Chapter BAD ROMANCE CHAPTER 11

SIYEMPRE, masaya si Lilac na makikilala na niya ang pamangkin niya.

Kine-claim na niyang makikita niya si Sterling sa Blue Haven Orphanage kung saan posibleng dinala ni Finn ang sanggol. Kanina pa siya nagdadasal na sana nga, tama ang hinala ni Denim.

Please, let him be there.

“Nandito na tayo sa loob ng village,” marahang sabi sa kanya ni Tyrus na kasalukuyang nagmamaneho. “Malapit na tayo sa pamangkin mo, Lilac.”

Humugot ng malalim na hininga si Lilac, saka pinakawalan ang kabang kanina pa niya nararamdaman. “Sana talaga mahanap na natin siya sa orphanage, Tyrus. Hindi ko nailigtas si Marigold noon. Gusto kong bumawi sa anak niya. Ayokong pati ang baby, maagawa sa’kin ni Magnus.”

“Hindi ako papayag na mangyari `yan,” mariing pangako naman ni Tyrus. “We’ll save him, babe.”

Tumango lang si Lilac. Kumunot ang noo niya nang mapansin na bukas ang malaking gate ng ampunan. “Naramdaman na kaya tayo ni Jett?”

“Sigurado,” sagot ni Tyrus. “Binuksan na niya ang gate para makapasok tayo. Pero hindi ko maramdaman kung nasaan siya. Baka gaya ni Finn, naitatago niya rin ang presensiya na. Don’t worry too much. Hindi naman alam ni Magnus na buhay ang pamangkin mo kaya umasa tayong ligtas siya ngayon.”

Napangiti na lang si Lilac nang makita niyang nasa compound na pala sila ng orphanage. May malaking field do’n na may soccer goal posts sa magkabilang dulo. Meron ding hardin na may flower bed na siguro siyang makukulay kahit hindi niya nakikita. At sa gitna ng dalawang `yon ay may malaking bahay na nakatayo. Country house ang disenyo niyon at may puting bakod pa sa paligid.

Pinarada ni Tyrus ang kotse sa parking space sa tapat ng malaking bahay. Sumilip muna ito sa labas bago ito bumaba ng kotse. Isang kisap-mata lang, nasa gilid na niya ito at pinagbubuksan siya ng pinto.

Bumaba naman agad si Lilac, saka siya tumingin sa paligid. Naningkit ang mga mata niya dahil masyado na palang madilim. Kapag gabi na, nahihirapan siyang makakita dahil lalong dumidilim ang “shade” na nakikita niya. Daig pa niya ang naka-shades kahit wala nang liwanag.

“What’s wrong, babe?” nag-aalalang tanong ni Tyrus.

“Nahihirapan akong makakita kapag ganito kadilim,” pagtatapat ni Lilac. Nang gumuhit ang simpatya sa mga mata ni Tyrus, ngumiti siya para hindi ito masyadong mag-alala. “I’m fine. Kapag dumating na si Jett, baka buksan naman na ang mga ilaw sa paligid.”

Tyrus offered his arm to her. “Let’s look around.”

Nakangiting kumapit si Lilac kay Tyrus, pero natigilan agad siya nang may makita siyang lumipad sa itaas ng ulo nila. Tumingala siya. No’ng una ay wala naman siyang kakaibang napansin. Parang may mga paniki lang na nagliliparan sa ere. Pero unti-unti, lumaki ang sukat ng mga `yon. Kulay kalawang ang nakikita niyang dugo ng mga nilalang. Naaalala niyang gano’n ang dugo ng mga bampirang may barcode sa leeg na umatake sa kanila ni Marigold sa ampunan noon. “Tyrus!” Tinuro niya ang ere. “Bloodsuckers!”

Umangil si Tyrus. At sa isang iglap lang, nagdilim ang kulay ng mga mata nito at lumabas na ang mga pangil. “Huwag kang lalayo sa’kin, Lilac.”

Tumango si Lilac, saka siya nagtago sa likuran ni Tyrus.

“Relax, my friends. Those vampires won’t hurt you.”

Mabilis napalingon sina Lilac at Tyrus sa pinanggalingan ng friendly na boses ng lalaki.

