Chapter BH: Amira 14

Magaan ang pakiramdam ni Amira nang matapos ang interview at nakatanggap siya ng pagbati mula sa mga nakinig. Naging positive din ang response ng mga listener na naging interesado sa mga sinasabi niya tungkol sa minahan. At para sa isang katulad niya, mahalaga na makuha ang interes ng mga mamamayan. Mula doon ay matututong magsaliksik at magtanong ang mga ito.

Matapos ang interview ay nagyaya si Estephanie sa Salt and Pepper Diner para magmiryenda. Kanina pa daw kasi nito gustong kumain ng lemon pie. Habang nararamdaman niya ang malamig na ihip ng hangin na tumatama sa mukha niya habang naglalakad sa bayan at pinagmamasdan niya kung gaano kaganda ang pagbaba ng ulap sa ibabaw ng pine trees, alam niyang tama ang desisyon niya na pumunta doon. Alam niyang tama na walang pag-aalinlangan niyang labanan ang mga Banal para sa kagandahang nakikita niya. Sa lugar na ito siya ipinanganak. At parang may kung anong tumatawag sa kanya sa lugar na iyon. Hindi niya alam kung ano.

“O-Okay ka lang ba?” tanong ni Estephanie kay Amira habang kumakain sila ng lemon pie sa verandah ng restaurant at pinagmamasdan ang mga dumadaang turista sa labas.

“Oo naman. Okay na okay ako.”

“Baka kasi mamaya mabigat sa loob mo ang ginawa mo dahil… alam mo na… kapamilya mo pa rin ang mga Banal.”

Ngumiti siya sa kaibigan. “Mukha bang mabigat ang loob ko? I actually feel great. Ito naman ang ipinunta ko dito. Ito ang trabaho ko. At tiyak na ikatutuwa ni Nanay kapag nalaman niyang maganda ang development dito.”

Kanina ay tumawag pa si Himaya sa kanya bago siya magpa-interview sa radio program. Natatakot ito na baka may makasalubong siyang Banal o nalaman ni Don Alfonso na naroon ang presensiya niya. Nangangamba ito na baka umurong siya sa interview at lumambot ang puso niya sa pamilya ng ama.

Kaya pinagbutihan niya ang interview niya. Gusto niyang patunayan din sa nanay niya na di siya magiging malambot pagdating sa mga Banal. O para na rin siguro pagtakpan ang guilt niya dahil nagsinungaling siya dito. Hindi niya sinabi dito na nakilala na niya ang lolo niya, ang pitong mga kapatid na babae at pati na rin ang madrasta niya. Umaasa siyang nakabawi na siya sa pagkakataong ito.

Nakagat ni Estephanie ang pang-ibabang labi. “Kinakabahan kasi ako. Baka mamaya magalit sa iyo ang pamilya mo.”

Kinunutan niya ng noo ang kaibigan. “Ikaw pa ang kinabahan para sa akin. Ako pa ba ang kakabahan samantalang wala naman akong kasalanan? Nakipag-usap na ako kay Don Alfonso. Kaya nagsasalita ako ngayon dahil mukhang hindi niya ako sineseryoso. Kung pumayag sana siya sa gusto ko, di kami aabot sa ganito. Ni hindi nga niya nilimi ang mga paliwanag ko.”

Iniisip siguro ng lolo niya na isa lang siyang uhuging environmentalist. Na mas marami itong alam sa mundo kaysa sa kanya. Kayang-kaya na nitong manipulahin ang kalikasan. Bakit nga ba nito poproblemahin ang mga masasamang dulot ng minahan kung bilyon-bilyon naman ang kikitain nito? Napakadali lamang na kalimutan ang lahat ng masasamang bagay sa mundo kung nakahiga ka sa salapi.

“Okay ka lang talaga?” paniniyak ni Estephanie.

Nag-thumbs up si Amira. Ayaw niyang maulit pa ang nangyari sa tribo ng Lambayan kung saan napaikot ang mga inosenteng katutubo, nakamkam ang lupain ng mga ito at may mga nagbuwis ng buhay. Minsan nang gumamit ng dahas ang mga Banal. Alam niyang posibleng maulit pa iyon.

“Masarap ba ang lemon pie?” tanong ng kaibigan niya sa kanya.

“Hmmm… masarap naman. May hinahanap lang akong kakaibang lasa. ‘Yung may kakaibang kiliti.” Ibang-iba sa cake na gawa ni Francois. O kahit sa luto nito.

“Anong kakaibang lasa at kiliti pa ang sinasabi mo diyan? Sa lalaki lang may ganoon,” pangangantiyaw nito at humalakhak.

Pinanlakihan niya ng mata ang kaibigan. “Hoy! Anong lalaki ang sinasabi mo diyan?”

“Ganyan din kasi ang sinasabi ko kapag nilalambing ako ni Buboy,” tukoy nito sa boyfriend na mix-martial arts fighter. “Tapos siyempre iba rin ang lasa niya kapag hinahalikan niya ako.”

Naramdaman niya ang pag-iinit ng pisngi niya. “Estephanie!”

Humagikgik ang kaibigan. “Ikaw talaga. Hindi naman na tayo bata. Hay naku! Kapag natikman mo ang ganoong klaseng kiss, ewan ko lang kung magpa-virgin effect ka pa. Nakakakilig kaya.”

