rin ang boses nito nang nagsalita ito. Parang dalawang nilalang.

Hindi `yon nabanggit ni Finn sa kanya!

“Anong ginawa mo sa uncle ko?” galit na tanong ni Denim nang matauhan siya, saka siya pasugod na tumakbo palapit sa “Uncle Miguel” niya.

Pinigilan siya ni Finn bago pa man din siya makalapit kay “Uncle Miguel.” Niyakap siya ng best friend niya at binulungan sa tainga. “Baby, calm down. Walang masamang mangyayari kay Miguel. Pansamantala lang ginagamit ni Lord Magnus ang katawan ng uncle mo.”

“Huwag kang maniwala sa kanila, Denim,” nanghihinang sabi naman ni Lilac, binibigyan siya ng nagmamakaawang tingin. “Malala na ang kondisyon ng uncle mo. Kapag pinasukan pa uli siya ni Magnus ng dugo, mamamatay na si Miguel Benitez…”

Si Magnus ang nasa katawan ng Uncle Miguel niya?

Pinilit ni Denim na kumawala sa yakap ni Finn pero hindi siya pinakawalan ng lalaki. Sumigaw siya sa galit habang pinagsususuntok sa dibdib ang “best friend” niya. Hindi ito natinag, pero halos mabali na ang mga buto niya sa daliri. “Finn!”

“Calm down, baby,” pagmamakaawa sa kanya ni Finn. “Please. Please. Please.”

“Oh, dear Denim,” sabi naman ni “Uncle Miguel” sa eksaheradong sympathetic na boses. “Tama si Finn. Hinihiram ko lang pansamantala ang katawan ng uncle mo. You’re on our side, aren’t you?” Tinuro nito si Lilac. “Mas naniniwala ka ba sa babaeng ngayon mo lang nakilala? Cerise, Finn, and I have raised you together with Miguel for twenty years. We are family, remember?”

Pinilit ni Denim na kumalma. Purong mortal siya. Hindi rin siya pinanganak na may kakaibang pangyayari sa buwan kaya wala siyang espesyal na abilidad. Ang tanging expertise niya lang ay ang pag-arte. At `yon ang gagamitin niyang sandata ngayon. “We’re family,” kalmado nang sabi niya, saka niya tiningnan si “Uncle Miguel” na may pagmamakaawa sa mukha. “You’re not going to hurt my uncle, right?”

Ngumiti si “Uncle Miguel” at tumango. “Of course not. Family members don’t hurt each other, honey.”

Binigyan ni Denim ng masamang tingin si Lilac. “Hindi mamamatay si Uncle Miguel. Gusto mo ba kong mawalan ng pamilya dahil lang nawalan ka ng kakambal?”

Halatang nabigla si Lilac. “Denim, ako ang nagsasabi ng totoo!”

“Finn won’t lie to me,” giit ni Denim, saka siya tumingala kay Finn. “I trust you.”

Kitang-kita niya ang guilt sa mukha ni Finn. Mabuti na lang at nakatalikod ito mula kay “Uncle Miguel.” Tumango ito, nakikisakay sa acting niya. Kilala siya nito kaya alam niyang alam nito na umaarte lang siya.

“Let her go, Finn,” utos ni “Uncle Miguel” dito. “Hayaan mong si Denim ang magturok ng pampatulog kay Lilac nang maging opisyal na miyembro na siya ng tunay na anyo ng ating pamilya. Ito ang magiging simbolo ng pagmulat ng kanyang mga mata sa realidad.” Natawa pa ang matandang lalaki. “No’ng unang beses kong nakitang nagkatagpo ang dalawang batang `yan, nag-away agad sila. ‘Badblood’ ang tawag ng mga mortal sa hindi magandang ugnayan ng dalawang tao, hindi ba? Nakakaaliw naman.”

Kinuha ni Denim ang injection mula kay Finn. Hinawakan niya `yong mabuti, saka siya lumigid sa kama at lakas loob na lumapit kay “Uncle Miguel” para tumayo sa tabi nito. Maraming salamat sa ilang taong karanasan niya sa pag-arte at paggawa ng live shows, naitago niya ang kaba niya. “Saan ko `to ituturok?”