Sumalubong sa kanila ang isang matangkad at maputlang lalaki na nakasuot ng itim na cloak. Base sa kulay ng dugo nito, isa itong Bloodkeeper. Nang tanggalin naman nito ang hood nito, binati sila ng singkit na mga mata, matangos na ilong, at manipis na mga labi. Gaya ni Finn, mukha ring Koreano ang lalaki.

Kung hindi lang siguro masyadong seryoso ang sitwasyon, baka napasigaw na si Lilac ng “oppa,” Korean endearment na ginagamit ng mga babae sa mas nakatatandang lalaki. Mukhang Korean actor ang Bloodkeeper nito at hindi masyadong mapagkakamalang sundalo. “Jett?” panghuhula niya.

Ngumiti ang lalaki. Wow, hindi malayong sumikat agad ito bilang Korean actor kung pupunta ito ngayon sa South Korea at mag-a-apply sa mga acting agency do’n. “Yes, I’m Jett. You must be Lilac Alonzo.” Binalingan nito si Tyrus. “And of course, Captain Tyrus Hector Rousell.”

Umalis na si Lilac sa likod ni Tyrus. Tumayo siya sa tabi ng boyfriend niya para lingunin ito. Nakahinga siya ng maluwag nang makitang kalmado na ito. Bumalik na sa normal ang kulay ng mga mata nito at hindi na rin nakalabas ang mga pangil. “Siya `yong sinasabi ni Denim na friend ni Finn.”

Tumango si Tyrus. Kahit na kalmado ito, halata namang alerto pa rin habang deretso ang tingin kay Jett. “Bakit nakabukas ang gate at nakapatay ang mga ilaw sa paligid?”

Nilingon ni Lilac si Jett na hindi nagbago ang pagiging kalmado rin ng maamo nitong mukha.

“I went hunting with my team,” sagot ni Jett. “Pero hindi pagkain, kundi ang mga Bloodsucker na nakaamoy sa mabangong dugo ng sanggol at sumugod dito. Nakapatay ang mga ilaw para maikubli namin ang mga sarili namin at makapagbantay kami ng maayos. Simula nang nawala si Finn…” Natigilan ito nang banggitin ang pangalan ng kaibigan at biglang naging emosyonal. Pero humugot ito ng malalim na hininga para siguro kalmahin ang sarii. Gayunman, may “crack” na sa boses nito nang nagpatuloy. “Nang nawala siya, natanggal na rin ang proteksyon niya sa dugo ng bata. Kahit ang mga kasamahan kong Bloodsucker, nahihirapang pigilan ang mga sarili kaya kusa na silang lumayo dito sa ampunan pansamantala.”

Okay, kinabahan si Lilac do’n. Buti sana kung Bloodkeeper ang mga bantay sa ampunan, pero hindi. Mga Bloodsucker ang mga ito na madaling mawala sa sarili. “Nasa’n ang pamangkin ko?”

“Hindi gano’n kadali, Lilac Alonzo,” sabi ni Jett sa boses na humihingi ng pasensiya.

Umangil si Tyrus ng mahina, pero may sapat pa ring banta.

Sa isang iglap naman, napapaligiran na sila ng mga bampirang may barcode sa leeg at nakasuot din ng itim na cloak. Pero hindi gaya ng mga Bloodsucker na nakalaban nila noon, kalmado ang mga nakapaligid sa kanila ngayon. Wala rin siyang nararamdamang masamang intensiyon mula sa mga ito.

“Anong ibig sabihin nito, Jett?” sita ni Tyrus dito.

“Hihingin ko ang kalayaan ng grupo ko kapalit ng kalayaan ng sanggol, Captain Tyrus,” mariing sagot naman ni Jett. “Gaya ni Finn, isa akong Bloodkeeper na hindi tumutupad sa tungkuling hulihin ang mga traidor na bampira. Ang mga Bloodsucker na kasama ko, mga tumakas din sila mula sa Eternal Sleep noon. So technically, we’re all outlaws here. As a squad captain, you have the right to seize us. Alam kong kahit magsama-sama pa kami ngayon, hindi ka namin kayang labanan dahil nasa ibang lebel ang kapangyarihan mo. Kaya ito na lang ang naisip kong paraan para iligtas ang mga kasamahan ko.”