Bigla niyang naalala kung paano niyang hinalikan si Francois kagabi. He tasted manly and sweet at the same time. Parang kalasa ng cake nito. Bigla niyang iniwas ang tingin sa lemon pie. Mukhang mahihirapan na niyang tikman o tingnan ang cake sa parehong paraan. Hahanap-hanapin niya ang lasa ng cake ni Francois. At ang halik nito…

“Ewan ko sa iyo,” nasabi na lang niya sa kaibigan.

Pinilit na lang niyang kainin ang maasim na lemon pie para lang mabura ang “lasa” ni Francois sa taste buds niya. Mabuti na lang talaga at nakalayo na siya sa mansion ng mga Banal at sa lalaki. That kiss was an anomaly. Di niya alam kung bakit pinatulan niya ang hamon nito. Ngayon ultimo ang inosenteng pagkahilig niya sa cake ay nadadamay. Baka di muna siya kumain ng kahit anong cake o pastry sa mga susunod na araw para walang makapag-paalala sa kanya kay Francois. Isang maliit na sakripisyo pero kakayanin niya para sa kanyang katinuan.

“You still don’t look okay,” anang si Estephanie nang pagmasdan siya.

“Inaantok lang ako.”

“Sige. Bumalik na tayo sa bahay para makapagpahinga ka.”

Sana nga ay makatulog siya sa pagkakataong ito nang walang iniisip na emotional baggage hinggil sa mga Banal. Ngayong nagsimula na ang mas matinding kampanya laban sa minahan ng Sagada, kailangan niya ang lahat ng katatagang maiipon niya. Hindi kailangan ng emo-emosyon sa pagharap niya sa mga Banal lalo na ngayong kilala na rin niya ang mga kapatid niya.

Saglit na namili ng mga gulay sa palengke si Estephanie at sinamahan niya ito. Naglalakad sila pauwi sa bahay ng mga Saggad nang may bumusinang sasakyan sa likuran nila. Tumabi siya para bigyang-daan ang sasakyan marinig niya ang impit na tili ni Estephanie. “Eeeee! Si Chef Aklay!”

“Sino?” tanong niya at lumingon.

Saka niya nakita ang pamilyar na Land Rover na pag-aari ng binata. Si Francois! Nahigit niya ang hininga at biglang umiwas ng tingin. Naramdaman niya na biglang nag-triple sommersault ang puso niya.

Kunyari wala akong nakita. Kunyari wala akong nakita.

Mas mabuting magpanggap na lang siya na di sila magkakilala. Di naman alam ni Estephanie na ito ang sumundo sa kanya kahapon. Sana ay di rin siya pansinin ng binata. O kaya ay magkunwaring di siya nakita.

Tumigil ang sasakyan sa tapat nila. “Hi, Chef Aklay!” kinikilig na bati ni Estephanie dito.

Nang lumingon siya sa kaibigan ay nakita niyang namimilipit ito sa kilig. Kinipit pa nito ang kulot na buhok sa likod ng tainga saka kimi na kumaway sa kay Francois. Hindi siya makapaniwala na nagpapa-cute ang kaibigan niya sa ibang lalaki. Di man lang nasindak sa boyfriend nitong mixed-martial artist. Nang makita niya ang dambulahang nobyo ni Estephanie na namumutok ang muscles, alam niyang malalasog ang buto ng sinumang makakasagupa nito. Natakot siya bigla para kay Francois.

Siniko niya si Estephanie. “Uy! Umayos ka nga diyan. May boyfriend ka na.”

“Huwag kang magulo. Chance ko na ito. Matagal ko nang crush iyan.” Biglang naging ipit ang boses ni Estephanie. “Chef, pwede ba kaming makisabay ng friend ko? Siya nga pala si Amira. Mag-hello ka naman, Amira.”

Lumingon siya at binigyan ng isang maasim na ngiti si Francois. “Hi!”

“Sumakay na kayo,” anang si Francois sa seryosong boses. Di niya alam kung bakit ganoon kabigat ang tono nito. She was used to his lighter and playful tone. Siguro ay nalaman nito ang tungkol sa pagpapa-interview niya sa radio program ng kapatid ni Estephanie kaya ganoon ang tono nito. Baka ayaw din nitong makita siya. After all, kampi ito sa mga Banal.

“Hindi na lang,” sabi niya. “Pasensiya na sa kaibigan ko. Di na kami mang-aabala. Okay naman sa amin ang maglakad. Malapit lang naman.”

Hinawakan ni Estephanie ang braso niya. “Ano ka ba? Sabi niya sumakay na tayo. Halika na.”

Pilit niyang hinila ang sarili. “Ayoko nga. Ikaw na lang kung gusto mo.”

“Amira, sumakay ka na. Kailangan mong sumama sa akin,” anang si Francois. “Kailangan ka ng lolo mo.”

Tumaas ang kilay niya. “Ano na naman? Kikidnapin mo na naman ako?” aniya sa may katarayang ng tono. “Saka umalis na ako ng mansion. Sinabi ko na kay Don Alfonso na wala akong planong maging isang Banal. So hayaan mo na ako.”

At saka siya naglakad palayo. Bahala si Estephanie kung gusto nitong magpahatid kay Francois. Basta hindi siya sasama dito. Hindi na siya babalik sa mansion. Hindi na siya didikit pa kay Francois.

“Amira, sumakay ka na. Inatake sa puso ang lolo mo. Nasa ospital siya ngayon ay malubha ang kalagayan niya.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.