“Denim, no!” pagmamakaawa sa kanya ni Lilac sa nanghihinang boses. “Don’t do this.”

Inangat ni “Uncle Miguel” ang payat at maputlang braso ni Lilac. May tinuro itong ugat. “Dito, mahal kong pamangkin.”

Tumango si Denim. Pagkatapos ay humugot siya ng malalim na hininga. “Okay.”

Si Finn naman, hinawakan ang isang braso ni Lilac na nagsisisigaw at nagpupumiglas. Mangiyak-ngiyak na rin ang babae sa pagmamakaawa na tumigil na sila.

“I’m sorry,” bulong ni Denim, saka niya inangat ang kamay niya para iturok ang injection sa braso ni “Uncle Miguel” na napasigaw sa sakit. Binigyan niya ng masamang tingin ang bampira na ngayon ay umaangil na habang nakahawak sa nasantang braso. “Damn you for hurting my uncle, you asshole!”

Umangil si “Uncle Miguel” at marahas na inalis ang nakaturok na injection sa braso nito. Masama ang tingin nito sa kanya. “You bitch!” sumbat nito, saka akmang hahablutin siya gamit ang matatalas na kuko.

Umatras si Denim palayo kay Uncle Miguel. Sa totoo lang, nanginig na siya sa takot kaya hindi na siya nakagalaw sa kinatatayuan niya. Napadasal na lang siya sa isipan.

Mabuti na lang mabilis na humarang si Finn sa harap niya at sinangga ng mga braso nito ang pag-atake ni “Uncle Miguel.” Pagkatapos, binalingan siya ng lalaki. “Tumakas na kayo ni Lilac!”

“I’m so sorry, Finn,” puno ng guilt na sabi ni Denim. Bukod sa hindi siya sumunod sa plano nila, nilagay pa niya sa panganib ang buhay nito ngayon. “I’m sorry.”

Ngumiti si Finn, walang bahid ng hinanakit sa mukha na para bang inaasahan na nito ang ginawa niya. It seemed like there was even a glint of amusement in his eyes. “Run, baby. I’ll see you later.”

Nagmura si “Uncle Miguel” gamit ang ibang lengguwahe pero mabilis din itong tumumba sa sahig. Tumalab na siguro ang pampatulog dahil mortal pa rin naman ang katawan ng kanyang tiyuhin.

Mabilis namang kumilos si Denim. Dahil sa sakripisyong ginagawa ni Finn ngayon, nagkaro’n siya ng panibagong lakas para magpatuloy. “Let’s get out of here,” nagmamadaling sabi niya kay Lilac habang tinutulungan at inaalalayan niya ito sa pagtayo.

Mabuti na lang at sa kabila ng panghihina ni Lilac ay alerto pa rin ito at nagawang kumilos ng mas mabilis kaysa sa inaasahan niya. `Yon nga lang, nakasandal ito sa kanya para marahil sa suporta.

Nang makalabas si Denim ng kuwarto kasama si Lilac, nilingon niya si Finn na nakaharang sa tapat ng pinto para masigurong walang makakahabol sa kanila. Tulog pa rin sa sahig ang tito niya, pero `yong lalaking nakaupo sa wheelchair, kumikilos na. “Finn, after you finish him off, I’ll go with you. Wherever.”

Lumingon sa kanya si Finn. Nakangiti ito at mas maaliwalas na ngayon ang mukha. “Wherever.” Naging seryoso ito nang umungol na ang totoong si Magnus. “Go, baby.”

NARAMDAMAN na ni Tyrus si Eton bago pa man din sumulpot ang kakambal niya sa tabi niya. Ito ang bumasag sa mga salaming bintana ng kuwarto para makapasok ito.

Marunong namang umako ng responsibilidad si Eton dahil lahat at bawat piraso ng binasag nitong mga salamin ay nakalutang ngayon sa ere at nababalutan ng matutulis na yelo. Maging ang mga kamay ng kakambal niya, umuusok dala ng matinding lamig. Oh, someone was ready to fight.

Bumuntong-hininga naman si Cerise habang iiling-iling. “You two remind me of your father when he was your age. Fierce, arrogant, and foolish.”