Kumunot ang noo ni Tyrus. “Si Finn ba ang nagtatag ng grupong ito? Naaamoy ko ang dugo niya sa inyong lahat.”

Tumango si Jett at ngumiti ng malungkot. “Tama ka, Captain Tyrus. Hindi gaya ng ginawa ni Finn na proteksyon para kay Miss Denim at sa sanggol na pinatago niya sa’kin dito, mas maraming dugo niya ang nasa sistema namin kaya naitatago pa rin namin ang presensiya namin kahit wala na siya. Nagawa niya `yon sa pamamagitan ng Bloodpact, o `yong proseso kung saan ibabahagi ng isang nilalang ang abilidad niya sa iba. He wanted us to get away from Magnus, so he built his own army in secret. Kami ang tumulong sa kanila ni Marigold Hamilton noon at kami naman ang nagbabantay sa sanggol na dinala niya rito. Sana maging sapat na `yong dahilan para hayaan niyo kaming makaalis ng tahimik ngayon.”

Kinagat ni Lilac ang ibabang labi para pigilan ang sariling sumagot. Si Tyrus ang squad captain kaya hindi niya puwedeng pakialamanan ang pagdedesisyon nito sa bagay na `yon. Mas lalong ayaw niyang ipahiya ang lalaki sa harap ng ibang mga bampira, kayan nanahimik na lang siya at nagdasal.

“Tinatanggap ko ang kondisyon mo,” mayamaya ay sagot ni Tyrus sa mariing at siguradong boses. “Sa pagkakataong ito, kalilimutan kong nakilala ko ang grupong ito, kapalit ng bata.”

Nakahinga ng maluwag si Lilac. Hinawakan niya ang kamay ni Tyrus na pinagsalikop ang mga daliri nila. Thank you, babe.

“Pero kapag may ginawa kayong krimen at nagtagpo uli ang mga landas natin, huhulihin ko na kayo,” dagdag ni Tyrus. “Maliwanag ba?”

Ngumiti si Jett at tumango. “Maliwanag, Captain. Huwag kang mag-alala dahil wala namang masamang balak ang grupo namin. Hindi na uli magtatagpo ang mga landas natin.”

Tumango lang si Tyrus. “Ngayon, gusto na naming makita ang sanggol.”

“Walang problema,” sagot ni Jett, saka tumingin sa bahay-ampunan. “Leon, ilabas mo na ang sanggol ngayon din.”

Pakiramdam ni Lilac ay sasabog ang puso niya sa sobrang excitement nang may tatlong matatangkad at malalaking Bloodsucker ang lumabas ng bahay-ampunan. `Yong Leon siguro ang bampirang may hawak sa sanggol na nakabalot sa puting tela. Natutulog ang baby, pero sapat na ang presensiya nito para maiyak siya sa tuwa. Ang kulay ng mga dugo nito ang patunay na anak nga ito ni Marigold. “Sterling…”

Binitawan ni Tyrus ang kamay niya at marahan siyang tinulak dahil siguro napansin nitong nanigas na siya sa kinatatayuan. “Go, babe. Hinihintay ka na ng pamangkin mo.”

Pumatak na ang mga luha ni Lilac, pero nakangiti siyang tumakbo papunta sa bampirang si Leon para salubungin ang pamangkin niya. Sa sanggol lang siya nakatingin habang nakahanda na ang mga braso niya sa pagkarga rito. “Please let me hold my nephew.”

Walang imik na inabot ni Leon ang sanggol sa kanya.

Maingat at dahan-dahan namang kinarga ni Lilac ang pamangkin niya. Nakahawak na siya ng ibang sanggol. Pero iba pa rin sa pakiramdam na mahawakan ngayon ang anak ng pinakamamahal niyang kakambal. Kaya naiyak siya habang nakatingin sa maamong mukha ni Sterling. Sa paningin niya, anghel ito. Mahahabang pilik, matatabang pisngi, maliit na ilong, manipis na mga labi.

The baby was warmer than normal humans, but she didn’t care. Ngayon pa lang, mahal na mahal na niya ang sanggol.