Sabay na umangil sina Tyrus at Eton dahil sa komentong `yon ng Nobleblood na nanatiling kalmado.

“Matalik na kaibigan ka ng vampire princess na si Esmeralda,” sumbat ni Tyrus kay Cerise. “Paano mo nagawang traidurin ang royal family para lang kay Magnus? Nagawa mo ba ang lahat ng `to dahil sa pag-ibig mo para sa baliw na `yon?”

Ngumiti si Cerise. Gaya kanina, malungkot ito. “Hindi lang `yan ang klase ng pagmamahal na pinoprotektahan ko, mga batang Bloodkeeper. Mahal ko si Esmeralda at ang buong royal family. Minahal ko talaga sila ng buong puso. Pero kung sinunod ko ang huling kautusan nina Estevan at Esperanza, hindi ko makukuha ang nag-iisang bagay na ginusto ko sa napakahaba kong buhay.”

“At ano naman `yon?” nagtatakang tanong ni Tyrus.

“Pamilya,” halos pabulong na sagot ni Cerise. Ang maamo nitong mukha ay unti-unting naging mabangis na para bang pinaalala nito sa sarili kung bakit ito lumalaban. Ang mala-emerald nitong mga mata ay naging pula na. Ang Bloodlust din nito na protektado ang buong mansiyon ay naglaho na para bang iniipon na nito ang buong lakas bilang paghahanda sa pakikipaglaban. “I won’t let you hurt my family.”

“Go, Tyrus,” seryosong utos ni Eton sa kanya. “Hanapin mo sina Lilac at Denim. Lumalaban ang squad sa mga Bloodsucker sa labas, pero sigurado akong pasunod na rin sila rito. Tumakas ka na kasama ang mga mortal. Kami na ang bahalang pumigil sa mga Nobleblood.”

Binigyan ni Tyrus nang hindi makapaniwalang tingin si Eton. “Nababaliw ka na ba, Ethan? Hindi mo kayang mag-isa ang isang Nobleblood!”

“Mas malaking problema kung makukuha ni Magnus si Lilac,” katwiran ni Eton. “Ang priority natin ay ang mailigtas sila. Isa pa, hindi lang ang squad ang nandito.” Dumako ang malamig na tingin ng kakambal niya kay Cerise. “Parating na rin si Lord Nicholas.”

Halata sa mukha ni Cerise ang pagkabigla at takot dahil bigla itong napaatras.

Gano’n kakilala ang pagiging mahusay ni Lord Nicholas pagdating sa pakikipaglaban. Isa pa, malakas man si Cerise dahil Nobleblood ito ay wala pa rin itong laban sa bihasang gaya ng pinuno nila. Even Victor, when the bastard was still alive, stayed away from Lord Nicholas’ path for a long time.

Bumuga ng hangin si Tyrus at tinapik ang balikat ni Eton. Kapag nakabuo na ng desisyon ang kakambal niya, hindi na niya nababago ang isipan nito. Saka hindi `yon ang tamang oras para magtalo sila. “Don’t die.”

Eton, being the jerk that he was, just snorted. “Promise me one thing, Tyrus.” Hinarap siya ng kakambal niya na sobrang seryoso ng mga sandaling `yon. “Bring Denim safely back to me. Please.”

Kumunot ang noo ni Tyrus sa kakaibang pakiusap ni Eton sa kanya, pero hindi na siya nagkomento. Napansin kasi niyang naghahanda na si Cerise sa pag-atake. “I promise,” paninigurado niya sa kakambal, saka siya patakbong lumusot sa butas na ginawa ni Lilac sa pader dahil nakaharang sa pinto si Cerise.

“Wala kang pupuntahan, Tyrus Hector Rousell!” sigaw ni Cerise.

“That’s not your call, Nobleblood,” malamig na sabi naman ni Eton.

Nang nasa kabilang silid na si Tyrus, sinilip niya mula sa malaking butas ang nagsisimulang laban. Nakita niyang kinumpas ni Eton ang kamay nito dahilan para gumalaw ang mga nakalutang na yelo sa ere. Parang mga “ice darts” na pinuntirya ng matutulis na yelo ang direksyon ni Cerise na ginamit naman ang Bloodlust nito para tunawin ang mga yelo. Pero may mga nakalusot pa rin dahilan para masugatan sa pisngi at braso ang matandang bampira. Umangil ito kahit mabilis namang sumara ang mga sugat nito.

Talk about being beauty conscious.

Natauhan lang siya mula sa panonood nang narinig na niya ang boses nina Lilac at Denim. Mabilis siyang tumakbo palabas, Base sa usapan ng mga ito, hinahanap ng dalawang babae ang daan palabas ng mansiyon na `yon. Sinundan niya lang ang tinig ng mga mortal para matunton niya ang mga ito.

Nakahinga siya ng maluwag nang sa nakasalubong niya sina Lilac at Denim na pababa ng grandstaircase. Pero nag-alala rin siya nang makita namang nanghihina si Lilac.

Sa isang mabilis na pagkilos lang, nakarating agad si Tyrus sa tabi ni Lilac. “Hey, are you okay? I mean, I know you’re not. But I need to know how hurt you are.”

Ngumiti si Lilac sa kanya kahit halatang nanghihina pa ito. “I’m okay. Nanghina lang ako no’ng sinuntok ako ni Magnus sa sikmura kaya nakatulog ako kanina.”

Umangil si Tyrus sa sumuntok na galit at pag-aalala sa dibdib niya. “Sinuntok ka ng baliw na `yon?”

“I’m fine,” pag-a-assure ni Lilac sa kanya. Hinawakan pa nito ang kamay niya. “Mas okay na ko ngayong nandito ka na.”

“That’s so cringe-worthy, love birds,” komento naman ni Denim na ipinaikot pa ang mga mata. “You know what? I have a plan. Bakit hindi muna tayo maghanap ng safe na lugar, saka kayo maglambingan? Kasi alam niyo na. May old vampire na humahabaol sa’tin, `di ba?”

Natawa si Lilac.

Napatingin naman si Tyrus kay Denim. Matapang at may buto ang babaeng `to, ha? Malayo sa mahinhin at tahimik na si Isabel. Nagbago na ba ang tipo ng kakambal niya sa mga babae? “You’re right,” pagsang-ayon niya kay Denim, saka niya binuhat si Lilac na ikinatili ng huli. “Come with us, Denim. My brother asked me to bring you safely back to him. That was also cringe-worthy, child.”

Kumunot ang noo ni Denim. “Talaga? Sinabi `yon ni Eton? Pero bakit? Saka nasa’n siya?”

Hindi naman masyadong madaldal at matanong ang mortal na `to, `no? Ethan?

“Maghintay ka rito, babalikan kita,” bilin na lang ni Tyrus kay Denim dahil wala siyang oras sagutin ang mga tanong nito, saka tumakbo ng mabilis habang buhat-buhat si Lilac. Sa isang iglap lang, nasa labas na siya ng mansiyon kung saan naghihintay si Hyacinth. Wala na ang mga Bloodsucker na naramdaman niya kanina. “Hyacinth, bantayan mo si Lilac,” utos niya sa tauhan, saka niya maingat na binaba si Lilac.

“Yes, Captain,” magalang na sagot ni Hyacinth. “Sine-secure na nina Onyx at Saffron ang paligid ng mansiyon. Wala nang mga Bloodsucker sa paligid. Paparating na rin si Lord Nicholas.”

Tumango lang si Tyrus sa report na narinig niya, saka niya binalingan si Lilac na nakatingala sa kanya, puno ng pag-aalala ang mukha. He couldn’t stop himself from cupping her face to assure her that everything would be okay soon. “Stay here, Lilac. I’ll be back, I swear.”

“I’ll wait for you,” determinadong sagot naman ni Lilac, saka nito hinawakan ang mga kamay niya. “Pero kapag hindi ka ba nakabalik in fifteen minutes, susunod na ko sa loob. Seryoso ako, Tyrus.”

So, he only had fifteen minutes to kill the enemy, huh?

Napangiti si Tyrus, saka niya hinalikan sa noo si Lilac. “Fifteen minutes. Got it, babe.”