Masaya na sana siya, pero natigilan siya nang mapansin niya ang kulay ng dugo ng tatlong Bloodsucker sa harap niya. Kunot-noong tumingin siya kay Leon na napansin niyang parang lutang ang hitsura. At `yong isa pang kulay ng dugo nito, kakaiba kumpara sa dugo nina Jett.

Nahihirapan siyang tukuyin no’ng una dahil mas marami ang dugo ni Finn sa sistema ng mga ito kaya siguro hindi rin naamoy ni Tyrus. Pero sigurado siya na bukod sa sariling dugo ng mga ito at dugo ni Finn, may iba pang dugo mula sa ibang nilalang ang taglay ng tatlong Bloodsucker.

At pamilyar siya sa dugong `yon.

Napasinghap si Lilac at biglang napaatras. “Tyrus, may dugo sila ni Magnus!”

Halatang nagulat si Leon at ang dalawa pa nitong kasama. Pero nang makabawi mula sa pagkabigla, inangilan siya ng mga ito at sabay-sabay na nilundag.

Niyakap naman ni Lilac si Sterling na mahimbing pa rin ang tulog sa mga bisig niya, saka siya mabilis na tumakbo palayo sa mga Bloodsucker na halatang may balak na masama sa kanila ng pamangkin niya. Nabawasan lang ang takot niya nang makita si Tyrus na lumipad sa itaas niya para marahil salubungin at harangin ang mga bampirang humahabol sa kanya.

“Everyone, protect Lilac Alonzo and the baby!” sigaw naman ni Jett.

Nakahinga ng maluwag si Lilac nang tumayo sa harap niya si Jett at pinaligiran siya ng mga Bloodsucker na alam niyang loyal kay Finn. Wala siyang naramdamang panganib mula sa mga ito kaya huminto siya sa pagtakbo at hinayaan siyang protektahan ng mga bampira.

That was when the baby in her arms cried.

Nataranta siya sa lakas ng iyak ng bata kaya hinele niya ito at marahang tinapik-tapik ang likod gaya ng napapanood niya sa TV noon. Naisip niya na baka nararamdaman ng sanggol ang panganib kaya ito natatakot ngayon. Hindi `yon imposible dahil espesyal ang pamangkin niya.

“Shh, don’t be afraid, Sterling,” masuyong bulong ni Lilac sa sanggol, saka niya ito hinalikan sa noo. “Walang masamang mangyayari sa’yo. Tita Lilac and Tito Tyrus will protect you, okay?”

Much to her surprise, the baby immediately stopped crying. Pagkatapos, nanatiling nakatitig sa mukha niya ang sanggol na para bang kinikilala siya nito. Sa totoo lang, nakakakilabot ang pinapamalas na maturity ng pamangkin niya. Ganito ba talaga ang mga baby Bloodkeeper?

Naputol lang ang pakikipagtitigan niya kay Sterling nang biglang lumiwanag sa paligid. Nang lingunin niya ang pinanggalingan niyon, nakita niya ang malaking apoy na gawa sigurado ng kapangyarihan ni Tyrus. Mukhang sinunog nito ang mga Bloodsucker na nagtangkang umatake sa kanya kanina.

Sa isang iglap naman, nasa harap na niya si Tyrus at nakahawak sa mga balikat niya.

“Are you both okay?” nag-aalalang tanong ni Tyrus, nakatingin sa kanya bago bumaba ang tingin nito sa sanggol na ngayon ay nakangiti na sa kanila.

Tumango si Lilac. “Yes, we’re okay. Ikaw? Nasaktan ka ba?”

“I’m fine,” sagot ni Tyrus. “But we have to get out of here now, Lilac.”

HINDI makatulog si Lilac. Bukod sa nag-aalala siyang baka may mga kalaban na namang dumating, hindi niya rin maalis ang tingin niya kay Sterling na ngayon ay mahimbing na ang tulog sa kama.

Pagkagaling nila ni Tyrus sa ampunan, nagpasya itong tumuloy sila sa isang inn na nadaanan nila. Delikado raw kasi kung sa biyahe sila atakihin ng mga bampira. Kaya dito na sila magpapalipas ng gabi at bukas ng umagang-umaga na lang aalis. Lumabas lang saglit si Tyrus para bumili ng midnight snack at gatas ni Baby Sterling. Hindi na kasi sila nakadaan sa grocery store kanina sa pagmamadaling umalis.

Nadoble ang seguridad na nararamdaman niya dahil bukod sa iisang kuwarto lang naman ang tutulugan nila ni Tyrus (na hindi naman daw matutulog para magbantay) ay nasa labas din si Jett at ang grupo nito para magbantay din sa kanila at siguraduhing walang masamang Bloodkeeper na nakasunod sa kanila. Ayon kay Jett, nangako ito kay Finn na hindi sila pababayaan kaya daw ito tumutulong ngayon.

Thank you, Finn. Kung nasaan ka man ngayon, sana malaman mong malaki ang pasasalamat ko sa’yo sa pagtulong kay Marigold at pagprotekta sa pamangkin ko. Bless your good soul.

“You are surrounded by good people, baby,” bulong ni Lilac kay Sterling habang nakadapa siya sa tabi nito. “Kahit wala na ang mommy mo, hindi ka namin pababayaan. Mamahalin at poprotektahan kita gaya ng gagawin ni Marigold kung kasama pa natin siya ngayon.”

Napatingin siya sa maliit na panda plushie sa tabi ni Sterling. Binigay `yon sa kanya ni Jett bago silang umalis ng ampunan kanina dahil ang sabi nito, `yon daw ang paboritong laruan ng sanggol. Kinuha niya ang stuffed toy at tinitigan `yong mabuti.

Ito `yong plushie na bibilhin sana ni Tyrus para sa’kin, pero naka-reserve na raw para sa orphanage, ayon sa shop. Come to think of it, si Finn siguro ang bumili ng lahat ng panda stuffed toy para dalhin sa Blue Haven’s Orphanage. Isa siguro `yon sa mga clue na iniwan niya para mahanap namin si Sterling.

Pinisil ni Lilac ang panda plushie dahil na-cute-an siya ro’n. Sa pagkagulat niya, biglang may boses na nagsalita mula sa stuffed toy.

“Hi, Lilac.”

Nanlaki ang mga mata niya sa gulat at bigla siyang napabangon. Boses `yon ni Marigold!

“I just gave birth to my baby boy,” nanghihina pero masayang pagbabalita ni Marigold. “Alam kong mahahanap mo siya at alam ko ring hindi mo pababayaan ang anak ko. I can leave this world in peace because I trust you. Please tell Sterling that his mom is sorry for leaving him so soon. But even if that is the case, I want you to let him know how much I love him. Saan man ako mapunta, sisiguraduhin kong mababantayan ko kayo ng anak ko. Lilac, ikaw na sana ang bahala kay Sterling. I love you both.”

Pumatak ang mga luha ni Lilac. Masaya siyang marinig uli ang boses ni Marigold pero mas masaya siyang marinig ang kapayapaan at saya sa tinig ng kakambal niya. “Huwag kang mag-alala, Marigold. Mamahalin, aalagaan, at poprotektahan ko si Sterling na parang tunay kong anak.” Napahikbi siya. “Mahal na mahal kita, Marigold.”

“Alam ko,” sagot ni Marigold sa voice recorder na para bang totoong narinig ang mga sinabi niya. Pagkatapos, tumawa pa ito. “Alam ko na sa mga sandaling ito, sinabi mong mahal mo ko. Huwag kang ma-guilty na ngayon mo lang nasabi ang mga salitang `yan, Lilac. Kasi buong buhay ko naman, naramdaman ko ang pagmamahal mo.” Saglit itong tumigil. “Mahal na mahal din kita, Lilac. Please live a happy life.”

Tuluyan nang napaiyak si Lilac nang matapos na ang voice message ni Marigold.

Masyado yata siyang emosyonal dahil hindi niya naramdaman ang pagdating ni Tyrus. Namalayan na lang niyang nasa tabi niya ang lalaki at yakap siya nito habang nakasandal siya sa dibdib nito. Kahit wala itong sabihin, ngayon pa lang ay gumaang na ang pakiramdam niya.