Bago pa siya mahirapang umalis sa tabi ni Lilac, pinuwersa na niya ang sariling bumitiw sa babae at talikuran ito. Saka siya tumakbo pabalik sa mansiyon para si Denim naman ang ilabas. Pero wala na siyang naabutan pagbalik niya sa grandstaircase.

Denim was gone where he left her just a minute ago.

“Damn,” bulong ni Tyrus sa sarili, saka niya tinampal ang sariling noo. “Ethan will kill me!”

Hahanapin sana niya si Denim, pero natigilan siya nang marinig ang malakas na pagtawa ni Magnus gamit ang sarili nitong boses. Umangil siya sa galit nang maalalang sinuntok ng baliw na bampirang `yon si Lilac. Sinundan niya ang pinanggalingan ng ingay para matunton niya ang kalaban.

Nakarating siya sa malawak na rooftop ng mansiyon kung saan naabutan niyang nakahandusay na sa sahig ang duguan at wala nang malay na si Finn. At ang nakatapak sa katawan ng traidor na Bloodkeeper ay si Magnus Cadmus Stratton gamit ang tunay nitong katawan.

“Ah, ang isa sa kambal ng mabuti kong kaibigang si Rafael Israeli Rousell,” nakangising bati sa kanya ni Magnus na titig na titig sa kanya gamit ang pula nitong mga mata, nakalabas ang mga pangil. “It’s been awhile, Tyrus Hector Rousell. Ang laki mo na, ha? Masaya akong makita kang muli.”

Tumalim ang tingin ni Tyrus kay Magnus. Ramdam niyang mahina na ang purong bampira kumpara sa dati nitong lakas, pero nagawa pa rin ng Nobleblood na panginigin ang mga tuhod niya. Salamat sa maraming taon niyang karanasan sa pakikipaglaban, nagawa niyang sawayin ang sarili at tumayo ng deretso sa harap ng matandang bampira. “Pasensiya ka na, pero hindi ganyan ang nararamdaman ko.” Binuka niya ang sugatan niyang mga palad at inutusan ang dugo niyang maging apoy. Now, both of his hands were burning with bright purple flame. “Magnus Cadmus Stratton, bilang isang Bloodkeeper, tungkulin kong hulihin ang tulad mong traidor ng lahi ng mga bampira.”

Sinipa ni Magnus ang walang malay na katawan ni Finn na humagis sa pinakadulo ng rooftop. Sa kabutihang palad naman ay hindi nahulog ang Bloodkeeper.

Not that he cared, really.

“You’ll fight me?” natatawang tanong ni Magnus habang naglalakad palapit sa kanya. “I don’t want to kill you by mistake, young Bloodkeeper. Kaya kung ibabalik mo na lang sa’kin si Lilac, bubuhayin kita.”

Umangil si Tyrus sa galit. Mas lalong lumaki at nagliyab ang apoy sa mga kamay niya. “Susunugin kita ng buhay bago mo pa man din siya malapitan!”

Huminto si Magnus ilang metro ang layo sa kanya, pagkatapos ay namaywang ito. “Sigurado ka bang `yan ang gusto mong mangyari?”

Nilabas lang ni Tyrus ang mga pangil. Handa na sana siyang sumugod, pero natigilan siya nang makita ang pahabang peklat sa dibdib ni Magnus na kita mula sa nakabukas nitong trench coat. “Tama nga ang hinala ko.” Nag-angat siya ng tingin sa Nobleblood na biglang nawala ang pagiging “mapagbiro” na aura. The full vampire was now dead serious. “Napuruhan nga ni Francis Armulo de Leon ang puso mo mula sa labanan niyo sampung taon na ang lumilipas. Naging napakabagal ng paggaling mo dahil sa kawalan niyo ng kakayahang uminom ng dugo ng tao. Kaya iiwan mo na ang katawang `yan na malapit nang mamatay.”

Ngumiti si Magnus, ngiting nakakakilabot. At sa pag-ihip ng hangin, biglang naglaho ang purong bampira sa kanyang harapan. Nang hindi niya nararamdaman.

Ang sunod na lang na namalayan ni Tyrus, nakabaon na sa sikmura niya ang kamay ng Nobleblood.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.