So she let him hold her while she cried her heat out.

“Tyrus?” mayamaya ay sabi ni Lilac nang kalmado na siya. “I just made a decision.”

“What decision?”

“Aampunin ko si Sterling.” Nag-angat si Lilac ng tingin kay Tyrus. “Hindi ko naman aagawin kay Marigold ang pagiging ina sa anak niya. Ipapakilala ko naman siya sa pamangkin ko. Pero gusto kong lumaki ang bata na may kinikilalang mommy. Sigurado akong ito rin ang gusto ni Marigold na gawin ko. So about your marriage proposal, I’ll understand if you take it back. Hindi ko kasi alam kung anong stand mo sa pagkakaro’n ng anak. Kung hindi okay sa’yo, maiintindihan ko.”

Tyrus snorted at that. “You’re now my other half, Lilac. Kung ituturing mo ang sanggol bilang tunay mong anak, gano’n din ang gagawin ko. Masaya ako na magkaro’n ng anak, lalo na’t ikaw ang makakasama ko sa pagpapalaki sa kanya.” Tumingin ito pababa sa kanya, saka ito tumingin kay Sterling na mahimbing pa rin ang tulog. “Dalawa na kayong baby ko. Now this is what I call life.”

Napangiti si Lilac dahil sa saya na narinig at naramdaman niya sa boses ni Tyrus. Mukhang ngayon pa lang, tanggap at mahal na ng boyfriend niya ang anak nila. Hindi tuloy niya napigilang yakapin ito sa baywang. “I love you, Daddy Tyrus.”

Nanlaki ang mga mata ni Tyrus nang mapatingin sa kanya, pero napangiti rin ito. “Ang sarap sa pandinig niyan, Mommy Lilac. Mahal din kita. Gano’n din si Baby Sterling.” Binalingan nito ang sanggol na sa pagkagulat at pagkatuwa nila ay biglang ngumiti sa pagtulog nito. “Matalino ang anak natin,” natatawa at halatang masayang bulalas ni Tyrus. “Naiintindihan na niya ang nangyayari sa paligid niya.”

“Ganyan ba talaga ang mga baby Bloodkeeper?”

Lumingon sa kanya si Tyrus at ngumiti. “Oo, Lilac. Normal `yan kaya huwag kang mag-alala. Mas mabilis ang maturity ng mga sanggol na Bloodkeeper kaysa sa mga purong mortal.”

Nakahinga ng maluwag si Lilac. “That’s good to know.”

Ngumiti lang si Tyrus, pagkatapos ay kumunot ang noo nito. Dinukot nito ang phone sa bulsa ng pantalon nito, saka ito nag-excuse sa kanya bago sagutin ang tawag. “Captain Tyrus speaking.”

Mag-iiwas sana si Lilac ng tingin para bigyan ng privacy si Tyrus, pero nabigla siya nang bigla itong napaderetso ng upo. Nang makita pa lang niya ang panlulumo sa mukha nito, kinabahan na siya. Pero hinintay niya munang matapos ang pakikipag-usap nito bago siya nagtanong. “What happened, babe? Sino `yong tumawag sa’yo?”

“It was Irina from Lord Nicholas’ elite squad of old Bloodkeepers,” nanlulumong pagbabalita ni Tyrus sa kanya. “Kanina pa raw niya ko kino-contact pero busy tayo kanina kaya hindi ko napansin ang mga tawag niya. But just now, she notified me that our mansion was attacked a few hours ago.”

“What?” hindi makapaniwalang bulalas naman ni Lilac. “Kumusta ang squad mo?”

“They all suffered from major injuries but they are, thankfully, alive,” relieved na sabi ni Tyrus. “Pero ang problema, pinatawag pala ni Lord Nicholas si Ethan kaya wala siya sa mansiyon ng nangyari ang pag-atake. Hanggang ngayon, wala pa ring alam ang kakambal ko sa nangyari.”

Kumunot ang noo ni Lilac sa pagtataka. “Then that means Eton is safe, right? Eh bakit parang hindi ka pa rin okay, Tyrus?”

Napalunok si Tyrus bago sumagot. “Denim Blue Benitez was abducted.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.